Ano ba ang Sinasabi ng Kasulatan Tungkol sa “Pagka-Diyos ni Kristo”?
SI Jesu-Kristo ay nagkaroon ng isang matinding epekto sa relihiyon ng tao. Ito’y dahilan sa milyun-milyon ang nag-aangkin na kaniyang mga tagasunod. Gayunman, hindi lahat sa kanila ay nagkakasundo tungkol sa kung sino siya.
Ang iba na nagsasabing kanilang tinatanggap ang mga turo ni Jesus ay may pagkakilala sa kaniya bilang ang Anak ng Diyos, hindi ang Maylikha mismo. Ang iba naman ay naniniwala sa “pagka-Diyos ni Kristo” at nag-iisip na siya ang aktuwal na Diyos. Sila’y naniniwala na mula’t sapol ay umiiral na si Jesus at siya’y hindi lamang isang tao nang naririto siya sa lupa. Tama ba ang kanilang paniniwala tungkol dito? Ano naman ang sinasabi ng Kasulatan?
Umiiral Na si Jesus Bago Pa Siya Naging Tao
Nagpatotoo si Jesus na siya’y umiiral na bago pa siya naging tao. Sinabi niya: “Walang taong umakyat sa langit kundi yaong nanggaling sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Sinabi rin ni Jesus: “Ako ang tinapay na buháy na bumababang galing sa langit; kung sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman; at, ang totoo, ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.”—Juan 6:51.
Na si Jesus ay nabubuhay na bago naparito sa lupa ay maliwanag buhat sa kaniyang mga salita: “Bago ipinanganak si Abraham, ako ay umiiral na.” (Juan 8:58) Si Abraham ay nabuhay mula 2018 hanggang 1843 B.C.E., samantalang si Jesus bilang tao ay nabuhay mula 2 B.C.E. hanggang 33 C.E. Mga ilang saglit bago sumapit ang kaniyang kamatayan, si Jesus ay nanalangin: “Ama, luwalhatiin mo ako na kasama mo ng kaluwalhatiang taglay ko nang ako’y kasama mo bago naging gayon ang sanlibutan.”—Juan 17:5.
Ang mga tagasunod ni Jesus ay nagbigay ng nakakatulad na patotoo. Si apostol Juan ay sumulat: “Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos. Lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hindi sa pamamagitan niya ay walang isa mang bagay na iiral. . . . Kaya’t ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama; at siya’y puspos ng di-sana nararapat na awa at ng katotohanan.” (Juan 1:1, 3, 14) Oo, “ang Salita ay naging laman” bilang ang taong si Jesu-Kristo.
Ang tinutukoy ay ang pag-iral ni Jesus bago naging tao, si apostol Pablo ay sumulat: “Manatili kayo sa ganitong kaisipan na taglay rin ni Kristo Jesus, na, bagaman siya’y nasa anyong Diyos, hindi niya pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao.” (Filipos 2:5-7) Si Jesus ay tinawag ni Pablo na “ang panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng iba pang mga bagay.”—Colosas 1:13, 16.
Hindi Siya ang Diyos Nang Narito sa Lupa
Nililiwanag ng Kasulatan na si Jesus ay isang ganap na tao mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa kaniyang kamatayan. Hindi sinabi ni Juan na ang Salita ay binihisan lamang ng laman. Siya’y “naging laman” at hindi isang bahagi’y laman at isang bahagi’y Diyos. Kung si Jesus ay naging tao at Diyos nang magkasabay, hindi sana sasabihin na siya’y “ginawang mababa nang kaunti kaysa mga anghel.”—Hebreo 2:9; Awit 8:4, 5.
Kung si Jesus ay kapuwa Diyos at tao nang narito sa lupa, bakit paulit-ulit na nanalangin siya kay Jehova? Sumulat si Pablo: “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng mga pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y may pagsang-ayong dininig dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.”—Hebreo 5:7.
Na si Jesus sa isang bahagi’y hindi isang espiritu nang narito sa lupa ay pinatutunayan ng pangungusap ni Pedro na si Kristo’y “pinatay sa laman, ngunit . . . binuhay sa espiritu.” (1 Pedro 3:18) Dahilan lamang sa pagiging ganap na tao ni Jesus maaari siyang makaranas ng nararanasan ng mga taong di-sakdal at sa gayo’y maging isang mahabaging mataas na saserdote. Si Pablo ay sumulat: “Ang ating mataas na saserdote ay hindi isang walang-habag sa ating mga kahinaan, kundi isang subók na sa lahat ng paraan na gaya natin, ngunit walang kasalanan.”—Hebreo 4:15.
Bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan,” “ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang sarili bilang isang katumbas na pantubos para sa lahat.” (Juan 1:29; 1 Timoteo 2:6) Sa ganiyang paraan, ibinalik ni Jesus ang katumbas na katumbas ng naiwala ni Adan—sakdal, walang-hanggang buhay bilang isang tao. Yamang sa katarungan ng Diyos kailangan ang ‘kaluluwa sa kaluluwa,’ kaya naman si Jesus ay kinailangan na maging katumbas ng unang Adan—isang sakdal na tao, hindi isang Diyos-tao.—Deuteronomio 19:21; 1 Corinto 15:22.
Huwag Palabisan ang Sinasabi ng mga Teksto sa Bibliya
Yaong mga nagsasabing si Jesus ay isang Diyos-tao ay gumagamit ng iba’t ibang teksto upang sikaping patunayan na siya’y isang bahagi ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan, kapantay ng Diyos sa diwa, kapangyarihan, kaluwalhatian, at tagal. Ngunit kung ating susuriin nang maingat ang mga tekstong ito, ating makikita na yaong nangangatuwiran sa panig ng “pagka-Diyos ni Kristo” ay naniniwalang higit pa ang sinasabi ng mga talatang ito kaysa talagang ibig sabihin.
Sinasabi ng iba na ang mga teksto sa Bibliya na doo’y ginagamit ng Diyos ang panghalip na “tayo” ay ginagawa si Jesus (ang Salita) na kapantay ni Jehova bago naging tao si Jesus. Ngunit ang paggamit ng panghalip na ito ay hindi nangangahulugan na noo’y nakikipag-usap ang Diyos sa isang kapantay niya. Ipinahihiwatig lamang nito na sa mga nilalang sa langit, iisa ang pinagkatiwalaan ng posisyon kung may kinalaman sa Diyos. Sa aktuwal, si Jesus bago naging tao ang pinakamatalik na kasama ng Diyos, ang Dalubhasang Manggagawa, at Tagapagsalita.—Genesis 1:26; 11:7; Kawikaan 8:30, 31; Juan 1:3.
Ang mga pangyayari na may kaugnayan sa bautismo ni Jesus ay hindi nagpapahiwatig na magkakapantay ang kalagayan ng Diyos, ni Kristo, at ng banal na espiritu. Bilang isang tao, si Jesus ay nagpabautismo bilang sagisag ng paghahandog ng kaniyang sarili sa kaniyang Ama sa langit. Nang okasyong iyon “ang langit ay nabuksan,” at ang espiritu ng Diyos ay bumaba, lumapag kay Jesus na gaya ng isang kalapati. Gayundin, “buhat sa langit,” ang tinig ni Jehova ay narinig na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.”—Mateo 3:13-17.
Kaya nga, kung gayon, ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang pagsabihan ang kaniyang mga tagasunod na magbautismo ng mga alagad “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”? (Mateo 28:19, 20) Hindi ibig ipangahulugan o sabihin ni Jesus na siya, ang kaniyang Ama, at ang banal na espiritu ay magkakapantay. Bagkus, yaong mga binautismuhan ay kumikilala kay Jehova bilang ang Tagapagbigay-buhay at Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na kanilang pinag-aalayan ng kanilang buhay. Kanilang tinatanggap si Jesus bilang ang Mesiyas at ang isa na sa pamamagitan niya naglaan ang Diyos ng isang pantubos para sa sumasampalatayang mga tao. At kanilang natatalos na ang banal na espiritu ang aktibong puwersa ng Diyos, na dito’y kailangan silang pasakop. Gayunman, ang gayong mga kandidato sa bautismo ay hindi magsasaisip na si Jehova, si Jesus, at ang banal na espiritu ay isang Trinitaryong diyos.
Subalit hindi ba pinatutunayan ng mga himala ni Jesus na siya ay isang Diyos-tao? Hindi, sapagkat si Moises, si Elias, si Eliseo, ang mga apostol na sina Pedro at Pablo, at ang iba pa ay gumawa ng mga himala gayong sila’y hindi mga Diyos-tao. (Exodo 14:15-31; 1 Hari 18:18-40; 2 Hari 4:17-37; Gawa 9:36-42; 19:11, 12) Katulad nila, si Jesus ay isang tao na gumawa ng mga himala sa pamamagitan ng bigay-Diyos na kapangyarihan.—Lucas 11:14-19.
Makahulang tinukoy ni Isaias si Jesus na Mesiyas bilang “Makapangyarihang Diyos.” (Isaias 9:6) Sa Isaias 10:21, si Jehova ay tinukoy ng propeta ring iyan bilang “ang Makapangyarihang Diyos.” Sinisikap ng iba na gamitin ang pagkakahawig na ito ng pananalita upang patunayan na si Jesus ang Diyos. Ngunit tayo’y kailangang magpakaingat tungkol sa pagpapalabis sa mga sinasabi ng mga tekstong ito. Ang pananalitang Hebreo na isinaling “Makapangyarihang Diyos” ay hindi lamang kay Jehova ikinakapit di-gaya ng pananalitang “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Kung aaminin, may pagkakaiba ang pagiging makapangyarihan at ang pagiging makapangyarihan-sa-lahat na walang nakatataas.
Sang-ayon sa Isaias 43:10, sinabi ng Diyos: “Walang nauna sa akin na ibang Diyos, at hindi na rin nagkaroon ng iba bukod sa akin.” Ngunit ang mga salitang iyan ay hindi nagpapatunay na si Jesus ang Diyos. Ang punto ay na wala nang nauna kay Jehova, na walang Diyos na umiral na una sa kaniya, sapagkat siya’y walang-hanggan. Hindi na magkakaroon ng Diyos bukod kay Jehova sapagkat siya ay laging iiral at hindi magkakaroon ng kahalili bilang ang Kataas-taasang Soberano. Subalit, si Jehova ay gumawa sa iba na mga diyos na siya mismo ang tumawag na mga diyos, gaya ng ipinakikita ng Kasulatan sa pagsasabi tungkol sa ilang tao: “Ako mismo ang nagsabi, ‘Kayo ay mga diyos, at lahat kayo ay mga anak ng Kataas-taasan. Tiyak na kayo’y mamamatay gaya rin ng mga tao; at tulad ng sinuman sa mga prinsipe ay babagsak kayo!’ ” (Awit 82:6, 7) Sa katulad na paraan, ang Salita ay isang diyos na nilalang ni Jehova, ngunit hindi dahil diyan ay magiging kapantay si Jesus ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa anumang panahon.
Ang Tunay na Katayuan ni Jesus
Pansinin ang mga nagsasabing si Jehova ay umiral bilang tao na isang Diyos-tao na ang Bibliya ay hindi man lamang nagpapahiwatig na gayon ang palagay ni Jesus sa kaniyang sarili. Bagkus, walang pagbabagong ipinakikita nito na si Jesus sa tuwina ay naging mababa sa kaniyang Ama. Nang narito sa lupa, hindi na humigit pa ang kaniyang pag-aangkin kundi siya ang Anak ng Diyos. Isa pa, sinabi ni Kristo: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”—Juan 14:28.
Ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ni Jehova at ni Jesus sa pagsasabi: “Sa ganang atin ay may iisang Diyos, ang Ama, na sa kaniya nanggagaling ang lahat ng bagay, at tayo’y sa kaniya; at may iisang Panginoon, si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng bagay, at tayo’y sa pamamagitan niya.” (1 Corinto 8:6) Sinabi rin ni Pablo: “Kayo’y kay Kristo; at si Kristo naman ay sa Diyos.” (1 Corinto 3:23) Oo, kung papaanong ang mga Kristiyano’y sa kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, siya naman ay sa kaniyang Ulo, ang Diyos na Jehova.
Sa pagbuo ng isang nahahawig na punto, si Pablo ay sumulat: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng isang babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Ang ganitong ugnayan ng Diyos at ni Kristo ay magpapatuloy, sapagkat pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, “kaniyang ibibigay na ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama” at “ang Anak mismo ay pasasakop din sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.”—1 Corinto 15:24, 28; Apocalipsis 20:6.
Pagsusuri sa Ibang mga Teksto
Tungkol sa pagkapanganak kay Jesus, si Mateo ay sumulat: “Lahat na ito ay tunay na nangyari upang maganap ang sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta [sa Isaias 7:14], na nagsasabi: ‘Narito! Ang dalaga ay magdadalantao at manganganak ng isang lalaki, at Immanuel ang pangalang itatawag sa kaniya,’ na ang ibig sabihin, kung isasalin, ay ‘Sumasa-Atin ang Diyos.’ ” (Mateo 1:22, 23) Si Jesus ay hindi binigyan ng personal na pangalang Immanuel, subalit ang kaniyang ginampanang bahagi bilang isang tao ang tumupad ng kahulugan niyaon. Ang presensiya ni Jesus sa lupa bilang ang Mesiyanikong Binhi at Tagapagmana sa trono ni David ay nagpapatunay sa mga mananamba kay Jehova na ang Diyos ay sumasakanila, nasa panig nila, umaalalay sa kanila sa kanilang ginagawa.—Genesis 28:15; Exodo 3:11, 12; Josue 1:5, 9; Awit 46:5-7; Jeremias 1:19.
Sa pagbati sa binuhay-muling si Jesus, si apostol Tomas ay bumulalas: “Panginoon ko at Diyos ko!” (Juan 20:28) Ito at ang iba pang mga ulat ay “isinulat upang [tayo] ay sumampalataya na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos.” At hindi naman sinasalungat ni Tomas si Jesus, na nagpadala sa Kaniyang mga alagad ng mensahe: “Ako’y aakyat sa “aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17, 30, 31) Kaya hindi inisip ni Tomas na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Marahil ay binati ni Tomas si Jesus ng “Diyos ko” sa diwa na si Kristo ay “isang diyos,” bagaman hindi “ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 1:1; 17:1-3) O sa pagsasabing “Diyos ko,” marahil ay kinikilala ni Tomas na si Jesus ay Tagapagsalita at Kinatawan ng Diyos, gaya ng iba na bumabati sa sugong anghel na para bang siya si Jehova.—Ihambing ang Genesis 18:1-5, 22-33; 31:11-13; 32:24-30; Hukom 2:1-5; 6:11-15; 13:20-22.
Kung gayon, sang-ayon sa Bibliya si Jesus ay umiiral na bago naging tao bilang ang Salita. Nang siya’y narito sa lupa, siya ay hindi isang dibinong Diyos-tao. Siya’y ganap na isang tao, bagaman sakdal, gaya ni Adan sa pasimula. Buhat nang buhaying-muli si Jesus, siya’y naging isang itinaas na espiritung walang kamatayan na laging nagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, maliwanag na hindi umaalalay ang Kasulatan sa ideya ng “pagka-Diyos ni Kristo.”
[Kahon sa pahina 23]
Ang mga Anghel ba ay Sumasamba kay Jesus?
MAY mga pagkasalin ang Hebreo 1:6 na nagsasabi: “Sambahin siya [si Jesus] ng lahat ng anghel ng Diyos.” (King James Version; The Jerusalem Bible) Makikitang ang sinipi ni apostol Pablo ay Septuagint, na nagsasabi sa Awit 97:7: “Sambahin ninyo Siya [ang Diyos] lahat kayong mga anghel Niya.”—C. Thomson.
Ang salitang Griegong pro·sky·neʹo, na isinaling “sambahin” sa Hebreo 1:6, ay ginagamit sa Awit 97:7 sa Septuagint para sa isang terminong Hebreo na sha·chahʹ, na ang ibig sabihin ay “yumukod.” Ito ay maaaring isang nakalulugod na gawang paggalang sa mga tao. (Genesis 23:7; 1 Samuel 24:8; 2 Hari 2:15) O maaaring may kaugnayan ito sa pagsamba sa tunay na Diyos o doon sa maling pagsamba sa mga diyus-diyusan.—Exodo 23:24; 24:1; 34:14; Deuteronomio 8:19.
Karaniwan nang ang pro·sky·neʹo na iniuukol kay Jesus ay katumbas ng pagpapatirapa sa mga hari at sa iba pa. (Ihambing ang Mateo 2:2, 8; 8:2; 9:18; 15:25; 20:20 sa 1 Samuel 25:23, 24; 2 Samuel 14:4-7; 1 Hari 1:16; 2 Hari 4:36, 37.) Kadalasan ay malinaw na ang pagpapatirapa ay ginagawa may kaugnayan kay Jesus hindi bilang Diyos kundi bilang “Anak ng Diyos” o ang Mesiyanikong “Anak ng tao.”—Mateo 14:32, 33; Lucas 24:50-52; Juan 9:35, 38.
Ang Hebreo 1:6 ay may kaugnayan sa katayuan ni Jesus sa ilalim ng Diyos. (Filipos 2:9-11) Dito ang pagkasalin ng ilang bersiyon sa pro·sky·neʹo ay “magbigay . . . parangal” (The New English Bible), “magpatirapa” (New World Translation), o “yumukod” (An American Translation). Kung nais ng isa ang pagkasalin na “pagsamba,” ang gayong pagsamba ay may pasubali, sapagkat sinabi ni Jesus kay Satanas: “Si Jehova na iyong Diyos ang iyong sasambahin [anyo ng pro·sky·neʹo], at siya lamang ang iyong pag-uukulan ng banal na paglilingkod.”—Mateo 4:8-10.
Bagaman ang Awit 97:7, na bumabanggit ng tungkol sa pagsamba sa Diyos, ay ikinapit kay Kristo sa Hebreo 1:6, ipinakita ni Pablo na ang binuhay-muling si Jesus “ang sinag ng kaluwalhatian [ng Diyos] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili.” (Hebreo 1:1-3) Kaya anumang “pagsamba” na iniuukol ng mga anghel sa Anak ng Diyos ay may pasubali at iniuukol kay Jehova sa pamamagitan niya.