Natikman Mo Na ba ang Tinapay ng Buhay?
GUTÓM na ang mga turista. Ginutom sila dahil sa pamamasyal sa makasaysayang lunsod ng Betlehem, at gusto nilang makatikim ng karaniwang pagkain doon. Nakita ng isa sa kanila ang isang restawran na nagtitinda ng falafel—pita bread na may kasamang masarap na giniling na garbansos, kamatis, sibuyas, at iba pang gulay. Pagkatapos magmeryenda, may lakas na uli sila para maglibot.
Walang kamalay-malay ang mga turista na ang simpleng pita bread na iyon ay libo-libong taon nang ginagawa roon. Sa katunayan, ang pangalang Betlehem ay nangangahulugang “Bahay ng Tinapay.” (Ruth 1:22; 2:14) Sa ngayon, ang pita bread pa rin ang isa sa karaniwang tinapay sa Betlehem.
Halos apat na libong taon na ang nakalipas, di-kalayuan sa timog ng Betlehem, si Sara na asawa ni Abraham ay gumawa ng “mga tinapay na bilog” para sa kaniyang tatlong di-inaasahang bisita. (Genesis 18:6) Ang “mainam na harina” na ginamit ni Sara ay maaaring mula sa trigo o sebada. Kailangan niyang magmasa agad, at malamang na niluto niya ito sa pinainit na mga bato.—1 Hari 19:6.
Gaya ng ipinakikita ng ulat na ito, ang pamilya ni Abraham ang gumagawa ng sarili nilang tinapay. Dahil palipat-lipat sila, malamang na hindi sa pugon, na karaniwang gamit nila noon sa bayan ng Ur, nagluluto ng tinapay si Sara at ang mga lingkod niya. Matrabaho ang paggawa ng mainam na harina mula sa mga butil na makukuha sa lugar na iyon. Posibleng gumagamit pa sila ng lusóng at pambayo, at ng maliit na gilingan.
Pagkalipas ng 400 taon, itinakda sa Kautusang Mosaiko na hindi maaaring gawing panagot sa pautang o prenda ang gilingan, yamang ito ang kabuhayan ng isa. (Deuteronomio 24:6) Itinuring ng Diyos na napakahalaga ng gilingan dahil kung wala nito, hindi makagagawa ng tinapay sa araw-araw ang isang pamilya.—Tingnan ang kahong “Paggiling at Paggawa ng Tinapay Noong Panahon ng Bibliya.”
TINAPAY NA NAGPAPALAKAS SA ATIN
Ang tinapay ay ilang daang ulit na binabanggit sa Kasulatan at madalas itong itumbas ng mga manunulat ng Bibliya sa salitang pagkain. Sinabi ni Jesus na ang mga lingkod ng Diyos ay makahihiling: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.” (Mateo 6:11) Dito, ang “tinapay” ay nangangahulugang pagkain at ipinakikita ni Jesus na makaaasa tayong ilalaan ng Diyos ang pagkain natin sa araw-araw.—Awit 37:25.
Pero may mas mahalaga kaysa sa tinapay, o pagkain. “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 4:4) Tinutukoy niya ang panahon nang ang mga Israelita ay lubusang nakadepende sa ilalaan sa kanila ng Diyos. Nangyari ito hindi pa natatagalan pagkaalis nila sa Ehipto. Mga isang buwan na silang nasa Disyerto ng Sinai, at nauubos na ang kanilang pagkain. Dahil nangangamba na baka mamatay sila sa gutom, nagreklamo sila: ‘Sa Ehipto, kumakain kami ng tinapay hanggang sa mabusog.’—Exodo 16:1-3.
Tiyak na masarap ang tinapay sa Ehipto. Noong panahon ni Moises, propesyonal na mga panadero sa Ehipto ang gumagawa ng sari-saring tinapay at cake. Pero siguradong bibigyan ni Jehova ng tinapay ang kaniyang bayan. Nangako siya: “Narito, magpapaulan ako para sa inyo ng tinapay mula sa langit.” Kinaumagahan, lumitaw ang tinapay na ito mula sa langit, “pinong bagay” na parang hamog o niyebe. “Ano ito?” ang tanong ng mga Israelita nang una nila itong makita. “Ito ang tinapay na ibinigay ni Jehova sa inyo bilang pagkain,” ang sabi ni Moises. Tinawag nila itong manna,a at ito ang naging pagkain nila sa sumunod na 40 taon.—Exodo 16:4, 13-15, 31.
Ikinatuwa ng mga Israelita noong una ang makahimalang manna. Ito ay lasang “tinapay na lapad na may pulot-pukyutan,” at sapat para sa lahat. (Exodo 16:18, 31) Pero sa paglipas ng panahon, hinanap-hanap nila ang sari-saring pagkain nila noon sa Ehipto. Nagbulung-bulungan sila: “Walang anumang nakikita ang aming mga mata kundi ang manna.” (Bilang 11:6) Nang maglaon ay nagalit sila: “Kinamumuhian na ng aming kaluluwa ang kasuklam-suklam na tinapay.” (Bilang 21:5) Nang bandang huli, nagsawa at nasusuká na sila sa “tinapay mula sa langit.”—Awit 105:40.
ANG TINAPAY NG BUHAY
Maliwanag na gaya ng iba pang bagay, ang tinapay ay napakadaling ipagwalang-bahala. Pero may napakaespesyal na tinapay sa Bibliya na hindi dapat hamakin. Ang tinapay na ito, na inihambing ni Jesus sa manna na kinasuklaman ng mga Israelita, ay maaaring magdulot ng walang-hanggang pakinabang.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Ako ang tinapay ng buhay. Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang at gayunma’y namatay. Ito ang tinapay na bumababa mula sa langit, upang ang sinuman ay makakain mula rito at hindi mamatay. Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman; at, ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.”—Juan 6:48-51.
Hindi naintindihan ng marami sa tagapakinig ni Jesus ang paggamit niya ng mga salitang “tinapay” at “laman.” Pero tamang-tama ang ilustrasyong iyon. Tinapay ang pagkain sa araw-araw ng mga Judio, kung paanong ang manna ang naging pagkain ng mga Israelita sa disyerto sa loob ng 40 taon. Bagaman ang manna ay regalo mula sa Diyos, hindi ito nakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Pero maibibigay iyan ng sakripisyo ni Jesus sa mga nananampalataya sa kaniya. Siya talaga “ang tinapay ng buhay.”
Siguro kapag nagutom ka, kakain ka ng tinapay. At malamang na magpapasalamat ka sa Diyos para sa iyong “tinapay sa araw-araw.” (Mateo 6:11, The New English Bible) Bagaman pinahahalagahan natin ang masarap na pagkaing ito, huwag nawa nating kalilimutan ang halaga ng “tinapay ng buhay,” si Jesu-Kristo.
Paano natin maipakikita na hindi tayo gaya ng walang utang na loob na mga Israelita noong panahon ni Moises? Sinabi ni Jesus: “Kung ako ay iniibig ninyo, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” (Juan 14:15) Kung susundin natin ang mga utos ni Jesus, may pag-asa tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan at masiyahang kumain ng tinapay magpakailanman.—Deuteronomio 12:7.
a Ang terminong “manna” ay malamang na mula sa salitang Hebreo na “man hu’?” na nangangahulugang “ano ito?”