Ang Gawain na Nakapagpapaligaya sa Iyo
“TALAGANG gustung-gusto ko ang aking trabaho bilang isang tagapag-imprenta,” ang sabi ni Antonio sa Genoa, Italya. “Mainam ang kita ko, kaya naman ako’y nagtatrabaho nang maraming oras sa overtime. Sa loob lamang ng mga ilang taon, bagaman ako’y nasa kabataan, ako’y ginawang kanang-kamay ng aking amo.” Waring narating ni Antonio ang tunguhin na nag-uudyok sa marami na magtrabaho: kayamanan, karangyaan sa buhay, at isang kasiya-siyang trabaho na gusto niya.
Si Antonio kaya ay ‘nakakakita ng kabutihan sa lahat niyang pagpapagal’? (Eclesiastes 3:13) At ang gayon kayang gawain ay nagpapaligaya sa kaniya? “Dahilan sa tensiyon na likha ng aming masalimuot na istilo ng pamumuhay,” aniya, “kami’y nagsimulang magkaroon ng mga problema bilang isang pamilya. Kaya’t ito ang nagwala ng aming kaligayahan.” Si Antonio ni ang kaniyang maybahay man ay hindi maligaya sa kabila ng kanilang kasiya-siyang trabaho. Kumusta ka naman? Ikaw ba’y ‘nakakakita ng kabutihan sa lahat mong pagpapagal’? Ang iyo bang trabaho’y talagang nakapagpapaligaya sa iyo?
May Katuwiran ba ang Iyong mga Motibo?
Ang pangunahing dahilan sa puspusang pagtatrabaho ay upang may maitustos sa buhay. Sa mga ilang bansa, ang mga tao’y nagtatrabaho nang maraming oras upang makaraos lamang. Ang iba’y mistulang busabos nang pagpapagal araw at gabi upang ang kanilang mga anak ay lumasap ng isang maigi-iging buhay. Ang iba naman ay nagtatrabaho nang ubos-kaya upang magkamal ng kayamanan.
Si Leonida sa Pilipinas ay may dalawang trabaho. Sa araw siya’y nagtatrabaho sa isang bangko at kung gabi’y nagtuturo naman sa isang kolehiyo nang may tatlo o apat na oras. Ang karagdagang kita kaya ay sulit sa kaniyang pinagpaguran? “Laging nakatingin ako sa relo,” ang sabi niya. “Ako’y naiinip. Ginagawa ko iyon nang wala akong kasiyahan.”
Hindi, ang pagtatrabaho para lamang kumita ay hindi nagbubunga ng kasiyahan at kaligayahan. “Huwag kang magpagal upang magkamit ng kayamanan,” ang payo ng pantas na si Haring Solomon, “sapagkat tiyak na ito’y magkakapakpak na gaya ng agila at saka lilipad patungong kalangitan.” (Kawikaan 23:4, 5) May mga agila na sinasabing nakalilipad sa bilis na hanggang 130 kilometro por ora. Dito’y ipinaghahalimbawa ang kabilisan ng paglipad na maaaring mangyari sa pinagpagurang kayamanan. Kahit na kung ang isang tao’y magkamal ng kayamanan, pagka siya’y namatay hindi niya madadala iyon.—Eclesiastes 5:15; Lucas 12:13-21.
Ang pagiging subsob nga sa paghahanapbuhay ay kung minsan naghaharap ng malulubhang panganib. Baka ito’y humantong sa pag-ibig sa salapi. Noong unang siglo, mayroong isang grupo ng mga relihiyonista na tinatawag na mga Fariseo na bantog dahilan sa kanilang pag-ibig sa salapi. (Lucas 16:14) Bilang isang dating Fariseo, ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay lubos na may kabatiran sa kanilang istilo ng pamumuhay. (Filipos 3:5) “Silang mga disididong yumaman,” ang babala ni Pablo, “ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasasamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay . . . tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:9, 10) Oo, “ang pag-ibig sa salapi,” anupa’t ginagawa ang anuman at lahat para makamtan ito, ay makapagpapariwara sa buhay ng isang tao. Ang gayong hakbangin ay hindi nagbubunga ng kaligayahan.
Para sa iba, ang kanilang motibo sa pagpapagal ay upang umasenso sa kanilang pinagtatrabahuhang kompanya. Gayumpaman, sa wakas ay napapaharap sila sa katotohanan. Ang mga “baby-boomers,” sabi ng magasing Fortune, “na nagsakripisyo sa kanilang 20s at maagang 30s upang umasenso hanggang sa gitnang pangasiwaan ay nagigising sa pangit ngunit di-maiiwasang katotohanan na, sa kabila ng katakut-takot na pagpapagal, hindi lahat ay makararating sa taluktok. Gigiray-giray dahil sa pagod, sila’y nahihilang magtanong kung ano ba ang kabuluhan ng lahat ng ito. Bakit makikipagpunyagi nang labis-labis? Sino ba ang apektado?”
Ang buhay ng isang gayong tao, si Mizumori, ay dating nakasentro sa pag-asenso sa sanlibutan. Palibhasa’y ang tunguhin ay mapasapuwesto sa pangasiwaan ng isa sa pinakamalalaking bangko sa Hapon, siya’y walang panahon sa kaniyang pamilya. Pagkatapos magpagal ng mahigit na 30 taon, napariwara ang kaniyang kalusugan, at tiyak na hindi siya maligaya. “Napagtanto ko,” aniya, “na ang kompitensiya sa puwesto sa gitna ng mga taong nagsusumakit na mapatanyag ‘ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.’”—Eclesiastes 4:4.
Subalit kumusta naman yaong mga katulad ni Antonio, na naliligayahan sa kanilang trabaho? Palibhasa’y haling na haling sa kaniyang trabaho, isinakripisyo ni Antonio ang kaniyang buhay-pampamilya alang-alang sa trabaho. Isinasakripisyo ng iba ang kanilang kalusugan at maging ang kanilang buhay, gaya ng ipinakikita ng biglang pagkamatay ng maraming prominente at labis-ang-pagkahapong mga ehekutibong Hapones. Isang ahensiya sa pagpapayo para sa kanilang mga naulila ang nakatanggap ng nakapagtatakang 135 mga tawag sa isang araw lamang.
Ang ilan naman ay gumugugol ng kanilang buhay sa pagtulong sa iba. Sa ganitong espiritu hinimok ni Jesus ang iba. (Mateo 7:12; Juan 15:13) Ang pagiging abala sa karapat-dapat na gawain na pagtulong sa iba ay tunay na nagdudulot ng kaligayahan.—Kawikaan 11:25.
Subalit, ang gayong nararapat na kasipagan ay mayroon ding mga silo. Halimbawa, ang hari ng Juda na si Uzzias ay nanguna sa isang malawakang gawaing-bayan na paghuhukay ng mga balon sa ilang. Tiyak na ang kapakanan ng kaniyang bayan ang nasa isip ni Uzzias, yamang siya’y “humahanap kay Jehova” ng panahong iyon at maliwanag na nakikinig siya sa banal na utos na maging walang imbot ang mga hari. (2 Cronica 26:5, 10; Deuteronomio 17:14-20) Ito’y nakatulong sa pagtatagumpay ng kaniyang hukbo, at “ang kaniyang kabantugan ay lumaganap.” Subalit nang siya’y lumakas na, siya ay naging hambog, na ang ibinunga’y ang kaniyang pagkapuksa. (2 Cronica 26:15-20; Kawikaan 16:18) Ang isang taong nakatalaga sa pagtulong sa iba subalit ang motibo’y mabigyang-kasiyahan ang sarili at pinakikilos ng kataasan ay maaaring humantong din sa pagbagsak. Kung gayon, bakit nanaisin ninuman na magpagal?
Ginawa ang Tao Upang Magtrabaho
Malaki ang matututuhan natin tungkol sa trabaho buhat sa isang taong nakagawa ng lalong higit na kabutihan kaysa kaninumang tao na nabuhay sa lupa. Siya ay si Jesu-Kristo. (Mateo 20:28; Juan 21:25) Nang siya’y mamatay sa pahirapang tulos, siya’y bumulalas, “Naganap na!” (Juan 19:30) Ang kaniyang buhay sa loob ng 331.5,/.5,2 taon ay naging kasiya-siya.
Ang buhay ni Jesus ay tumutulong upang sagutin ang tanong, “Ano bang gawain ang nakapagpapaligaya sa iyo?” Ang pagganap sa kalooban ng kaniyang Ama sa langit ang nagdulot sa kaniya ng walang katulad na kaligayahan. Sa katulad na paraan, ang pagsasagawa ng kalooban ng ating Maylikha ang makapagpapadama sa atin na tayo’y may nagawa at magpapaligaya sa atin. Bakit? Sapagkat kaniyang nalalaman ang ating kayarian at ang ating pangangailangan higit kaysa nalalaman natin.
Nang lalangin ng Diyos ang unang tao, si Adan, Kaniyang binigyan ito ng kapuwa gawaing gagamitan ng lakas at ng isip. (Genesis 2:15, 19) ‘Ang pagsupil’ sa lahat ng mga kinapal sa lupa, ay isa pa ring gawaing pamamanihala para kay Adan. (Genesis 1:28) Habang si Adan ay sumusunod sa kaayusang ito, ang kaniyang gawain ay makabuluhan at karapat-dapat. Bawat munting gawaing iniatas ay isa pang pagkakataon upang palugdan ang Kataas-taasan.
Gayunman, dito’y hindi nagpatuloy si Adan. Kaniyang ipinasiya na umalpas sa kaayusan ng Diyos. Si Adan ay nawalan na ng kaluguran na gawin ang kalooban ng Diyos at ang ibig niya’y gawin ang kaniyang maibigan. Siya’y nagkasala laban sa Maylikha. Dahil sa kaniyang disisyon, si Adan, ang kaniyang asawa, at lahat ng kaniyang supling ay “ipinasakop sa pagkawalang-kabuluhan.” (Roma 5:12; 8:20) Sa halip na magdala ng kaligayahan, ang gawain ay naging isang bagay na nakababagot. Sa hatol ng Diyos kay Adan ay kasali ang mga salitang ito: “Sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Ang isisibol nito sa iyo ay mga tinik at dawag, at kakain ka ng pananim sa parang. Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa.” (Genesis 3:17-19) Ang gawain, na noo’y marangal dahil sa ang tunguhi’y makalugod sa Maylikha sa tao, ngayon ay isa na lamang mahirap na pagtatrabaho upang ang tao’y may makain.
Ano ba ang masasabi natin buhat sa mga katotohanang iyan? Ito: Ang pagpapagal ay nagdudulot ng namamalaging kasiyahan at kaligayahan tangi lamang kung ang ating buhay ay nakasentro sa pagsasagawa ng banal na kalooban.
‘Makakita ng Mabuti’ sa Pagsasagawa ng Kalooban ng Diyos
Ang paggawa ng banal na kalooban ng Diyos ay mistulang pagkain kay Jesu-Kristo—isang bagay na nakasisiya at sumusustine sa kaniyang espirituwal na buhay. (Juan 4:34) Papaano mo matatamo ang gayong kasiyahan sa paggawa?
Alamin mo kung “ano ang kalooban ni Jehova” para sa iyo. (Efeso 5:17) Ang kaniyang kalooban ay maipanumbalik ang tao sa “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21; 2 Pedro 3:9) Ngayon ang pambuong daigdig na gawaing pagtitipon na maisagawa ito hanggang sa matapos ay nagaganap na. Ikaw man ay maaaring magkaroon ng bahagi sa lubhang kasiya-siyang mga gawaing ito. Ang gawaing iyan ay tunay na magpapaligaya sa iyo.
Si Antonio, na binanggit na, ay nakasumpong din ng kasiyahan at kaligayahan. Nang ang kanilang “walang-saysay” na mga hanapbuhay ang unahin nila sa kanilang buhay at sila’y subsob na roon, nanghina ang kanilang espirituwalidad. At nagkaroon na sila ng mga problema sa kanilang sambahayan. Palibhasa’y natanto nila ang dahilan, ang kaniyang maybahay ay huminto na sa kaniyang trabaho at ‘puspusang nagpagal’ sa buong panahong gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos.—Lucas 13:24.
“Agad-agad,” ang sabi ni Antonio, “napansin namin ang isang malaking pagbabago. Nawala na ang palaging pag-aaway. Nanumbalik sa aming pamilya ang katahimikan.” Ang kaniyang maybahay ay umani ng kagalakan ng pagtulong sa iba upang magtamo ng kaalaman na nangangahulugan ng “buhay na walang-hanggan.” (Juan 17:3) Ang kaligayahan ng kaniyang maybahay ang nag-udyok kay Antonio na muling suriin kung ano talaga ang nararapat. Ang kaniyang paghahangad na maglingkod sa Diyos nang buong kaluluwa ang nangibabaw. Kaniyang tinanggihan ang alok para siya’y maitaas sa tungkulin at nagbitiw na siya sa kaniyang trabaho. Bagaman ang pagbabago ay nangahulugan ng paglipat niya sa isang lalong mababang trabaho, si Antonio at ang kaniyang maybahay ay naliligayahan sa paggugol ng karamihan ng kanilang panahon sa ministeryong Kristiyano, na gumagawa ng kalooban ng Diyos.
Kung sa bagay, hindi lahat ay nasa katayuan na gumawa ng gayong kalaking pagbabago. Si Mizumori, ang Hapones na ehekutibo ng bangko at binanggit na, ay nasisiyahan sa kaniyang ministeryo bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano at kaniya pa ring sinusuportahan ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng kaniyang sekular na trabaho, na kung saan humahawak siya ng puwestong pagkamanedyer. Gayunman, ang kaniyang buhay ay hindi na roon nakaukol na lahat sa kaniyang sekular na trabaho kundi nakasentro iyon sa paggawa sa kalooban ng Diyos. Ang kaniyang sekular na trabaho ang nagbibigay sa kaniya ng panustos-buhay at sa ganoo’y naisasagawa niya ang kaniyang layunin. Ngayon ang kaniyang pagtatrabaho ay makahulugan din.
Pagka pinasulong mo ang ganitong pagkakilala tungkol sa iyong trabaho, tiyak na magtatrabaho ka nang “hindi pakitang-tao, na mga tao ang pinalulugdan, kundi nang may kataimtiman ang puso, may takot kay Jehova.” (Colosas 3:22) Ang gayong kataimtiman ay baka waring hindi gaanong napapakinabangan sa ganitong mapagkompitensiyang lipunan, subalit, gaya ng inaamin ni Mizumori, sa pagkakapit ng gayong mga simulain, ikaw ay pagtitiwalaan at kaaalang-alanganan. Bagaman siya’y huminto ng pagsisikap na siya’y mabigyan ng promosyon, iyon ay dumating.—Kawikaan 22:29.
Oo, ang pagsisentro ng iyong buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos ang susi sa pagkasumpong ng kaligayahan sa puspusang paggawa. Kaya naman ang pantas na si Haring Solomon ay nagtapos ng ganito: “Walang maigi sa kanila kaysa magalak at gumawa ng mabuti habang sila’y nabubuhay; at ang bawat tao rin naman ay marapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang puspusang paggawa. Iyan ay regalo ng Diyos.”—Eclesiastes 3:12, 13.
[Larawan sa pahina 7]
Ang susi sa pagtatamasa ng bunga ng pagpapagal ay nasa pagsisentro ng iyong buhay-pampamilya sa pag-aaral sa Bibliya at sa paggawa