Mga Hiyas Buhat sa Ebanghelyo ni Juan
ANG espiritu ni Jehova ang kumasi sa matanda nang apostol na si Juan upang sumulat ng isang nakapupukaw na paglalahad ng buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo. Ang Ebanghelyong ito ay isinulat sa Efeso o malapit dito noong mga 98 C.E. Subalit ano ba ang kaurian ng paglalahad na iyan? At ano ang ilan sa mga hiyas na taglay nito?
Ang Kalakhang Bahagi’y Suplemento
Si Juan ay pihikan, kaniyang inuulit nang kaunti ang isinulat nina Mateo, Marcos, at Lucas. Ang totoo pa nga, ang kaniyang ulat na siya mismo ang nakasaksi ay suplemento ang kalakhang bahagi sapagkat mahigit na 90 porsiyento nito ang tungkol sa mga bagay na hindi binanggit sa mga ibang ebanghelyo. Halimbawa, siya lamang ang bumabanggit sa atin ng tungkol sa pag-iral ni Jesus bago siya naging tao at na “ang Salita ay naging laman.” (1:1-14) Samantalang sinasabi ng mga ibang manunulat ng Ebanghelyo na nilinis ni Jesus ang templo noong matatapos na ang kaniyang ministeryo, sinasabi naman ni Juan na nilinis iyon ni Kristo sa pasimula pa lamang nito. (2:13-17) Tanging ang matanda nang apostol ang naglalahad sa atin ng tungkol sa mga ilang himala na isinagawa ni Jesus, tulad halimbawa nang ang tubig ay gawin niyang alak, ang pagbuhay sa namatay na si Lasaro, at ang kahima-himalang panghuhuli ng isda pagkatapos na Siya’y buhaying-muli.—2:1-11; 11:38-44; 21:4-14.
Lahat ng mga manunulat ng Ebanghelyo ay naglalahad kung papaano itinatag ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, ngunit si Juan lamang ang nagpapakita na binigyan ni Kristo ang mga apostol ng isang aral sa pagpapakumbaba sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga paa nang gabing iyon. At, si Juan lamang ang nag-uulat ng pusu-sa-pusong mga pahayag ni Jesus at ng panalangin na inihandog niya alang-alang sa kanila nang panahong iyon.—13:1–17:26.
Sa Ebanghelyong ito, ang pangalang Juan ay tumutukoy sa Tagapagbautismo, anupa’t tinatawag ng manunulat ang kaniyang sarili na ‘ang alagad na minamahal ni Jesus.’ (13:23) Tiyak nga naman na minamahal ng apostol si Jesus, at ang ating sariling pag-ibig kay Kristo ay napayayabong nang siya’y tukuyin ni Juan bilang ang Salita, ang tinapay ng buhay, ang ilaw ng sanlibutan, ang Mabuting Pastol, ang daan, ang katotohanan at ang buhay. (1:1-3, 14; 6:35; 8:12; 10:11; 14:6) Ito’y nagsisilbi sa ipinahayag na layunin ni Juan: “Ang mga [bagay na] ito ay nangasulat upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, at na, dahilan sa pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”—20:31.
Pagpapakumbaba at Kagalakan
Sa Ebanghelyo ni Juan ay ipinakikilala si Jesus bilang ang Salita at nagtatakip-kasalanang Kordero at bumabanggit ng mga himalang nagpapatunay na Siya “ang Banal na Isa ng Diyos.” (1:1–9:41) Bukod sa iba pang mga bagay, pinatitingkad ng ulat ang pagpapakumbaba at kagalakan ni Juan Bautista. Siya ang tagapaghanda ng daan ni Kristo ngunit sinabi niya: “Hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng [kaniyang] panyapak.” (1:27) Ang mga panyapak ay may mga panali na katad, o liston. Ang isang alipin ay nagkakalag ng mga panali ng mga panyapak ng iba at maaaring dala-dala niya iyon para sa taong ito, sapagkat ito ay isang gawain na mababang uri. Si Juan Bautista ay ganoon nagpakita ng pagpapakumbaba at pagkakilala sa kaniyang kawalang-kabuluhan kung ihahambing sa kaniyang Panginoon. Isang mainam na aral, sapagkat tanging ang mga taong mapagpakumbaba ang nababagay na maglingkod kay Jehova at sa kaniyang Haring Mesiyaniko!—Awit 138:6; Kawikaan 21:4.
Sa halip na may pagmamataas na magdamdam kay Jesus, si Juan Bautista ay nagsabi: “Ang kaibigan ng kasintahang lalaki, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang lalaki. Kaya ito ngang aking kaligayahan ay naging ganap.” (3:29) Bilang kinatawan ng kasintahang lalaki, ang kaibigan ng kasintahang lalaki ang nakikipag-ayos para sa kasal, kung minsa’y isinasaayos ang tipanan at ang pagdadala ng mga regalo sa kasintahang babae at ang dote sa kaniyang ama. Ang kinatawang ito ay may dahilan na magalak pagka natapos na ang kaniyang tungkulin. Sa katulad na paraan, si Juan ay nagalak sa paglalapit kay Jesus ng mga unang miyembro na bubuo ng Kaniyang kasintahan. (Apocalipsis 21:2, 9) Yamang ang paglilingkod ng kaibigan ng kasintahang lalaki ay tumatagal ng kaunting panahon lamang, ganoon din ang gawain ni Juan ay natapos di-nagtagal. Ang kaniyang mga tagasunod ay patuloy na kumaunti, samantalang ang kay Jesus ay patuloy na dumami naman.—Juan 3:30.
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa mga Tao
Sa isang balon malapit sa siyudad ng Sychar, sinabi ni Jesus sa isang Samaritana ang tungkol sa makasagisag na tubig na nagbibigay ng buhay na walang-hanggan. Nang dumating ang kaniyang mga alagad, “sila’y nangagtaka dahil sa siya’y nakikipag-usap sa isang babae.” (4:27) Bakit sila gumawi nang gayon? Bueno, mababa ang tingin ng mga Judio sa mga Samaritano at hindi nakikitungo sa kanila. (4:9; 8:48) Hindi rin naman pangkaraniwan na ang isang gurong Judio ay makipag-usap sa isang babae sa publiko. Subalit ang mahabaging kalooban ni Jesus ng pakikitungo sa mga tao ang nag-udyok sa kaniya na magpatotoo, at dahilan dito, ang mga taong naninirahan sa siyudad ay “nagsimulang maglapitan sa kaniya.”—4:28-30.
Ang pagmamalasakit sa mga tao ang nag-udyok kay Jesus na sabihin: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumarito siya sa akin at uminom.” (7:37) Maliwanag, sa ganoo’y nagpapahiwatig siya ng tungkol sa isang kaugalian na idinagdag sa walong-araw na Kapistahan ng mga Kubol. Tuwing umaga sa loob ng pitong araw, isang saserdote ang umiigib ng tubig sa balon ng Siloam at ibinubuhos iyon sa dambana ng templo. Bukod sa iba pang mga bagay, ito’y sinasabing sumasagisag sa pagbubuhos ng espiritu. Pasimula sa Pentecostes 33 C.E., ang espiritu ng Diyos ay nag-udyok sa mga tagasunod ni Jesus na magdala sa mga tao sa buong lupa ng nagbibigay-buhay na tubig. Ang sinuman ay maaaring tumanggap ng buhay na walang-hanggan tangi lamang buhat kay Jehova, “ang bukal ng tubig ng buhay,” sa pamamagitan ni Kristo.—Jeremias 2:13; Isaias 12:3; Juan 17:3.
May Pagtingin ang Mabuting Pastol!
Ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga tao ay makikita sa kaniyang papel na ginagampanan bilang ang Mabuting Pastol na may pagtingin sa kaniyang tulad-tupang mga tagasunod. Habang palapit ang kaniyang kamatayan, ang kaniyang mga alagad ay binigyan ni Jesus ng kaniyang mapagmahal na payo at siya’y nanalangin alang-alang sa kanila. (10:1–17:26) Di-tulad ng isang magnanakaw o isang tulisan, siya’y pumapasok sa kulungan ng mga tupa sa pamamagitan ng pinto. (10:1-5) Ang kulungan ng mga tupa ay isang lugar na may bakod na pinagdadalhan sa mga tupa para mamalagi roon nang magdamag upang mailigtas sa mga magnanakaw at mga hayop na gumagala. Iyon ay may mga pader na bato, marahil ay may matitinik na sanga ng kahoy na pinaka-bubong, at isang daan na pinapasukan at binabantayan ng isang bantay-pinto.
Ang mga kawan ng maraming pastol ay baka pinagsasama-sama sa iisang kulungan, ngunit ang mga tupa’y tumutugon tangi lamang sa tinig ng kani-kanilang pastol. Sa kaniyang aklat na Manners and Customs of Bible Lands, si Fred H. Wight ay nagsasabi: “Kung sakaling kinakailangan na paghiwa-hiwalayin ang maraming kawan ng mga tupa, sunud-sunod na mga pastol ang tatayo at hihiyaw: ‘Tahhoo! Tahhoo!’ o hihiyaw sa nahahawig na tawag na ito na siya mismo ang pumili. Ang mga tupa’y nagtataas ng kanilang mga ulo at pagkatapos na sila’y magkagulo, nagsisimulang sumunod bawat isa sa kaniyang sariling pastol. Kilalang-kilala nila ang tono ng boses ng kanilang sariling pastol. Ang ganoon ding pagtawag ang kadalasan ginagawa ng mga hindi nila pastol, ngunit ang kanilang pagtatangka na pasundin sa kanila ang mga tupa ay laging nabibigo.” Kapuna-puna, sinabi ni Jesus: “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at sila’y nakikilala ko, at sila’y sumusunod sa akin. At binibigyan ko sila ng buhay na walang-hanggan.” (10:27, 28) Kapuwa ang “munting kawan” at ang “mga ibang tupa” ay tumutugon sa tinig ni Jesus, sumusunod sa kaniyang pangunguna, at nagtatamasa ng kaniyang malumanay na pangangalaga.—Lucas 12:32; Juan 10:16.
Ang Tapat-Magpakailanman na Anak ng Diyos
Si Kristo ay tapat magpakailanman sa Diyos at isang uliran bilang mapagmahal na pastol sa buong buhay niya sa lupa. Ang kaniyang pagkamahabagin ay nakita rin sa kaniyang mga pagpapakita matapos na siya’y buhaying-muli. Ang kaniyang maawaing pagtingin sa iba ang nag-udyok kay Jesus upang hilingin kay Pedro na pakanin ang Kaniyang mga tupa.—18:1–21:25.
Nang siya’y ibayubay sa kamatayan, ipinakita sa atin ni Jesus ang pangunahing halimbawa ng katapatan hanggang kamatayan. Ang isang sukdulang-kahihiyan na dinanas niya bilang katuparan ng hula ay nang ‘ang kaniyang mga kasuotan ay paghati-hatian’ ng mga kawal. (Awit 22:18) Sila’y nagpalabunutan upang matiyak kung kanino mapapapunta ang kaniyang mamahaling kasuotang panloob (Griego, khi·tonʹ), na hinabi na walang anumang tahi. (19:23, 24) Ang gayong tunika ay marahil hinabing lana o linen na isang piraso lamang at maaaring puti o sarisaring kulay. Kalimitan ito’y walang manggas, isinusuot na unang-una at abot-tuhod o dili kaya hanggang bukung-bukong. Mangyari pa, si Jesus ay hindi materyalistiko, ngunit siya’y nagsuot ng gayong mahusay na kasuotan, ang kaniyang tunikang walang anumang tahi.
Minsan sa isa sa kaniyang pagpapakita pagkatapos buhaying-muli, ang kaniyang mga alagad ay binati niya ng mga salitang: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” (20:19) Sa mga Judio, ito ay isang karaniwang pagbati. (Mateo 10:12, 13) Para sa marami, ang paggamit ng ganiyang mga salita ay marahil walang gaanong kahulugan. Subalit para kay Jesus ay hindi gayon, sapagkat una pa rito ay sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.” (Juan 14:27) Ang kapayapaan na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay salig sa kanilang pananampalataya sa kaniya bilang Anak ng Diyos at nagsilbing pampakalma sa kanilang mga puso at isip.
Sa katulad na paraan, ating matatamasa “ang kapayapaan ng Diyos.” Harinawang ating pakamahalin ang walang-katulad na kapayapaang ito na bunga ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang sinisintang Anak.—Filipos 4:6, 7.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.