Kabanata 2
Ang Kamangha-manghang Tema ng Bibliya
Pagpapakahulugan sa Kasulatan Ang mga hiwagang nakakubli sa aklat ng Apocalipsis ay matagal na naging palaisipan sa taimtim na mga estudyante ng Bibliya. Sa takdang panahon ng Diyos, kailangang maisiwalat ang mga lihim na iyon, subalit paano, kailan, at ukol kanino? Ang espiritu lamang ng Diyos ang makapagsisiwalat ng kahulugan nito habang papalapit ang itinakdang panahon. (Apocalipsis 1:3) Ang sagradong mga lihim na ito ay isisiwalat sa masisigasig na alipin ng Diyos sa lupa upang mapalakas sila sa paghahayag ng kaniyang mga kahatulan. (Mateo 13:10, 11) Hindi naman sinasabing walang pagkakamali ang mga paliwanag sa publikasyong ito. Gaya ni Jose noong sinauna, sinasabi namin: “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?” (Genesis 40:8) Gayunpaman, kasabay nito, lubusan kaming naniniwala na ang mga paliwanag na inihaharap dito ay kasuwato ng Bibliya sa kabuuan at nagpapakita kung paanong ang hula ng Diyos ay kapansin-pansing natutupad sa mga pangyayari sa daigdig sa kapaha-pahamak na panahong ito.
1. Ano ang dakilang layunin ni Jehova?
ISANG kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Mas mabuti ang huling wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito.” (Eclesiastes 7:8) Mababasa natin sa aklat ng Apocalipsis ang kapana-panabik na kasukdulan ng dakilang layunin ni Jehova na pabanalin ang kaniyang pangalan sa paningin ng buong sangnilalang. Gaya ng paulit-ulit na ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng isa sa kaniyang mga propeta noon: “Kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 25:17; 38:23.
2. Anong kasiya-siyang kaalaman ang ipinauunawa sa atin ng Apocalipsis at ng iba pang naunang mga aklat ng Bibliya?
2 Kung paanong isinasalaysay ng Apocalipsis ang matagumpay na wakas ng mga bagay-bagay, ang pasimula naman ng mga ito ay inilalarawan sa atin ng naunang mga aklat ng Bibliya. Ang pagsusuri sa ulat na ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang mga isyung nasasangkot at makita sa kabuuan ang mga layunin ng Diyos. Tunay ngang kasiya-siya ito! Bukod diyan, uudyukan tayo nito na kumilos at sa gayon ay makamit ang kamangha-manghang kinabukasan na naghihintay sa sangkatauhan. (Awit 145:16, 20) Sa puntong ito, waring angkop na pag-usapan ang kasaysayan at tema ng buong Bibliya upang malaman natin ang pinakapangunahing isyu na napapaharap ngayon sa buong sangkatauhan, pati na ang malinaw na layunin ng Diyos na lutasin ang isyung ito.
3. Anong hula sa aklat ng Genesis ang naging saligan ng tema para sa buong Bibliya, pati na sa Apocalipsis?
3 Ang unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, ay nagsasabi tungkol sa “pasimula” at inilalarawan nito ang paglalang ng Diyos, kasama na ang pinakatampok sa kaniyang makalupang mga nilikha, ang tao. Isinasaad din sa Genesis ang unang hula na binigkas mismo ng Diyos sa hardin ng Eden mga 6,000 taon na ang nakararaan. Isang serpiyente ang ginamit noon upang dayain ang unang babae, si Eva; at hinikayat naman niya ang kaniyang asawa, si Adan, na makisama sa kaniya sa paglabag sa batas ni Jehova sa pamamagitan ng pagkain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Nang iginagawad ang hatol sa nagkasalang mag-asawa, sinabi ng Diyos sa serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 1:1; 2:17; 3:1-6, 14, 15) Ang hulang iyon ang naging saligan ng tema para sa buong Bibliya, pati na sa Apocalipsis.
4. (a) Matapos bigkasin ng Diyos ang unang hula, ano ang nangyari sa ating unang mga magulang? (b) Anu-anong tanong ang bumabangon tungkol sa unang hula, at bakit natin kailangang malaman ang mga sagot?
4 Pagkatapos bigkasin ang hula, pinalayas agad ng Diyos ang ating unang mga magulang mula sa Eden. Hindi na sila makaaasa pa ng walang-hanggang buhay sa Paraiso; gugugulin nila ang nalalabing bahagi ng kanilang buhay sa ilang na lupa sa labas nito. Sa ilalim ng hatol na kamatayan, magluluwal sila ng mga anak na makasalanan. (Genesis 3:23–4:1; Roma 5:12) Subalit ano nga ba ang kahulugan ng hulang iyon na binigkas sa Eden? Sinu-sino ang nasasangkot? Paano ito nauugnay sa Apocalipsis? Ano ang mensahe nito para sa atin sa ngayon? Upang guminhawa tayo mula sa mga epekto ng kalunus-lunos na pangyayari na nag-udyok kay Jehova na bigkasin ang hulang iyon, napakahalagang malaman natin ang mga sagot sa mga tanong na ito.
Ang Pangunahing mga Tauhan sa Drama
5. Nang dayain ng serpiyente si Eva, ano ang nangyari may kaugnayan sa pagkasoberano ng Diyos at sa kaniyang pangalan, at paano malulutas ang usapin?
5 Ang hula sa Genesis 3:15 ay ipinatungkol sa serpiyente na nagsinungaling at nagsabi kay Eva na hindi siya mamamatay kung susuway siya, at sa halip ay magiging malaya, isang diyosa. Kaya pinalitaw ng serpiyente na sinungaling si Jehova at na mas mapapabuti ang tao kung tatanggihan nila ang Kaniyang kataas-taasang pamamahala. (Genesis 3:1-5) Hinamon ang pagkasoberano ni Jehova at dinungisan ang kaniyang malinis na pangalan. Inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis kung paanong gagamitin ng matuwid na Hukom, si Jehova, ang pamamahala ng Kaharian ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, upang ipagbangong-puri ang kaniyang pagkasoberano at pawiin ang lahat ng upasalang naidulot sa kaniyang pangalan.—Apocalipsis 12:10; 14:7.
6. Paano ipinakikilala ng Apocalipsis kung sino ang nakipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng ahas?
6 Sa literal na ahas lamang ba tumutukoy ang salitang “serpiyente”? Hindi! Ipinakikilala sa atin ng Apocalipsis kung sino ang pusakal na espiritung nilalang na nagsalita sa pamamagitan ng ahas na iyon. Iyon ang “malaking dragon . . . , ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa,” na siyang ‘dumaya kay Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito.’—Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 11:3.
7. Ano ang nagpapakitang ang babae na binabanggit sa Genesis 3:15 ay nasa dako ng mga espiritu?
7 Sumunod namang binanggit ng Genesis 3:15 ang “babae.” Siya ba si Eva? Marahil ay ganito ang inakala niya. (Ihambing ang Genesis 4:1.) Subalit imposibleng magkaroon ng mahabang-panahong alitan sina Eva at Satanas dahil namatay si Eva mahigit 5,000 taon na ngayon ang nakalilipas. Karagdagan pa, yamang ang Serpiyente na kausap ni Jehova ay isang di-nakikitang espiritu, aasahan natin na ang babae ay nasa dako rin ng mga espiritu. Pinatutunayan ito ng Apocalipsis 12:1, 2, na nagpapakitang ang makasagisag na babaing ito ay ang makalangit na organisasyon ni Jehova na binubuo ng espiritung mga nilalang.—Tingnan din ang Isaias 54:1, 5, 13.
Dalawang Magkalabang Binhi
8. Bakit tayo dapat maging lubhang interesado sa sinasabi ngayon tungkol sa dalawang binhi?
8 Dalawang binhi ang sumunod na binanggit sa Genesis 3:15. Dapat tayong maging lubhang interesado sa mga ito, sapagkat nauugnay sila sa mahalagang isyu ng matuwid na pagkasoberano sa lupang ito. Nasasangkot dito ang bawat isa sa atin, bata man o matanda. Sino sa dalawang binhi ang pinapanigan mo?
9. Sino ang tiyak na kabilang sa binhi ng Serpiyente?
9 Una, nariyan ang binhi, o supling, ng Serpiyente. Ano ito? Tiyak na kabilang dito ang iba pang espiritung mga nilalang na nakisama kay Satanas sa kaniyang paghihimagsik at sa wakas ay “inihagis na kasama niya” sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:9) Yamang si Satanas, o Beelzebub, ang “tagapamahala ng mga demonyo,” maliwanag na sila ang bumubuo sa kaniyang di-nakikitang organisasyon.—Marcos 3:22; Efeso 6:12.
10. Paano ipinakikilala ng Bibliya ang iba pang bahagi ng binhi ni Satanas?
10 Karagdagan pa, sinabi ni Jesus sa mga Judiong pinuno ng relihiyon noong panahon niya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama.” (Juan 8:44) Sa kanilang pagsalansang sa Anak ng Diyos na si Jesus, ipinakita ng mga lider na iyon ng relihiyon na sila rin ay supling ni Satanas. Bahagi sila ng binhi ni Satanas, na naglilingkod sa kaniya bilang kanilang makasagisag na ama. Maraming iba pang tao sa nakalipas na kasaysayan ang nakilala sa ganitong paraan dahil sa paggawa nila ng kalooban ni Satanas, lalung-lalo na sa pagsalansang at pag-uusig sa mga alagad ni Jesus. Sa kabuuan, masasabi na ang mga taong ito ang bumubuo sa nakikitang organisasyon ni Satanas sa lupa.—Tingnan ang Juan 15:20; 16:33; 17:15.
Isiniwalat ang Binhi ng Babae
11. Sa paglipas ng maraming siglo, ano ang isiniwalat ng Diyos tungkol sa binhi ng babae?
11 Bilang panghuli ay tinutukoy ng hula sa Genesis 3:15 ang binhi ng babae. Samantalang binubuo ni Satanas ang kaniyang binhi, inihahanda naman ni Jehova ang “babae,” o ang kaniyang tulad-asawang makalangit na organisasyon, upang magluwal ng isang binhi. Sa loob ng mga 4,000 taon, unti-unting isiniwalat ni Jehova sa masunurin at may-takot sa Diyos na mga tao ang mga detalyeng kaugnay ng paglitaw ng binhi. (Isaias 46:9, 10) Dahil dito sina Abraham, Isaac, Jacob, at iba pa ay makapanghahawakan sa pangako na ang binhi ay magmumula sa kanilang angkan. (Genesis 22:15-18; 26:4; 28:14) Malimit usigin ni Satanas at ng kaniyang mga kampon ang gayong mga lingkod ni Jehova dahil sa kanilang matibay na pananampalataya.—Hebreo 11:1, 2, 32-38.
12. (a) Kailan at kasabay ng anong pangyayari dumating ang pangunahing bahagi ng binhi ng babae? (b) Sa anong layunin pinahiran si Jesus?
12 Sa wakas, noong taóng 29 ng ating Karaniwang Panahon, iniharap ng sakdal na lalaking si Jesus ang kaniyang sarili at nabautismuhan sa Ilog Jordan. Sa pagkakataong iyon, inianak ni Jehova si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, at sinabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Ipinakilala roon si Jesus bilang siyang isinugo ng espirituwal na organisasyon ng Diyos sa langit. Pinahiran din siya bilang Haring-Itinalaga sa makalangit na Kaharian na magsasauli ng pamamahala sa ngalan ni Jehova sa buong lupa, sa gayo’y nilulutas minsan at magpakailanman ang isyu hinggil sa pamamahala, o pagkasoberano. (Apocalipsis 11:15) Kung gayon, si Jesus ang Pangunahin sa binhi ng babae, ang inihulang Mesiyas.—Ihambing ang Galacia 3:16; Daniel 9:25.
13, 14. (a) Bakit hindi tayo dapat magtaka na ang binhi ng babae ay hindi iisang prominenteng persona lamang? (b) Ilan ang pinili ng Diyos mula sa sangkatauhan upang maging pangalawahing bahagi ng binhi, at sa anong uri ng organisasyon sila kabilang? (c) Sino pa ang naglilingkod na kaisa ng binhi?
13 Ang binhi ba ng babae ay iisang prominenteng persona lamang? Buweno, ano ba ang masasabi hinggil sa binhi ni Satanas? Ipinakikita ng Bibliya na ang binhi ni Satanas ay binubuo ng isang hukbo ng balakyot na mga anghel at mga taong lumalapastangan sa Diyos. Kaya hindi tayo dapat magtakang malaman na layunin ng Diyos na pumili ng 144,000 tagapag-ingat ng katapatan mula sa sangkatauhan upang maging mga saserdote at kasamang tagapamahala ng Mesiyanikong Binhi, si Jesu-Kristo. Sila ang tinutukoy ng Apocalipsis nang banggitin nito na ang Diyablo, sa pakikipag-alit niya sa tulad-babaing organisasyon ng Diyos, ay ‘nakipagdigma sa mga nalabi ng kaniyang binhi.’—Apocalipsis 12:17; 14:1-4.
14 Sa Bibliya, ang pinahirang mga Kristiyano ay tinatawag na mga kapatid ni Jesus kaya iisa ang kanilang Ama at ina. (Hebreo 2:11) Ang kanilang Ama ay ang Diyos na Jehova. Kaya marapat lamang na ang kanilang ina ay ang “babae,” ang tulad-asawang makalangit na organisasyon ng Diyos. Sila ang naging pangalawahing bahagi ng binhi at si Kristo Jesus ang pangunahing bahagi. Ang kongregasyon ng mga inianak-sa-espiritung Kristiyanong ito sa lupa ang bumubuo sa nakikitang organisasyon ng Diyos na naglilingkod sa ilalim ng kaniyang tulad-babaing organisasyon sa mga langit, kung saan makakaisa nila si Kristo Jesus kapag binuhay-muli sila. (Roma 8:14-17; Galacia 3:16, 29) Bagaman hindi bahagi ng binhi, milyun-milyong ibang tupa mula sa lahat ng bansa ang naglilingkod na kasama ng organisasyon ng Diyos sa lupa. Isa ka ba sa mga ibang tupang ito? Kung gayon, ang maligayang pag-asa mo ay buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.—Juan 10:16; 17:1-3.
Kung Paano Lumala ang Alitan
15. (a) Ilarawan kung paano lumitaw ang mga tao at mga anghel na binhi ni Satanas. (b) Ano ang nangyari sa binhi ni Satanas sa Delubyo noong panahon ni Noe?
15 Ang binhi ni Satanas dito sa lupa ay nagsimulang mahayag sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao. Halimbawa, nariyan ang unang tao na isinilang, si Cain, “na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid” na si Abel. (1 Juan 3:12) Nang maglaon, binanggit ni Enoc na paparito si Jehova “kasama ang kaniyang mga laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Bukod dito, ang mapaghimagsik na mga anghel ay pumanig kay Satanas at naging bahagi ng kaniyang binhi. Ang mga ito ay “nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” sa mga langit upang magkatawang-tao at mag-asawa ng mga anak na babae ng tao. Nagluwal sila ng nakahihigit-sa-taong higanteng mga supling na naging mga maton. Ang daigdig noon ay napuno ng karahasan at kasamaan, kaya nilipol ito ng Diyos sa Delubyo, at ang tanging mga tao na nakaligtas ay ang tapat na si Noe at ang kaniyang sambahayan. Napilitan ang masuwaying mga anghel—na naging mga demonyong kontrolado ni Satanas—na lisanin ang kanilang mapupuksa nang mga asawa at higanteng mga anak. Hinubad nila ang kanilang katawang-tao, at nagbalik sa dako ng mga espiritu kung saan nila hinihintay ang napipintong paglalapat ng Diyos ng hatol laban kay Satanas at sa kaniyang binhi.—Judas 6; Genesis 6:4-12; 7:21-23; 2 Pedro 2:4, 5.
16. (a) Sinong malupit na pinuno ang lumitaw pagkaraan ng Delubyo, at paano niya ipinakitang bahagi siya ng binhi ni Satanas? (b) Paano binigo ng Diyos ang mga nagtangkang magtayo ng tore ng Babilonya?
16 Hindi nagtagal pagkaraan ng malaking Delubyo, lumitaw sa ibabaw ng lupa ang isang malupit na pinuno na nagngangalang Nimrod. Inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang “makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova”—talagang bahagi ng binhi ng Serpiyente. Gaya ni Satanas, nagpamalas siya ng espiritu ng paghihimagsik at itinayo ang lunsod ng Babel, o Babilonya, bilang pagsalansang sa layunin ni Jehova na pangalatin ang tao at punuin ang lupa. Ang pinakasentro ng Babilonya ay isa sanang matayog na tore “na ang taluktok nito ay nasa langit.” Binigo ng Diyos ang mga nagtangkang magtayo ng toreng iyon. Ginulo niya ang kanilang wika at ‘pinangalat sila mula roon hanggang sa ibabaw ng buong lupa’ subalit pinahintulutang manatili mismo ang Babilonya.—Genesis 9:1; 10:8-12; 11:1-9.
Lumitaw ang Pulitikal na mga Kapangyarihan
17. Habang dumarami ang sangkatauhan, anong tiwaling bahagi ng lipunan ng tao ang lumitaw, at bilang resulta, anong malalaking imperyo ang bumangon?
17 Lumitaw sa Babilonya ang mga bahagi ng lipunan ng tao na itinatag bilang pagsalansang sa pagkasoberano ni Jehova. Ang isa sa mga bahagi nito ay pulitikal. Habang dumarami ang tao, may iba pang ambisyoso na tumulad kay Nimrod sa pagsunggab sa kapangyarihan. Nagsimulang manupil ang tao sa kaniyang kapuwa sa kaniyang ikapipinsala. (Eclesiastes 8:9) Halimbawa, noong panahon ni Abraham, ang Sodoma, Gomorra, at ang kalapit na mga lunsod ay napailalim sa panunupil ng mga hari ng Sinar at iba pang malalayong lupain. (Genesis 14:1-4) Nang dakong huli, ang mga bihasa sa militar at sa pag-oorganisa ay nagtayo ng malalaking imperyo para magpayaman at maging tanyag. Tinukoy ng Bibliya ang ilan sa mga ito, kasali na ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma.
18. (a) Ano ang saloobin ng bayan ng Diyos hinggil sa pulitikal na mga tagapamahala? (b) Paano naglilingkod kung minsan ang pulitikal na mga awtoridad para sa layunin ng Diyos? (c) Paano ipinakikita ng maraming tagapamahala na bahagi sila ng binhi ng Serpiyente?
18 Pinahintulutan ni Jehova ang pag-iral ng pulitikal na mga kapangyarihan, at ang kaniyang bayan na naninirahan sa mga lupaing sakop ng mga ito ay sumusunod nang may pasubali. (Roma 13:1, 2) Kung minsan, nakatutulong pa nga ang pulitikal na mga awtoridad sa katuparan ng mga layunin ng Diyos o nagsisilbi silang pananggalang sa kaniyang bayan. (Ezra 1:1-4; 7:12-26; Gawa 25:11, 12; Apocalipsis 12:15, 16) Subalit marami sa pulitikal na mga tagapamahalang ito ang may-kabangisang sumasalansang sa tunay na pagsamba, anupat ipinakikita nilang bahagi sila ng binhi ng Serpiyente.—1 Juan 5:19.
19. Paano inilalarawan ang mga kapangyarihang pandaigdig sa aklat ng Apocalipsis?
19 Sa kalakhang bahagi, ang pamamahala ng tao ay bigung-bigong makapagdulot sa atin ng kaligayahan o makalutas ng ating mga suliranin. Pinahintulutan ni Jehova ang tao na subukan ang lahat ng anyo ng pamamahala, subalit hindi niya sinasang-ayunan ang katiwalian o ang pag-abuso ng mga pamahalaang ito sa tao. (Kawikaan 22:22, 23) Ayon sa paglalarawan ng Apocalipsis, ang mapang-aping mga kapangyarihang pandaigdig ang siyang bumubuo sa mapagmataas at dambuhalang mabangis na hayop.—Apocalipsis 13:1, 2.
Sakim at Tiwaling mga Negosyante
20, 21. Anong pangalawang grupo ang tiyak na kasama ng “mga kumandante ng militar” at “malalakas na tao” na bahagi ng balakyot na binhi ni Satanas, at bakit?
20 Nariyan din ang mandaraya at tiwaling mga negosyante na may matalik na kaugnayan sa pulitikal na mga pinuno. Ang mga rekord na nahukay sa mga kaguhuan ng sinaunang Babilonya ay nagpapakita na kahit noon ay usung-uso na ang mga transaksiyon sa negosyo na nagsasamantala sa kahabag-habag na kalagayan ng kanilang kapuwa. Hanggang ngayon, may-kasakiman pa ring nagsasamantala ang mga negosyante sa daigdig, anupat sa maraming lupain ay iilan lamang ang nagiging mariwasa samantalang naghihikahos ang karamihan sa mamamayan. Sa panahong ito ng industriyalisasyon, kumita nang malaki ang mga negosyante at may-ari ng pabrika sa pagsusuplay sa pulitikal na mga kapangyarihan ng makahayop at mapamuksang mga sandatang militar, kasali na ang mga sandata para sa lansakang paglipol na lubhang ikinababahala sa ngayon. Ang gayong sakim at mayayamang negosyante pati na ang iba pang katulad nila ay tiyak na kasama ng “mga kumandante ng militar” at “malalakas na tao” na bumubuo sa balakyot na binhi ni Satanas. Silang lahat ay bahagi ng makalupang organisasyon na hinatulan ng Diyos at ni Kristo bilang karapat-dapat sa pagkapuksa.—Apocalipsis 19:18.
21 Bukod sa tiwaling pulitika at sakim na komersiyalismo, may ikatlong elemento ng lipunan ng tao na karapat-dapat sa paghatol ng Diyos. Ano ba iyon? Baka magitla ka sa sinasabi ng Apocalipsis tungkol sa bantog na pangglobong sistemang ito.
Babilonyang Dakila
22. Anong uri ng relihiyon ang nabuo sa sinaunang Babilonya?
22 Ang pagtatayo ng sinaunang Babilonya ay hindi lamang pagtatatag ng isang pulitikal na institusyon. Yamang ang lunsod na iyon ay itinatag bilang pagsalansang sa pagkasoberano ni Jehova, sangkot ang relihiyon. Sa katunayan, ang sinaunang Babilonya ang pinagmulan ng relihiyosong idolatriya. Ang mga saserdote nito ay nagturo ng mga doktrinang lumalapastangan sa Diyos, gaya ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao at na ang kabilang-buhay ay isang dako ng walang-hanggang lagim at pagpapahirap na pinamamahalaan ng mga demonyo. Itinaguyod nila ang pagsamba sa mga nilalang at sa pagkarami-raming diyos at diyosa. Kumatha sila ng mga alamat upang ipaliwanag ang pinagmulan ng lupa at ng mga taong naririto at nagsagawa sila ng karumal-dumal na mga ritwal at paghahain, na sa palagay nila ay gagarantiya na magkakaroon sila ng maraming anak, masaganang ani, at tagumpay sa digmaan.
23. (a) Nang mangalat mula sa Babilonya ang mga tao, ano ang dala-dala nila, at ano ang naging resulta? (b) Ano ang tawag ng Apocalipsis sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon? (c) Ano ang patuloy na kinakalaban ng huwad na relihiyon?
23 Nang mangalat sa lupa ang mga grupo ng taong may iba’t ibang wika mula sa Babilonya, dala-dala nila ang kanilang maka-Babilonyang relihiyon. Kaya ang mga ritwal at paniniwala na katulad niyaong sa sinaunang Babilonya ay lumaganap sa gitna ng mga unang nanirahan sa Europa, Aprika, mga lupain sa Amerika, Malayong Silangan, at South Seas; at marami sa mga paniniwalang ito ay umiiral pa rin hanggang ngayon. Kaya angkop na tukuyin ng Apocalipsis ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon bilang isang lunsod na pinanganlang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis, kabanata 17, 18) Saanman maitatag ang huwad na relihiyon, nagkakaroon ng mapang-aping mga pari, pamahiin, kamangmangan, at imoralidad. Makapangyarihang instrumento ito ni Satanas. Ang Babilonyang Dakila ay patuloy na nakikipaglaban nang may kabagsikan sa tunay na pagsamba sa Soberanong Panginoong Jehova.
24. (a) Paano nasugatan ng Serpiyente “sa sakong” ang Binhi ng babae? (b) Bakit ang pagsugat sa binhi ng babae ay inilalarawan bilang sugat lamang sa sakong?
24 Bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente na karapat-dapat hatulan, ang mga eskriba at Pariseo ng unang-siglong Judaismo ay nanguna sa pag-usig at sa wakas ay sa pagpaslang sa pangunahing kinatawan ng binhi ng babae. Sa gayong paraan ‘nasugatan ng Serpiyente sa sakong ang binhi.’ (Genesis 3:15; Juan 8:39-44; Gawa 3:12, 15) Bakit inilalarawan ito bilang sugat lamang sa sakong? Sapagkat maikling panahon lamang ang naging epekto ng pagsugat na ito nang siya’y nasa lupa. Hindi ito permanente sapagkat si Jesus ay binuhay-muli ni Jehova sa ikatlong araw at niluwalhati siya bilang espiritung nilalang.—Gawa 2:32, 33; 1 Pedro 3:18.
25. (a) Paano nagsimulang kumilos ang niluwalhating si Jesus laban kay Satanas at sa mga anghel nito? (b) Kailan magaganap ang pagpuksa sa makalupang binhi ni Satanas? (c) Ano ang mangyayari kapag sinugatan na ng Binhi ng babae ng Diyos ang “ulo” ni Satanas, ang serpiyente?
25 Ang niluwalhating si Jesu-Kristo, na naglilingkod ngayon sa kanan ng Diyos, ay humahatol sa mga kaaway ni Jehova. Nagsimula na siyang kumilos laban kay Satanas at sa mga anghel nito, anupat inihagis sila at nilimitahan sa lupa ang kanilang gawain—kaya naman dumami ang kaabahan sa ating panahon. (Apocalipsis 12:9, 12) Subalit magaganap ang inihulang pagpuksa sa makalupang binhi ni Satanas kapag inilapat na ng Diyos ang hatol laban sa Babilonyang Dakila at sa lahat ng iba pang bahagi ng organisasyon ni Satanas sa lupa. Sa wakas, susugatan ng Binhi ng babae ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang “ulo” ni Satanas, ang tuso at matandang serpiyente. Mangangahulugan ito na lubos siyang malilipol at hindi na kailanman makapanghihimasok sa mga gawain ng tao.—Roma 16:20.
26. Bakit napakahalagang suriin natin ang hula sa Apocalipsis?
26 Paano mangyayari ang lahat ng ito? Iyan ang isinisiwalat sa atin sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Inihahayag ito sa atin sa pamamagitan ng isang serye ng mga pangitain, na binigyang-buhay ng kapansin-pansing mga tanda at simbolo. Kung gayon, buong-pananabik nating suriin ang madulang hulang ito. Tunay na magiging maligaya tayo kung makikinig tayo at susunod sa mga salita ng Apocalipsis! Sa paggawa nito, makikibahagi tayo sa pagdadala ng karangalan sa pangalan ng Soberanong Panginoong Jehova at mamanahin natin ang kaniyang walang-hanggang mga pagpapala. Pakisuyong ipagpatuloy ang pagbasa at may-katalinuhang ikapit ang iyong matututuhan. Maaaring mangahulugan ito ng iyong kaligtasan sa panahong ito ng kasukdulan ng kasaysayan ng tao.
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Sinaunang mga rekord na cuneiform hinggil sa mga transaksiyon sa negosyo
Ang aklat na Ancient Near Eastern Texts, na inedit ni James B. Pritchard, ay may talaan ng halos 300 batas na tinipon ni Hammurabi noong mga panahong umiiral pa ang Babilonya. Ipinakikita nito na kinailangang supilin ang lantarang pandaraya na maliwanag na palasak sa larangan ng komersiyo noong mga panahong iyon. Bilang halimbawa: “Kapag ang isang panginoon ay bumili o pinaglagakan ng pilak o ginto o aliping lalaki o babae o baka o tupa o asno o anumang bagay mula sa anak ng isang panginoon o alipin ng isang panginoon nang walang mga saksi o nasusulat na kasunduan, dapat siyang mamatay, yamang magnanakaw ang panginoong iyon.”