Si Jesus—Sino Siya?
KAKAUNTI ang sekular na mga rekord na naghahayag kay Jesus. Gayunman, may umiiral na gayon, at tungkol sa mga ito ay sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Ang malasariling mga salaysay na ito ay nagpapatunay na noong sinaunang panahon kahit na ang mga kasalungat ng Kristiyanismo ay hindi kailanman nagduda na si Jesus ay tunay na umiral ayon sa kasaysayan, na sinalungat ng unang pagkakataon at ng walang sapat na dahilan ng mga ilang awtor noong katapusan ng ika-18, noong ika-19, at noong pasimula ng ika-20 mga siglo.”
Ngayon ay tanungin ang iyong sarili, Kung ang buhay ni Jesus ay isang alamat, malamang kaya na mangyaring tatagal pa hanggang ika-18 siglo bago ito matuklasan? Isaalang-alang din ang bagay na mahigit na isang bilyong katao ngayon ang nagsasabing sila’y mga tagasunod ni Jesus. Ang impluwensiya ng kaniyang mga turo sa kultura, edukasyon, at gobyerno—sa buong nalakaran nang kasaysayan ng daigdig—ay hindi maikakaila. Wari bang makatuwiran na lahat na ito ay resulta ng isang bagay na gaya lamang ng isang alamat?
Kung ang nagtatag ng Islam, ang Arabianong propetang si Muhammad, ay isang tunay na persona, anong matatag na dahilan mayroon tayo na maniwalang si Jesu-Kristo, ang nagtatag ng Kristiyanismo, ay hindi isang tunay na persona? Siya marahil ay nabuhay mga 600 taon bago pa kay Muhammad, subalit pansinin na ang nagtatag ng Budismo, si Siddhārtha Gautama—ang Buddha, o “Naliwanagang Isa”—ay nabuhay nang mas maaga, mahigit na 500 taon bago kay Jesus. Gayumpaman, kung ang Buddha ay isang tunay na persona, anong matatag na dahilan mayroon tayo na maniwalang si Jesus ay hindi isang tunay na persona?
Ang historyador at arkeologong Aleman na si Hans Einsle ay sumulat na ang historyador Judiong si Flavius Josephus, ang mga Romanong manunulat na sina Suetonius at Pliny, at lalung-lalo na ang Romanong historyador na si Tacitus ay “pawang nagpatunay na si Jesus ay tunay na umiral ayon sa kasaysayan at sa pangunahing mga pangyayari sa kaniyang buhay.”
Higit ba Kaysa Isang Ordinaryong Tao Lamang?
Si Jesus ay umiral—subalit bilang ano? Ang mga ibang tao ay nagsasabi na siya ay isa lamang ordinaryong tao, bagama’t kanilang inaamin na tiyak na siya’y isang napakadunong na tao, na laging nagsasalita ng katotohanan. Maging ang kaniyang mga kaaway ay umamin din ng ganiyan, na ang sabi: “Guro, batid namin . . . na ikaw ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao, kundi iyong itinuturo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan.”—Marcos 12:13, 14.
Gayunman, ang mga iba’y nangangatuwiran na si Jesus ay hindi lamang isang karaniwang tao. Bakit? Sapagkat, unang-una, siya’y nakagagawa ng mga bagay na hindi magagawa ng karaniwang tao. Halimbawa, ikaw ba ay may nakilalang sinuman na nakalalakad sa ibabaw ng tubig, nagagawang alak ang tubig, nakapagpapakain sa mga 5,000 katao ng dalawa lamang maliliit na isda at limang tinapay na sebada, nakapagpapadilat ng mata ng bulag, o nakabubuhay ng mga patay?—Mateo 14:25, 26; Marcos 8:22-25; Juan 2:1-11; 6:1-13; 11:30-44.
Si Jesus ay maaaring makabatid din ng mga bagay, na hindi nagagawa ng karaniwang mga tao. Nang sabihin sa kaniya ng isang babae na wala siyang asawa, si Jesus ay sumagot: “Mabuti ang iyong pagkasabi, ‘Wala akong asawa.’ Sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang lalaking kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa.” Sa laki ng pagtataka, ang babae’y nagsabi: “Ginoo, napagkikilala kong kayo ay isang propeta.” (Juan 4:16-19) Bilang halimbawa ng kamangha-manghang patiunang pagkaalam ni Jesus tungkol sa pagtatatuwa sa kaniya ni Pedro, tingnan ang Lucas 22:31-34, 54-62.
Taglay ni Jesus ang pambihirang awtoridad. Ang mga tao ay “nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo, sapagkat doon ay kaniyang tinuturuan sila na gaya ng isa na may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.” (Marcos 1:22) Isa pa, nagawa ni Jesus na bigyan “ang kaniyang labindalawang alagad . . . ng awtoridad sa karumal-dumal na mga espiritu, upang magpalabas ng mga ito at pagalingin ang lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman.”—Mateo 10:1.
Mapaniniwalaan ba Natin ang mga Ulat?
‘Pero teka,’ marahil ay sasabihin mo. ‘Hindi kaya mangyayari na ang mga detalye tungkol sa mga ginawa ni Jesus ay pinalabisan na?’ Hindi nga kung ayon kay F. F. Bruce, isang retiradong propesor ng Biblikal na Kritisismo at Exegesis sa University of Manchester, na sumulat: “Hindi nga karaniwang posible na ipakilala sa pamamagitan ng historikal na mga argumento ang katotohanan ng bawat detalye sa isang sinaunang kasulatan, maging sa loob o sa labas ng Bibliya. Sapat na ang magkaroon ng makatuwirang kompiyansa sa pagiging mapagkakatiwalaan ng isang manunulat; kung iyan ay mapatunayan, mayroong a priori na posibilidad na totoo ang kaniyang mga detalye. . . . Ang Bagong Tipan ay hindi nababawasan ang posibilidad na maging mapanghahawakan ang kasaysayan sapagkat ito’y tinatanggap na ‘sagrado’ ng mga Kristiyano.”
Lahat na ay nagpapatunay sa pagiging mapagkakatiwalaan ng mga manunulat ng Ebanghelyo. Bagama’t sila’y may mga pagkakaiba paminsan-minsan sa kanilang presentasyon ng mga detalye, sila’y hindi nagkakasalungatan sa isa’t isa, gaya ng dalawang testigo sa isang aksidente sa trapiko na hindi nagkakasalungatan sa isa’t isa pagka sinabi ng isa na isang pulang kotse na nanggagaling sa kaliwa ang bumangga sa isang berdeng kotse na nanggaling naman sa kanan, samantalang yaon namang isa ay nagsasabing isang Mercedes na patungong timog ang bumangga sa isang Renault na patungong hilaga. Ang bagay na may pagkakaiba-iba sa maliliit na detalye ng mga Ebanghelyo ay matinding patotoo na ang mga ito ay totoo. Kung sakaling ginusto ng kanilang mga manunulat na mandaya ng mga tao upang mahila silang maniwala sa isang alamat, marahil nga kanilang inayos na mainam ang kani-kanilang mga pagsasalaysay.
Maging ang mga kaaway man ni Jesus ay umayon sa mga ulat tungkol sa kaniya bilang totoo nga. Ating mababasa: “Sa kaniya’y dinala ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo; at nang mapalabas ang demonyo ay nagsalita ang lalaking pipi. . . . Datapuwat sinabi ng mga Fariseo: “Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo nagpapalabas siya ng mga demonyo.’” (Mateo 9:32-34) Pansinin na hindi ikinaila ng mga Fariseo na si Jesus ay gumawa ng isang himala. Tumatanggi lamang sila na aminin ang kaniyang abilidad na gawin ito sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos.
Isa pang ebidensiya na totoo nga ang mga ulat tungkol kay Jesus ay yaong bagay na kung ang mga simulain na nakapaloob sa kaniyang mga turo ay susundin, ang mga ito ay talagang gagana. Ang resulta ay matagumpay at maligayang pamumuhay. Isa pa, maraming mga hula na noon pa sinalita ni Jesus, tulad ng mga hula na nakasulat sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21, ang natupad sa kaarawan natin.
Si Jesus—si “Jehova ng Matandang Tipan”?
Maliwanag, si Jesus ay hindi isang karaniwang tao. Siya ay pambihira sapagkat, gaya ng sinasabi sa atin ng Bibliya, siya ay nagtatamasa na ng buhay sa langit bago siya naparito sa lupa. (Juan 6:38, 62) Sa gayo’y mayroon siyang kaalaman at mga abilidad na hindi taglay ng karaniwang tao. Ito’y tumutulong upang ipaliwanag ang kaniyang mga himala at ang kaniyang namumukod-tanging karunungan.
Subalit ang pag-iral ba ni Jesus noong bago siya naging tao ay nangangahulugan na siya ang Diyos? Isang manwal ng guro ang nagsasabi ng ganiyan, na: “Kailanman tutukuyin ni Jesus ang Kaniyang sarili bilang ‘Ako Nga’ . . . , Kaniyang ipinakikilala ang Kaniyang sarili bilang ang Jehova ng Matandang Tipan.” Totoo ba ito?
Sang-ayon sa King James Version sa pagkakasalin nito ng Exodo 3:13, 14, si Moises ay nagtanong: “Pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sabihin ko sa kanila, Ang Diyos ng inyong mga magulang ang nagsugo sa akin sa inyo; at kanilang sasabihin sa akin, Ano ba ang kaniyang pangalan? ano naman ang sasabihin ko sa kanila? At sinabi ng Diyos kay Moises, AKO AY SI AKO NGA: at kaniyang sinabi, Kaya’t iyong sasabihin sa mga anak ni Israel, SI AKO NGA ang nagsugo sa akin sa inyo.” Tungkol sa tekstong ito, ang The Pentateuch and Haftorahs (tekstong Hebreo na may Ingles na salin at pagpapaliwanag, editado ni Dr. J. H. Hertz) ay nagsasabi na sa pariralang “Ako’y si ako nga . . . ang idinidiin ay ang aktibong pagpapakilala ng pag-iral ng Diyos.” Ang paggamit nito bilang isang titulo o pangalan para sa Diyos ay angkop samakatuwid sapagkat sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila buhat sa pagkaalipin sa Ehipto ay halos magpapakilala na ng kaniyang sarili bilang umiiral at alang-alang sa kaniyang bayan sa isang bukod-tanging paraan. Sinasabi ni Hertz na “karamihan ng mga moderno’y sumusunod kay Rashi[isang kilalang kumentarista sa Pranses na Bibliya at sa Talmud noong edad medya] sa pagsasalin ng ‘Ako’y magiging kung ano nga ako.’” Ito’y kasuwato ng pagkasalin ng New World Translation, na kababasahan: “AKING PATUTUNAYAN KUNG ANO ANG AKING PATUTUNAYAN.”
Sa Juan 8:58, minsan pang sa King James Version ay ginagamit ni Jesus ang pananalitang “Ako nga” may kaugnayan sa kaniyang sarili, na nagsasabi, “Bago si Abraham ay, ako nga.” Subalit dito ang pananalitang iyan ay may malaking kaibahan sa isang ginamit sa Exodo 3:14. Muling ginamit iyan ni Jesus bilang isang pangalan o titulo kundi bilang isang paraan lamang ng pagpapaliwanag ng kaniyang pag-iral na bago maging tao. Samakatuwid, sang-ayon sa New World Translation, ang lalong tamang pagkakasalin ng Juan 8:58 ay “Bago umiral si Abraham, ako ay umiiral na.”
Maliwanag, walang batayan sa Kasulatan ang sinasabing si Jesus ay siya ring si Jehova na tinutukoy sa Hebreong Kasulatan. Maging ang manwal ng guro na sinipi na ay umaamin: “Na si Kristo’y umiral na bago Siya ipinanganak sa Bethlehem at ito ay hindi nagpapatunay na Siya ang Diyos (Maaaring siya’y umiral noon bilang isang anghel).” Sa katunayan, ito nga ang itinuturo ng Bibliya. Sa kaniyang pag-iral bago siya naging tao, si Jesus ay “isang diyos,” o isang divino, ngunit hindi siya ang Diyos, ang makapangyarihan-sa-lahat na Diyos na si Jehova.—Juan 1:1-3; 1 Tesalonica 4:16.
Kung hindi siya ang Diyos, sino nga si Jesus?
[Mga larawan sa pahina 5]
Ang mga paghihimala ni Jesus ay nagpapatunay na siya’y hindi isang karaniwang tao lamang