Natatandaan Mo Ba?
Pinag-isipan mo bang maingat ang mga labas kamakailan ng Ang Bantayan? Kung gayon, malamang na natatandaan mo pa ang mga sumusunod:
◻ Gaanong kalawak ang pag-ibig ni Jesus sa sangkatauhan?
Kusang nilisan niya ang tahanan niya sa langit na puspos ng kapayapaan at katiwasayan upang pumarito upang kumain, matulog, at makisalamuha sa may karamdaman at namamatay na mga tao. Pagkatapos nito, kusang inihandog ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao upang magsilbing pantubos para sa sangkatauhan. (Mateo 20:28)—12/15, pahina 3, 4.
◻ Anong mga kapakinabangan ang natatamo ng Kristiyano na nagpapaunlad ng pagpipigil-sa-sarili?
Ang Kristiyano ay nagtatamo ng lalong higit na paggalang sa sarili sa pagkakaroon ng pagpipigil-sa-sarili. At, tinatamasa niya ang higit na kapayapaan at kaligayahan sa pamilya, sa kongregasyon, at sa araw-araw na mga pakikitungo niya. At higit sa lahat, ang pagpipigil-sa-sarili ay tumutulong sa kaniya na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniyang Maylikha, at nagpapakilala ito sa kaniya bilang isang tunay na Kristiyano.—12/15, pahina 24.
◻ Ano ba ang dapat na maging motibo sa pagiging mapagpatuloy?
Bagamat nakatutuwa na tumanggap ng mga pasasalamat buhat sa iba at matalos na pinahahalagahan pala ang ating mga pagpapagod, tayo’y maging mapagpatuloy unang-una dahilan sa ito ang tama at maibiging bagay na dapat gawin. Isa pa, ito’y nakalulugod sa Diyos na Jehova.—1/15, pahina 22.
◻ Paano ba naaapektuhan ang inyong buhay ng nakasakay sa maputing kabayo, na inilalarawan sa Apocalipsis 6:2?
Si Jesus ang nakasakay sa maputing kabayo, at pinasimulan niya ang kaniyang makalangit na pagsakay noong 1914. Upang ihula kung paano maaapektuhan ang mga tao sa kaniyang paghahari, sinabi niya: “Pagdating ng Anak ng tao sa kaniyang kaluwalhatian . . . kaniyang pagbubukdin-bukdin ang mga tao, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa sa mga kambing.” Sa ngayon, lahat ng tao ay pinagbubukud-bukod, at ang pagtugon mo sa balita ng Kaharian ang mangangahulugan ng buhay o dili kaya’y kamatayan para sa iyo. (Mateo 25:31-33; 24:14)—1/15, pahina 6.
◻ Ano ang mga ilang paraan na sa pamamagitan niyaon ay inaaliw at inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
Inaaliw at inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (1 Pedro 4:12-14) Kaniya ring inaaliw sila sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga panalangin. (Filipos 4:6, 7) Isa pa, ang Salita ng Diyos ay isang malaking bukal ng kaaliwan, na nagbibigay katiyakan sa kaniyang mga lingkod na walang maaaring mangyari sa kanila na hindi nakikita ni Jehova o na hindi niya maaaring mapigil.—2/1, pahina 19.
◻ Ano ba ang apocalipsis na inihula sa Bibliya?
Ito ang pinili na pakikialam ng Diyos sa mga pamamalakad ng tao.—2/15, pahina 7.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na “buhay sa inyong sarili,” sa Juan 6:53??
Sa Juan kabanata 6, ang “buhay na walang hanggan” ay itinumbas ni Jesus sa pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili,” alalaong baga, pagpasok sa wakas sa kalubusan ng buhay. Ang “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian ay nakakaranas nito sa kanilang pagkabuhay-muli sa langit, at ang “mga ibang tupa” ay nakakaranas naman nito sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 20:4, 5)—2/15, pahina 19.
◻ Anong simulain na idinidiin sa buong aklat ng Nehemias ang isang aral para sa atin ngayon?
Ang simulain ay na “maliban sa si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga nagtayo nito.” (Awit 127:1) Sa ngayon, sa lahat ng ating mga gawain, tayo’y nagtatagumpay tangi lamang kung tayo’y pinagpapala ni Jehova.—2/15, pahina 26.
◻ Ano ang umalalay kay Job sa panahon ng pagsubok sa kaniya, at paano ito makakatulong sa atin sa ngayon?
Si Job ay nagtitiwala na hindi lamang ang buhay na ito ang lahat. (Job 14:13-15) Ang pagkakaroon ng ganito ring pagtitiwala sa ngayon, na bubuhaying-muli ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod, ay makakatulong sa atin na harapin ang anomang pagsubok na maaaring pasapitin sa atin ni Satanas. (Hebreo 6:10; 11:6)—3/1, pahina 20.
◻ Anong aral ang maaaring matutuhan ng mga magulang buhat sa kinalabasan ng kasalanan ni David at ni Bathsheba?
Si Jehova ay nagpakita ng awa kay David dahilan sa tipan sa Kaharian, at pinahintulutan siya at si Bathsheba na magpatuloy na mabuhay. Datapuwat, sinabi sa kanila ng kinatawan ni Jehova: “Dahilan sa tiyak na hindi ninyo iginalang si Jehova sa inyong ginawang ito, ang anak, na kasisilang lamang sa inyo, ay tiyak na mamamatay.” (2 Samuel 12:14) Dapat idiin nito sa mga magulang na ang kanilang iniaasal ay may malaking epekto sa kanilang mga anak.—3/15, pahina 31.
◻ Ano ang kailangan kung ibig ng isa na siya’y maging isang aprobadong kasama ng mga Saksi ni Jehova?
Kailangan tinatanggap ng gayong tao ang lahat ng itinuturo ng Bibliya, kasali na yaong mga aral ng Kasulatan na mga Saksi ni Jehova lamang ang may taglay.—4/1, pahina 31.
◻ Sakaling ang iyong isip ay pinapasok ng masasamang kaisipan manaka-naka, ano ang dapat mong gawin?
Huwag nating payagang magpatuloy na mapapasa-ating mga isip ang masasamang kaisipang ito. Upang matulungan tayong gawin ito, kailangang manalangin tayo kay Jehova agad-agad, ‘iniaatang kay Jehova ang ating pasanin.’ (Awit 55:22)—4/1, pahina 25.