Ano ang Pagkabuhay-Muli?
Ang sagot ng Bibliya
Sa Bibliya, ang salitang isinaling “pagkabuhay-muli” ay mula sa salitang Griego na a·naʹsta·sis, na nangangahulugang “pagbangon” o “pagtayong muli.” Ang isang tao na binuhay-muli ay ibinangon mula sa mga patay. At kung sino siya noon, ganoon pa rin siya kapag binuhay na siyang muli.—1 Corinto 15:12, 13.
Ang salitang “pagkabuhay-muli” ay wala sa Hebreong Kasulatan, na madalas tawaging Lumang Tipan. Pero ang turong ito ay lumilitaw roon. Halimbawa, nangako ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Oseas: “Tutubusin ko sila mula sa kapangyarihan ng Libingan; babawiin ko sila mula sa kamatayan.”—Oseas 13:14; Job 14:13-15; Isaias 26:19; Daniel 12:2, 13.
Saan bubuhaying muli ang mga tao? Ang ilang tao ay bubuhaying muli tungo sa langit para mamahala bilang mga hari na kasama ni Kristo. (2 Corinto 5:1; Apocalipsis 5:9, 10) Tinatawag ito ng Bibliya na “unang pagkabuhay-muli” at ‘mas maagang pagkabuhay-muli.’ Ipinakikita ng mga terminong ito na may isa pang pagkabuhay-muli. (Apocalipsis 20:6; Filipos 3:11) Ito naman ang pagkabuhay muli ng karamihan ng mga tao sa lupa.—Awit 37:29.
Paano bubuhaying muli ang mga tao? Binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihang bumuhay ng mga patay. (Juan 11:25) Bubuhaying muli ni Jesus ang “lahat ng nasa mga libingan,” at ibabalik ang sarili nilang mga personalidad, katangian, at alaala. (Juan 5:28, 29) Ang mga bubuhaying muli tungo sa langit ay tatanggap ng katawang espiritu. Malusog na katawang pisikal naman ang tatanggapin ng mga bubuhaying muli sa lupa.—Isaias 33:24; 35:5, 6; 1 Corinto 15:42-44, 50.
Sino ang mga bubuhaying muli? Sinasabi ng Bibliya na “bubuhaying muli . . . ang mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Kasama sa mga matuwid ang mga tapat na gaya nina Noe, Sara, at Abraham. (Genesis 6:9; Hebreo 11:11; Santiago 2:21) Kasama naman sa mga di-matuwid ang mga hindi nakaabót sa mga pamantayan ng Diyos dahil hindi sila nagkaroon ng pagkakataong malaman at sundin ang mga ito.
Pero ang mga napakasama at ayaw nang magbago ay hindi na bubuhaying muli. Kapag namatay sila, iyon na ang katapusan nila. Wala na silang pag-asang buhaying muli.—Mateo 23:33; Hebreo 10:26, 27.
Kailan mangyayari ang pagkabuhay-muli? Inihula ng Bibliya na ang pagkabuhay-muli tungo sa langit ay mangyayari sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, na nagsimula noong 1914. (1 Corinto 15:21-23) Ang pagkabuhay-muli naman dito sa lupa ay mangyayari sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, kung kailan gagawing paraiso ang lupa.—Lucas 23:43; Apocalipsis 20:6, 12, 13.
Bakit kapani-paniwala ang pagkabuhay-muli? Ang Bibliya ay detalyadong nag-uulat ng siyam na pagkabuhay-muli, na pinapatunayan ng mga nakasaksi. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37; 13:20, 21; Lucas 7:11-17; 8:40-56; Juan 11:38-44; Gawa 9:36-42; 20:7-12; 1 Corinto 15:3-6) Lalo nang kapansin-pansin ang ginawang pagbuhay-muli ni Jesus kay Lazaro, kasi apat na araw na itong patay at ginawa ito ni Jesus sa harap ng maraming tao. (Juan 11:39, 42) Hindi ito maikaila kahit ng mga sumasalansang kay Jesus. Nagplano pa nga silang patayin kapuwa si Jesus at si Lazaro.—Juan 11:47, 53; 12:9-11.
Ipinapakita ng Bibliya na ang Diyos ay may kakayahang bumuhay ng mga patay at gustong-gusto niyang gawin ito. Iniingatan niya sa kaniyang walang-limitasyong memorya ang detalyadong rekord ng bawat tao na bubuhayin niyang muli sa pamamagitan ng kaniyang dakilang kapangyarihan. (Job 37:23; Mateo 10:30; Lucas 20:37, 38) Kayang buhaying muli ng Diyos ang mga patay, at gusto niyang gawin ito! Sa gagawing pagkabuhay-muli, sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Mananabik ka sa gawa ng iyong mga kamay.”—Job 14:15.
Maling mga akala tungkol sa pagkabuhay-muli
Maling akala: Ang pagkabuhay-muli ay ang pagbabalik ng kaluluwa sa katawan.
Ang totoo: Itinuturo ng Bibliya na ang kaluluwa (Nephesh; Psykhe) ay ang tao mismo, hindi isang bahagi na humihiwalay pagkamatay niya. (Genesis 2:7, talababa; Ezekiel 18:4, talababa) Ang taong binuhay-muli ay hindi kaluluwa na bumalik sa kaniyang katawan; siya ay nilalang-muli bilang isang kaluluwang buháy.
Maling akala: May ilang tao na bubuhaying muli para puksain.
Ang totoo: Sinasabi ng Bibliya na “ang mga gumawa ng masasamang bagay” ay tatanggap ng “pagkabuhay-muli . . . sa paghatol.” (Juan 5:29) Pero hahatulan sila sa mga ginawa nila matapos silang buhaying muli, hindi bago nito. Sinabi ni Jesus: “Maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nagbigay-pansin ay mabubuhay.” (Juan 5:25) Ang pangalan ng mga “nagbigay-pansin,” o sumunod, sa mga bagay na natutuhan nila matapos silang buhaying muli ay mapapasulat sa “balumbon ng buhay.”—Apocalipsis 20:12, 13.
Maling akala: Bubuhaying muli ang isang tao sa katawan niya bago siya namatay.
Ang totoo: Pagkamatay ng isang tao, ang kaniyang katawan ay nabubulok at bumabalik sa alabok.—Eclesiastes 3:19, 20.