‘Inyong Masusumpungan ang Kaginhawahan ng Kaluluwa Ninyo’
“Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, . . . at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”—MATEO 11:28-30.
1, 2. Ano ba ang kalagayan ng sangkatauhan sa loob ng nakalipas na daan-daang taon, at papaano ito ibang-iba sa panimulang layunin ng Diyos?
ALAM natin na ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakít hanggang ngayon.” Ganiyan ang isinulat ng isang lalaki sa mga kaibigan sa Roma kung ilang mga siglo na ngayon ang nakalipas. (Roma 8:22) Sa mga taóng nalakaran sapol noon, ang pagdaramdam at sakít ng sangkatauhan sa kabuuan ay lalo lamang naragdagan. Ang pagtatangi, karalitaan, krimen, at gutom ay nakalulungkot ang dami ng naging biktima saanman. Dahil sa mapang-aping sistema ng kabuhayan angaw-angaw ang sapilitang inalis sa kanilang trabaho at pinaalis pa mandin sa kanilang tahanan, at dahil sa maka-Satanas na impluwensiya ay nasira ang mga pagsisikap na palakihin ang mga anak ayon sa paraan na nararapat.
2 Subalit marahil ang pinakamalungkot ay pagka dahil sa karamdaman, sakít o katandaan ang mga tao’y unti-unting nanghihina at nagtitinging totoong kaawaawa samantalang sila’y patuloy na nagiging buto’t balat. Ang matinding kirot at paghihirap, kadalasa’y tumatagal ng mga linggo, buwan, at kung minsa’y mga taon pa, ay totoong nagpapasakít ng kalooban at nagiging sanhi ng matinding pagluha. Anong lungkot na banggitin ito! Tungkol sa kalagayan ng tao, isang pantas na hari noong sinaunang panahon ang nagsabi: “Sa lahat ng kaniyang mga araw ang kaniyang gawa ay nagdadala ng kapanglawan at kahapisan.” (Eclesiastes 2:23; 4:1) Ang buhay sa ngayon ay tiyak na hindi yaong nilayon ng Diyos sa pasimula!—Genesis 2:8, 9.
3. Ano ang posible nang lalangin ng Diyos ang tao, at papaanong ito’y natutupad sa kasalukuyan sa limitadong paraan?
3 Ang tao’y nilalang ng Diyos na Jehova na sakdal, at posible na talagang magtamasa ng ligaya sa buhay. (Deuteronomio 32:4, 5) Isip-isipin lamang ang kaluguran na makakain ng masarap na pananghalian, makalanghap ng kasiya-siyang malinis na hangin, o makapanood ng ubod-gandang paglubog ng araw! “Nakita ko ang gawaing ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao upang gawin,” ayon sa pagmamasid ng pantas na haring iyan noong sinaunang panahon. “Bawat bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan niyaon. . . . Nalalaman ko na walang maigi sa kanila kaysa magalak at gumawa ng mabuti habang sila’y nabubuhay; at ang bawat tao rin naman ay marapat na kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang puspusang paggawa. Iyan ay regalo ng Diyos.”—Eclesiastes 3:10-13.
4. (a) Gaya ng ipinakikita ng mga karanasan ni Jesus, ano ang malungkot na kalagayan ng napakaraming tao? (b) Ano ang nakagagalak na paanyaya ni Jesus, at anong mga tanong ang ibinabangon nito?
4 Gayumpaman, kakaunti-kaunti na ang nagtatamasa ng mabubuting bagay na nilayon ng Diyos para sa atin! Batid ni Jesu-Kristo ang aba, at malungkot na kalagayan ng sangkatauhan. “Lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao,” ang sabi ng Bibliya, “na may dalang mga pilay, pingkaw, bulag, pipi, at iba pa, at sila’y kanilang inilagay sa kaniyang paanan.” Habag na habag si Jesus sa gayong kulang-palad na mga tao! (Mateo 9:36; 15:30) Minsan, siya’y nagbigay ng ganitong nakagagalak na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:28, 29) Tunay, ito’y mga salitang nakagigising ng pag-asa! Subalit ano bang kaginhawahan ang tinutukoy ni Jesus? At papaano natin masusumpungan iyon?
Ang Katotohanan na Nakagiginhawa
5. Papaano ipinakita ni Jesus ang daan na patungo sa kalayaan at kaginhawahan ng ating mga kaluluwa?
5 Nang dumating si Jesus sa Kapistahan ng mga Tabernakulo humigit-kumulang anim na buwan pa bago sumapit ang kaniyang kamatayan, kaniyang ipinakita ang daan na patungo sa kalayaan at sa gayo’y sa pagtanggap ng tunay na kaginhawahan. Sa pakikipag-usap niya sa mga nananampalataya sa kaniya, sinabi niya: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo ay aking mga alagad, at inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Ano bang katotohanan ang tinutukoy rito ni Jesus? Tayo’y palalayain nito buhat sa ano? Sa papaanong ang mga tagapakinig niya ay mga alipin?
6. (a) Anong pagtutol ang ibinangon ng mga relihiyosong mananalansang, at bakit? (b) Sa papaanong lahat tayo ay alipin?
6 Mga relihiyosong mananalansang ang tumutol kay Jesus at ang sabi: “Kami’y binhi ni Abraham at kailanma’y hindi pa naging alipin ninumang tao. Papaanong sinasabi mong, ‘Kayo’y magiging laya’?” Ipinagmamalaki ng mga mananalansang na Judiong iyon ang kanilang mana. Bagaman ang bansa ay malimit na sinasakop ng mga ibang bansa, ang mga Judio ay tumangging patawag na mga alipin. Subalit ipinakita ni Jesus kung papaano sila naging mga alipin, na nagsasabi: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan.” Oo, lahat ng mga tagapakinig niya ay “nagkakasala,” kagaya rin nating lahat sa ngayon. Ito’y dahil sa lahat tayo’y nagmana ng kasalanan sa ating mga unang-unang magulang. Subalit nangako si Jesus: “Kung palayain kayo ng Anak, kayo’y magiging tunay na malaya.”—Juan 8:33-36; Roma 5:12.
7. Papaanong matutupad ang tunay na kalayaan, at ano ang katotohanan na nagpapalaya sa atin?
7 Ang tunay na kalayaan ay matutupad lamang sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang haing pantubos. Ang haing ito ang nagpapalaya sa atin buhat sa nagdudulot-kamatayang kasalanan at pinapangyayari na tayo’y magtamasa ng buhay na walang-hanggan sa sakdal na kalusugan at kaligayahan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (Juan 3:16; 1 Juan 4:10) Samakatuwid, ang katotohanan na nagpapalaya sa atin ay yaong katotohanan tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang ginagampanang bahagi sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. Ang Kaharian, na si Kristo ang Hari, ang siyang gaganap ng kalooban ng Diyos para sa lupa, at si Jesus ay patuloy na nagpatotoo tungkol sa katotohanang ito.—Juan 18:37.
Kung Papaano Nagpapaginhawa ang Katotohanan
8. Sa pamamagitan ng anong halimbawa maipakikita kung papaano nagpapaginhawa ang katotohanan?
8 Sa pamamagitan ng halimbawa ng isang babaing pinagsabihan na siya’y may mabilis na kumakalat na uri ng kanser ay maipakikita kung papaano nagpapaginhawa ang katotohanan. Ang pagkaalam na siya’y may kanser ay sapat nang makadurog ng kaniyang kalooban samantalang pinag-iisipan niya ang masakit, na posibleng malagim na kahihinatnan niyaon. Gayunman, nang siya’y kumunsulta sa isa pang manggagamot ay sinuri pa rin siya. Pagka ang resulta niyaon ay nagsiwalat na nagkamali pala ang unang diyagnosis o kaya siya’y nagkaroon ng kahanga-hangang paggaling, maguguniguni mo na ang kagila-gilalas na pagkadama niya ng ginhawa. Anong laking kaginhawahan nga naman iyon sa kaniyang kaluluwa!
9. Papaanong nakapagpaginhawa si Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo ng katotohanan sa mga tao?
9 Sa katulad na paraan, nang pumarito si Jesus sa lupa ang mga tao ay may pagkabigat-bigat na pasanin dahilan sa walang-kabuluhang mga tradisyon noon. Tungkol sa mga eskriba at mga Fariseo na siyang may kagagawan niyaon, sinabi ni Jesus: “Sila’y nagbibigkis ng mabibigat na pasan at ipinapapasan sa mga tao, datapuwat sa kanilang sarili ay ayaw man lamang nilang kilusin ang kanilang mga daliri.” (Mateo 23:4; Marcos 7:2-5) Anong laking kaginhawahan nang ang mga tao’y turuan ni Jesus ng katotohanan na nagpalaya sa kanila buhat sa gayong umaaliping mga tradisyon! (Mateo 15:1-9) Walang pagkakaiba sa ngayon.
10. Anong nag-aalis-kagalakang mga pabigat ang pinapasan ng marami, at ano ang maaaring madama ng isang tao pagka ang mga ito’y naalis dahil sa kaniyang pagkatuto ng katotohanan?
10 Marahil isa ka na, dahilan sa kabigatan ng pinapasan mong mga kasinungalingang turo ng relihiyon, ay nabubuhay sa takot na dumanas ng pagpapahirap sa apoy ng impiyerno o sa purgatoryo pagkamatay mo. O nang isang mahal sa buhay ang namatay, baka nanlumo ka nang husto nang sabihan ka ng isang klerigo na kinuha ng Diyos ang iyong munting sanggol dahil sa kailangan Niya ang isa pang anghel—na para bagang mas kailangan ng Diyos ang iyong anak kaysa pangangailangan mo sa anak mo. Kung minsan ang mga klerigo ay nagsasabi rin sa mga taong dumaranas ng sakít na ito’y isang sumpa buhat sa Diyos. Hindi baga tunay na nakagiginhawang malaman ang mga katotohanan ng Bibliya na nag-aalis sa isang tao ng gayong mga mabibigat na kasinungalingan ng relihiyon? Anong laking kaginhawahan ang dulot nito!—Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4; Juan 9:2, 3.
11. (a) Ano ang isa sa pinakamabibigat na pasanin, at papaano ito maaaring maalis? (b) Anong kaginhawahan ang idinulot ni Jesus sa mga makasalanan nang siya’y naririto sa lupa?
11 Isa sa pinakamabibigat na pasanin ay yaong pagkadama ng pagkakasala dahilan sa mga kasalanan na nagawa natin. Isang kaginhawahang malaman na dahilan sa bisa ng haing pantubos ni Kristo, ang mga kasalanang ito ay maaaring maalis. ‘Ang dugo ni Jesus ang lumilinis sa atin buhat sa lahat ng mga kasalanan,’ ang katiyakang ibinibigay ng Bibliya sa atin. (1 Juan 1:7) Sa kabila ng anumang kakila-kilabot na mga bagay na marahil ay nagawa natin, kung tayo’y tunay na nagsisi at nagbago ng ating lakad, ating tatamasahin ang nakarerepreskong kaginhawahan na dulot ng isang malinis na budhi at ang kasiguruhan na hindi na aalalahanin pa ng Diyos ang ating mga kasalanan. (Awit 103:8-14; 1 Corinto 6:9-11; Hebreo 10:21, 22) Anong laking kaginhawahan ang dinala ni Kristo sa mga pinabibigatan ng kasalanan, tulad baga ng mga patutot at maniningil ng buwis na gaya ni Zakeo! Sila’y inaliw ni Jesus sa pamamagitan ng mga katotohanan ng Bibliya samantalang siya’y nakikisalo sa kanila.—Lucas 5:27, 32; 7:36-50; 19:1-10.
12. (a) Sa mga taong nasa anong mahihirap na mga kalagayan nagdala si Jesus ng kaginhawahan? (b) Noong unang siglo, kanino ipinakita ni Jesus sa kagila-gilalas na paraan na siya “ang daan at ang katotohanan at ang buhay”?
12 Ang mga ibang tao naman ay pumapasan ng mabibigat na pasanin na sakít at karamdaman, matinding kalungkutan, at malaking kadalamhatian na dala ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Gayunman, si Jesus ay nagdala ng kaginhawahan sa lahat ng gayong mga tao na “nagpapagal at nabibigatang lubha.” (Mateo 4:24; 11:28, 29) Kaniyang pinagaling ang isang babaing may 18 taóng nagpagamot sa mga doktor ngunit di-napagaling. Pinagaling din ni Jesus ang isang lalaking 38 taon nang may-sakít, at isa pa na isinilang na bulag. Maguguniguni mo ba ang kanilang nadamang kaginhawahan nang sila’y pagalingin ni Jesus? (Lucas 13:10-17; Juan 5:5-9; 9:1-7) Ang totoo ay na lahat ng mga lumapit kay Jesus nang may pananampalataya ay lumapit sa bukal ng katotohanan, ng tunay na kaginhawahan, at ng buhay. Sa babaing balo na tumanggap sa kaniyang kaisa-isang anak buhat sa kamatayan at sa mga magulang na ang namatay na 12-anyos na dalagitang anak ay ibinalik na buháy sa kanila, si Jesus ay nagpatunay nga sa isang kagila-gilalas na paraan na siya “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”—Juan 14:6; 17:3; Lucas 7:11-17; 8:49-56.
13. Sino ang itinuro sa atin ni Jesus na hingan natin ng tulong, at ano ang nangyayari pagka ikinapit natin ang kaniyang payo?
13 Walang alinlangan na may mga panahon na ikaw ay napapaharap sa mga problema na lalong matitindi kaysa malulutas mo ng iyong sarili. Sa atin ay itinuro ni Jesus na kay Jehova tayo humingi ng tulong, gaya ng ginawa niya. (Lucas 22:41-44; Hebreo 5:7) Pagka tayo’y palaging sa Diyos lumalapit sa panalangin, ang nagiging damdamin natin ay katulad ng salmista na sumulat: “Purihin si Jehova, na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, ang tunay na Diyos ng aming kaligtasan.” (Awit 55:22; 68:19) Oo, ang pagkaalam ng katotohanan ay tunay ngang nagdadala ng kaginhawahan. Ito’y lalong nagpapalapit sa atin kay Jehova at tumutulong sa atin na maintindihang sa kaniyang tulong ay maaari nating matagumpay na harapin kahit na ang pinakamahihirap na kalagayan sa buhay.
Kaginhawahang Dulot ng Pag-asa sa Kaharian
14. Ano ang umalalay kay Jesus sa mga pagsubok sa kaniya at ano ang kailangan kung ibig nating masumpungan ang kaginhawahan ng ating kaluluwa?
14 Upang masumpungan ang tunay na kaginhawahan ng ating kaluluwa, tayo’y kailangang may matibay na pag-asa. Ang pag-asa ang umalalay kay Jesus hanggang wakas. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:2) Ang may kagalakang pag-asa na umalalay kay Jesus hanggang wakas ay ang pagkakaroon ng bahagi sa pagbanal sa pangalan ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng pananatiling tapat, at pagpapatunay na karapatdapat magpunò bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Ang pananatiling may malinaw na pangitain ng ating pag-asa, bilang kasamang maghahari ni Kristo sa langit o bilang isa sa kaniyang mga sakop na mamumuhay sa lupang Paraiso, ay aalalay din sa atin hanggang sa wakas sa paglilingkod sa Diyos. Oo, ang pag-asang iyan ay kailangan upang masumpungan natin ang kaginhawahan ng ating kaluluwa.—Roma 12:12.
15. Ano ang maaasahan natin sa buhay kung wala ang pag-asa sa Kaharian?
15 Isaalang-alang ang maaasahan natin sa buhay kung wala ang pag-asa sa Kaharian. Ang karaniwang haba ng buhay ay 70 taon lamang o marahil ay 80 taon. At ang mga araw na iyon ay napakabilis na lumipas, gaya ng sasabihin sa iyo ng sinumang tumatanda! Oo, ang Bibliya’y may katotohanang nagsasabi tungkol sa buhay: “Ito’y dagling napapawi, at kami’y nagsisilipad.” (Awit 90:10) Gayunman, ibig nating lumawig ang ating mga araw. Ibig nating mabuhay. Napakaraming magagawa at matatamasa.
16. Upang makasumpong ng kaginhawahan ng ating kaluluwa, ano ang kailangan nating gawin?
16 Gaanong kahalaga, kung gayon, na tayo’y lumapit nang may pananampalataya kay “Kristo Jesus, ang ating pag-asa”! (1 Timoteo 1:1) Gaya ng kaniyang sinabi: “Ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng walang-hanggang buhay.” (Juan 6:40, 51) Tayo ba’y naniniwala riyan? Upang makasumpong ng kaginhawahan ng ating mga kaluluwa, lubos na kailangang gawin natin iyan. Hindi maaaring wala tayo niyan. Oo, kailangang isakbat natin bilang “turbante ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tesalonica 5:8; ihambing ang Hebreo 6:19.) Ang pag-asang iyan ang kailangang maging bantay sa ating isip, sa ating kaisipan. Kung hindi, tayo’y lubhang mapabibigatan ng mga pasanin at mga suliranin hanggang sa tayo’y sumuko at maiwala ang buhay na walang-hanggan. Upang tamasahin ang kaginhawahan ng iyong kaluluwa, kung gayon, tiyakin na matatag ang iyong pag-asa sa Kaharian.
Kaginhawahan Buhat sa Paggawa ng Gawain ng Diyos
17. (a) Upang makamit ang kaginhawahan, ano ang kinakailangan, at bakit ito’y hindi isang kabigatan para sa atin? (b) Ano ang kasangkot sa pagtanggap sa pamatok ni Kristo?
17 Upang makamit ang kaginhawahan, higit pa ang kailangan kaysa paglapit lamang kay Jesus. Kaniyang isinusog: “Pasanín ninyo ang aking pamatok [o, “Sumailalim ng aking pamatok kasama ko”] at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:29, 30, New World Translation Reference Bible, talababa) Ang pagpasan ng pamatok ay nangangahulugang pagtatrabaho. Subalit pansinin na hindi tayo hinihilingan ni Jesus na pasanín ang pamatok at gawin ang lahat ng gawain nang tayo’y nag-iisa lamang. Tayo’y sasailalim ng pamatok kasama niya. Sa ganitong kaso, sa pagtanggap sa pamatok na iniaalok ni Jesus ay kasangkot ang pag-aalay sa Diyos, na sinasagisagan ito ng bautismo sa tubig at pagkatapos ay pagbalikat ng pananagutan ng pagiging isang alagad ni Kristo. Subalit papaanong ang gayong pamatok ng pagkaalagad ay makapagdadala ng kaginhawahan?
18. (a) Bakit ang pagtanggap sa pamatok ni Kristo ay nagdadala ng kaginhawahan? (b) Papaanong ang pangangaral ay nagdadala sa atin ng kagalakan at kaginhawahan?
18 Ang pagtanggap sa pamatok ni Kristo ay nagdadala ng kaginhawahan sapagkat si Jesus ay maamo at mapagpakumbabang puso. Yamang siya’y makatuwiran, nakagiginhawang gumawang kasama niya sa ilalim ng iisang pamatok. Kaniyang isinasaalang-alang ang ating mga limitasyon, mga kahinaan. Gaya ng kaniyang sinabi, “Malambot ang aking pamatok.” Totoo, sa pamatok ng pagkaalagad ay kasangkot ang gawain, ang ganoon ding gawaing pangangaral at pagtuturo na ginawa ni Jesus at doo’y sinanay niya ang kaniyang mga unang tagasunod. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Gayunman, anong nakagiginhawang gawain ang ibalita sa iba ang tungkol sa ating mapagmahal na Diyos, sa kaniyang Anak, at sa Kaharian! Anong laking kaginhawahan ang ibalita sa mga tao kung papaano sila makapamumuhay magpakailanman sa Paraiso! At pagka sila’y tumugon sa nagbibigay-buhay na mensahe ng Kaharian at sumama sa atin sa paglilingkod sa Diyos na Jehova, anong laki ng ating kagalakan!—1 Timoteo 4:16.
19. Bakit dapat pansinin ang payo ng biyenang lalaki ni Moises para sa matatanda sa kongregasyon sa ngayon?
19 Noong nakaraang mga taon, milyun-milyon ang pumasok sa organisasyon ni Jehova na nangangailangan ng tulong sa pagtanggap sa pamatok ni Kristo, at ito’y nagdaragdag sa pinapasang gawain ng mga tagapagbalita ng Kaharian at ng mga pastol nila. Para sa gayong espirituwal na mga pastol, ang payo na tinanggap ni propeta Moises sa kaniyang biyenang lalaki ay dapat pansinin. Ganito ang payong ibinigay niya kay Moises: “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti. Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito na kasama mo, sapagkat ang gawaing ito ay totoong mabigat na pasanin para sa iyo. Hindi mo makakaya itong mag-isa.” Kaya’t kaniyang pinayuhan si Moises na pumili ng iba pang mga lalaking may kakayahan upang makatulong ng pagpapastol sa bayan. Ang pagsunod sa payong ito ay nagtagumpay naman. (Exodo 18:17-27) Sa ngayon, ang patuloy na pagsasanay ay magbubunga ng maraming mga lalaking may kakayahan, “mga kaloob na lalaki,” na makikibahagi sa pagpapastol sa kawan upang ang mga matatanda sa kongregasyon ay huwag manghina.—Efeso 4:8, 16.
20. Ano ang hinihiling sa atin ni Jesu-Kristo at ng kaniyang Ama?
20 Bagaman ipinayo ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod na puspusang magpagal, siya ni ang kaniyang Ama man ay hindi humihiling na sinuman sa atin ay gumawa nang higit kaysa makatuwiran. Minsan nang may mga pumintas kay Maria na kapatid ni Lasaro dahilan sa kaniyang pagpapagal alang-alang kay Jesus, kaniyang pinagsabihan sila, na ang sabi: “Pabayaan ninyo siya. . . . Ginawa niya ang kaniyang nakaya.” (Marcos 14:6-8; Lucas 13:24) At walang hinihiling sa atin kundi iyan—gawin ang kaya natin. Ang gayong aktibidad Kristiyano ay hindi isang pabigat kundi isang kaginhawahan. Bakit? Sapagkat iyan ay nagdadala ng tunay na kasiyahan ngayon at ng tiyak na pag-asang walang-hanggang kapakinabangan sa hinaharap.
21. (a) Ano ang magaang na pasan ni Kristo, at ano kalimitan ang nagpapaging mahirap sa gawaing pangangaral? (b) Ano ang dapat na maging ating matibay na pasiya, at taglay ang anong tiyak na maaasahan?
21 Totoo naman, pangyayarihin ni Satanas na tayo’y pag-usigin, gaya rin ng ginawa sa ating kasamang pumapasan ng pamatok, si Jesu-Kristo. (Juan 15:20; 2 Timoteo 3:12) Subalit alalahanin na hindi ang magaan na pasan ni Kristo ang mabigat. Bagkus, iyon ay ang pananalansang ni Satanas at ng kaniyang mga ahente na kalimita’y nagpapaging napakahirap sa ating gawain. Ang pasan ni Kristo’y wala kundi ang pagsunod lamang sa mga kahilingan ng Diyos, at ito’y hindi mabigat. (1 Juan 5:3) Kung gayon, harinawang tayo’y patuloy na manatiling nasa ilalim ng pamatok ni Jesu-Kristo kasama niya, puspusang nagpapagal sa gawaing pangangaral at pagtuturo, gaya rin niya. Sa paggawa ng gayon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay ating ‘masusumpungan ang kaginhawahan ng ating kaluluwa.’
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sang-ayon sa Roma 8:22, ano ba ang naging kalagayan ng sangkatauhan?
◻ Sa anu-anong paraan nagdadala ng kaginhawahan ang pagkaalam sa katotohanan?
◻ Bakit ang pag-asa sa Kaharian ay totoong nakagiginhawa?
◻ Ano ang pamatok ni Jesus, at bakit ito malambot?
◻ Ang pagpasan ng anong pasanin ang magdadala sa atin ng kaginhawahan?