Ang Pangmalas ng Bibliya
Ipinahihintulot ba ng Pagkakaisang Kristiyano ang Pagkakasari-sari?
MAHALAGA ang pagkakaisa sa Kristiyanong kongregasyon. Babangon ang matinding pagtatalo, pag-aaway, at pagkapoot pa nga dahil sa hindi pagkakaisa sa pinaniniwalaang doktrina. (Gawa 23:6-10) Ang Bibliya’y nagsasabi na ang “Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Kaya nga, ang mga Kristiyano’y pinapayuhang magsalita nang magkakasuwato at magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.—1 Corinto 1:10.
Hinihimok ba ng mga salitang ito at ng katulad na mga talata sa Bibliya ang mahigpit na pagkakatulad ng mga Kristiyano sa lahat ng bagay? (Juan 17:20-23; Galacia 3:28) Hindi ba hinihimok ng tunay na Kristiyanismo na gaya ng inilalarawan sa Bibliya ang pagkakasari-sari pagdating sa indibiduwal na mga personalidad? Lahat ba ng Kristiyano’y inaasahang umangkop sa isang mahigpit na katangian?
Hinihikayat Tayo ng Diyos sa Indibiduwal na Paraan
Ang ilang tao ay lubos na naniniwalang ang Bibliya ay isa lamang kasangkapan upang di-makatuwirang masupil ang masa. Ipagpalagay na, ito ay kadalasang maling ginagamit sa gayong paraan ng ilang sekta. Subalit, iba naman ang paglalarawan ni Jesus sa mga Kasulatan at sa Banal na Awtor nito. Inilarawan niya ang Diyos bilang ang isa na may matinding interes sa bawat isa sa kaniyang mga nilalang.
Sa Juan 6:44, ipinaliwanag ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Ang pandiwang ginamit dito ay hindi nagpapahiwatig na kinakaladkad ng Diyos ang mga tao, na labag sa kanilang kalooban. Sa halip, ang Diyos ay magiliw na humihikayat at gumigising sa ating puso. Gaya ng pagkakasabi ng isang iskolar sa Bibliya, may ‘impluwensiya mula sa Diyos na ikiling ang isip na maniwala.’ Hindi minamalas ng Maylalang ang sambahayan ng tao bilang isang karamihan na walang kakanyahan. Kaniyang sinusuri ang mga indibiduwal at magiliw na pinalalapit sa kaniya yaong may pusong nakahilig sa katuwiran.—Awit 11:5; Kawikaan 21:2; Gawa 13:48.
Pansinin kung paanong madaling makibagay si apostol Pablo. Batid niya ang pantanging pangangailangan ng mga indibiduwal at kinilala niya na may mga pangmalas na karaniwan sa partikular na mga nasyonalidad o pinagmulan. Saka niya iniangkop ang kaniyang paglapit nang naaalinsunod dito. Siya’y sumulat: “Sa mga Judio ako ay naging gaya ng isang Judio, upang matamo ko ang mga Judio . . . Sa mahihina ako ay naging mahina, upang matamo ko ang mahihina. Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.”—1 Corinto 9:20-22.
Maliwanag, hindi inuri ni Pablo ang mga tao na iisa o pinakitunguhan silang lahat sa magkakatulad na paraan. Ibinigay niya sa kanila ang pampatibay-loob na ito: “Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Oo, kailangang kilalanin at igalang ni Pablo at ng iba pang Kristiyano ang pagiging natatangi ng bawat tao upang matulungan siya.
Ang Orihinal na Disenyo ng Diyos
Ang paggalang na ito sa tao bilang isang indibiduwal ay nagpapatuloy pagkaraang ang isa’y maging bahagi ng Kristiyanong kongregasyon. Ang bayan ng Diyos ay hindi nalulunod sa dagat ng ganap na pagkakatulad at lubusang bumabagay sa mga kagustuhan niyaong nasa kapangyarihan. Bagkus, tinatamasa nila ang maraming pagkakasari-sari ng mga personalidad at may iba’t ibang kakayahan, kinaugalian, at mga opinyon. Ang kakanyahan ng bawat isa ay hindi minamalas na isang istorbo o nakayayamot. Bahagi ito ng orihinal na disenyo ng Diyos.
Kaya naman, sa bagong sanlibutang ipinangako sa Bibliya para sa mga matuwid, ang kasakdalan ng mga tao ay magpapahintulot ng maraming pagkakaiba. (2 Pedro 3:13) Sa ilalim ng pamagat na “Perfection,” angkop na ibinibigay ng ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scripturesa ang sumusunod na mga komento: “Gayunman, ang kasakdalan ay hindi nangangahulugan ng wakas ng pagkakasari-sari na gaya ng kadalasa’y inaakala ng mga tao. Ang kaharian ng mga hayop, na bunga ng ‘sakdal na gawain’ ni Jehova (Genesis 1:20-24; Deuteronomio 32:4), ay naglalaman ng napakaraming pagkakasari-sari.”
Ganito pa ang sabi ng Insight: “Ang kasakdalan ng planetang Lupa ay kasuwato rin sa pagkakasari-sari, pagbabago, o pagkakaiba; ito’y nagpapahintulot para sa simple at masalimuot, sa payak at hindi payak, sa maasim at matamis, sa magaspang at makinis, sa kaparangan at kakahuyan, sa mga bundok at mga libis. Sakop nito ang nakagaganyak na kasariwaan ng maagang tagsibol, ang init ng tag-araw taglay ang asul-bughaw na himpapawid, ang kagandahan ng mga kulay sa taglagas, ang dalisay na kagandahan ng kahuhulog na niyebe. (Genesis 8:22) Ang sakdal na mga tao ay hindi magiging magkakatulad ng personalidad, talino, at kakayahan.”
Pagmamalasakit sa Iba
Gayunman, hindi hinihimok ng tunay na Kristiyanismo ang isang maka-akong pagwawalang-bahala sa mga nasa paligid natin. Maingat na binantayan ni apostol Pablo ang bawat pitak ng kaniyang buhay at paggawi upang huwag matisod ang iba. Sinabi niya sa kaniyang sulat sa kongregasyon sa Corinto: “Sa paanuman ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali.” (2 Corinto 6:3) Kung minsan, dapat nating supilin ang ating personal na mga kagustuhan at unahin ang pangangailangan ng iba bago ang ating sariling mga kagustuhan. Halimbawa, si Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Roma: “Mabuti ang huwag kumain ng laman o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.”—Roma 14:21.
Gayundin sa ngayon, maaaring piliin ng isang tao na huwag uminom ng inuming may alkohol sa harap ng isa na may suliranin sa pagsupil ng kaniyang pag-inom. (1 Corinto 10:23, 24) Ginagawa ito, hindi dahil sa napipilitan kang makibagay, kundi bilang isang dakilang gawa ng kabaitan at pag-ibig. “Kahit na si Kristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili.” Si Jesus ay isang indibiduwal, subalit hindi niya iginiit ang kaniyang mga kagustuhan kahit na masaktan ang damdamin ng iba.—Roma 15:3.
At, isa sa lubhang nakagiginhawang aspekto ng tunay na Kristiyanismo ay ang paggalang nito sa mga kalayaan at mga kagustuhan ng indibiduwal sa loob ng mga hangganan ng mga alituntunin ng Bibliya. Itinuturo nito na ginawa tayo ng Diyos na maging naiiba at natatangi. Sa 1 Corinto 2:11, mababasa natin: “Sino sa mga tao ang nakaaalam sa mga bagay ng isang tao maliban sa espiritu ng tao na nasa kaniya?” Hangga’t maaari ay sinisikap nating unawain ang iba. Subalit ipinahihiwatig ng talatang ito na ang bawat isa sa atin ay may kakanyahan na tayo lamang at ang ating Maylalang ang nakauunawa. Mayroon tayong “lihim na pagkatao ng puso” na isinisiwalat natin kung mamarapatin natin.—1 Pedro 3:4.
Pagkakaisa at Pagkakasari-sari—Isang Maingat na Pagkakatimbang
Si apostol Pablo ay nagpakita ng isang mabuting halimbawa ng Kristiyanong pagkakatimbang. Bagaman may awtoridad bilang isang apostol ni Kristo, maingat siya na huwag igiit ang kaniyang opinyon sa iba.
Halimbawa, may napakatinding opinyon si Pablo tungkol sa mga bentaha ng pagiging walang asawa sa di-sakdal na daigdig na ito. Siya mismo ay walang asawa noong panahon na siya’y sumulat: “Yaong mga [nag-aasawa] ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman,” at, “[ang isang babaing balo] ay mas maligaya kung mananatili siyang gaya ng kung ano siya, ayon sa aking opinyon.” Ang bagay na ang kaniyang mga salita ay naging bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos ay nagpapahiwatig na walang masama sa kaniyang opinyon. Gayunman, ipinaliwanag din niya: “Kahit na nag-asawa ka, hindi ka nakagawa ng kasalanan.”—1 Corinto 7:28, 40.
Maliwanag, ang karamihan ng mga apostol ay mga lalaking may-asawa, gaya ng kinilala ni Pablo sa mga salitang ito: “May awtoridad tayong magsama ng isang kapatid na babae bilang asawang babae, gaya nga ng iba pa sa mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon at ni Cefas, hindi ba?” (1 Corinto 9:5) Batid ng mga Kristiyano na sa bagay na ito ay makapipili sila na naiiba kay Pablo at igagalang pa rin nila siya.
Ang mga mananamba ng Diyos ay pinahihintulutan sa tuwina na magpahayag ng kanilang pananampalataya na kasuwato ng kanilang natatanging personalidad. Sa katunayan, pinahintulutan pa nga ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya na gumamit ng indibiduwal na istilo kapag sumusulat. Halimbawa, buong kapakumbabaang isinulat ni Nehemias ang kaniyang ulat bagaman nasa unang persona. (Nehemias 5:6, 19) Sa kabilang dako, dahil naman sa kahinhinan hindi kailanman ginamit ni apostol Juan kahit minsan ang kaniya mismong pangalan sa kaniyang ulat ng Ebanghelyo at bihirang tukuyin ang kaniyang sarili. Sinang-ayunan ng Diyos ang kapuwa mga istilo at ang mga ito’y naingatan sa Bibliya.
Ang katulad na mga halimbawa ng pagkakatimbang at pagkamakatuwiran ay masusumpungan sa buong Kasulatan. Maliwanag, ang pagkakaisang Kristiyano ay nagpapahintulot ng pagkakasari-sari. Mangyari pa, ang pagkakaiba-iba ng mga pinagmulan at mga opinyon ay maaaring umakay sa kawalan ng pagkakaisa kung walang espirituwal na mga katangian. (Roma 16:17, 18) Subalit kung ‘dinaramtan natin ang ating mga sarili ng pag-ibig, ang sakdal na bigkis ng pagkakaisa,’ natututuhan nating tanggapin at masiyahan sa natatanging mga personalidad ng iba.—Colosas 3:14.
“Kaya nga tanggapin ninyo ang isa’t isa,” ang sabi ng Bibliya, “kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, na ukol sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 15:7) Sa tulong ng espiritu ng Diyos, matatamo ng mga Kristiyano ang maingat na pagkakatimbang ng pagpapanatili ng pagkakaisa samantalang nasisiyahan sa pagkakasari-sari ng natatanging mga personalidad sa kongregasyon.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 14]
Hindi minamalas ng Maylalang ang sambahayan ng tao na gaya ng isang karamihan na walang kakanyahan
[Blurb sa pahina 15]
Mayroon tayong kakanyahan na nauunawaan lamang ng ating sarili at ng ating Maylalang