ARALING ARTIKULO 10
Bakit Dapat Kang Magpabautismo?
“Magpabautismo ang bawat isa sa inyo.”—GAWA 2:38.
AWIT 34 Lumalakad Nang Tapat
NILALAMANa
1-2. Ano ang madalas na nangyayari kapag may binabautismuhan, at ano ang dapat mong pag-isipan?
NAKAKITA ka na ba ng isang grupo ng mga kandidato sa bautismo? Malamang na narinig mo ang malakas na sagot nila sa dalawang tanong bago sila bautismuhan. Nakita mo rin na masayang-masaya ang mga kapamilya at kaibigan nila. Pagkaahon nila sa tubig, kitang-kita mo ang saya sa mukha nila at dinig na dinig mo ang palakpakan ng mga nanonood. Kada linggo, libo-libo ang nagpapabautismo bilang mga nakaalay na Saksi ni Jehova.
2 Ikaw, iniisip mo na bang magpabautismo? Kung oo, napakaespesyal mo kasi isa ka sa mga “humahanap kay Jehova” kahit nabubuhay ka sa masamang mundong ito. (Awit 14:1, 2) Para sa iyo ang artikulong ito, bata ka man o matanda. Pero para sa atin na mga bautisado na, gusto nating patuloy na paglingkuran si Jehova magpakailanman. Kaya talakayin natin ang tatlo sa maraming dahilan kung bakit gusto nating gawin iyan.
INIIBIG MO ANG KATOTOHANAN AT KATUWIRAN
3. Bakit iniibig ng mga lingkod ni Jehova ang katotohanan at katuwiran? (Awit 119:128, 163)
3 Iniutos ni Jehova sa bayan niya na ‘ibigin ang katotohanan.’ (Zac. 8:19) Sinabi rin ni Jesus sa mga tagasunod niya na itaguyod ang katuwiran. (Mat. 5:6) Ibig sabihin, dapat na gustong-gusto ng isa na gawin ang tama, mabuti, at malinis sa paningin ng Diyos. Mahal mo ba ang katotohanan at katuwiran? Sigurado kaming mahal mo ang mga katangiang iyan. Napopoot ka sa kasinungalingan at sa lahat ng masasamang bagay. (Basahin ang Awit 119:128, 163.) Tinutularan ng mga nagsisinungaling si Satanas, ang tagapamahala ng mundong ito. (Juan 8:44; 12:31) Gusto ni Satanas na masira ang banal na pangalan ng Diyos na Jehova. Mula pa noong rebelyon sa Eden, nagkakalat na ng kasinungalingan si Satanas tungkol sa Diyos natin. Pinapalabas niyang makasarili at di-tapat na Tagapamahala si Jehova at na nagkakait Siya ng mabuti sa mga tao. (Gen. 3:1, 4, 5) Dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas, marami ang nagkakaroon ng maling pananaw tungkol kay Jehova. Kapag hindi iniibig ng mga tao ang katotohanan, puwede silang maimpluwensiyahan ni Satanas na gawin ang lahat ng di-matuwid at masasamang bagay.—Roma 1:25-31.
4. Paano pinatunayan ni Jehova na siya ang “Diyos ng katotohanan”? (Tingnan din ang larawan.)
4 Si Jehova ang “Diyos ng katotohanan,” at itinuturo niya ang katotohanan sa mga nagmamahal sa kaniya. (Awit 31:5) Nakakatulong ito para hindi sila mabiktima ng mga kasinungalingan ni Satanas. Tinuturuan din ni Jehova ang mga lingkod niya na maging tapat at matuwid. Kaya nagkakaroon sila ng kapanatagan at paggalang sa sarili. (Kaw. 13:5, 6) Hindi ba ganiyan ang naranasan mo nang mag-aral ka ng Bibliya? Nalaman mong ang paraan ni Jehova ang pinakamabuti para sa lahat ng tao at para sa iyo mismo. (Awit 77:13) Kaya gusto mong gawin ang tama sa paningin ng Diyos. (Mat. 6:33) Gusto mong ipagtanggol ang katotohanan at patunayang mali ang paratang tungkol sa ating Diyos na si Jehova. Paano mo magagawa iyan?
5. Paano mo maipapakitang naninindigan ka sa katotohanan at katuwiran?
5 Manalangin ka kay Jehova at ialay ang sarili mo sa kaniya. Pagkatapos, magpabautismo ka para maipaalam ito sa iba. Kapag ginawa mo iyan, parang sinasabi mo: “Kasinungalingan ang mga sinasabi ni Satanas; gusto kong ipagtanggol ang katotohanan. Si Jehova ang pinipili kong Tagapamahala, at gusto kong gawin ang tama sa paningin niya.” Ang pag-ibig mo sa katotohanan at katuwiran ang magpapakilos sa iyo na magpabautismo.
INIIBIG MO SI JESU-KRISTO
6. Sa Awit 45:4, ano ang mga dahilan para mahalin mo si Jesu-Kristo?
6 Bakit mahal mo si Jesu-Kristo? Tingnan ang magagandang dahilan sa Awit 45:4. (Basahin.) Mahal ni Jesus ang katotohanan, kapakumbabaan, at katuwiran. Kung mahal mo ang katotohanan at katuwiran, siguradong mahal mo rin si Jesu-Kristo. Lakas-loob niyang ipinagtanggol ang tama at matuwid. (Juan 18:37) Paano naman itinaguyod ni Jesus ang kapakumbabaan?
7. Ano ang epekto sa iyo ng kapakumbabaan ni Jesus?
7 Nagpakita mismo si Jesus ng kapakumbabaan. Halimbawa, ibinibigay niya ang lahat ng papuri sa kaniyang Ama, hindi sa sarili niya. (Mar. 10:17, 18; Juan 5:19) Ano ang epekto sa iyo ng kapakumbabaan ni Jesus? Siguradong napakilos ka nito na mahalin ang Anak ng Diyos at sundan siya. Bakit mapagpakumbaba si Jesus? Kasi mahal niya at tinutularan ang kaniyang Ama, na mapagpakumbaba rin. (Awit 18:35; Heb. 1:3) Hindi ba napapamahal ka kay Jesus dahil dito?
8. Bakit mahal natin si Jesus bilang Hari natin?
8 Mahal natin si Jesus bilang Hari dahil siya ang pinakamahusay na Tagapamahala. Si Jehova mismo ang nagsanay sa Anak niya at nag-atas sa kaniya na mamahala. (Isa. 50:4, 5) Pag-isipan din ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Jesus. (Juan 13:1) Dahil si Jesus ang iyong Hari, dapat lang na mahalin mo siya. Sinabi niya sa mga totoong nagmamahal sa kaniya—na tinatawag niyang mga kaibigan—na maipapakita nilang mahal nila siya kung susundin nila ang mga utos niya. (Juan 14:15; 15:14, 15) Isa ngang karangalan na maging kaibigan ng Anak ni Jehova!
9. Ano ang pagkakapareho ng bautismo ng mga Kristiyano at ng bautismo ni Kristo?
9 Iniutos ni Jesus sa mga tagasunod niya na magpabautismo. (Mat. 28:19, 20) Siya mismo, ginawa iyan. Pero may ilang pagkakaiba ang bautismo niya sa bautismo ng mga tagasunod niya. (Tingnan ang kahong “Ang Pagkakaiba ng Bautismo ni Jesus at ng Bautismo ng mga Tagasunod Niya.”) Pero may mga pagkakapareho rin ito. Nang bautismuhan si Jesus, iniharap niya ang sarili niya para gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Heb. 10:7) Ganiyan din ang mga tagasunod ni Kristo. Nagpapabautismo sila sa harap ng marami para ipakita na inialay na nila ang kanilang buhay sa Diyos na Jehova. Pangunahin na sa buhay nila ang kalooban ni Jehova, hindi na ang sarili nila. Tinutularan nila ang halimbawa ng kanilang Panginoon.
10. Bakit ka mapapakilos ng pag-ibig mo kay Jesus na magpabautismo?
10 Tinatanggap mo si Jesus bilang ang kaisa-isang Anak ni Jehova at ang inatasan Niyang Hari para mamahala sa atin. Alam mong mapagpakumbaba si Jesus at perpekto niyang tinutularan ang kaniyang Ama. Natutuhan mo rin na pinakain niya ang mga nagugutom, pinatibay ang mga pinanghihinaan ng loob, at pinagaling pa nga ang mga maysakit. (Mat. 14:14-21) Nakita mo rin kung paano niya pinapangunahan ang kongregasyon ngayon. (Mat. 23:10) At alam mong higit pa ang gagawin niya sa hinaharap bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Paano mo maipapakita na mahal mo siya? Tularan mo ang halimbawa niya. (Juan 14:21) Magagawa mo iyan kung iaalay mo ang sarili mo kay Jehova at magpapabautismo ka.
INIIBIG MO ANG DIYOS NA JEHOVA
11. Ano ang pinakamahalagang dahilan para magpabautismo, at bakit?
11 Ano ang pinakamahalagang dahilan para magpabautismo? Sinabi ni Jesus ang pinakamahalagang utos ng Diyos: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Mar. 12:30) Ganiyan ba ang pag-ibig mo sa Diyos?
12. Bakit mahal mo si Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
12 Napakaraming dahilan para mahalin si Jehova. Halimbawa, siya ang “bukal ng buhay” at sa kaniya nagmula “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat perpektong regalo.” (Awit 36:9; Sant. 1:17) Galing sa ating mapagbigay at mapagmahal na Diyos ang lahat ng mabubuting bagay na nagpapasaya sa atin.
13. Bakit napakagandang regalo ang pantubos?
13 May napakagandang regalo pa na ibinigay sa atin si Jehova—ang pantubos. Bakit natin nasabi iyan? Isipin na lang kung gaano kalapít si Jehova at si Jesus sa isa’t isa. Sinabi ni Jesus: “Mahal ako ng Ama” at “iniibig ko ang Ama.” (Juan 10:17; 14:31) Bilyon-bilyong taon silang magkasama kaya lalo silang napalapit sa isa’t isa. (Kaw. 8:22, 23, 30) Kaya isipin na lang kung gaano kasakit para sa Diyos na pahintulutang magdusa at mamatay ang kaniyang Anak. Mahal na mahal ni Jehova ang mga tao—kasama ka na—kaya inihandog niya ang kaniyang minamahal na Anak para mabuhay tayo magpakailanman. (Juan 3:16; Gal. 2:20) Ito ang pinakamahalagang dahilan para mahalin ang Diyos!
14. Ano ang pinakamagandang tunguhin na puwede mong abutin?
14 Lalo mong minamahal si Jehova habang mas nakikilala mo siya. Siguradong gusto mong mas mapalapit sa kaniya, ngayon at magpakailanman. At posible iyan! Gusto niya na pasayahin mo ang puso niya. (Kaw. 23:15, 16) Magagawa mo iyan hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Makikita sa pamumuhay mo na talagang mahal mo si Jehova. (1 Juan 5:3) Iyan ang pinakamagandang tunguhin na puwede mong abutin.
15. Paano mo maipapakitang mahal mo si Jehova?
15 Paano mo maipapakitang mahal mo si Jehova? Una, manalangin ka para ialay ang buhay mo sa kaniya. (Awit 40:8) Pagkatapos, magpabautismo ka para malaman ng iba na nakaalay ka na sa kaniya. Gaya ng natalakay natin, napakasaya at napakaespesyal na araw ang bautismo mo. Magbabago na ang buhay mo—mamumuhay ka na para kay Jehova at hindi na para sa sarili mo. (Roma 14:8; 1 Ped. 4:1, 2) Mukhang napakaseryosong desisyon niyan, at totoo naman. Pero iyan ang magbibigay sa iyo ng pinakamasayang buhay. Bakit natin nasabi iyan?
16. Gaya ng sinasabi sa Awit 41:12, ano ang ibibigay ni Jehova sa mga nakaalay na lingkod niya?
16 Napakamapagbigay ni Jehova. Anuman ang ibigay mo sa kaniya, laging higit doon ang kaya niyang ibigay sa iyo. (Mar. 10:29, 30) Kahit nabubuhay tayo ngayon sa masamang mundong ito, ibibigay niya sa iyo ang pinakamasaya at pinakamakabuluhang buhay. Pero hindi lang iyan. Ang bautismo mo ay simula pa lang ng buhay mo bilang isang lingkod ni Jehova. Magpapatuloy ito magpakailanman, at lalo ka pang mapapalapit sa iyong minamahal na Ama. Mabubuhay ka hangga’t buhay si Jehova!—Basahin ang Awit 41:12.
17. Ano ang maibibigay mo kay Jehova na wala pa sa kaniya?
17 Kapag nag-alay ka at nagpabautismo, may ibinibigay kang mahalagang bagay sa iyong Ama. Ibinigay niya ang lahat ng mabubuting bagay at magagandang karanasan na nagpapasaya sa iyo. Pero may maibibigay ka rin sa May-ari ng langit at lupa na wala pa sa kaniya—ang iyong kusang-loob at tapat na paglilingkod. (Job 1:8; 41:11; Kaw. 27:11) Kapag ginawa mo iyan, magagamit mo sa pinakamabuting paraan ang buhay mo. At ang pinakamagandang dahilan para magpabautismo ka ay dahil mahal mo si Jehova.
PATATAGALIN MO PA BA?
18. Ano ang mga puwede mong itanong sa sarili?
18 Paano kung may magtanong sa iyo, Magpapabautismo ka ba? Ikaw lang ang makakasagot niyan. Pero tanungin mo rin ang sarili mo, ‘Bakit hindi pa ako nagpapabautismo?’ (Gawa 8:36) Tandaan ang tatlong dahilan na tinalakay natin. Una, mahal mo ang katotohanan at katuwiran. Tanungin ang sarili, ‘Gusto ko bang mabuhay sa panahon na nagsasabi ng katotohanan ang lahat at ginagawa nila ang tama?’ Ikalawa, mahal mo si Jesu-Kristo. Tanungin ang sarili, ‘Gusto ko bang magpasakop sa pagiging Hari ng Anak ng Diyos at sundan ang halimbawa niya?’ Ikatlo, ang pinakamahalaga, mahal mo si Jehova. Tanungin ang sarili, ‘Gusto ko bang paglingkuran si Jehova at mapasaya ang puso niya?’ Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na iyan, bakit hindi ka pa nagpapabautismo? Patatagalin mo pa ba?—Gawa 16:33.
19. Bakit hindi ka dapat mag-alangan na magpabautismo? Magbigay ng ilustrasyon. (Juan 4:34)
19 Kung nag-aalangan kang magpabautismo, pag-isipan ang ilustrasyon ni Jesus. (Basahin ang Juan 4:34.) Ikinumpara ni Jesus sa pagkain ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Bakit? Nakakabuti sa atin ang pagkain. Alam ni Jesus na makakabuti sa atin ang lahat ng ipinapagawa ni Jehova. Hindi mag-uutos si Jehova ng makakasamâ sa atin. Kalooban ba ni Jehova na mabautismuhan ka? Oo. (Gawa 2:38) Kaya makakapagtiwala ka na makakabuti sa iyo kung susunod ka sa utos niya na magpabautismo. Kung hindi ka mag-aalangan na tikman ang pinakamasarap na pagkain, bakit ka mag-aalangan na magpabautismo?
20. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Bakit pinapatagal ng ilan ang pagpapabautismo? Baka sabihin nila, “Hindi pa ako handa.” Totoo, ang pag-aalay ng sarili mo kay Jehova at pagpapabautismo ang pinakamahalagang desisyon na gagawin mo sa buhay mo. Kaya dapat mo talaga itong pag-isipang mabuti at paghandaan. At kung gusto mo nang magpabautismo, ano ang puwede mong gawin ngayon? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 28 Maging Kaibigan ni Jehova
a Mahalagang hakbang ang bautismo para sa mga Bible study. Ano ang makakatulong sa kanila para magawa iyan? Pag-ibig. Pag-ibig saan at kanino? Malalaman natin ang sagot sa artikulong ito. Tatalakayin din natin kung anong buhay ang aasahan ng mga bautisadong Kristiyano.