KABANATA 55
Marami ang Nagitla sa Sinabi ni Jesus
PAGKAIN SA KANIYANG KATAWAN AT PAG-INOM SA KANIYANG DUGO
MARAMI ANG NATISOD AT HINDI NA SUMUNOD SA KANIYA
Sa isang sinagoga sa Capernaum, itinuturo ni Jesus sa mga tao na siya ang tunay na tinapay na mula sa langit. Pagpapatuloy ito ng mga sinabi niya sa mga taong mula sa silangan ng Lawa ng Galilea, na pinakain niya ng tinapay at isda.
Nagpatuloy si Jesus sa pagtalakay: “Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang pero namatay pa rin sila.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya: “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko alang-alang sa sangkatauhan ay ang aking katawan.”—Juan 6:48-51.
Noong tagsibol ng 30 C.E., sinabi ni Jesus kay Nicodemo na mahal na mahal ng Diyos ang sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang Anak para maging Tagapagligtas. Ngayon, sinasabi ni Jesus na kailangang kainin ang katawan niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa ibibigay niyang hain. Iyan ang paraan para magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Pero hindi masikmura ng mga tao ang sinabi ni Jesus. “Paano maibibigay ng taong ito ang katawan niya para kainin natin?” ang tanong nila. (Juan 6:52) Gusto ni Jesus na maunawaan nilang hindi ito literal, at iyan ang makikita sa sumunod niyang sinabi.
“Kung hindi ninyo kakainin ang katawan ng Anak ng tao at iinumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, . . . dahil ang katawan ko ay tunay na pagkain at ang dugo ko ay tunay na inumin. Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako naman ay kaisa niya.”—Juan 6:53-56.
Tisód na tisód ang mga Judio! Akala nila, gusto ni Jesus na maging kanibal sila o labagin nila ang utos ng Diyos tungkol sa dugo. (Genesis 9:4; Levitico 17:10, 11) Pero hindi literal na pagkain o pag-inom ang sinasabi ni Jesus. Ipinakikita niya na para magkaroon ng buhay na walang hanggan, kailangang manampalataya sila sa haing ibibigay niya kapag inihandog niya ang kaniyang perpektong katawan at ibinuhos ang kaniyang dugo. Pero hindi rin ito naintindihan ng karamihan sa mga alagad niya. Sinabi ng ilan: “Nakakakilabot ang mga sinabi niya; sino ang makikinig sa ganiyang pananalita?”—Juan 6:60.
Napansin ni Jesus ang pagbubulong-bulungan ng ilan sa mga alagad, kaya nagtanong siya: “Nagulat ba kayo rito? Paano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? . . . Ang mga sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. Pero may ilan sa inyo na hindi nananampalataya.” Maraming alagad ang umalis at hindi na sumunod sa kaniya.—Juan 6:61-64.
Kaya tinanong ni Jesus ang 12 apostol: “Gusto rin ba ninyong umalis?” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniwala kami at alam namin na ikaw ang isinugo ng Diyos.” (Juan 6:67-69) Kahit hindi pa lubusang nauunawaan ni Pedro at ng iba pang apostol ang turong ito ni Jesus, nanatili silang tapat sa kaniya!
Natuwa si Jesus sa sagot ni Pedro, pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba ako ang pumili sa inyong 12? Pero ang isa sa inyo ay maninirang-puri.” (Juan 6:70) Si Hudas Iscariote ang tinutukoy ni Jesus. Posibleng sa mga panahong ito, nahahalata na ni Jesus ang masamang pagkilos ni Hudas.
Sa kabila nito, tiyak na tuwang-tuwa si Jesus na hindi huminto si Pedro at ang iba pang apostol sa pagsunod sa kaniya at sa pakikibahagi sa nagliligtas-buhay na gawain.