Ang Mabuting Balita ng Kaharian—Ano ba Ito?
Nitong nakaraang taon sa 235 lupain sa buong daigdig, 6,035,564 katao, bata at matanda, ang gumugol ng 1,171,270,425 oras sa pakikipag-usap sa iba tungkol dito. Bukod pa sa pagbabalita nito nang bibigan, ipinasakamay nila sa publiko ang mahigit sa 700 milyong piraso ng lathalain upang ianunsiyo at ipaliwanag ito. Namahagi rin sila ng libu-libong audiocassette at videocassette upang palaganapin ito. Ano ba “ito”?
“ITO” ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Totoong sa buong kasaysayan ng tao, hindi pa kailanman naipangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian” sa lawak na nakikita natin sa ngayon.—Mateo 24:14.
Ang lahat ng gumagawa ng pandaigdig na pangangaral at pagtuturong ito ay mga boluntaryo. Mula sa di-relihiyosong pangmalas, waring hindi sila kuwalipikado para sa gawaing ito. Kung gayon, ano ang dahilan ng kanilang lakas ng loob at ng kanilang tagumpay? Ang kapangyarihan ng mabuting balita ng Kaharian ang isang pangunahing salik, sapagkat ito’y balita tungkol sa mga pagpapala na darating sa sangkatauhan. Ang mga ito’y mga pagpapala na minimithi ng lahat ng tao—kaligayahan, pagkahango mula sa kahirapan sa kabuhayan, mabuting pamahalaan, kapayapaan at katiwasayan, at isa pang bagay na hindi man lamang isasaalang-alang ng karamihan—buhay na walang hanggan! Talagang ito’y mabuting balita sa mga tao na naghahanap ng kahulugan at layunin ng buhay. Oo, ang lahat ng pagpapalang ito at higit pa ay maaaring mapasaiyo kung ikaw ay kikilos at tutugon nang positibo sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian.
Ano ba ang Kaharian?
Ngunit ano ba ang Kaharian na inihahayag bilang mabuting balita? Ito ang Kaharian na itinuro sa milyun-milyon na idalangin nila sa pamilyar na mga salitang ito: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Ito ang Kaharian na tinukoy ng propetang Hebreo na si Daniel mahigit na 25 siglo na ang nakararaan nang isulat niya: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Kung gayon, ang mabuting balita ay tungkol sa Kaharian, o pamahalaan, ng Diyos na papawi sa lahat ng kabalakyutan at pagkatapos ay mamamahala sa buong lupa sa kapayapaan. Pangyayarihin nitong matupad ang orihinal na layunin ng Maylalang para sa sangkatauhan at para sa lupa.—Genesis 1:28.
“Ang Kaharian ng Langit ay Malapit Na”
Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, ang mabuting balita ng Kaharian ay unang inihayag sa madla ng isang lalaking naaalay na lubhang kapansin-pansin ang hitsura at pagkilos. Ang lalaking iyon ay si Juan na Tagapagbautismo, anak ng saserdoteng Judio na si Zacarias at ng kaniyang asawang si Elisabet. Si Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, na may pamigkis na katad sa kaniyang mga balakang, kagaya rin ni propeta Elias, na lumarawan sa kaniya. Ngunit ang kaniyang mensahe ang nakatawag-pansin sa marami. “Magsisi kayo,” ang sigaw niya, “sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.”—Mateo 3:1-6.
Ang mga tagapakinig ni Juan ay mga Judio, na nag-aangking mga mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova. Bilang isang bansa, tinanggap nila ang tipang Kautusan sa pamamagitan ni Moises mga 1,500 taon na ang nakararaan. Nakatayo pa rin sa Jerusalem ang napakagandang templo, kung saan naghahandog ng mga hain ayon sa Kautusan. Natitiyak ng mga Judio na ang kanilang pagsamba ay matuwid sa paningin ng Diyos.
Ngunit sa pakikinig kay Juan, napag-isip-isip ng ilan sa mga tao na ang kanilang relihiyon ay hindi pala gaya ng kanilang inaakala. Nahawahan ng Griegong kultura at pilosopiya ang mga relihiyosong turo ng mga Judio. Ang kautusan na tinanggap mula sa Diyos sa pamamagitan ni Moises ay nabantuan na ngayon, napawalang-bisa pa nga, ng mga paniniwala at tradisyon na gawa ng tao. (Mateo 15:6) Palibhasa’y iniligaw ng kanilang mga relihiyosong lider na matitigas ang puso at walang awa, ang karamihan sa mga tao ay hindi na sumasamba sa Diyos sa kalugud-lugod na paraan. (Santiago 1:27) Kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan laban sa Diyos at laban sa tipang Kautusan.
Nang panahong iyon, inaasahan ng maraming Judio ang paglitaw ng ipinangakong Mesiyas, o Kristo, at iniisip ng ilan tungkol kay Juan: “Siya kaya ang Kristo?” Ngunit itinanggi ito ni Juan at sa halip ay inakay sila sa ibang tao, na tungkol dito ay sinabi niya: “Sa sintas ng kaniyang mga sandalyas ay hindi ako nararapat magkalag.” (Lucas 3:15, 16) Sa pagpapakilala kay Jesus sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Juan: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!”—Juan 1:29.
Tunay ngang iyan ay mabuting balita, sapagkat sa pinakadiwa ay itinuturo ni Juan sa lahat ng mga tao ang daan patungo sa buhay at kaligayahan—si Jesus, ang isa na “nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Bilang mga inapo nina Adan at Eva, ang lahat ng tao ay ipinanganak na alipin ng kasalanan at kamatayan. Ipinaliliwanag ng Roma 5:19: “Kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [si Jesus] ay marami ang ibibilang na matuwid.” Si Jesus, tulad ng isang haing kordero, ay ‘mag-aalis ng kasalanan’ at magdadala ng pagbabago sa abang kalagayan ng mga tao. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang paliwanag ng Bibliya, “ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23.
Bilang isang sakdal na tao—sa katunayan, ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman—si Jesus ay nangaral ng mabuting balita. Sinasabi sa atin ng ulat ng Bibliya sa Marcos 1:14, 15: “Ngayon pagkatapos na maaresto si Juan ay pumaroon si Jesus sa Galilea, na ipinangangaral ang mabuting balita ng Diyos at sinasabi: ‘Ang takdang panahon ay natupad na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi na kayo, at magkaroon kayo ng pananampalataya sa mabuting balita.’ ”
Yaong mga tumugon sa mensahe ni Jesus at nanampalataya sa mabuting balita ay lubhang pinagpala. Sinasabi ng Juan 1:12: “Sa lahat ng tumanggap [kay Jesus], sa kanila niya ibinigay ang awtoridad na maging mga anak ng Diyos, sapagkat nananampalataya sila sa kaniyang pangalan.” Sa pagiging mga anak ng Diyos, sila’y nakahanay na tumanggap ng gantimpalang buhay na walang hanggan.—1 Juan 2:25.
Subalit ang pribilehiyong tumanggap ng mga pagpapala ng Kaharian ay hindi limitado sa mga tao noong unang siglo. Gaya ng binanggit sa pasimula, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay inihahayag at itinuturo sa buong tinatahanang lupa sa ngayon. Kaya maaari pang makamit ang mga pagpapala ng Kaharian. Ano ang dapat mong gawin upang tumanggap ng gayong mga pagpapala? Ipaliliwanag ito ng kasunod na artikulo.