-
Kapistahan ng mga KubolKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ayon sa mga impormasyong rabiniko, may isa pang namumukod-tanging kaugalian na isinasagawa sa kapistahang ito noong narito si Jesus sa lupa, bukod sa pagkuha ng tubig mula sa Siloam. Ang seremonyang ito ay nagsisimula sa pagtatapos ng ika-15 ng Tisri, ang unang araw ng kapistahan, anupat aktuwal na nagsisimula sa ika-16, ang ikalawang araw ng kapistahan, at isinasagawa sa loob ng limang sunud-sunod na gabi. Sa Looban ng mga Babae ginagawa ang mga paghahanda para rito. Apat na pagkalaki-laking ginintuang kandelero ang nasa looban, bawat isa ay may apat na ginintuang mangkok. Apat na kabataan mula sa makasaserdoteng angkan ang umaakyat sa mga hagdanan dala ang malalaking pitsel ng langis upang punuin ang 16 na mangkok. Mga lumang damit ng mga saserdote ang ginagamit na mitsa para sa mga lampara. Sinasabi ng mga Judiong manunulat na ang mga lamparang ito ay nakalilikha ng napakatinding liwanag na makikita mula sa malayo, anupat pinagliliwanag ng mga ito ang mga looban ng mga bahay sa Jerusalem. Ang ilang kalalakihan, kabilang na ang ilang matatandang lalaki, ay nagsasayaw sa saliw ng mga panugtog, samantalang may hawak na nagliliyab na mga sulo at umaawit ng mga awit ng papuri.
-
-
Kapistahan ng mga KubolKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Malamang na ang espirituwal na kahulugan ng Kapistahan ng mga Kubol at marahil pati ang seremonya may kaugnayan sa tubig ng Siloam ang tinutukoy ni Jesus noong ‘huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan,’ nang sabihin niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumarito siya sa akin at uminom. Siyang nananampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kaniyang kaloob-loobang bahagi ay aagos ang mga daloy ng tubig na buháy.’” (Ju 7:37, 38) Gayundin, maaaring ang pagliliwanag ng Jerusalem na dulot ng mga lampara at mga sulo sa lugar ng templo sa panahon ng kapistahan ang tinutukoy ni Jesus nang sa di-kalaunan ay sabihin niya sa mga Judio: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Ju 8:12) Di-nagtagal matapos siyang makipag-usap sa mga Judio, maaaring iniugnay ni Jesus sa kapistahan at sa mga ilaw nito ang Siloam nang pagalingin niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Pagkatapos niyang sabihin sa kaniyang mga alagad, “Ako ang liwanag ng sanlibutan,” dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, inilagay ang putik na iyon sa ibabaw ng mga mata ng lalaki at sinabi sa kaniya: “Humayo ka at maghugas sa tipunang-tubig ng Siloam.”—Ju 9:1-7.
-