KABANATA 66
Nasa Jerusalem Para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo
NAGTURO SI JESUS SA TEMPLO
Naging kilalá si Jesus mula nang mabautismuhan siya. Libo-libong Judio ang nakakita sa mga himala niya, at napabalita sa buong bansa ang tungkol sa kaniyang gawain. Ngayon, sa Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol) sa Jerusalem, marami ang naghahanap sa kaniya.
Iba-iba ang opinyon ng mga tao tungkol kay Jesus. “Mabuting tao siya,” ang sabi ng ilan. Sinasabi naman ng iba: “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.” (Juan 7:12) Marami sa mga bulong-bulungang ito ay naganap sa unang mga araw ng kapistahan. Pero walang naglakas-loob na ipagtanggol nang hayagan si Jesus dahil sa takot sa mga Judiong lider.
Ilang araw nang nagaganap ang kapistahan nang magpakita si Jesus sa templo. Marami ang namangha sa husay niyang magturo. Hindi siya nag-aral sa mga paaralang rabiniko, kaya takang-taka ang mga Judio: “Bakit napakaraming alam ng taong ito sa Kasulatan gayong hindi naman siya naturuan sa mga paaralan?”—Juan 7:15.
“Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin,” ang paliwanag ni Jesus, “kundi sa nagsugo sa akin. Kung gustong gawin ng isa ang kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos o sa sarili ko.” (Juan 7:16, 17) Kaayon ng Kautusan ng Diyos ang itinuturo ni Jesus, kaya maliwanag na para sa kaluwalhatian ng Diyos ang ginagawa niya, hindi para sa kaniyang sarili.
Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng Kautusan? Pero walang isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Bakit gusto ninyo akong patayin?” Walang alam dito ang ilang nakikinig, na marahil ay hindi tagaroon at bumibisita lang. Hindi nila maubos-maisip na may gustong pumatay sa gurong katulad niya. Kaya inisip nilang si Jesus ang may problema, at sinabi: “Sinasapian ka ng demonyo. Sino ang gustong pumatay sa iyo?”—Juan 7:19, 20.
Ang totoo, noon pa man ay gusto nang patayin ng mga Judiong lider si Jesus matapos niyang pagalingin ang isang lalaki sa araw ng Sabbath, isa’t kalahating taon na ang nakalilipas. Gumamit ngayon si Jesus ng mahusay na pangangatuwiran para ilantad ang baluktot na pangangatuwiran nila. Ginamit niya ang isang batas sa Kautusan na nagsasabing ang isang bata ay dapat tuliin sa ikawalong araw, kahit na ito ay Sabbath. Pagkatapos, nagtanong siya: “Kung nagtutuli kayo kahit Sabbath para hindi malabag ang Kautusan ni Moises, bakit kayo galit na galit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa araw ng Sabbath? Huwag na kayong humatol batay sa inyong nakikita, kundi humatol kayo sa matuwid na paraan.”—Juan 7:23, 24.
Sinabi ng mga taga-Jerusalem na nakaaalam ng sitwasyon: “Hindi ba ito ang taong gusto nilang [ng mga tagapamahala] patayin? Pero tingnan ninyo! Nagsasalita siya sa maraming tao, at wala silang sinasabi sa kaniya. Hindi kaya alam na talaga ng mga tagapamahala na siya ang Kristo?” Kaya bakit hindi naniniwala ang mga tao na si Jesus ang Kristo? “Alam natin kung saan nagmula ang taong ito; gayunman, kapag dumating ang Kristo, walang sinuman ang makaaalam kung saan siya nagmula,” ang sabi nila.—Juan 7:25-27.
Doon mismo sa templo, sumagot si Jesus: “Kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nagmula. At hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa; mayroon talagang nagsugo sa akin, at hindi ninyo siya kilala. Kilala ko siya dahil ako ang kinatawan niya, at siya ang nagsugo sa akin.” (Juan 7:28, 29) Dahil sa prangkahang pananalita ni Jesus, tinangka siyang dakpin para ipabilanggo o ipapatay. Pero nabigo ang pagtatangka dahil hindi pa panahon para mamatay si Jesus.
Gayunman, marami ang nanampalataya kay Jesus, at dapat naman. Lumakad siya sa ibabaw ng tubig, pinakalma niya ang hangin, makahimalang pinakain ang libo-libo sa pamamagitan ng iilang tinapay at isda, pinagaling ang mga maysakit, pilay, bulag, ketongin, at binuhay pa nga ang patay. Oo, talagang masasabi nila: “Kapag dumating ang Kristo, hindi siya gagawa ng mas maraming tanda kaysa sa ginawa ng taong ito.”—Juan 7:31.
Nang marinig ng mga Pariseo ang sinasabi ng mga tao, sila at ang mga punong saserdote ay nagsugo ng mga guwardiya para arestuhin si Jesus.