Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ibig sabihin ng sambahin si Jehova “sa espiritu”?
Nang nagpapatotoo sa isang babaing taga-Samaria na dumating upang umigib ng tubig sa bukal ni Jacob malapit sa lunsod ng Sicar, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ang tunay na pagsamba ay dapat isagawa ‘sa katotohanan’ sa diwang ito ay dapat na kasuwato ng isinisiwalat ng Diyos na Jehova sa Bibliya tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga layunin. Ang ating paglilingkod sa Diyos ay dapat ding isagawa taglay ang espiritu sa diwa ng pagiging masigasig at nauudyukan ng isang pusong puspos ng pag-ibig at pananampalataya. (Tito 2:14) Gayunman, ipinakikita ng konteksto na ang pananalita ni Jesus tungkol sa ‘pagsamba sa Diyos sa espiritu’ ay tumutukoy nang higit pa sa mental na disposisyon na taglay natin sa paglilingkod kay Jehova.
Ang pakikipag-usap ni Jesus sa babae sa balon ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng kataimtiman o sa kawalan nito sa pagsamba. Kahit ang huwad na pagsamba ay maaaring isagawa taglay ang sigasig at debosyon. Bagkus, pagkatapos banggitin na ang Ama ay sasambahin hindi sa isang bundok sa Samaria ni sa templo sa Jerusalem—kapuwa pisikal na mga lugar—binanggit ni Jesus ang isang bagong paraan ng pagsamba na batay sa tunay na kalikasan ng Diyos. (Juan 4:21) Sinabi niya: “Ang Diyos ay isang espirituwal na Persona.” (Juan 4:24, Charles B. Williams) Ang tunay na Diyos ay hindi materyal at hindi nakikita o nahihipo. Ang pagsamba sa kaniya ay hindi umiikot sa isang pisikal na templo o sa isang bundok. Kaya, tinukoy ni Jesus ang isang aspekto ng pagsamba na higit pa sa mga bagay na nakikita.
Bukod pa sa pagsasagawa nito taglay ang katotohanan, ang kaayaayang pagsamba ay kailangan ding pinapatnubayan ng banal na espiritu—ang di-nakikitang aktibong puwersa ng Diyos. “Sinasaliksik ng [banal na] espiritu ang lahat ng bagay,” ang isinulat ni apostol Pablo, “maging ang malalalim na bagay ng Diyos.” Idinagdag pa niya: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.” (1 Corinto 2:8-12) Upang maging kaayaaya ang pagsamba sa Diyos, dapat tayong magtaglay ng kaniyang espiritu at magpaakay rito. Isa pa, mahalaga na ang ating espiritu, o mental na disposisyon, ay kasuwato ng kaniyang espiritu sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkakapit ng kaniyang Salita.
[Larawan sa pahina 28]
Sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan”