“Sa Ganitong Paraan Tayo Inibig ng Diyos”
“Kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos, samakatuwid tayo mismo ay nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t isa.”—1 JUAN 4:11.
1. Sa Marso 23 pagkalubog ng araw, bakit milyun-milyon katao ang magtitipon sa mga Kingdom Hall at sa iba pang pulungang dako sa palibot ng globo?
SA Linggo, Marso 23, 1997, pagkalubog ng araw, tiyak na may mahigit sa 13,000,000 katao sa buong daigdig ang magtitipon sa mga Kingdom Hall at iba pang dakong pulungan na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Bakit? Dahil sa naantig ang kanilang puso sa pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Inakay ni Jesu-Kristo ang pansin sa kahanga-hangang patotoong iyan ng pag-ibig ng Diyos, anupat sinabi: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
2. Anong mga tanong ang makabubuting iharap sa ating sarili hinggil sa ating pagtugon sa pag-ibig ng Diyos?
2 Habang isinasaalang-alang natin ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos, makabubuting itanong sa ating sarili, ‘Talaga bang pinahahalagahan ko ang ginawa ng Diyos? Ang akin bang paraan ng pamumuhay ay nagpapatunay sa pagpapahalagang iyan?’
“Ang Diyos Ay Pag-ibig”
3. (a) Bakit karaniwan na para sa Diyos ang pagpapamalas ng pag-ibig? (b) Paano nahahayag ang kapangyarihan at karunungan sa kaniyang mga nilalang?
3 Karaniwan na sa bahagi ng Diyos ang pagpapamalas ng pag-ibig sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Pag-ibig ang kaniyang pangunahing katangian. Nang inihahanda niya ang lupa upang maging tirahan ng tao, ang kaniyang pag-aangat ng mga bundok at pagtitipon ng tubig sa mga lawa at mga karagatan ay makapigil-hiningang pagtatanghal ng kapangyarihan. (Genesis 1:9, 10) Nang paandarin ng Diyos ang siklo ng tubig at ang siklo ng oksiheno, nang idisenyo niya ang napakaraming pagkaliliit na organismo at sari-saring pananim upang ang kemikal na mga elemento sa lupa ay ikumberte sa anyo na maaaring kainin ng mga tao bilang panustos sa kanilang buhay, nang isaayos niya ang mga panloob na orasan ng ating katawan upang makatugma sa haba ng mga araw at ng mga buwan sa planetang Lupa, nagpamalas ito ng dakilang karunungan. (Awit 104:24; Jeremias 10:12) Subalit, ang namumukod-tangi sa pisikal na sangnilalang ay ang katunayan ng pag-ibig ng Diyos.
4. Sa pisikal na paglalang, anong katunayan ng pag-ibig ng Diyos ang dapat na makita at pahalagahan nating lahat?
4 Ipinababatid sa atin ng ating ngalangala ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos kapag kinakagat natin ang makatas, hinog na prutas na maliwanag na ginawa hindi lamang upang magbigay-lakas sa atin kundi upang magdulot din sa atin ng kasiyahan. Kitang-kita ng ating mga mata ang maliwanag na ebidensiya nito sa makapigil-hiningang paglubog ng araw, sa balot-ng-bituing sangkalangitan sa isang maaliwalas na gabi, sa sari-saring anyo at matitingkad na kulay ng mga bulaklak, sa katawa-tawang kilos ng mga batang hayop, at sa magiliw na ngiti ng mga kaibigan. Ipinadarama iyon sa atin ng ating ilong kapag nilalanghap natin ang bango ng mga bulaklak sa tagsibol. Nadarama iyon ng ating mga tainga habang naririnig natin ang lagaslas ng tubig sa talon, ang awitan ng mga ibon, ang tinig ng mga minamahal. Nararanasan natin iyon sa mahigpit na yakap ng isang minamahal. Taglay ng ilang hayop ang kakayahang makakita, makarinig, o makaamoy ng mga bagay na di-makita, marinig, o maamoy ng tao. Ngunit ang sangkatauhan, na ginawa ayon sa larawan ng Diyos, ay may kakayahang makadama ng pag-ibig ng Diyos sa paraan na di-nadarama ng anumang hayop.—Genesis 1:27.
5. Paano nagpamalas si Jehova ng saganang pag-ibig kina Adan at Eva?
5 Nang lalangin ng Diyos na Jehova ang unang mga tao, sina Adan at Eva, pinalibutan niya sila ng katunayan ng kaniyang pag-ibig. Nagtanim siya ng isang halamanan, isang paraiso, at pinatubo roon ang lahat ng uri ng punungkahoy. Gumawa siya ng isang ilog upang maglaan ng tubig doon at pinuno iyon ng kawili-wiling mga ibon at hayop. Ibinigay niya ang lahat ng ito kina Adan at Eva bilang kanilang tahanan. (Genesis 2:8-10, 19) Nakitungo si Jehova sa kanila bilang kaniyang mga anak, na bahagi ng kaniyang pansansinukob na pamilya. (Lucas 3:38) Palibhasa’y inilaan ang Eden bilang isang parisan, ang makalangit na Ama ng unang mag-asawang ito ay nagbigay sa kanila ng kasiya-siyang atas na pagpapalawak ng Paraiso upang sumaklaw sa globo. Ang buong lupa ay tatahanan ng kanilang mga supling.—Genesis 1:28.
6. (a) Ano ang nadarama mo sa rebelyosong landasin na tinahak nina Adan at Eva? (b) Ano ang maaaring magpakita na natuto tayo mula sa nangyari sa Eden at na tayo’y nakinabang mula sa kaalamang iyan?
6 Subalit di-nagtagal, napaharap sina Adan at Eva sa isang pagsubok sa pagkamasunurin, isang pagsubok sa pagkamatapat. Sa una ang isa at pagkatapos yaon namang isa ay hindi nagpahalaga sa pag-ibig na ipinakita sa kanila. Nakasusuklam ang ginawa nila. Walang maidadahilan para roon! Bunga nito, naiwala nila ang kanilang kaugnayan sa Diyos, itinakwil sila mula sa kaniyang pamilya, at pinalayas sa Eden. Nadarama pa rin natin sa ngayon ang mga epekto ng kanilang kasalanan. (Genesis 2:16, 17; 3:1-6, 16-19, 24; Roma 5:12) Ngunit natuto ba tayo mula sa nangyari? Paano tayo tumutugon sa pag-ibig ng Diyos? Ang mga pasiya ba natin sa araw-araw ay nagpapakita na pinahahalagahan natin ang kaniyang pag-ibig?—1 Juan 5:3.
7. Sa kabila ng ginawa nina Adan at Eva, paano nagpamalas si Jehova ng pag-ibig sa kanilang mga supling?
7 Kahit ang tahasang pagwawalang-bahala ng ating unang mga magulang sa lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila ay hindi nakapigil sa pag-ibig ng Diyos. Dahil sa pagkamadamayin sa mga tao na noo’y hindi pa naisisilang—kasali na tayo na nabubuhay sa ngayon—pinahintulutan ng Diyos na magkaroon ng pamilya sina Adan at Eva bago sila mamatay. (Genesis 5:1-5; Mateo 5:44, 45) Kung hindi niya ginawa iyan, walang sinuman sa atin ang naisilang. Sa pamamagitan ng pasulong na pagsisiwalat ng kaniyang kalooban, naglaan din si Jehova ng saligan ng pag-asa para sa lahat ng sasampalatayang supling ni Adan. (Genesis 3:15; 22:18; Isaias 9:6, 7) Kalakip sa kaniyang kaayusan ang paraan upang matamo ng mga tao ng lahat ng bansa yaong naiwala ni Adan, iyon ay, ang sakdal na buhay bilang sinang-ayunang miyembro ng pansansinukob na pamilya ng Diyos. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglalaan ng pantubos.
Bakit Isang Pantubos?
8. Bakit hindi maaaring ipasiya na lamang ng Diyos na bagaman nararapat mamatay sina Adan at Eva, wala sa kanilang masunuring mga supling ang kailangang mamatay?
8 Talaga nga bang kailangang ibayad ang buhay ng isang tao bilang halaga ng pantubos? Hindi ba maaaring ipasiya na lamang ng Diyos na bagaman nararapat mamatay sina Adan at Eva dahil sa kanilang rebelyon, ang lahat naman ng kanilang supling na susunod sa Diyos ay mabubuhay magpakailanman? Mula sa limitadong pangmalas ng tao, waring makatuwiran iyan. Gayunman, si Jehova ay “umiibig sa katuwiran at katarungan.” (Awit 33:5) Makasalanan na sina Adan at Eva nang sila’y magkaanak; kaya wala sa mga anak na iyon ang isinilang na sakdal. (Awit 51:5) Lahat sila’y nagmana ng kasalanan, at ang parusa para sa kasalanan ay kamatayan. Kung ito’y ipinagwalang-bahala ni Jehova, anong uri ng halimbawa ang ilalaan nito para sa mga miyembro ng kaniyang pansansinukob na pamilya? Hindi niya maaaring ipagwalang-bahala ang kaniyang matutuwid na pamantayan. Iginagalang niya ang mga kahilingan ng katarungan. Walang sinuman ang makatuwirang makapupula sa paraan ng pagharap ng Diyos sa mga usaping nasasangkot.—Roma 3:21-23.
9. Ayon sa banal na pamantayan ng katarungan, anong uri ng pantubos ang kinakailangan?
9 Paano, kung gayon, mailalaan ang isang angkop na saligan para sa kaligtasan niyaong mga supling ni Adan na maibiging susunod kay Jehova? Kung isasakripisyo ang isang sakdal na tao, pahihintulutan ng katarungan na ang halaga ng sakdal na buhay na iyon ay makatubos sa kasalanan niyaong sasampalataya at tatanggap sa pantubos. Yamang ang kasalanan ng isang tao, si Adan, ang siyang dahilan ng pagiging makasalanan ng buong pamilya ng tao, ang itinigis na dugo ng isa pang sakdal na tao, palibhasa’y kasinghalaga, ang siyang makatutugon sa kahilingan ng katarungan. (1 Timoteo 2:5, 6) Ngunit saan makasusumpong ng gayong persona?
Gaano Kalaki ang Halaga?
10. Bakit hindi makapaglaan ng kinakailangang pantubos ang mga supling ni Adan?
10 Sa mga supling ng makasalanang si Adan, wala ni isa ang makapaglalaan ng kinakailangan upang mabawi ang pag-asa sa buhay na naiwala ni Adan. “Wala ni isa sa kanila ang sa anumang paraan ay makatutubos kahit ng isang kapatid, ni makapagbibigay sa Diyos ng pantubos para sa kaniya; (at ang halagang pantubos ng kanilang kaluluwa ay gayon na lamang kahalaga anupat huminto ito hanggang sa panahong walang-takda) upang siya ay mabuhay pa rin magpakailanman at hindi makakita ng hukay.” (Awit 49:7-9) Sa halip na pabayaang walang-pag-asa ang sangkatauhan, si Jehova mismo ang maawaing naglaan.
11. Paano naglaan si Jehova ng sakdal na buhay-tao na siyang kailangan para sa isang angkop na pantubos?
11 Hindi nagsugo si Jehova ng isang anghel sa lupa upang magkunwaring namatay sa pamamagitan ng paghahandog ng isang katawang laman samantalang patuloy siyang nabubuhay bilang isang espiritu. Sa halip, sa pamamagitan ng isang himala na tanging ang Diyos, ang Maylalang, ang makaiisip, inilipat niya ang puwersa ng buhay at personalidad ng isang makalangit na anak sa sinapupunan ng isang babae, si Maria na anak ni Heli, mula sa tribo ni Juda. Iningatan ng aktibong puwersa ng Diyos, ang kaniyang banal na espiritu, ang paglaki ng bata sa sinapupunan ng ina nito, at isinilang iyon na isang sakdal na tao. (Lucas 1:35; 1 Pedro 2:22) Kaya naman taglay ng isang ito ang halagang kailangan upang ilaan ang pantubos na lubusang makatutugon sa mga kahilingan ng banal na katarungan.—Hebreo 10:5.
12. (a) Sa anong diwa si Jesus ang “bugtong na Anak” ng Diyos? (b) Paanong nagtatampok ng Kaniyang pag-ibig sa atin ang pagsusugo ng Diyos sa isang ito upang maglaan ng pantubos?
12 Kanino sa kaniyang laksa-laksang anak sa langit ibinigay ni Jehova ang atas na ito? Sa isa na inilarawan sa Kasulatan bilang kaniyang “bugtong na Anak.” (1 Juan 4:9) Inilalarawan ng pananalitang ito, hindi ang kaniyang kalagayan nang isilang siya bilang tao, kundi ang kalagayan niya sa langit bago siya naging tao. Siya lamang ang tanging nilalang ni Jehova nang tuwiran nang walang tulong ninuman. Siya ang Panganay sa lahat ng nilalang. Siya ang ginamit ng Diyos sa paglikha ng lahat ng iba pang nilalang. Ang mga anghel ay mga anak ng Diyos, kung paanong si Adan ay anak ng Diyos. Subalit inilalarawan si Jesus na nagtataglay ng “isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama.” Sinasabi na siya ay nananahan sa “sinapupunang dako ng ama.” (Juan 1:14, 18) Malapit, matalik, at magiliw ang kaniyang kaugnayan sa Ama. Kaisa siya sa pag-ibig ng Ama para sa sangkatauhan. Ipinahahayag ng Kawikaan 8:30, 31 kung ano ang nadarama ng kaniyang Ama sa Anak na ito at kung ano ang nadarama ng Anak sa sangkatauhan: “Ako ang natatanging kinagigiliwan niya [ni Jehova] sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya, . . . at ang mga bagay na kinagigiliwan ko [si Jesus, ang Dalubhasang Manggagawa ni Jehova, ang personipikasyon ng karunungan] ay naroon sa mga anak ng mga tao.” Ang pinakamamahal na Anak na ito ang siyang isinugo ng Diyos sa lupa upang maglaan ng pantubos. Tunay na makahulugan, kung gayon, ang mga pangungusap ni Jesus: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak”!—Juan 3:16.
13, 14. Ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ano tungkol sa ginawa ni Jehova? (1 Juan 4:10)
13 Upang matulungan tayong maunawaan sa paano man ang kahulugan nito, matagal bago pa pumarito si Jesus sa lupa, ganito ang tagubilin ng Diyos kay Abraham, mga 3,890 taon na ang nakalipas: “Pakisuyo, dalhin mo ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong pinakamamahal, at maglakbay ka sa lupain ng Moria at doo’y ihandog mo siya bilang handog na sinusunog sa isa sa mga bundok na sasabihin ko sa iyo.” (Genesis 22:1, 2) Sa pananampalataya, sumunod si Abraham. Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan ni Abraham. Ano kung iyon ay ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na pinakamamahal mo? Ano ang madarama mo habang sinisibak mo ang kahoy para sa handog na sinusunog, naglalakbay nang ilang araw patungo sa lupain ng Moria, at inilalagay ang iyong anak sa altar?
14 Bakit gayon ang nadarama ng isang madamaying magulang? Sinasabi ng Genesis 1:27 na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kaniyang larawan. Sa ating pag-ibig at pagkamadamayin ay masasalamin sa isang limitadong paraan ang sariling pag-ibig at pagkamadamayin ni Jehova. Sa kalagayan ni Abraham, namagitan ang Diyos, kaya hindi naihain si Isaac. (Genesis 22:12, 13; Hebreo 11:17-19) Gayunman, sa kaniyang sariling kalagayan, hindi umurong si Jehova sa paglalaan ng pantubos, bagaman malaki ang kapalit niyaon kapuwa sa kaniya at sa kaniyang Anak. Ang ginawa ay, hindi dahil sa anumang obligasyon sa bahagi ng Diyos, kundi, sa halip, isang kapahayagan ng pambihirang di-sana-nararapat na kabaitan. Lubusan ba nating pinahahalagahan ito?—Hebreo 2:9.
Paano Ito Nagiging Posible?
15. Paanong ang pantubos ay nakaapekto sa mga buhay maging sa kasalukuyang sistema ng mga bagay?
15 Malalim ang epekto ng maibiging paglalaang iyan ng Diyos sa buhay niyaong sumasampalataya rito. Sila’y dating nahiwalay sa Diyos bunga ng kasalanan. Gaya ng sabi ng kaniyang Salita, sila ay ‘mga kaaway sa dahilang ang kanilang mga pag-iisip ay nasa mga gawang balakyot.’ (Colosas 1:21-23) Subalit sila’y “naipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Roma 5:8-10) Palibhasa’y binago ang kanilang landasin ng buhay at natamo ang kapatawaran na ipinaaabot ng Diyos para sa sumasampalataya sa hain ni Kristo, sila ay pinagkalooban ng isang malinis na budhi.—Hebreo 9:14; 1 Pedro 3:21.
16. Anong mga pagpapala ang ipinagkaloob sa munting kawan dahil sa kanilang pananampalataya sa pantubos?
16 Ipinaabot ni Jehova sa isang limitadong bilang sa mga ito, isang “munting kawan,” ang di-sana-nararapat na pabor na makasama ang kaniyang Anak sa makalangit na Kaharian, upang isakatuparan ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa. (Lucas 12:32) Ang mga ito ay kinuha “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa . . . [upang maging] isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10) Sa mga ito, sumulat si apostol Pablo: “Kayo ay tumanggap ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung ito ay sumisigaw tayo: “Abba, Ama!” Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:15-17) Sa pagiging inampon ng Diyos bilang kaniyang mga anak, ipinagkaloob sa kanila ang pinakamamahal na kaugnayang iniwala ni Adan; subalit sa mga anak na ito ay ipinagkakaloob ang karagdagang pribilehiyo ng makalangit na paglilingkod—isang bagay na hindi kailanman tinaglay ni Adan. Hindi nakapagtataka na sinabi ni apostol Juan: “Tingnan ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ibinigay ng Ama sa atin, upang tayo ay matawag na mga anak ng Diyos”! (1 Juan 3:1) Sa mga ito ay ipinahahayag ng Diyos hindi lamang ang pag-ibig na salig sa simulain (a·gaʹpe) kundi gayundin ang magiliw na pagmamahal (phi·liʹa), na siyang pagkakakilanlang katangian ng buklod ng tunay na magkakaibigan.—Juan 16:27.
17. (a) Sa lahat ng sumasampalataya sa pantubos, anong pagkakataon ang ibinibigay? (b) Ano ang magiging kahulugan sa kanila ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”?
17 Sa iba rin naman—lahat niyaong sumasampalataya sa saganang paglalaan ng Diyos ukol sa buhay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo—ay binubuksan ni Jehova ang pagkakataon na matamo ang napakahalagang kaugnayan na iniwala ni Adan. Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng paglalang [ang sangkatauhan na nagmula kay Adan] ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos [samakatuwid nga, hinihintay nila ang panahon na magiging maliwanag na ang mga anak ng Diyos na mga tagapagmanang kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ay positibong kumikilos sa kapakanan ng sangkatauhan]. Sapagkat ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay [sila’y ipinanganak sa kasalanan na inaasahang mamamatay, at walang paraan upang mapalaya ang kanilang sarili], hindi sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop dito, salig sa pag-asa [na ibinigay ng Diyos] na ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:19-21) Ano ang magiging kahulugan ng kalayaang ito? Na sila’y pinalaya na mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Tataglayin nila ang sakdal na isip at pangangatawan, ang Paraiso bilang kanilang tahanan, at ang buhay na walang-hanggan sa kasakdalan at gugugulin ito sa pagpapahayag ng kanilang pagpapahalaga kay Jehova, ang tanging tunay na Diyos. At paano nagiging posible ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng haing pantubos ng bugtong na Anak ng Diyos.
18. Sa Marso 23 pagkalubog ng araw, ano ang gagawin natin, at bakit?
18 Noong Nisan 14, 33 C.E., sa isang silid sa itaas sa Jerusalem, pinasimulan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Ang taunang paggunita sa kaniyang kamatayan ay naging isang mahalagang pangyayari sa buhay ng lahat ng tunay na Kristiyano. Si Jesus mismo ang nag-utos: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Ngayong 1997 ang Memoryal ay idaraos pagkalubog ng araw sa Marso 23 (na siyang pasimula ng Nisan 14). Sa araw na iyon, wala nang hihigit pa sa halaga ng pagdalo sa okasyong ito ng Memoryal.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Sa anu-anong paraan nagpapamalas ang Diyos ng saganang pag-ibig sa sangkatauhan?
◻ Bakit kinailangan ang sakdal na buhay-tao upang tubusin ang mga supling ni Adan?
◻ Gaano kalaki ang halaga ng paglalaan ng pantubos para kay Jehova?
◻ Ano ang pinangyayari ng pantubos?
[Larawan sa pahina 10]
Ibinigay ng Diyos ang kaniyang bugtong na anak