Si Jehova—Isang Diyos na Nagtuturo
“Silang lahat ay tuturuan ni Jehova.”—JUAN 6:45.
1. Ano ngayon ang ginagawa ni Jesus sa Capernaum?
KAGAGAWA lamang ni Jesu-Kristo ng mga himala at ngayon ay nakikita siyang nagtuturo sa isang sinagoga sa Capernaum, malapit sa Dagat ng Galilea. (Juan 6:1-21, 59) Marami ang hindi naniwala nang sabihin niya: “Ako ay bumaba mula sa langit.” Sila’y nagbulung-bulungan: “Hindi ba ito si Jesus ang anak ni Jose, na ang kaniyang ama at ina ay kilala natin? Paano nga na ngayon ay sinasabi niyang, ‘Ako ay bumaba mula sa langit’?” (Juan 6:38, 42) Sa pagsaway sa kanila, ipinahayag ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin; at akin siyang bubuhaying-muli sa huling araw.”—Juan 6:44.
2. Ano ang saligan sa paniniwala sa pangako ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli?
2 Anong kahanga-hangang pangako—bubuhaying-muli sa huling araw, na ang Kaharian ng Diyos ang siyang namamahala! Mapaniniwalaan natin ang pangakong ito sapagkat ito’y ginagarantiyahan ng Ama, ang Diyos na Jehova. (Job 14:13-15; Isaias 26:19) Sa katunayan, si Jehova, na nagtuturo na ang mga patay ay babangon, ang siyang “pinakadakilang guro sa lahat.” (Job 36:22, Today’s English Version) Sa pagtutuon ng pansin sa pagtuturo ng Ama, ganito ang sumunod na sinabi ni Jesus: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ ”—Juan 6:45.
3. Anu-anong katanungan ang isasaalang-alang natin?
3 Tiyak, isang pribilehiyo na mapabilang sa mga tinukoy ni propeta Isaias nang siya’y sumulat: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:13) Maaari kaya tayong maging gayon? Sino ang mga naging tulad ng mga anak sa kaniya at tumanggap ng kaniyang mga turo? Ano ang mahahalagang turo ni Jehova na kailangang malaman natin at maikapit upang kamtin ang kaniyang mga pagpapala? Papaano nagturo si Jehova noong nakaraan, at gayundin ba ang paraan ng kaniyang pagtuturo sa ngayon? Ito ang mga katanungang isasaalang-alang natin.
Ama, Guro, Asawang Lalaki
4. Sino ang mga una sa mga anak ni Jehova na tumanggap ng kaniyang mga turo?
4 Si Jehova ay naging kapuwa Ama at Guro muna nang lalangin niya ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus bago ito naging tao. Ang isang ito ay tinawag na “ang Salita” sapagkat siya ang Punong Tagapagsalita ni Jehova. (Juan 1:1, 14; 3:16) Ang Salita ay naglingkod “sa piling [ng Ama] gaya ng isang dalubhasang manggagawa,” at siya’y natutong mainam buhat sa pagtuturo ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:22, 30) Sa katunayan, siya ang naging Ahente, o kasangkapan, na sa pamamagitan niya nilalang ng Ama ang lahat ng iba pang bagay, kasali na ang espiritung “mga anak ng Diyos.” Tiyak ngang ikinagalak nila ang pagiging mga naturuan ng Diyos! (Job 1:6; 2:1; 38:7; Colosas 1:15-17) Nang maglaon, nilalang ang unang tao, si Adan. Siya man ay “anak ng Diyos,” at isinisiwalat ng Bibliya na tinuruan siya ni Jehova.—Lucas 3:38; Genesis 2:7, 16, 17.
5. Anong napakahalagang pribilehiyo ang naiwala ni Adan, gayunma’y sinu-sino ang mga tinuruan ni Jehova, at bakit?
5 Nakalulungkot, dahil sa kaniyang kusang pagsuway, naiwala ni Adan ang pribilehiyo ng patuloy na pagiging anak ng Diyos. Samakatuwid, hindi maaaring angkinin ng kaniyang mga inapo ang kaugnayan ng pagiging mga anak ng Diyos dahil lamang sa pagkapanganak sa kanila. Gayunman, tinuruan ni Jehova ang di-sakdal na mga tao na umasa sa kaniya ukol sa patnubay. Halimbawa, si Noe ay napatunayang “isang taong matuwid” na “lumakad na kasama ng tunay na Diyos,” at sa gayo’y tinuruan ni Jehova si Noe. (Genesis 6:9, 13–Ge 6:13 hanggang 7:5) Sa kaniyang pagkamasunurin, pinatunayan ni Abraham ang kaniyang sarili bilang “kaibigan ni Jehova,” at samakatuwid siya rin naman ay naturuan ni Jehova.—Santiago 2:23; Genesis 12:1-4; 15:1-8; 22:1, 2.
6. Sino ang itinuring ni Jehova bilang kaniyang “anak,” at anong uri siya ng guro sa kanila?
6 Pagkaraan ng ilang panahon, noong kaarawan ni Moises, nakipagtipan si Jehova sa bansang Israel. Bunga nito, ang bansang iyon ang naging kaniyang piniling bayan at itinuring na kaniyang “anak.” Sinabi ng Diyos: “Ang Israel ay aking anak.” (Exodo 4:22, 23; 19:3-6; Deuteronomio 14:1, 2) Batay sa pakikipagtipang iyan, masasabi nga ng mga Israelita, gaya ng iniulat ni propeta Isaias: “Ikaw, O Jehova, ang aming Ama.” (Isaias 63:16) Binalikat ni Jehova ang kaniyang pananagutan bilang ama at maibiging tinuruan ang kaniyang mga anak, ang Israel. (Awit 71:17; Isaias 48:17, 18) Sa katunayan, nang sila’y maging di-tapat, siya’y nagmakaawa sa kanila: “Manumbalik kayo, O kayong mga anak na nagtaksil.”—Jeremias 3:14.
7. Ano ang naging kaugnayan ng Israel kay Jehova?
7 Bunga ng pakikipagtipan sa Israel, si Jehova rin naman ay naging Asawa ng bansa sa makasagisag na paraan, at ito ang naging kaniyang makasagisag na asawang babae. Tungkol sa kaniya ay sumulat si propeta Isaias: “Ang iyong Dakilang Maylikha ang iyong nagmamay-aring asawang lalaki, Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan.” (Isaias 54:5; Jeremias 31:32) Bagaman tinupad ni Jehova sa marangal na paraan ang kaniyang papel bilang Asawa, ang bansang Israel ay naging isang taksil na asawang babae. “Kung papaanong humihiwalay na may paglililo ang asawang babae sa kaniyang kasama,” sabi ni Jehova, “gayundin kayo, O sambahayan ni Israel, ay nakitungo nang may paglililo sa akin.” (Jeremias 3:20) Patuloy na nanawagan si Jehova sa mga anak ng kaniyang di-tapat na asawa; siya’y patuloy na naging kanilang “Dakilang Tagapagturo.”—Isaias 30:20; 2 Cronica 36:15.
8. Bagaman ang Israel bilang isang bansa ay itinakwil ni Jehova, anong antitipikong makasagisag na asawang babae ang taglay pa rin niya?
8 Nang itakwil at patayin ng Israel ang Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa wakas ay itinakwil naman siya ng Diyos. Kaya ang Judiong bansang iyon ay hindi na isang makasagisag na asawang babae sa kaniya, ni siya man ang Ama at Guro ng kaniyang suwail na mga anak. (Mateo 23:37, 38) Gayunpaman, ang Israel ay isa lamang tipiko, o makasagisag na asawang babae. Sinipi ni apostol Pablo ang Isaias 54:1, na bumabanggit tungkol sa isang “babaing baog” na naiiba at natatangi buhat sa “babaing may nagmamay-aring asawang lalaki,” ang likas na bansang Israel. Isinisiwalat ni Pablo na ang pinahirang mga Kristiyano ay mga anak ng “babaing baog,” na tinatawag niyang “Jerusalem sa itaas.” Ang antitipikong makasagisag na babaing ito ay binubuo ng makalangit na organisasyon ng Diyos na espiritung mga nilalang.—Galacia 4:26, 27.
9. (a) Sino ang tinutukoy ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa ‘iyong mga anak na tinuturuan ni Jehova’? (b) Ano ang saligan ng mga tao sa pagiging espirituwal na mga anak ng Diyos?
9 Samakatuwid, sa sinagoga ng Capernaum, nang ulitin ni Jesus ang hula ni Isaias: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova,” binabanggit niya ang tungkol sa magiging “mga anak” ng “Jerusalem sa itaas,” ang tulad-asawang makalangit na organisasyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga turo ng kinatawan ng Diyos buhat sa langit, si Jesu-Kristo, ang mga Judiong tagapakinig ay maaaring maging mga anak ng dating baog na makalangit na babae ng Diyos at bumuo ng “isang bansang banal,” ang espirituwal na “Israel ng Diyos.” (1 Pedro 2:9, 10; Galacia 6:16) Sa paglalarawan sa dakilang pagkakataon na binuksan ni Jesus para sa pagiging espirituwal na mga anak ng Diyos, sumulat si apostol Juan: “Siya ay dumating sa sarili niyang tahanan, ngunit hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling bayan. Gayunman, ang lahat ng tumanggap sa kaniya, sa kanila ay ibinigay niya ang awtoridad na maging mga anak ng Diyos, sapagkat sila ay nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniyang pangalan.”—Juan 1:11, 12.
Mahahalagang Turo ni Jehova
10. Agad-agad pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, ano ang itinuro ni Jehova hinggil sa “binhi,” at napatunayang sino ang Binhing ito?
10 Bilang isang maibiging Ama, ipinababatid ni Jehova sa kaniyang mga anak ang kaniyang mga layunin. Kaya naman, nang hikayatin ng isang rebeldeng anghel ang unang mag-asawa upang sumuway, agad na ipinaalam ni Jehova kung ano ang gagawin niya upang tuparin ang kaniyang layunin na gawing paraiso ang lupa. Sinabi niya na pag-aalitin niya “ang orihinal na serpiyente,” na siyang si Satanas na Diyablo, “at ang babae.” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na susugatan ng “binhi” ng babae si Satanas “sa ulo” hanggang sa mamatay. (Genesis 3:1-6, 15; Apocalipsis 12:9; 20:9, 10) Gaya ng nakita natin, ang babae—nang dakong huli ay ipinakilala bilang ang “Jerusalem sa itaas”—ay ang makalangit na organisasyon ng Diyos na espiritung mga nilalang. Subalit sino ang kaniyang “binhi”? Siya ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang isa na isinugo buhat sa langit at ang isa na sa dakong huli ay lilipol kay Satanas.—Galacia 4:4; Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8.
11, 12. Papaano pinalawak ni Jehova ang kaniyang mahalagang turong ito hinggil sa “binhi”?
11 Pinalawak ni Jehova ang tungkol sa mahalagang turong ito hinggil sa “binhi” nang ipangako niya kay Abraham: “Tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit . . . At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:17, 18) Ginamit ni Jehova si apostol Pablo upang ipaliwanag na si Jesu-Kristo ang ipinangakong Binhi ni Abraham ngunit may iba pa na magiging bahagi rin ng “binhi.” “Kung kayo ay kay Kristo,” isinulat ni Pablo, “kayo ay talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana may kaugnayan sa isang pangako.”—Galacia 3:16, 29.
12 Isiniwalat din ni Jehova na si Kristo, ang Binhi, ay manggagaling sa maharlikang angkan ni Juda at na sa kaniya “mauukol ang pagsunod ng mga bayan.” (Genesis 49:10) Hinggil kay Haring David ng tribo ni Juda, ganito ang ipinangako ni Jehova: “Aking tiyak na itatatag ang kaniyang binhi magpakailanman at ang kaniyang trono gaya ng mga araw ng langit. Ang kaniyang binhi naman ay mananatili hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay magiging gaya ng araw sa harap ko.” (Awit 89:3, 4, 29, 36) Nang ipatalastas ni anghel Gabriel ang pagsilang kay Jesus, ipinaliwanag niya na ang bata ang siyang Tagapamahala na inatasan ng Diyos, ang Binhi ni David. “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan,” sabi ni Gabriel, “at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, . . . at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”—Lucas 1:32, 33; Isaias 9:6, 7; Daniel 7:13, 14.
13. Upang matamo ang pagpapala ni Jehova, papaano tayo dapat tumugon sa kaniyang pagtuturo?
13 Upang matamo ang pagpapala ni Jehova, kailangang malaman natin at kumilos tayo ayon sa mahalagang turong ito tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kailangang maniwala tayo na si Jesus ay nanaog mula sa langit, na siya ang Haring inatasan ng Diyos—ang maharlikang Binhi na mangangasiwa sa pagsasauli ng Paraiso sa lupa—at na kaniyang bubuhaying-muli ang mga patay. (Lucas 23:42, 43; Juan 18:33-37) Sa Capernaum nang bumanggit si Jesus tungkol sa pagbuhay-muli sa mga patay, dapat sana’y naging maliwanag sa mga Judio na ang sinabi niya ay siyang katotohanan. Aba, ilang linggo pa lamang bago nito, malamang na doon mismo sa Capernaum, binuhay-muli niya ang 12-taóng-gulang na anak na babae ng isang punong opisyal ng sinagoga! (Lucas 8:49-56) Tiyak na tayo man ay may sapat na dahilan upang maniwala at kumilos kasuwato ng pumupukaw-pag-asang turong ito ni Jehova hinggil sa kaniyang Kaharian!
14, 15. (a) Gaano kahalaga kay Jesus ang Kaharian ni Jehova? (b) Ano ang kailangan natin upang maunawaan at maipaliwanag ang tungkol sa Kaharian ni Jehova?
14 Itinalaga ni Jesus ang kaniyang buhay sa lupa sa pagtuturo tungkol sa Kaharian ni Jehova. Ginawa niya itong tema ng kaniyang ministeryo, at iniutos pa man din sa kaniyang mga tagasunod na manalangin ukol dito. (Mateo 6:9, 10; Lucas 4:43) Ang likas na mga Judio ay nakahanay na maging “mga anak ng kaharian,” ngunit dahil sa kawalan ng pananampalataya, karamihan sa kanila ay nabigong makamtan ang pribilehiyong iyan. (Mateo 8:12; 21:43) Isiniwalat ni Jesus na isang “munting kawan” lamang ang tatanggap ng pribilehiyong maging “mga anak ng kaharian.” Ang “mga anak” na ito ay nagiging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” sa kaniyang makalangit na Kaharian.—Lucas 12:32; Mateo 13:38; Roma 8:14-17; Santiago 2:5.
15 Ilang tagapagmana ng kaharian ang dadalhin ni Kristo sa langit upang mamahalang kasama niya sa buong lupa? Ayon sa Bibliya, 144,000 lamang. (Juan 14:2, 3; 2 Timoteo 2:12; Apocalipsis 5:10; 14:1-3; 20:4) Subalit sinabi ni Jesus na siya ay may “ibang mga tupa,” na magiging makalupang mga sakop ng pamamahala ng Kahariang iyon. Tatamasahin ng mga ito ang sakdal na kalusugan at kapayapaan magpakailanman sa paraisong lupa. (Juan 10:16; Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4) Kailangang maunawaan at maipaliwanag natin ang turo ni Jehova tungkol sa Kaharian.
16. Anong mahalagang turo ni Jehova ang kailangan nating matutuhan at isagawa?
16 Ipinakilala ni apostol Pablo ang isa pang mahalagang turo ni Jehova. Sinabi niya: “Kayo mismo ay tinuruan ng Diyos na ibigin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 4:9) Upang mapalugdan si Jehova, kailangang ipamalas natin ang gayong pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” sabi ng Bibliya, at kailangang tularan natin ang kaniyang halimbawa sa pagpapakita ng pag-ibig. (1 Juan 4:8; Efeso 5:1, 2) Nakalulungkot, karamihan ng tao ay lubhang nabigo na matutong ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng itinuturo ng Diyos na gawin natin. Kumusta naman tayo? Tumutugon ba tayo sa turong ito ni Jehova?
17. Kaninong saloobin ang dapat nating tularan?
17 Mahalaga na tumutugon tayo sa lahat ng turo ni Jehova. Ang ating saloobin ay maging tulad sana niyaong sa mga salmista ng Bibliya na sumulat: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong sariling mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako.” “Ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. Turuan mo ako ng kabutihan, ng pagkamakatuwiran at kaalaman mismo . . . Ituro mo sa akin ang iyong sariling hudisyal na mga pasiya.” (Awit 25:4, 5; 119:12, 66, 108) Kung nadarama mo ang gaya niyaong sa mga salmista, ikaw ay maaaring maging kabilang sa malaking pulutong na naturuan ni Jehova.
Malaking Pulutong ng mga Naturuan
18. Ano ang inihula ni propeta Isaias na magaganap sa ating panahon?
18 Inihula ni propeta Isaias kung ano ang magaganap sa ating panahon: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok . . . At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan tungkol sa kaniyang mga daan.’” (Isaias 2:2, 3; Mikas 4:2) Sino ang mga taong ito na naturuan ni Jehova?
19. Sino sa ngayon ang kasali sa mga naturuan ni Jehova?
19 Kasali sa kanila ang iba bukod pa sa mga mamamahala sa langit kasama ni Kristo. Gaya ng nabanggit na, sinabi ni Jesus na siya ay may “ibang mga tupa”—makalupang mga sakop ng Kaharian—bilang karagdagan sa “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian. (Juan 10:16; Lucas 12:32) Ang “malaking pulutong,” na makaliligtas sa “malaking kapighatian,” ay kabilang sa uring ibang tupa, at nagtatamasa sila ng sinang-ayunang katayuan sa harap ni Jehova salig sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 14) Bagaman ang mga ibang tupa ay di-tuwirang kabilang sa “mga anak” na binanggit sa Isaias 54:13, sila ay pinagpala sa pagiging tinuturuan ni Jehova. Samakatuwid, angkop na tawagin nilang “Ama” ang Diyos sapagkat, sa katunayan, siya ay magiging kanilang Ninuno sa pamamagitan ng “Walang-Hanggang Ama,” si Jesu-Kristo.—Mateo 6:9; Isaias 9:6.
Kung Papaano Nagtuturo si Jehova
20. Sa anu-anong paraan nagtuturo si Jehova?
20 Si Jehova ay nagtuturo sa maraming paraan. Halimbawa, ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang mga gawang paglalang, na nagpapatotoo kapuwa sa kaniyang pag-iral at sa kaniyang dakilang karunungan. (Job 12:7-9; Awit 19:1, 2; Roma 1:20) Isa pa, nagtuturo siya sa pamamagitan ng tuwirang pakikipagtalastasan, gaya ng ginawa niya sa pagtuturo kay Jesus bago ito naging tao. Gayundin, sa tatlong naiulat na okasyon, siya’y tuwirang nagsalita buhat sa langit sa mga tao sa lupa.—Mateo 3:17; 17:5; Juan 12:28.
21. Sinong anghel ang partikular na ginamit ni Jehova bilang kaniyang kinatawan, subalit papaano natin nalalaman na ang iba ay ginamit din?
21 Gumamit din si Jehova ng kinatawang mga anghel upang magturo, kasali na ang kaniyang Panganay, “ang Salita.” (Juan 1:1-3) Bagaman maaari naman na tuwirang magsalita si Jehova sa kaniyang sakdal na anak na tao, si Adan, sa halamanan ng Eden, malamang na ginamit niya si Jesus bago ito naging tao upang magsalita para sa Kaniya. (Genesis 2:16, 17) Ang isang ito marahil ay “ang anghel ng tunay na Diyos na nasa unahan ng kampamento ng Israel” at na tungkol sa kaniya ay iniutos ni Jehova: “Dinggin ninyo ang kaniyang tinig.” (Exodo 14:19; 23:20, 21) Walang alinlangan na si Jesus bago naging tao ay siya ring “prinsipe ng hukbo ni Jehova” na nagpakita kay Josue upang palakasin siya. (Josue 5:14, 15) Ginamit din ni Jehova ang ibang anghel upang ipabatid ang kaniyang mga turo, gaya niyaong mga ginamit niya upang ihatid ang Batas kay Moises.—Exodo 20:1; Galacia 3:19; Hebreo 2:2, 3.
22. (a) Sinu-sino sa lupa ang ginamit ni Jehova upang magturo? (b) Ano ang pangunahing paraan na sa pamamagitan nito ay tinuturuan ni Jehova ang mga tao sa ngayon?
22 Gayundin, gumagamit ang Diyos na Jehova ng mga taong kinatawan upang magturo. Kailangang turuan ng mga magulang sa Israel ang kanilang mga anak; ang mga propeta, saserdote, prinsipe, at mga Levita naman ang nagturo ng Batas ni Jehova sa bansa. (Deuteronomio 11:18-21; 1 Samuel 12:20-25; 2 Cronica 17:7-9) Si Jesus ang pangunahing Tagapagsalita ng Diyos sa lupa. (Hebreo 1:1, 2) Madalas sabihin ni Jesus na kung ano ang itinuro niya ay siyang eksaktong natutuhan niya mula sa Ama, kaya ang kaniyang mga tagapakinig, sa diwa, ay tinuturuan ni Jehova. (Juan 7:16; 8:28; 12:49; 14:9, 10) Ipinasulat ni Jehova ang kaniyang mga sinabi, at sa ating kaarawan siya ay nagtuturo sa mga tao pangunahin na sa pamamagitan ng mga kinasihang Kasulatan na ito.—Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16.
23. Anu-anong katanungan ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
23 Mahalaga ang panahong kinabubuhayan natin, yamang ipinangangako ng Kasulatan na ‘sa huling bahagi ng mga araw [na ating kinabubuhayan] maraming tao ang tuturuan tungkol sa mga daan ni Jehova.’ (Isaias 2:2, 3) Papaano inilalaan ang pagtuturong ito? Ano ang kailangan nating gawin upang makinabang at makibahagi din naman sa dakilang programa ng pagtuturo ni Jehova na nagaganap sa ngayon? Isasaalang-alang natin ang mga katanungang ito sa susunod na artikulo.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano naging isang Ama, Guro, at Asawang Lalaki si Jehova?
◻ Ano ang itinuturo ni Jehova hinggil sa “binhi”?
◻ Anong mahalagang turo ni Jehova ang kailangan nating tuparin?
◻ Papaano nagtuturo si Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagbuhay-muli sa anak na babae ni Jairo ay naglaan ng saligan para sa paniniwala sa pangako ni Jesus na pagkabuhay-muli