Magpaakay kay Jehova sa Tunay na Kalayaan
“[Magmasid tayo] sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan.”—SANT. 1:25.
1, 2. (a) Ano ang nangyayari sa kalayaan ng mga tao, at bakit? (b) Anong kalayaan ang naghihintay sa mga lingkod ni Jehova?
NABUBUHAY tayo sa panahong lumalala ang kasakiman, katampalasanan, at karahasan. (2 Tim. 3:1-5) Kaya naman, ang mga pamahalaan ay gumagawa ng mas maraming batas, pinalalakas ang kapulisan, at gumagamit ng mga surveillance camera. Sa ilang bansa, ang mga mamamayan ay nagkakabit ng mga alarm system, nagdaragdag ng mga kandado, at nagtatayo pa nga ng mga bakod na de-kuryente sa kanilang tahanan. Marami ang ayaw lumabas ng bahay kapag gabi o pinagbabawalan nila ang kanilang mga anak na maglaro sa labas, araw man o gabi. Talagang wala nang kalayaan ang mga tao sa ngayon, at mukhang hindi na bubuti ang sitwasyon.
2 Sa hardin ng Eden, iginiit ni Satanas na ang susi sa tunay na kalayaan ay ang pagiging hiwalay kay Jehova. Napakasamang kasinungalingan iyan! Ang totoo, habang ipinagwawalang-bahala ng mga tao ang moral at espirituwal na mga hangganang itinakda ng Diyos, lalong sumasamâ ang kalagayan ng lipunan. Apektado rin ng lumalalang kalagayang ito ang mga lingkod ni Jehova. Pero umaasa tayo na balang-araw, ang sangkatauhan ay palalayain sa pagkaalipin sa kasalanan at kasiraan at magtatamo ng tinatawag ng Bibliya na “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Sa katunayan, inihahanda na ni Jehova ang kaniyang mga lingkod para sa kalayaang iyan. Paano?
3. Anong kautusan ang ibinigay ni Jehova sa mga tagasunod ni Kristo? Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
3 Ang kasagutan ay ang tinatawag ni Santiago na “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan.” (Basahin ang Santiago 1:25.) Isinalin ng ilang bersiyon ng Bibliya ang pananalitang ito bilang “ang kautusan ng kalayaan” (Ang Biblia) at “sakdal na kautusang nagbibigay ng kalayaan” (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino). Karaniwan na, iniuugnay ng mga tao ang kautusan sa mga pagbabawal at hindi sa kalayaan. Kung gayon, ano ang “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan”? At paano tayo pinalalaya ng kautusang iyan?
ANG KAUTUSANG NAGPAPALAYA SA ATIN
4. Ano ang “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan”? Sino ang nakikinabang dito?
4 Ang “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan” ay hindi tumutukoy sa Kautusang Mosaiko. Ibinigay ni Jehova sa mga Israelita ang Kautusang Mosaiko para ipakita sa kanila na sila ay makasalanan, at si Kristo ang tumupad sa Kautusang iyon. (Mat. 5:17; Gal. 3:19) Kung gayon, aling kautusan ang tinutukoy ni Santiago? Ito ang “kautusan ng Kristo,” na tinatawag ding “kautusan ng pananampalataya” at “kautusan ng isang malayang bayan.” (Gal. 6:2; Roma 3:27; Sant. 2:12) Kaya naman, saklaw ng “sakdal na kautusan” ang lahat ng hinihiling ni Jehova sa atin. Ang mga pinahirang Kristiyano at ang “ibang mga tupa” ay parehong nakikinabang dito.—Juan 10:16.
5. Bakit hindi pabigat ang kautusan ng kalayaan?
5 Di-tulad ng mga batas ng maraming bansa, ang “sakdal na kautusan” ay binubuo ng simpleng mga utos at saligang mga simulain na hindi mahirap unawain o sundin. (1 Juan 5:3) “Ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 11:29, 30) Sa “sakdal na kautusan,” walang mahabang listahan ng mga pagbabawal o alituntunin dahil salig ito sa pag-ibig at nakaukit sa mga puso’t isip, hindi sa mga tapyas ng bato.—Basahin ang Hebreo 8:6, 10.
KUNG PAANO TAYO PINALALAYA NG “SAKDAL NA KAUTUSAN”
6, 7. Ano ang masasabi natin tungkol sa mga pamantayan ni Jehova? Paano tayo pinalalaya ng kautusan ng kalayaan?
6 Ang mga hangganang itinakda ni Jehova ay para sa kapakinabangan at proteksiyon ng kaniyang matatalinong nilalang. Halimbawa, nariyan ang mga pisikal na batas na may kinalaman sa enerhiya at materya. Hindi tayo nagrereklamo na sinisiil tayo ng mga batas na ito. Sa halip, pinahahalagahan natin ang mga batas sa kalikasan dahil kailangan natin ang mga ito. Sa katulad na paraan, ang moral at espirituwal na pamantayan ni Jehova, na masasalamin sa “sakdal na kautusan” ng Kristo, ay para sa kapakinabangan natin.
7 Hindi lang nagsisilbing proteksiyon sa atin ang kautusan ng kalayaan. Sa pamamagitan nito, matutugunan natin ang lahat ng ating wastong pagnanais nang hindi nanghihimasok sa mga karapatan at kalayaan ng iba. Kaya naman, para maging tunay na malaya—anupat nagagawa kung ano ang gusto natin—dapat tayong magkaroon ng wastong mga pagnanais na kaayon ng personalidad at mga pamantayan ni Jehova. Ibig sabihin, kailangan nating pag-aralang ibigin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang kinapopootan niya. Tinutulungan tayo ng kautusan ng kalayaan na magawa iyan.—Amos 5:15.
8, 9. Paano nakikinabang ang mga sumusunod sa kautusan ng kalayaan? Magbigay ng halimbawa.
8 Dahil hindi tayo sakdal, nahihirapan tayong supilin ang maling mga pagnanasa. Pero kapag sinusunod natin ang kautusan ng kalayaan, kahit ngayon ay mapalalaya na tayo. Kuning halimbawa si Jay, na sugapa sa tabako. Nang mag-aral siya ng Bibliya, natutuhan niya na hindi kalugud-lugod sa Diyos ang bisyong ito. Kailangan niyang magpasiya. Patuloy ba siyang magpapasupil sa kaniyang laman, o magpapasakop siya kay Jehova? Ipinasiya niyang paglingkuran ang Diyos, kahit hinahanap-hanap ng katawan niya ang nikotina. Ano ang nadama niya nang maihinto niya ang bisyong ito? “Masayang-masaya ako at pakiramdam ko’y malaya na ako,” ang sabi niya.
9 Dahil sa mga kalayaang iniaalok ng sanlibutan, nabibigyang-kasiyahan ng mga tao ang kanilang mga pagnanasa. Pero gaya ng natutuhan ni Jay, ang resulta nito ay pagkaalipin sa kasalanan. Samantala, ang mga sumusunod sa kautusan ng kalayaang iniaalok ng Diyos ay ginagabayan ng banal na espiritu. Ang resulta nito ay kalayaan at pagtatamo ng “buhay at kapayapaan.” (Roma 8:5, 6) Saan humugot ng lakas si Jay para mapagtagumpayan ang bisyong umalipin sa kaniya? Hindi sa sarili niya kundi sa Diyos. “Regular kong pinag-aralan ang Bibliya, nanalangin ako ukol sa banal na espiritu, at hiningi ko ang maibiging tulong ng kongregasyong Kristiyano,” ang sabi niya. Makatutulong din sa atin ang mga paglalaang ito para magkaroon tayo ng tunay na kalayaan. Alamin natin kung paano.
MAGMASID SA SALITA NG DIYOS
10. Ano ang ibig sabihin ng ‘pagmamasid’ sa kautusan ng Diyos?
10 Mababasa sa Santiago 1:25: “Siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, . . . ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.” Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “nagmamasid” ay nangangahulugang “yumuko para tingnan,” na nagpapahiwatig ng pagsisikap. Oo, kung gusto nating makaapekto sa ating puso’t isip ang kautusan ng kalayaan, kailangang masikap nating pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ang ating nababasa.—1 Tim. 4:15.
11, 12. (a) Paano ipinakita ni Jesus na dapat tayong mamuhay ayon sa katotohanan? (b) Gaya ng ipinakikita ng larawan sa itaas, anong panganib ang dapat iwasan lalo na ng mga kabataan?
11 Kasabay nito, dapat tayong ‘manatili,’ o magpursigi, sa pagkakapit ng Salita ng Diyos, anupat namumuhay ayon sa katotohanan. Katulad ito ng sinabi ni Jesus sa mga nanampalataya sa kaniya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Ayon sa isang reperensiya, ang ‘pag-alam’ sa tekstong ito ay nangangahulugan ding magkaroon ng pagpapahalaga dahil ang “bagay na ‘nalalaman’ ay mahalaga o importante sa isa na nakaaalam nito.” Kaya naman, lubusan nating ‘nalalaman’ ang katotohanan kung namumuhay tayo ayon dito. Sa gayon, masasabi natin na “ang salita ng Diyos” ay “gumagana” sa atin, anupat hinuhubog ang ating personalidad para matularan natin ang ating makalangit na Ama.—1 Tes. 2:13.
12 Tanungin ang sarili, ‘Talaga bang nalalaman ko ang katotohanan? Namumuhay ba ako kaayon nito? O hinahanap-hanap ko pa ang ilan sa mga “kalayaan” ng sanlibutan?’ Isang sister na pinalaki ng Kristiyanong mga magulang ang nagkuwento ng kaniyang karanasan. Noong bata pa siya, naniniwala siya kay Jehova pero hindi siya naging malapít sa Kaniya. Sumulat siya: “Hindi ko natutuhang kapootan ang kinapopootan niya. Hindi ako naniwalang mahalaga sa kaniya ang mga ginagawa ko. Hindi ako lumalapit sa kaniya kapag may problema ako. Nanalig ako sa sarili kong pagkaunawa, na isang kamangmangan dahil wala naman akong nalalaman.” Mabuti na lang, natauhan ang sister na ito at nagbago. Nagsimula pa nga siyang mag-regular pioneer.
MATUTULUNGAN KA NG BANAL NA ESPIRITU NA MAGING MALAYA
13. Paano nakatutulong ang banal na espiritu ng Diyos para maging malaya tayo?
13 Sa 2 Corinto 3:17, mababasa natin: “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” Paano nakatutulong ang banal na espiritu para maging malaya tayo? Tinutulungan tayo nitong linangin ang mga katangiang gaya ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Gal. 5:22, 23) Kung wala ang mga katangiang ito, lalo na ang pag-ibig, hindi magiging tunay na malaya ang mga tao—at kitang-kita iyan sa sanlibutan sa ngayon. Kapansin-pansin, matapos isa-isahin ang mga aspekto ng bunga ng espiritu, idinagdag ni apostol Pablo: “Laban sa gayong mga bagay ay walang kautusan.” Ano ang ibig niyang sabihin? Ang bunga ng espiritu ay hindi mahahadlangan ng anumang kautusan. Walang kautusan na makapipigil sa paglago ng mga katangiang ito. (Gal. 5:18) Kalooban ni Jehova na patuloy nating linangin at ipakita ang tulad-Kristong mga katangiang ito magpakailanman.
14. Paano inaalipin ng espiritu ng sanlibutan ang mga nagpapasupil dito?
14 Ang mga nagpapasupil sa espiritu ng sanlibutan at nagpapakasasa sa mga pagnanasa ng kanilang laman ay nag-aakalang malaya sila. (Basahin ang 2 Pedro 2:18, 19.) Pero kabaligtaran iyan ng katotohanan. Napakaraming alituntunin at regulasyon ang kinakailangan para masupil ang kanilang masasamang hilig at paggawi. “Ang kautusan ay pinagtitibay, hindi para sa taong matuwid, kundi para sa mga taong tampalasan at mga di-masupil,” ang sabi ni Pablo. (1 Tim. 1:9, 10) Ang mga taong ito ay alipin din ng kasalanan, anupat ginagawa ang “mga bagay na hinahangad ng laman,” na isang malupit na panginoon. (Efe. 2:1-3) Katulad sila ng mga insektong gumagapang patungo sa isang mangkok ng pulot-pukyutan. Nasisilo sila ng kanilang mga pagnanasa.—Sant. 1:14, 15.
KALAYAAN SA LOOB NG KONGREGASYONG KRISTIYANO
15, 16. Gaano kahalaga ang pakikipagsamahan natin sa kongregasyon? Anong kalayaan ang nararanasan natin doon?
15 Napabilang ka sa kongregasyong Kristiyano, hindi dahil nag-aplay ka para maging miyembro nito, kundi dahil inilapit ka ni Jehova. (Juan 6:44) Bakit ka niya pinili? Nakita ba niya na matuwid ka at may takot sa kaniya? Baka sabihin mo, “Aba, hindi!” Kung gayon, ano ang nakita sa iyo ng Diyos? Nakita niya ang isang puso na handang sumunod sa kaniyang kautusan at handang magpasakop sa kaniyang patnubay. At mula nang maging bahagi ka ng kongregasyon, pinaglalaanan ka na ni Jehova ng espirituwal na pagkain. Pinalaya ka na niya mula sa mga kasinungalingan at pamahiin ng huwad na relihiyon, at tinuruan ka niya kung paano lilinangin ang tulad-Kristong personalidad. (Basahin ang Efeso 4:22-24.) Kaya naman pribilehiyo mong mapabilang sa tanging bayan na matatawag na “malayang bayan.”—Sant. 2:12.
16 Pag-isipan ito: Kapag kasama mo ang mga buong-pusong umiibig kay Jehova, natatakot ka ba? Palinga-linga ka ba? Kapag nakikipag-usap sa mga kapatid sa Kingdom Hall, lagi mo bang hawak ang gamit mo dahil nag-aalala kang may kukuha nito? Siyempre hindi! Panatag ang loob mo. Ganiyan din ba ang nadarama mo kapag mga di-kapananampalataya ang kasama mo? Malamang na hindi. Pero ang kalayaang tinatamasa mo kasama ng bayan ng Diyos ay patikim lang ng kalayaang mararanasan mo sa hinaharap.
ANG “MALUWALHATING KALAYAAN NG MGA ANAK NG DIYOS”
17. Ano ang kaugnayan ng paglaya ng sangkatauhan at ng “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos”?
17 Ganito ang isinulat ni Pablo tungkol sa kalayaang ibibigay ni Jehova sa Kaniyang mga lingkod sa lupa: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” Idinagdag niya: “Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:19-21) “Ang sangnilalang” ay tumutukoy sa mga taong may makalupang pag-asa at makikinabang sa “pagsisiwalat” sa mga pinahirang anak ng Diyos. Magsisimula ang pagsisiwalat na iyan kapag ang “mga anak” na ito, na binuhay-muli sa langit, ay nakibahagi kay Kristo sa paglilinis ng kasamaan dito sa lupa at sa pagliligtas sa “isang malaking pulutong” tungo sa isang bagong sistema ng mga bagay.—Apoc. 7:9, 14.
18. Sa anu-anong paraan pa mapalalaya ang masunuring sangkatauhan? Anong kalayaan ang makakamit nila sa wakas?
18 Kung magkagayon, lubusang mararanasan ng sangkatauhan ang isang bagong uri ng kalayaan—kalayaan mula sa impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo. (Apoc. 20:1-3) Anong laking ginhawa! Pagkatapos, gagamitin ng 144,000 hari at saserdote na kasama ni Kristo ang haing pantubos para tuluyang palayain ang sangkatauhan mula sa kasalanan at di-kasakdalang minana kay Adan. (Apoc. 5:9, 10) Matapos masubok ang kanilang katapatan, makakamit ng masunuring sangkatauhan ang sakdal na kalayaang nilayon ni Jehova para sa kanila—ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Isipin iyan! Hindi mo na kailangang makipagpunyagi para gawin ang tama sa paningin ng Diyos, dahil ang iyong katawan, puso, at isip ay sakdal na at ang personalidad mo ay lubusan nang nabago kaayon ng mga katangian ng Diyos.
19. Ano ang dapat nating gawin para makapanatili tayo sa landas ng tunay na kapayapaan?
19 Pinananabikan mo ba ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”? Kung oo, patuloy na ipasakop ang iyong puso’t isip sa “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan.” Masikap na pag-aralan ang Kasulatan. Mamuhay ayon sa katotohanan. Manalangin ukol sa banal na espiritu. Samantalahin ang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova at ang pakikipagsamahan sa kongregasyong Kristiyano. Di-gaya ni Eva, huwag kang magpadaya kay Satanas, na nagsasabing masyadong mahigpit ang mga kahilingan ng Diyos. Totoong napakatuso ng Diyablo. Pero gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, may magagawa tayo para huwag “malamangan ni Satanas, sapagkat hindi naman tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.”—2 Cor. 2:11.
[Mga larawan sa pahina 9]
Hinahanap-hanap ko pa ba ang ilan sa mga “kalayaan” ng sanlibutan?
[Mga larawan sa pahina 9]
Namumuhay ba ako ayon sa katotohanan?