-
Nakasulat Ba sa “Aklat ng Buhay” ang Pangalan Mo?Ang Bantayan (Pag-aaral)—2022 | Setyembre
-
-
PAGKABUHAY-MULI SA BUHAY AT SA PAGHATOL
13-14. (a) Ano ang pagkaunawa natin noon sa mga sinabi ni Jesus sa Juan 5:29? (b) Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa mga salitang ito?
13 Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa mga bubuhaying muli dito sa lupa. Halimbawa, sinabi niya: “Darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya at mabubuhay silang muli—ang mga gumawa ng mabubuting bagay, tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, pero ang mga gumawa ng masasamang bagay, tungo sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?
14 Noon, ang pagkaunawa natin sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa mga gawa ng mga bubuhaying muli ay tumutukoy sa mga gagawin nila pagkatapos nilang buhaying muli. Ibig sabihin, may iba na bubuhaying muli na gagawa ng mabubuting bagay pero may iba naman na bubuhaying muli na gagawa ng masasamang bagay. Pero pansinin na hindi sinasabi ni Jesus na ang mga lalabas mula sa libingan ay gagawa ng mabubuting bagay o gagawa ng masasamang bagay. Ang ginamit niyang pandiwa rito ay nasa anyong panahunang pangnagdaan o past tense. Sinabi niya na ang mga ito ay “gumawa ng mabubuting bagay” at “gumawa ng masasamang bagay.” Kaya ang mga gawa na binanggit dito ay ang mga ginawa nila bago sila namatay. Makatuwiran namang isipin iyan. Wala naman kasing papayagang gumawa ng masasamang bagay sa bagong sanlibutan. Ang masasamang bagay na ginawa ng mga di-matuwid ay ginawa nila bago sila namatay. Kaya ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang “pagkabuhay-muli sa buhay” at pagkabuhay-muli “sa paghatol”?
15. Sino ang mga tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay,” at bakit?
15 Ang mga matuwid, na gumawa ng mabubuting bagay bago sila namatay, ay tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay” dahil nakasulat na ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay. Ibig sabihin, ang pagkabuhay-muli ng “mga gumawa ng mabubuting bagay” na inilarawan sa Juan 5:29 ay katulad ng pagkabuhay-muli ng mga “matuwid” na binanggit sa Gawa 24:15. Ang pagkaunawang ito ay kaayon ng sinabi sa Roma 6:7: “Ang taong namatay ay napawalang-sala na.” Kinansela na ni Jehova ang mga kasalanang nagawa ng mga matuwid noong mamatay sila, pero nasa alaala pa rin niya ang mga gawa ng katapatan nila noong nabubuhay pa sila. (Heb. 6:10) Pero siyempre, kailangang manatiling tapat ng mga matuwid na bubuhaying muli para permanenteng mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay.
16. Ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay-muli “sa paghatol?”
16 Paano naman ang gumawa ng masasamang bagay bago sila namatay? Kahit kinansela na ang mga kasalanan nila noong namatay sila, hindi pa sila nakapagpakita ng katapatan kay Jehova noong nabubuhay sila. Hindi nakasulat ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay. Kaya ang pagkabuhay-muli ng “mga gumawa ng masasamang bagay” ay katulad ng pagkabuhay-muli ng mga “di-matuwid” na tinutukoy sa Gawa 24:15. Tatanggap sila ng pagkabuhay-muli “sa paghatol.”c Ibig sabihin, oobserbahan at susubukin ni Jesus ang mga di-matuwid. (Luc. 22:30) Paglipas ng ilang panahon, makikita ni Jesus kung karapat-dapat mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay. Mapapasulat lang ang pangalan ng mga di-matuwid sa aklat ng buhay kung tatalikuran nila ang dating masamang pamumuhay nila at iaalay ang buhay nila kay Jehova.
-
-
Nakasulat Ba sa “Aklat ng Buhay” ang Pangalan Mo?Ang Bantayan (Pag-aaral)—2022 | Setyembre
-
-
c Dati, ang paliwanag natin sa salitang “paghatol” na ginamit dito ay nangangahulugan ng pagpapataw ng parusa. Ang totoo, puwedeng maging ganiyan ang kahulugan ng salitang “paghatol.” Pero sa kontekstong ito, lumilitaw na mas malawak ang kahulugan ng salitang “paghatol” na ginamit ni Jesus. Posibleng tumukoy ito sa panahong kailangan para maobserbahan at masubok ang isang tao, o gaya ng sinasabi ng isang leksikong Griego, “pagsusuri sa paggawi ng isa.”
-