Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sila’y Nabigo ng Pagdakip sa Kaniya
SAMANTALANG nagaganap ang Kapistahan ng mga Tabernakulo, ang mga pinunong relihiyoso ay nagsugo ng mga opisyal ng pulisya upang arestuhin si Jesus. Siya’y hindi nagtangkang magtago. Patuloy rin na nagturo sa madla si Jesus, na nagsasabi: “Makikisama pa ako sa inyo ng sandaling panahon bago ako pumaroon sa kaniya na nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako masusumpungan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makaparoroon.”
Hindi iyon naintindihan ng mga Judio, kaya’t sila’y nagtanungan sa kani-kanilang sarili: “Saan paroroon ang taong ito, na anupa’t hindi natin siya matatagpuan? Siya kaya’y paroroon sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at magtuturo sa mga Griego? Ano kaya ang ibig sabihin nito nang kaniyang sabihin, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makaparoroon’?” Mangyari pa, ang tinutukoy ni Jesus ay ang kaniyang napipintong kamatayan at pagkabuhay na mag-uli sa langit, na kung saan hindi siya maaaring sundan ng kaniyang mga kaaway.
Sumapit ang ikapito at huling araw ng kapistahan. Sa tuwing umaga ng kapistahan, isang saserdote ang nagbubuhos ng tubig, na kinukuha niya sa balon ng Siloam, kung kaya’t iyon ay umaagos hanggang sa paanan ng dambana. Marahil upang ipagunita sa mga tao ang araw-araw na seremonyang ito, si Jesus ay sumigaw: “Kung ang sinumang tao’y nauuhaw, siya’y pumarito sa akin at uminom. Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kaniyang kaloob-loobang bahagi ay aagos ang mga ilog ng tubig na buháy.’”
Ang totoo, dito ang tinutukoy ni Jesus ay yaong mga dakilang pagpapala pagka ibinuhos na ang banal na espiritu. Nang sumunod na taon ang pagbubuhos na ito ng banal na espiritu ay naganap noong Pentecostes. Doon, mga ilog ng tubig na buháy ang umagos nang ang 120 mga alagad ay magsimula ng paglilingkod sa mga tao. Subalit magpahanggang noon, walang espiritu sa diwa na walang isa man sa mga alagad ni Kristo ang pinahiran ng banal na espiritu at tinawag sa makalangit na buhay.
Bilang tugon sa pagtuturo ni Jesus, may mga ibang nagsabi: “Tunay na ito ay Ang Propeta,” na maliwanag na ang tinutukoy ay ang propetang lalong dakila kaysa kay Moises na ipinangakong paparito. Ang iba naman ay nagsabi: “Ito ang Kristo.” Subalit ang iba’y tumutol: “Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Kristo? Hindi baga sinasabi ng Kasulatan na ang Kristo ay mangaggaling sa lahi ni David, at mula sa Bethlehem na nayong kinaroonan ni David?”
Kaya nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng karamihan. Ibig ng iba na si Jesus ay maaresto, ngunit walang sinumang sumunggab sa kaniya. Nang magsidating ang mga opisyal ng pulisya nang hindi dala si Jesus, ang mga punong saserdote at mga Fariseo ay nagtanong: “Bakit hindi ninyo siya dinala?”
“Kailanman ay walang taong nagsalita ng ganito,” ang tugon ng mga opisyal.
Nagsiklab ang galit ng mga pinunong relihiyoso, at gumamit na sila ng panlilibak, maling pagpaparatang, at panunungayaw. Sila’y nanuya: “Kayo man ba ay nangailigaw rin? Sumampalataya baga sa kaniya ang sinuman sa mga pinuno o ang sinuman sa mga Fariseo? Datapuwat ang karamihang ito na hindi nakakaalam ng Kautusan ay mga isinumpa.”
Sa sandaling ito, si Nicodemo, na isang Fariseo at isang pinuno ng mga Judio (samakatuwid nga, isang miyembro ng Sanhedrin) ay nangahas na magsalita sa panig ni Jesus. Magugunita pa ninyo na may dalawa at kalahating taon na ang nakalipas, si Nicodemo ay lumapit kay Jesus sa gabi at nagpahayag ng pananampalataya sa kaniya. Ngayon ay sinabi ni Nicodemo: “Hinahatulan baga ng ating Kautusan ang isang tao malibang siya’y dinggin muna at alamin kung ano ang kaniyang ginagawa?”
Lalong nagalit ang mga Fariseo dahilan sa bagay na isa sa kanilang sariling kasama ang nagtatanggol kay Jesus. “Hindi ka naman isa ring taga-Galilea, di ba?” ang matalas na sabad nila. “Magsiyasat ka at tingnan mo na walang propeta na lilitaw sa Galilea.”
Bagama’t hindi tuwirang sinasabi ng Kasulatan na may isang propetang manggagaling sa Galilea, ito’y tumutukoy sa Kristo bilang nanggagaling doon, anupa’t sinasabi na “isang dakilang liwanag” ang makikita sa rehiyon na ito. At salungat sa mga maling paniwala, si Jesus ay ipinanganak sa Bethlehem, at siya’y isang supling ni David. Bagama’t marahil ay alam ito ng mga Fariseo, malamang na sila ang may kagagawan ng pagpapalaganap ng mga maling paniwala na taglay ng mga tao tungkol kay Jesus. Juan 7:32-52; Isaias 9:1, 2; Mateo 4:13-17.
◆ Ano ang nagaganap tuwing umaga sa kapistahan, at paanong marahil ay itinatawag-pansin ito ni Jesus?
◆ Bakit ang mga opisyal ay nabigo ng pagdakip kay Jesus, at paano tumutugon ang mga pinunong relihiyoso?
◆ Sino si Nicodemo, paano siya nakitungo kay Jesus, at paano naman siya pinakitunguhan ng kaniyang mga kapuwa Fariseo?
◆ Anong patotoo mayroon na ang Kristo ay manggagaling sa Galilea?