BINHI
Ang Hebreong zeʹraʽ at ang Griegong sperʹma, na parehong isinalin bilang “binhi,” ay maraming beses na lumilitaw sa Kasulatan at ginagamit o ikinakapit sa sumusunod na mga diwa: (a) agrikultural at botanikal, (b) pisyolohikal, at (c) sumasagisag sa “supling.”
Agrikultural, Botanikal. Agrikultura ang pangunahing ikinabubuhay ng Israel, kaya naman maraming sinasabi ang Kasulatan tungkol sa paghahasik, pagtatanim, at pag-aani. Malimit banggitin ang “binhi,” at ang unang halimbawa ay sa ulat tungkol sa ikatlong araw ng paglalang. Iniutos ni Jehova: “Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, mga namumungang punungkahoy na nagluluwal ng bunga ayon sa kani-kanilang uri, na may sariling binhi, sa ibabaw ng lupa.” (Gen 1:11, 12, 29) Dito’y isiniwalat ng Maylalang ang kaniyang layunin na latagan ang lupa ng pananim na nagkakabinhi, sa gayo’y mapananatili ang pagkasari-sari ng mga pananim na kaniyang nilikha, anupat ang bawat isa ay magluluwal “ayon sa uri nito” sa pamamagitan ng sarili nitong binhi.
Pisyolohikal. Sa Levitico 15:16-18 at 18:20, ginamit ang terminong Hebreo na zeʹraʽ sa pisyolohikal na diwa upang tumukoy sa semilyang inilabas. Sa Levitico 12:2, ang anyong causative ng pandiwang za·raʽʹ (maghasik) ay isinalin ng ilang bersiyon gamit ang mga salitang Tagalog na “maglihi” o “magdalang-tao.” Sa Bilang 5:28 naman, isang balintiyak na anyo ng za·raʽʹ ang lumitaw kasama ng zeʹraʽ at isinalin bilang “pangyayarihing magdalang-tao sa pamamagitan ng semilya” (NW), “hahasikan ng binhi” (Yg), “maglilihi ng binhi” (KJ).
Makasagisag na Paggamit. Sa karamihan ng mga paglitaw nito sa Bibliya, ang salitang zeʹraʽ ay ginamit upang tumukoy sa supling, o kaapu-apuhan. Sa Genesis 7:3, ikinapit ang terminong ito sa supling ng mga hayop. Sa Genesis 9:9 naman ay mga taong supling ni Noe ang tinukoy, at sa Genesis 16:10 ay mga supling ng babaing si Hagar. Bilang tanda ng pakikipagtipan ng Diyos, inutusan ng Diyos si Abram at ang kaniyang likas na “binhi” na magpatuli.—Gen 17:7-11.
Ang salitang Griego na sperʹma ay ginamit sa mga diwang kagaya ng Hebreong zeʹraʽ. (Ihambing ang Mat 13:24; 1Co 15:38; Heb 11:11; Ju 7:42.) Ginamit ni Jesu-Kristo ang kaugnay na salitang spoʹros (bagay na inihasik) upang sumagisag sa salita ng Diyos.—Luc 8:11.
Isang Sagradong Lihim. Nang hatulan ng Diyos sina Adan at Eva, bumigkas siya ng isang hula na nagbigay-pag-asa sa kanilang mga supling. Sinabi niya sa serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Gen 3:15) Mula’t sapol, ang pagkakakilanlan ng ipinangakong “binhi” ay isang sagradong lihim ng Diyos.
Isiniwalat ng makahulang pananalitang ito na magkakaroon ng isang tagapagligtas na pupuksa sa malaking serpiyente at pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo. (Apo 12:9) Ipinahiwatig din nito na magkakaroon ng “binhi” ang Diyablo. Mangangailangan ng panahon upang mailuwal ang dalawang binhi at magkaroon ng alitan sa pagitan nila.
Ang binhi ng Serpiyente. Kapag binabanggit ng Bibliya ang “binhi” sa makasagisag na diwa, mapapansin natin na hindi literal na mga anak, o mga supling, ang tinutukoy nito, kundi yaong mga tumutulad sa kanilang makasagisag na “ama” o nagtataglay ng kaniyang espiritu o disposisyon. Halimbawa, si Cain, ang unang anak nina Adan at Eva, ay isa sa mga supling ng Serpiyente. Nilinaw ito ng apostol na si Juan nang sumulat siya: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa bagay na ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa paggawa ng katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang mensahe na inyong narinig buhat pa nang pasimula, na dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid. At sa anong dahilan niya siya pinatay? Sapagkat ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot, ngunit yaong sa kapatid niya ay matuwid.”—1Ju 3:10-12; ihambing ang Ju 8:44.
Sa paglipas ng mga siglo, napabilang sa binhi ng Serpiyente yaong mga nagtaglay ng espiritu ng Diyablo, mga napoot sa Diyos at lumaban sa kaniyang bayan. Pantanging kasama rito ang relihiyosong mga tao na nag-aangking naglilingkod sa Diyos ngunit sa katunayan ay mga bulaan at mapagpaimbabaw. Tinukoy ni Jesus ang mga Judiong lider ng relihiyon noong panahon niya bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente nang sabihin niya sa kanila: “Mga serpiyente, supling [sa Gr., gen·neʹma·ta, “mga iniluwal”] ng mga ulupong, paano kayo makatatakas mula sa kahatulan ng Gehenna?”—Mat 23:33, Int.
Unti-unting isiniwalat ang mga aspekto ng lihim ng Diyos may kinalaman sa ipinangakong “binhi” ng babae. Ito ang mga tanong na kailangang masagot: Ang binhi ba ay makalangit o makalupa? Kung ito’y espirituwal o makalangit, mabubuhay ba ito bilang tao sa lupa? Ang binhi ba ay iisa o marami? Paano nito pupuksain ang Serpiyente at palalayain ang sangkatauhan?
Gaya ng natalakay na, ang serpiyenteng pinatungkulan ni Jehova ng kaniyang mga salita na nakaulat sa Genesis 3:15 ay hindi ang literal na ahas na nasa lupa. Maliwanag na hindi nito maiintindihan ang usaping nasasangkot, na isang paghamon sa soberanya ni Jehova. Samakatuwid, gaya ng isiniwalat ng mga pangyayari nang maglaon, ang kausap noon ng Diyos ay isang matalinong indibiduwal, ang kaniyang pangunahing kaaway na si Satanas na Diyablo. Nililinaw ito sa atin ng aklat ng Job, kung saan iniulat na nagharap si Satanas ng akusasyon laban sa katapatan ni Job kay Jehova upang suportahan ang kaniyang paghamon sa soberanya ng Diyos. (Job 1:6-12; 2:1-5) Kaya naman ang “ama” ng binhi ng serpiyente ay hindi isang literal na serpiyente kundi isang anghel at espiritung “ama,” si Satanas na Diyablo.
Espirituwal ang ‘binhi ng babae.’ Kung gayon, anuman ang pangmalas dito ng mga taong tapat noong una, nililinaw ng Kristiyanong Kasulatan na ang ipinangakong ‘binhi ng babae’ ay kailangang nakahihigit sa tao para ‘masugatan niya sa ulo’ ang espirituwal na kaaway at anghel, ang Diyablo. Dapat na ang “binhi” ay isang makapangyarihang espiritung persona. Paano kaya siya lilitaw, at sino ang kaniyang ‘ina,’ ang “babae”?
Muling binanggit ang ipinangakong “binhi” pagkaraan ng mahigit na 2,000 taon, sa tapat na si Abraham. Si Abraham ay nagmula sa linya ni Sem, at sa isang naunang hula, tinawag ni Noe si Jehova bilang “ang Diyos ni Sem.” (Gen 9:26) Ipinahihiwatig nito na natamo ni Sem ang pabor ng Diyos. Noong panahon ni Abraham, inihula na ang ‘binhing’ ipinangako ay manggagaling kay Abraham. (Gen 15:5; 22:15-18) Lalo itong napagtibay nang pagpalain si Abraham ng saserdoteng si Melquisedec. (Gen 14:18-20) Hindi lamang isiniwalat ng pananalita ng Diyos na magkakaroon si Abraham ng supling kundi ipinakita rin nito na ang ipinangakong ‘binhing’ tagapagligtas ay talagang magmumula sa linya ng angkan ng mga tao sa lupa.
Iisang indibiduwal ang inihula. Kapag tinutukoy ang mga supling ni Abraham at ng iba pa, ang mga terminong Hebreo at Griego na ginagamit ay nasa anyong pang-isahan, anupat kadalasa’y tinutukoy ang mga supling na iyon bilang isang grupo. Waring may matibay na dahilan kung bakit ang panlahatang termino na zeʹraʽ, “binhi,” sa halip na ang pangmaramihang salita na ba·nimʹ, “mga anak” (pang-isahan, ben), ang napakadalas gamitin may kaugnayan sa mga supling ni Abraham. Ipinakita ito ng apostol na si Pablo nang ipaliwanag niya na noong banggitin ng Diyos ang mga pagpapalang darating sa pamamagitan ng binhi ni Abraham, ang tinukoy Niya ay iisang indibiduwal, samakatuwid nga, si Kristo. Sinabi ni Pablo: “Ngayon ang mga pangako ay sinalita kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi nito [o, niya] sinasabi: ‘At sa mga binhi [sa Gr., sperʹma·sin],’ gaya ng sa marami, kundi gaya ng sa iisa: ‘At sa iyong binhi [sa Gr., sperʹma·tiʹ],’ na si Kristo.”—Gal 3:16, tlb sa Rbi8.
Tinututulan ng ilang iskolar ang sinabi ni Pablo tungkol sa paggamit ng pang-isahan at pangmaramihang anyo ng “binhi.” Sinasabi nila na sa Hebreo, ang salita para sa “binhi” (zeʹraʽ), kapag ginamit upang tumukoy sa mga supling, ay hindi kailanman nagbabago ng anyo. Isa pa, hindi ipinakikita ng ginamit na mga pandiwa at mga pang-uri kung ang salita para sa “binhi” ay pang-isahan o pangmaramihan. Bagaman totoo ito, may isa pang salik na nagpapakitang tumpak ang paliwanag ni Pablo kung tungkol sa balarila at sa doktrina. Hinggil sa salik na ito, ganito ang paliwanag ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1894, Tomo IX, p. 506): “May kaugnayan sa mga panghalip, ang pagkakagamit sa mga ito ay ibang-iba sa dalawang nauna [samakatuwid nga, sa mga pandiwa at mga pang-uri na ginamit kasama ng salitang “binhi”]. Ang pang-isahang panghalip [na ginamit para sa zeʹraʽ] ay tumutukoy sa isang indibiduwal, sa kaisa-isa, o sa isa na nagmula sa marami; samantalang ang pangmaramihang panghalip ay kumakatawan sa lahat ng inapo. Ang tuntuning ito ay palaging sinusunod ng Sept[uagint] . . . Nauunawaan ni Pedro ang ganitong paggamit sa mga panghalip, sapagkat tinukoy niya ang binhi sa Gen. xxii, 17, 18 gamit ang pang-isahang termino, noong nakikipag-usap siya sa katutubong mga Judio sa lunsod ng Jerusalem bago makumberte si Pablo (Gawa iii, 26), gaya rin ng ginawa ni David isang libong taon bago nito (Aw. lxxii, 17).”
Sinabi pa ng reperensiyang iyon: “Hindi ipinakikita ni Pablo ang pagkakaiba ng isang binhi at ng isa pa, kundi ng isang binhi at ng marami; at kung ipapalagay natin na sinisipi niya ang mismong talata na sinipi ni Pedro [na nabanggit na], ang kaniyang argumento ay matibay na sinusuportahan ng panghalip na ‘kaniyang [hindi kanilang] mga kaaway.’ Ang binhi na ginamitan ng panghalip na pang-isahan ay eksaktong katumbas ng anak.”
Nang pangakuan si Abraham na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kaniyang “binhi,” hindi maaaring kasama sa “binhi” na ito ang lahat ng supling ni Abraham. Hindi naman ginamit ang mga supling ng kaniyang anak na si Ismael at ang mga supling ng kaniyang mga anak kay Ketura upang pagpalain ang sangkatauhan. Ang binhing magdudulot ng pagpapala ay magmumula kay Isaac. “Ang tatawaging iyong binhi ay magiging sa pamamagitan nga ni Isaac,” ang sabi ni Jehova. (Gen 21:12; Heb 11:18) Nang maglaon, lalong nilimitahan ang pagkakapit ng pangakong ito nang, sa dalawang anak ni Isaac na sina Jacob at Esau, si Jacob ang pantanging pinagpala. (Gen 25:23, 31-34; 27:18-29, 37; 28:14) Nilimitahan pa ito ni Jacob nang ipakita niya na ang bayan ay matitipon sa Shilo (nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito”) na mula sa tribo ni Juda. (Gen 49:10) Mula naman sa buong Juda, ang linya ni David ang piniling pagmulan ng darating na binhi. (2Sa 7:12-16) Ang paglilimitang ito sa angkang pagmumulan ng binhi ay batid ng mga Judio noong unang siglo C.E., na talagang naghihintay sa pagdating ng iisang indibiduwal bilang Mesiyas o Kristo, bilang tagapagligtas (Ju 1:25; 7:41, 42), bagaman inakala rin nila na sila, bilang mga supling, o binhi, ni Abraham, ang magiging pinaborang bayan at sa gayo’y mga anak ng Diyos.—Ju 8:39-41.
Pinalawak ang saklaw. Matapos pigilan ng anghel ni Jehova ang tangkang paghahain ni Abraham ng anak nitong si Isaac, sinabi ng anghel kay Abraham: “‘Ipinanunumpa ko ang aking sarili,’ ang sabi ni Jehova, ‘na dahil sa ginawa mo ang bagay na ito at hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.’”—Gen 22:16-18.
Upang ang pangakong ito ng Diyos ay matupad sa isang espirituwal na binhi, mangangahulugan ito na may ibang idaragdag sa iisang pangunahing binhi. At ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na magkakagayon nga. Sinabi niya na ang mana ay ibinigay kay Abraham sa pamamagitan ng pangako at hindi sa pamamagitan ng kautusan. Idinagdag lamang ang Kautusan upang mahayag ang mga pagsalansang “hanggang sa dumating ang binhi.” (Gal 3:19) Samakatuwid, ang pangako ay tiyak na matutupad sa lahat ng kaniyang binhi, “hindi lamang doon sa nanghahawakan sa Kautusan, kundi gayundin doon sa nanghahawakan sa pananampalataya ni Abraham.” (Ro 4:16) Sinabi ni Jesu-Kristo sa mga Judiong sumasalansang sa kaniya: “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Sa gayo’y ipinahiwatig niya na ang kinikilala ng Diyos na binhi ni Abraham ay hindi yaong mga inapo sa laman kundi yaong mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham. (Ju 8:39) Espesipikong sinabi ng apostol: “Bukod diyan, kung kayo ay kay Kristo, kayo ay talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako.”—Gal 3:29; Ro 9:7, 8.
Samakatuwid, ang pangako ng Diyos na, “Tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat,” ay may espirituwal na katuparan at nangangahulugan na may mga iba pa, “yaong mga kay Kristo,” na idaragdag bilang bahagi ng binhi ni Abraham. (Gen 22:17; Mar 9:41; 1Co 15:23) Hindi isiniwalat ng Diyos ang kanilang bilang ngunit ipinahiwatig niya na hindi iyon matiyak gaya ng bilang ng mga bituin at ng mga butil ng buhangin. Ngunit noong mga 96 C.E., sa Apocalipsis sa apostol na si Juan, isiniwalat niya na ang espirituwal na Israel, yaong mga “tinatakan” ng espiritu ng Diyos, na isang tanda ng kanilang makalangit na mana, ay may bilang na 144,000.—Efe 1:13, 14; Apo 7:4-8; 2Co 1:22; 5:5.
Ang 144,000 na ito ay ipinakikitang nakatayo sa Bundok Sion kasama ng Kordero. “Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apo 14:1, 4) Ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang buhay para sa kanila, sa gayo’y ‘tinutulungan niya ang binhi ni Abraham’ bilang kanilang dakilang Mataas na Saserdote. (Heb 2:14-18) May-kabaitang ibinigay ng Diyos na Ama sa kaniyang Anak ang kongregasyong ito, ang “kasintahang babae.” (Ju 10:27-29; 2Co 11:2; Efe 5:21-32; Apo 19:7, 8; 21:2, 12) Sila’y magiging mga hari at mga saserdote, at ibabahagi sa kanila ni Jesus ang kaluwalhatian at Kahariang ibinigay sa kaniya ng Ama. (Luc 22:28-30; Apo 20:4-6) Sa katunayan, ang sagradong lihim may kinalaman sa Binhi ay isa lamang sa mga aspekto ng dakilang sagradong lihim ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas.—Efe 1:9, 10; tingnan ang SAGRADONG LIHIM.
Ipinaghalimbawa ni Pablo ang pagkilos na ito ng Diyos sa pamamagitan ni Abraham, ng kaniyang malayang asawa (si Sara), at ni Isaac na anak sa pamamagitan ng pangako. Inihalintulad niya si Sara sa “Jerusalem sa itaas,” “ang ating ina [samakatuwid nga, ina ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu].” Inihalintulad naman niya si Isaac sa mga Kristiyanong ito bilang mga supling o mga anak ng ‘inang’ iyon.—Gal 4:22-31.
Ang pagdating ng “binhi.” Napatunayan nang si Jesus ang pangunahing “binhi.” Gayunman, hindi pa siya ang ‘binhi ng babae’ (samakatuwid nga, ng “Jerusalem sa itaas”) noong isilang siya bilang tao. Totoong nagmula siya sa likas na binhi ni Abraham sa pamamagitan ng kaniyang inang si Maria. Nagmula siya sa tribo ni Juda. At nagmula siya sa linya ni David kapuwa sa likas na paraan (sa pamamagitan ni Maria) at sa legal na paraan (sa pamamagitan ng kaniyang ama-amahang si Jose). (Mat 1:1, 16; Luc 3:23, 31, 33, 34) Kaya naman kuwalipikado si Jesus na maging “binhi” alinsunod sa makahulang mga pangako.
Ngunit upang aktuwal na maging binhi, o supling, ng babae at Binhi na magpapala sa lahat ng bansa, si Jesus ay kailangang ianak sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Naganap ito nang bautismuhan siya ni Juan sa Ilog Jordan noong 29 C.E. Mga 30 taóng gulang noon si Jesus. Ang banal na espiritu, na bumaba kay Jesus, ay nakita ni Juan sa anyong kalapati, at sa pagkakataong iyon ay kinilala mismo ng Diyos si Jesus bilang kaniyang Anak.—Mat 3:13-17; Luc 3:21-23; Ju 3:3.
Sinimulang idagdag ang kasamahang “binhi,” ang kongregasyong Kristiyano, nang ibuhos ang banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Nakaakyat na noon si Jesus sa langit, sa presensiya ng kaniyang Ama, at ipinadala niya sa kaniyang unang mga tagasunod na ito, na kinabibilangan ng 12 apostol, ang banal na espiritu. (Gaw 2:1-4, 32, 33) Bilang Mataas na Saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec, nagbigay siya ng malaking ‘tulong’ sa pangalawahing binhi ni Abraham.—Heb 2:16.
Alitan sa pagitan ng dalawang binhi. Ang malaking serpiyente na si Satanas na Diyablo ay nagluwal ng “binhi” na buong-tinding nakikipag-alit sa mga taong naglilingkod sa Diyos at may pananampalatayang tulad ng kay Abraham, gaya ng pinatototohanan ng maraming ulat sa Bibliya. Sinikap ni Satanas na pigilan o hadlangan ang paglitaw ng binhi ng babae. (Ihambing ang Mat 13:24-30.) Umabot sa kasukdulan ang pakikipag-alit na ito nang usigin ang espirituwal na binhi, lalo na nang usigin si Jesu-Kristo. (Gaw 3:13-15) Upang ipaghalimbawa ito, tinukoy ni Pablo ang nabanggit na makahulang drama, sa pagsasabing: “Kung paanong noon ay pinasimulang usigin niyaong ipinanganak ayon sa laman [si Ismael] yaong ipinanganak ayon sa espiritu [si Isaac], gayundin naman ngayon.” (Gal 4:29) At sa isang mas huling ulat, na sa katunayan ay isang hula, inilarawan ang pagtatatag ng Kaharian sa langit at ang paghahagis sa Diyablo mula sa langit tungo sa lupa, kung kaya mayroon na lamang siyang maikling panahon upang makipag-alit. Ganito nagtapos ang ulat: “At ang dragon ay napoot sa babae, at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi sa kaniyang binhi, na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apo 12:7-13, 17) Magwawakas ang pakikipagdigmang iyon sa nalabi ng binhi ng babae kapag ‘dinurog na si Satanas sa ilalim ng kanilang mga paa.’—Ro 16:20.
Pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa. Sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at ng pagpatnubay niya sa kaniyang kongregasyon mula noong Pentecostes, ang Binhi, si Jesu-Kristo, ay nakapagdulot ng saganang mga pagpapala sa tapat-pusong mga tao. Ngunit sa pagsisimula ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, ang kaniyang espirituwal na “mga kapatid,” na binuhay nang muli at nakikibahagi na sa kaniyang pamamahala sa Kaharian, ay maglilingkod ding kasama niya bilang mga katulong na saserdote. (Apo 20:4-6) Kapag “ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit,” ay tumayo sa harap ng trono upang hatulan, “pagpapalain” niyaong mga nanampalataya at naging masunurin “ang kanilang sarili,” anupat magtatamo sila ng buhay sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. (Apo 20:11-13; Gen 22:18) Mangangahulugan ito ng buhay na walang hanggan at kaligayahan para sa kanila.—Ju 17:3; ihambing ang Apo 21:1-4.
Pagkabuhay-muli ng “binhi.” Nang ipaliwanag ng apostol na si Pedro ang pagkabuhay-muli ng Binhi na si Jesu-Kristo, isinulat niya na si Kristo ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1Pe 3:18) Bilang pagtalakay naman sa pagkabuhay-muli ng mga kasamahan ni Kristo, ang kapuwa niya apostol na si Pablo ay gumamit ng ilustrasyong nauugnay sa agrikultura. Sinabi niya: “Ang inihahasik mo ay hindi binubuhay malibang mamatay muna ito; at kung tungkol sa inihahasik mo, inihahasik mo, hindi ang katawan na tutubo, kundi ang isang butil lamang, maaaring trigo o alinman sa iba pa; ngunit binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kaniyang kinalugdan, at sa bawat isa sa mga binhi ay ang sarili nitong katawan. . . . Gayundin naman ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Inihahasik ito sa kasiraan, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan. Inihahasik ito sa kasiraang-puri, ibinabangon ito sa kaluwalhatian. . . . Inihahasik itong isang katawang pisikal, ibinabangon itong isang katawang espirituwal.” (1Co 15:36-44) Samakatuwid, yaong mga bumubuo sa ‘binhi ng babae,’ ang “binhi ni Abraham,” ay mamamatay, anupat isusuko nila ang kanilang makalupang mga katawang laman na nasisira, at bubuhayin silang muli taglay ang maluwalhati at walang-kasiraang mga katawan.
Walang-kasiraang binhi sa pag-aanak. Sinabi ng apostol na si Pedro sa kaniyang espirituwal na mga kapatid na binigyan sila ng “isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana.” Ayon sa kaniya, “Ito ay nakataan sa langit para sa inyo.” Itinawag-pansin niya sa kanila na hindi sila iniligtas sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira gaya ng pilak at ginto, kundi sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Pagkatapos ay sinabi niya: “Sapagkat binigyan na kayo ng isang bagong pagsilang, hindi sa pamamagitan ng nasisira, kundi ng walang-kasiraang binhi sa pag-aanak, sa pamamagitan ng salita ng buháy at namamalaging Diyos.” Dito, ang salitang Griego na ginamit para sa “binhi” ay ang spo·raʹ, na tumutukoy sa binhing inihasik, sa gayo’y nasa kalagayang mamunga.—1Pe 1:3, 4, 18, 19, 23.
Sa ganitong paraan, ipinaalaala ni Pedro sa kaniyang mga kapatid na sila’y mga anak, hindi ng isang amang tao na namamatay at walang-kakayahang magsalin sa kanila ng kawalang-kasiraan o buhay na walang hanggan, kundi ng “buháy at namamalaging Diyos.” Ang walang-kasiraang binhi na ginamit upang mabigyan sila ng bagong pagsilang na ito ay ang banal na espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa, na gumaganang kasama ng namamalaging Salita ng Diyos, na kinasihan ng espiritu. Ganito ang sinabi ng apostol na si Juan tungkol sa mga inianak sa espiritu: “Ang bawat isa na ipinanganak mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, sapagkat ang Kaniyang binhi sa pag-aanak ay nananatili sa isang iyon, at hindi siya makapamimihasa sa kasalanan, sapagkat siya ay ipinanganak mula sa Diyos.”—1Ju 3:9.
Ang espiritung ito na taglay nila ay nagdudulot ng isang bagong pagsilang bilang mga anak ng Diyos. Ito’y isang puwersa ukol sa kalinisan, at nagluluwal ito ng mga bunga ng espiritu, sa halip na balakyot na mga gawa ng laman. Samakatuwid, ang taong nagtataglay ng binhing ito sa pag-aanak ay hindi mamimihasa sa mga gawa ng laman. Ganito ang sinabi ng apostol na si Pablo tungkol dito: “Sapagkat tinawag tayo ng Diyos, hindi sa pagbibigay-daan sa karumihan, kundi may kaugnayan sa pagpapabanal. Kung gayon nga, ang tao na nagpapakita ng pagwawalang-halaga ay nagwawalang-halaga, hindi sa tao, kundi sa Diyos, na siyang naglalagay ng kaniyang banal na espiritu sa inyo.”—1Te 4:7, 8.
Gayunman, kapag ang isang inianak sa espiritu ay palaging lumalaban o ‘pumipighati’ sa espiritu, anupat ‘pinalulungkot’ o ‘pinagdaramdam’ iyon, sa kalaunan ay aalisin sa kaniya ng Diyos ang Kaniyang espiritu. (Efe 4:30, Int; ihambing ang Isa 63:10.) Maaari pa ngang umabot ang isang tao sa puntong magkasala siya ng pamumusong laban sa espiritu, na magiging kapaha-pahamak para sa kaniya. (Mat 12:31, 32; Luc 12:10) Kaya naman, idiniin nina Pedro at Juan na kailangang ingatan ang kabanalan at ang pag-ibig sa Diyos, ibigin ang mga kapatid mula sa puso, at magpasakop sa patnubay ng espiritu ng Diyos, sa gayo’y pinatutunayan ng isa na siya’y isang tunay at matapat na anak ng Diyos.—1Pe 1:14-16, 22; 1Ju 2:18, 19; 3:10, 14.