Itinuturo ba ng Salita ng Diyos ang Reinkarnasyon?
SINUMANG nagsusuri sa Bibliya sa pag-asang makasumpong ng suporta sa doktrina ng reinkarnasyon ay tiyak na mabibigo. Hindi mo masusumpungan saanman sa Bibliya na ang mga tao ay nabuhay na sa naunang mga buhay noon. Isa pa, hindi mo masusumpungan ang mga pananalitang gaya ng “reinkarnasyon” o “paglipat ng kaluluwa sa ibang dako” o “imortal na kaluluwa” sa Bibliya.
Gayunman, sinisikap ipaliwanag ng ilan na naniniwala sa reinkarnasyon ang kakulangang ito ng suporta sa Bibliya sa pagsasabing ang idea ng reinkarnasyon ay napakakaraniwan noong sinaunang panahon anupat magiging isang kalabisan na ang anumang paliwanag. Totoo, ang doktrina ng reinkarnasyon ay napakatanda na, ngunit gaano man ito katanda o gaano man ito kapangkaraniwan o hindi, nananatili pa rin ang katanungang, Itinuturo ba ito ng Bibliya?
Sa 2 Timoteo 3:16, 17, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” Oo, ang Bibliya ang kinasihang Salita ng Diyos, ang kaniyang pakikipagtalastasan sa sambahayan ng tao. At gaya ng isinulat ni Pablo, pinangyayari nito ang tapat na nagtatanong na maging “lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan” upang sagutin ang lahat ng mahahalagang tanong tungkol sa buhay, pati na ang mga tanong tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at sa hinaharap.
Sinabi rin ni Pablo: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Yamang ang Bibliya ay naglalaman ng mga kaisipan ng Diyos, hindi yaong sa di-sakdal na tao, hindi dapat makagulat sa atin na masumpungan na ang Bibliya ay madalas na naiiba sa mga kaisipan ng tao kahit na kung ang mga ito ay naging popular sa lahat ng panahon. Ngunit maaaring sabihin mo, ‘Sa ilang bahagi, hindi ba ipinahihiwatig sa paano man ng Bibliya ang reinkarnasyon?’
Mga Tekstong Mali ang Pagkaunawa
Yaong mga naniniwala sa reinkarnasyon ay nagsasabi na maikling binabanggit ng Bibliya ang paksang ito sa Mateo 17:11-13, kung saan iniuugnay ni Jesus si Juan na Tagapagbautismo sa sinaunang propetang si Elias. Ang tekstong ito ay kababasahan: “ ‘Si Elias ay talaga ngang darating at magsasauli ng lahat ng mga bagay. Gayunman, sinasabi ko sa inyo na si Elias ay dumating na . . . ’ Nang magkagayon ay naunawaan ng mga alagad na siya ay nagsalita sa kanila tungkol kay Juan Bautista.”
Sa pagsasabi nito, ibig bang sabihin ni Jesus na si Juan na Tagapagbautismo ay isang reinkarnasyon ng propetang si Elias? Nalalaman mismo ni Juan na hindi siya si Elias. Noong minsan nang siya ay tanungin, “Ikaw ba si Elias?” si Juan ay maliwanag na sumagot: “Hindi ako.” (Juan 1:21) Gayunman, naihula nang si Juan ay mauuna sa Mesiyas “taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias.” (Lucas 1:17; Malakias 4:5, 6) Sa ibang salita, si Juan na Tagapagbautismo ay si “Elias” sa diwa na isinagawa niya ang isang gawain na kahawig ng gawain ni Elias.
Sa Juan 9:1, 2, ating mababasa: “Ngayon habang siya [si Jesus] ay dumaraan ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula nang kaniyang kapanganakan. At tinanong siya ng kaniyang mga alagad: ‘Rabbi, sino ang nagkasala, ang lalaking ito o ang kaniyang mga magulang, kung kaya’t siya ay ipinanganak na bulag?’ ” Iminumungkahi ng ilan na naniniwala sa reinkarnasyon na yamang ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, ang kaniyang kasalanan ay tiyak na nangyari sa isang naunang buhay.
Ngunit anuman ang dahilan ng pagtatanong ng mga alagad, ang sagot ni Jesus ay tiyak na isang di-mapag-aalinlanganang salik. Sinabi niya: “Hindi ang lalaking ito ang nagkasala ni ang kaniyang mga magulang.” (Juan 9:3) Sinasalungat nito ang reinkarnasyon, na nagsasabing ang mga kapansanan ay depende sa mga kasalanan sa isang naunang buhay. Ang puntong walang sinuman ang maaaring magkasala bago pa siya ipanganak ay ginawa rin ni Pablo nang isulat niya ang tungkol kay Esau at kay Jacob na “hindi pa sila naipanganganak ni nakapagsagawa na ng anumang mabuti o buktot.”—Roma 9:11.
Pagkabuhay-muli, Hindi Reinkarnasyon
Bagaman hindi itinataguyod ng Bibliya ang doktrina ng reinkarnasyon, hindi dapat makadama ng kabiguan ang sinuman. Ang mensahe ng Bibliya ay nagbibigay ng mas nakaaaliw na idea kaysa muling pagsilang sa isang daigdig na punô ng sakit, dalamhati, kirot, at kamatayan. At hindi lamang nakaaaliw ang iniaalok ng Bibliya kundi ito ang katotohanan, ang mismong Salita ng Diyos.
Ganito ipinahayag ni Pablo ang nakapagpapatibay-loob na doktrina: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Ang salitang “pagkabuhay-muli,” o ang ilang tulad nito, ay lumilitaw ng mahigit na 50 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tinutukoy ito ni Pablo bilang isang pangunahing doktrina ng Kristiyanong pananampalataya.—Gawa 24:15; Hebreo 6:1, 2.
Maliwanag, ang pagkabuhay-muli buhat sa mga patay ay nangangahulugan na umiiral ang kamatayan. Hindi mo masusumpungan saanman sa Bibliya ang anumang pahiwatig na ang tao ay may imortal na kaluluwa. Kung ang tao ay may imortal na kaluluwa na humihiwalay sa katawan sa kamatayan at nagtutungo sa isang walang-hanggang destino sa langit o sa impiyerno o dumanas ng reinkarnasyon, kung gayo’y wala nang pangangailangan para sa anumang pagkabuhay-muli. Sa kabilang dako, ipinakikita ng mga sandaang teksto sa Bibliya na ang kaluluwa ng tao ay, hindi imortal, kundi mortal at maaaring puksain. Walang pagbabagong binabanggit ng Bibliya ang kamatayan bilang kabaligtaran ng buhay, yaon ay, hindi umiiral kung ihahambing sa pag-iral.
Ang kamatayan, o hindi pag-iral, ang parusa sa kasalanan nina Adan at Eva laban sa Diyos. Ito ay isang parusa, hindi isang daanan patungo sa isang imortal na buhay sa ibang dako. Maliwanag na ipinahayag ng Diyos na sila’y babalik sa kanilang pinanggalingan—sa alabok ng lupa: “Diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Wala silang imortal na kaluluwa bago sila nilalang ng Diyos at inilagay sa ibabaw ng lupa, sa halamanan ng Eden, at wala silang imortal na kaluluwa pagkamatay nila.
Ang pagkabuhay-muli buhat sa kamatayan ay inihalintulad sa pagkagising buhat sa pagkakatulog, o pamamahinga. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Jesus tungkol kay Lazaro na kaniyang bubuhaying-muli: “Si Lazaro . . . ay namahinga, ngunit ako ay maglalakbay patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Tungkol sa propetang si Daniel, ating mababasa: “Ikaw ay magpapahinga, at tatayo ka sa iyong kapalaran sa wakas ng mga araw.”—Daniel 12:13.
Buhay na Walang-Hanggan sa Lupa
Ano ang mangyayari sa mga bubuhaying-muli mula sa kamatayan? Binabanggit ng Bibliya ang dalawang uri ng pagkabuhay-muli—isang makalangit at isang makalupa. Ang makalupang pagkabuhay-muli ang daranasin ng karamihan niyaong kailanma’y nabuhay at namatay. Kakaunti lamang ang may makalangit na pagkabuhay-muli, upang magharing kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 14:1-3; 20:4) Kailan magsisimula ang makalupang pagkabuhay-muli? Magsisimula ito pagkatapos wasakin ng Diyos ang kasalukuyang balakyot na sistemang ito at magkakatotoo na ang “isang bagong lupa,” isang matuwid na bagong lipunan ng mga tao.—2 Pedro 3:13; Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44.
Sa “bagong lupa,” mawawala na ang sakit o paghihirap. Hindi na iiral kahit na ang kamatayan kundi hahalinhan ito ng pag-asang buhay na walang-hanggan. “At papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) At, inihula ng salmista: “Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailanman.” (Awit 37:29) Gayundin, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.”—Mateo 5:5.
Ihambing ang dakilang mga pangakong iyon ng Diyos sa doktrina ng reinkarnasyon. Sang-ayon sa ideang iyon, ipinalalagay na ikaw ay paulit-ulit na nagbabalik upang mabuhay sa iyon ding bulok na matandang sistemang ito ng mga bagay. Nangangahulugan iyan na ikaw ay patuloy na palilibutan ng kabalakyutan, paghihirap, sakit, at kamatayan sa isang halos ay walang katapusang siklo. Anong walang-pag-asang pangmalas iyan!
Sa gayon, sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na, Ikaw ba’y nabuhay na noon? at, Ikaw ba’y mabubuhay muli? sa ganitong paraan: Hindi, hindi ka nabuhay sa anumang buhay noon maliban sa kasalukuyang buhay. Subalit posibleng gawin mo ang inyong buhay na isang buhay na nagtatagal, oo, isang buhay na walang-hanggan. Sa ngayon, sa “mga huling araw” na ito ng kasalukuyang sistemang ito, maaaring magkaroon ka ng pag-asa na maligtasan ang wakas ng sanlibutang ito at makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos nang hindi na mamamatay. (2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 7:9-15) O kung ikaw ay mamatay bago dumating ang bagong sanlibutan ng Diyos, maaari mong taglayin ang pag-asa na buhayin-muli tungo sa buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.—Lucas 23:43.
Kung ikaw ay nagsasagawa ng pananampalataya kay Jesus, anuman ang mangyari, ang mga pananalita ni Jesus kay Marta nang mamatay ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay kumakapit din sa iyo: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay; at bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”—Juan 11:25, 26.
[Blurb sa pahina 8]
Si Adan ay walang imortal na kaluluwa kundi siya’y nagbalik sa alabok nang siya’y mamatay
[Larawan sa pahina 9]
Itinuturo ng Salita ng Diyos ang pagkabuhay-muli, hindi ang reinkarnasyon