Mga Aral Mula sa mga Himala ni Jesus
“NGAYON nang ikatlong araw ay may piging ng kasalan na naganap sa Cana ng Galilea . . . Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa piging ng kasalan. Nang ang alak ay kapusin ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya: ‘Wala silang alak.’ ” Ang tagpong ito ang nagpangyaring maganap ang unang himala ni Jesus.—Juan 2:1-3.
Hindi ba ang gayong suliranin ay totoong walang-kabuluhan, napakaliit, upang itawag-pansin kay Jesus? Ganito ang paliwanag ng isang iskolar sa Bibliya: “Sa Silangan ang pagkamapagpatuloy ay ang mahalagang tungkulin . . . Kahilingan sa tunay na pagkamapagpatuloy, lalo na sa piging ng kasalan, ang pagkakaroon ng labis-labis na handa. Kung maubos ang pagkain at inumin sa isang piging ng kasalan, kahihiyan ang tataglayin ng pamilya at ng bagong mag-asawa sa buong buhay nila.”
Kaya kumilos si Jesus. Nakita niya ang “anim na batong bangang pantubig na nakalapag doon gaya ng kahilingan ng alituntunin ng pagpapadalisay ng mga Judio.” Kaugalian ng mga Judio ang ritwal na paghuhugas bago kumain, at maraming tubig ang kinailangan upang magamit niyaong mga naroroon. “Punuin ninyo ng tubig ang mga bangang pantubig,” ang utos ni Jesus sa mga naglilingkod sa mga panauhin. Hindi si Jesus ang “tagapangasiwa ng piging,” ngunit siya’y nagsalita nang tuwiran at may awtoridad. Ganito ang sabi ng salaysay: “Ngayon, nang tikman ng tagapangasiwa ng piging ang tubig, [iyon ay] ginawang alak.”—Juan 2:6-9; Marcos 7:3.
Waring kakatwa na ang isang pangkaraniwang bagay na tulad ng kasalan ang maging tagpo para sa unang himala ni Jesus, ngunit malaki ang isinisiwalat ng pangyayari tungkol kay Jesus. Siya’y binata, at nang sumunod na mga pagkakataon ay tinalakay niya sa kaniyang mga alagad ang mga bentaha ng pagiging walang-asawa. (Mateo 19:12) Gayunman, ang pagkanaroroon niya sa isang piging ng kasalan ay nagsisiwalat na hindi siya tutol sa pag-aasawa. Siya’y timbang, itinataguyod ang kaayusan ng pag-aasawa; minamalas niya ito bilang isang marangal na bagay sa paningin ng Diyos.—Ihambing ang Hebreo 13:4.
Si Jesus ay hindi isang taong mapagkait sa sarili na gaya ng pagkalarawan sa kaniya ng mga pintor ng simbahan. Malinaw na nasiyahan siya sa pakikihalubilo sa mga tao at hindi salungat sa pakikisalamuha sa kapuwa. (Ihambing ang Lucas 5:29.) Sa gayon ang kaniyang pagkilos ay nagbibigay ng pamarisan para sa kaniyang mga tagasunod. Personal na ipinakita ni Jesus na hindi naman sila kinakailangang maging walang-kibo o mapanglaw—na para bang ang katuwiran ay nangangahulugan ng kawalang-kagalakan. Sa kabaligtaran, ang mga Kristiyano nang malaunan ay inutusan: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon.” (Filipos 4:4) Iniingatan ng mga Kristiyano sa ngayon na panatilihing nasa wastong dako ang paglilibang. Nakasusumpong sila ng kagalakan sa paglilingkuran sa Diyos, ngunit bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, sa pana-panahon ay naglalaan sila ng panahon na magkasama-sama sa isang sosyal na pagtitipon.
Pansinin din ang pagkamaawain ni Jesus. Hindi siya obligadong gumawa ng himala. Walang hula tungkol dito na kailangang matupad. Maliwanag, naantig lamang si Jesus sa pagkabalisa ng kaniyang ina at sa suliranin ng dalawang nagpapakasal. Nagmamalasakit siya tungkol sa kanilang damdamin at nagnais na sagipin sila sa kahihiyan. Hindi ba pinatitibay niyan ang iyong pagtitiwala na si Kristo ay tunay na interesado sa iyo—kahit na sa iyong pang-araw-araw na mga suliranin?—Ihambing ang Hebreo 4:14-16.
Palibhasa ang bawat banga ay “makapaglalaman ng dalawa o tatlong likidong sukat” ng tubig, maraming alak ang nasasangkot sa himala ni Jesus—marahil 390 litro (105 galon)! (Juan 2:6) Bakit gayon karami? Hindi itinataguyod ni Jesus ang paglalasing, isang bagay na hinahatulan ng Diyos. (Efeso 5:18) Sa halip, ipinamamalas niya ang tulad-Diyos na pagkabukas-palad. Yamang ang alak ay isang pangkaraniwang inumin, anumang labis ay magagamit sa iba pang okasyon.—Ihambing ang Mateo 14:14-20; 15:32-37.
Tinularan ng sinaunang mga Kristiyano ang halimbawa ni Jesus ng pagkabukas-palad. (Ihambing ang Gawa 4:34, 35.) At pinasisigla rin ang bayan ni Jehova sa ngayon na “ugaliin ang pagbibigay.” (Lucas 6:38) Gayunman, mayroon ding makahulang kahalagahan ang unang himala ni Jesus. Itinatawag-pansin nito ang panahon sa hinaharap na saganang maglalaan ang Diyos ng “kapistahan ng matatabang bagay, ng mga alak na laon, sinala,” anupat lubusang pinapawi ang pagkagutom.—Isaias 25:6.
Subalit, kumusta naman ang maraming himala na ginawa ni Jesus na nagsangkot ng pisikal na pagpapagaling? Ano ang matututuhan natin mula sa mga ito?
Paggawa ng Mabuti sa Sabbath
“Tumayo ka, buhatin mo ang iyong teheras at lumakad ka.” Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa isang tao na 38 taon nang may sakit. Nagpapatuloy ang ulat ng Ebanghelyo: “Nang magkagayon ay kaagad-agad na bumuti ang kalusugan ng tao, at binuhat niya ang kaniyang teheras at nagpasimulang lumakad.” Nakapagtataka, hindi lahat ay nasiyahan sa pagbabagong ito ng kalagayan. Sabi ng ulat: “Pinag-uusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa panahon ng Sabbath.”—Juan 5:1-9, 16.
Nilayon ang Sabbath upang maging isang araw ng kapahingahan at pagsasaya para sa lahat. (Exodo 20:8-11) Subalit, noong kaarawan ni Jesus, iyon ay naging isang nakalilitong kalipunan ng mapaniil, gawang-taong mga alituntunin. Isinulat ng iskolar na si Alfred Edersheim na sa mahahabang bahagi ng Talmud tungkol sa batas ng Sabbath, “seryosong tinalakay ang mga bagay-bagay bilang napakahalaga sa relihiyon, na hindi aakalain ng isa na seryosong isasaalang-alang ng isang taong may matinong kaisipan.” (The Life and Times of Jesus the Messiah) Itinuring ng mga rabbi na kasinghalaga ng buhay-at-kamatayan ang di-gaanong mahalaga, ayon lamang sa kagustuhang mga alituntunin na sumusupil sa halos bawat pitak ng buhay ng isang Judio—malimit na may walang-habag na pagwawalang-bahala sa damdamin ng tao. Ganito ang itinakda ng isang alituntunin sa Sabbath: “Kung naguhuan ng isang gusali ang isang tao at may alinlangan kung siya man ay naroroon o wala, o kung siya man ay buháy o patay, o kung siya man ay gentil o Israelita, maaari nilang alisin ang mga bagay na nakatabon sa kaniya. Kung masumpungan nila siyang buháy maaari nilang alisin pa ang mga nasa ibabaw niya; ngunit kung [siya’y] patay na, pababayaan nila siya.”—Salaysay Yoma 8:7, The Mishnah, isinalin ni Herbert Danby.
Papaano minalas ni Jesus ang gayong mahigpit na pagpapatupad ng batas tungkol sa pinagtatalunang mga bagay na walang-kabuluhan? Nang punahin dahil sa pagpapagaling kung Sabbath, sinabi niya: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Hindi naghahanap-buhay si Jesus upang payamanin ang kaniyang sarili. Sa halip, ginagawa niya ang kalooban ng Diyos. Kung papaanong ang mga Levita ay pinahihintulutang ipagpatuloy ang kanilang sagradong paglilingkod kung Sabbath, wastong maisasagawa ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na atas bilang Mesiyas nang hindi nilalabag ang batas ng Diyos.—Mateo 12:5.
Ang mga pagpapagaling ni Jesus kung Sabbath ay naglantad din sa mga Judiong eskriba at mga Fariseo bilang “labis na matuwid”—mahigpit at di-timbang sa kanilang pag-iisip. (Eclesiastes 7:16) Tiyak, hindi kalooban ng Diyos na ang paggawa ng mabuti ay limitahin lamang sa ilang araw ng sanlinggo; ni nilayon man ng Diyos na ang Sabbath ay maging isang walang-saysay na pagsunod sa alituntunin. Sinabi ni Jesus sa Marcos 2:27: “Ang sabbath ay umiral alang-alang sa tao, at hindi ang tao alang-alang sa sabbath.” Mahal ni Jesus ang mga tao, hindi ang di-makatuwirang mga alituntunin.
Mabuti para sa mga Kristiyano sa ngayon na huwag maging mahigpit o palaisip sa alituntunin. Nararapat iwasan niyaong mga may awtoridad sa kongregasyon na pabigatan ang iba ng labis-labis na gawang-taong mga alituntunin at patakaran. Pinasisigla rin tayo ng halimbawa ni Jesus na humanap ng mga pagkakataon upang gumawa ng mabuti. Halimbawa, hindi kailanman mangangatuwiran ang isang Kristiyano na ibabahagi lamang niya ang mga katotohanan ng Bibliya kapag siya ay pormal na nagsasagawa ng ministeryo sa bahay-bahay o kapag siya ay nagbibigay ng pahayag pangmadla. Ang Kristiyano, sabi ni apostol Pedro, ay dapat na “laging handa na gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na mahigpit na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo.” (1 Pedro 3:15) Walang takdang panahon ang paggawa ng mabuti.
Isang Aral sa Pagkamadamayin
Isa pang mahalagang himala ang nakaulat sa Lucas 7:11-17. Ayon sa ulat, si Jesus ay “naglakbay sa isang lunsod na tinatawag na Nain, at ang kaniyang mga alagad at isang malaking pulutong ay naglalakbay kasama niya.” Hanggang sa ngayon, ang mga dakong pinaglilibingan ay makikita sa gawing timog-silangan ng modernong Arabeng nayon ng Nein. “Habang siya ay papalapit sa pintuang-daan ng lunsod,” nasalubong niya ang isang maingay na tagpo. “Aba, narito! may isang taong patay na inilalabas, ang bugtong na anak na lalaki ng kaniyang ina. Bukod sa rito, siya ay isang babaing balo. Isang malaking pulutong mula sa lunsod ang kasama rin niya.” Binanggit ni H. B. Tristram na “ang kaugalian sa paglilibing ay hindi nagbago” mula noong sinaunang panahon, na sinabi pa: “Nakakita ako ng mga babaing nauuna sa langkayan, na pinangungunahan ng upahang mga babaing nagluluksa. Iniwawasiwas nila ang kanilang mga kamay, hinihila ang kanilang mga buhok, taglay ang matinding kapahayagan ng dalamhati, at isinisigaw ang pangalan ng namatay.”—Eastern Customs in Bible Lands.
Sa gitna ng pagkakaingay na ito ay naglalakad ang isang nagdadalamhating biyuda na ang anyo pa lamang ay nagpapaaninaw na ng labis na pamimighati. Palibhasa’y namatayan na ng asawa, minalas niya ang kaniyang anak na lalaki bilang, ayon sa awtor na si Herbert Lockyer, “ang tungkod sa kaniyang katandaan, at ang kaaliwan sa kaniyang kalungkutan—ang suhay at haligi ng tahanan. Sa pagkawala ng kaniyang bugtong na anak, nawala na ang kahuli-hulihang suhay.” (All the Miracles of the Bible) Ang reaksiyon ni Jesus? Sa malilinaw na salita ni Lucas, “nang makita siya ng Panginoon, ay naantig siya sa pagkahabag sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya: ‘Tigilan mo na ang pagtangis.’ ” Ang pananalitang “naantig sa pagkahabag” ay galing sa salitang Griego na literal na nangangahulugang “mga bituka.” Ito’y nangangahulugang “maantig sa kaloob-looban.” (Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words) Oo, si Jesus ay naantig hanggang sa kaloob-looban ng kaniyang pagkatao.
Malamang na biyuda na sa panahong ito ang sariling ina ni Jesus, kaya marahil ay alam niya ang pamimighating dulot ng pangungulila sa amang nag-ampon sa kaniya, si Jose. (Ihambing ang Juan 19:25-27.) Hindi na kailangang mamanhik kay Jesus ang biyuda. May pagkukusa, “lumapit siya at hinipo ang langkayan,” sa kabila ng bagay na ang paghipo sa bangkay ay nagpaparumi sa isa sa ilalim ng Batas Mosaiko. (Bilang 19:11) Sa pamamagitan ng kaniyang makahimalang kapangyarihan, mapapawi ni Jesus ang mismong pinagmumulan ng karumihan! “Sinabi niya: ‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!’ At ang taong patay ay umupo at nagpasimulang magsalita, at ibinigay niya siya sa kaniyang ina.”
Anong nakaaantig na aral sa pagkamadamayin! Hindi nararapat tularan ng mga Kristiyano ang salat-sa-pag-ibig, malamig na mga saloobing nakikita sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Sa kabaligtaran, nagpapayo ang 1 Pedro 3:8: “Sa katapus-tapusan, kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan.” Kapag ang isang kakilala ay namatayan o may malubhang karamdaman, hindi tayo maaaring bumuhay-muli o magpagaling ng maysakit. Ngunit maaari tayong mag-alok ng pratikal na tulong at kaaliwan, marahil kahit na lamang ang ating pagkanaroroon at pagluha kasama nila.—Roma 12:15.
Ang madamdaming pagbuhay-muli na isinagawa ni Jesus ay tumutukoy rin sa hinaharap—isang panahon na “lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas”! (Juan 5:28, 29) Sa buong lupa, personal na mararanasan ng mga naulila ang pagkamadamayin ni Jesus kapag bumalik na mula sa libingan ang nangamatay na mga ina, ama, anak, at mga kaibigan!
Ang mga Aral ng mga Himala
Maliwanag, kung gayon, na ang mga himala ni Jesus ay higit pa kaysa nakapupukaw na mga pagtatanghal ng kapangyarihan. Ang mga ito ay nagbigay-kaluwalhatian sa Diyos, anupat naglatag ng parisan para sa mga Kristiyano na hinihimok na ‘luwalhatiin ang Diyos.’ (Roma 15:6) Nagpapasigla ang mga ito sa paggawa ng mabuti, pagpapamalas ng pagkabukas-palad, sa pagpapakita ng pagkamadamayin. Lalong mahalaga, ang mga ito ay nagsisilbing patiunang pagpapakita ng makapangyarihang mga gawa na magaganap sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo.
Nang nasa lupa, isinagawa ni Jesus ang kaniyang makapangyarihang mga gawa sa isang maliit na lugar lamang. (Mateo 15:24) Bilang niluwalhating Hari, ang kaniyang sakop ay aabot sa buong lupa! (Awit 72:8) Noon, yaong kaniyang mga pinagaling at binuhay-muli ay nangamatay nang dakong huli. Sa ilalim ng kaniyang makalangit na paghahari, lubusang papawiin ang kasalanan at kamatayan, anupat mabubuksan ang daan patungo sa buhay na walang-hanggan. (Roma 6:23; Apocalipsis 21:3, 4) Oo, ipinahihiwatig ng mga himala ni Jesus ang pagsapit ng isang maluwalhating hinaharap. Milyun-milyon ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na magkaroon ng tunay na pag-asa ng pagiging bahagi nito. Hanggang sa sumapit ang panahong iyan, anong kagila-gilalas na halimbawa ng malapit nang maganap ang inilalaan ng mga himala ni Jesu-Kristo!
[Larawan sa pahina 7]
Ang tubig ay ginawang alak ni Jesus