Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang mga Kulungan ng Tupa at ang Pastol
SI Jesus ay nasa Jerusalem noong Kapistahan ng Pag-aalay, o Hanukkah, isang kapistahan na nagdiriwang ng muling pag-aalay kay Jehova ng templo. Noong 168 B.C.E., mga 200 taon ng kaagahan, nabihag ni Antiochus IV Epiphanes ang Jerusalem at nilapastangan ang templo at ang dambana nito. Gayunman, makalipas ang tatlong taon ang Jerusalem ay muling nabihag at ang templo’y muling inialay. Pagkatapos, isang taunang selebrasyon ng muling pag-aalay ang ginanap.
Ang Kapistahang ito ng Pag-aalay ay ginaganap kung Chislev 25, ang buwan ng mga Judio na katumbas ng huling bahagi ng Nobyembre at unang bahagi ng Disyembre sa ating modernong kalendaryo. Samakatuwid, ay mahigit lamang na isandaang araw ang natitira hanggang sa mahalagang Paskuwa ng 33 C.E. Dahilan sa iyon ay panahon ng kalamigan, tinatawag iyon ni apostol Juan na “taglamig.”
Ngayo’y gumagamit si Jesus ng isang ilustrasyon at binabanggit niya ang tatlong kulungan ng tupa at ang kaniyang bahagi bilang ang Mabuting Pastol. Ang unang kulungan ng tupa na binabanggit niya ay ipinakikilala bilang kaugnay ng kaayusan ng tipang Kautusang Mosaiko. Ang Kautusan ay nagsilbing mistulang bakod na naghiwalay sa mga Judio buhat sa nakahahawang gawain niyaong mga bayan na hindi kasali sa natatanging pakikipagtipang ito sa Diyos. Ipinaliliwanag ni Jesus: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pinto ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. Datapuwat ang pumapasok sa pinto ay siyang pastol ng mga tupa.”
May mga ibang nagsidating at nagsabing sila ang Mesiyas, o Kristo, subalit hindi sila ang tunay na pastol na ganito pa ang pagkatukoy ni Jesus: “Binubuksan siya ng bantay-pinto, at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig, at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan at sila’y inihahatid sa labas . . . . Sa iba ay hindi sila susunod kundi tatakas sila sa kaniya, sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.”
Ang “bantay-pinto” ng unang kulungan ng mga tupa ay si Juan Bautista. Bilang bantay-pinto, ang pintuan ay ‘binuksan’ ni Juan kay Jesus sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kaniya sa makasagisag na mga tupang iyon na kaniyang ilalabas upang dalhin sa pastulan. Ang mga tupang ito na tinatawag ni Jesus sa pangalan at inilalabas ay sa bandang huli tinatanggap sa isa pang kulungan ng mga tupa, gaya ng kaniyang ipinaliliwanag: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pinto ng mga tupa,” samakatuwid nga, ang pinto ng isang bagong kulungan ng mga tupa. Nang itatag ni Jesus ang bagong tipan sa kaniyang mga alagad at mula sa langit ay ibinuhos sa kanila ang banal na espiritu ng sumunod na Pentekostes, sila’y tinanggap sa bagong kulungan ng tupang ito.
Bilang pagpapaliwanag pa ng kaniyang ginagampanang papel, sinabi ni Jesus: “Ako ang pinto; ang sinumang taong pumasok sa akin ay maliligtas, at siya’y papasok at lalabas at makasusumpong ng pastulan. . . . Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay at magkaroon ito nang sagana . . . . Ako ang mabuting pastol, at nakikilala ako ng aking mga tupa, gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama at ng pagkakilala ko naman sa Ama; at ibinibigay ko ang aking kaluluwa alang-alang sa mga tupa.”
Kamakailan bago nito, ay inaliw ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod, na ang sabi: “Huwag kayong mangatakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan na ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” Ang munting kawan na ito, na sa wakas aabot sa bilang na 144,000, ang pumapasok dito sa bago, o ikalawa, na kulungan ng mga tupa. Subalit nagpatuloy pa rin si Jesus sa pagsasabi: “Mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.”
Yamang ang mga “ibang tupa” ay “hindi sa kulungang ito,” tiyak na sila’y nasa ibang kulungan, ang pangatlo. Ang dalawang huling kulungang ito, o mga kural ng tupa, ay may iba’t ibang patutunguhan. Ang “munting kawan” na nasa isang kulungan ay maghaharing kasama ni Kristo sa langit, at ang mga “ibang tupa” naman na nasa ibang kulungan ay mamumuhay sa lupang Paraiso. Gayunman, bagama’t sila’y nasa dalawang kulungan, ang mga tupa ay hindi naninibugho ni nakadarama man sila ng pagkabukod, sapagkat gaya ng sinasabi ni Jesus, sila’y ‘nagiging isang kawan’ sa ilalim ng “isang pastol.”
Ang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ay kusang naghandog ng kaniyang buhay para sa kapuwa mga kulungan ng tupa. “Kusa kong ibinibigay,” ang sabi niya. “May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong tanggaping muli ito. Ang utos tungkol dito ay tinanggap ko sa aking Ama.” Nang sabihin ito ni Jesus, ay nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga Judio.
Marami sa mga naroon sa karamihang iyon ay nagsabi: “Siya’y may demonyo at nababaliw. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?” Subalit ang iba naman ay tumugon: “Hindi ito ang mga pananalita ng isang taong nadidemonyo.” Pagkatapos, maliwanag na ang tinutukoy ay ang nangyari mga ilang buwan na ang nakalipas nang siya’y magpadilat ng mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag, kanilang isinusog: “Ang isang demonyo’y hindi makapagpapadilat ng mga bulag na mata ng mga tao, di ba?” Juan 10:1-22; 9:1-7; Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1, 3; 21:3, 4; Awit 37:29.
◆ Ano ba ang Kapistahan ng Pag-aalay, at kailan ipinagdiwang ito?
◆ Ano ang unang kulungan ng mga tupa, at sino ang bantay-pinto nito?
◆ Paanong ang pinto’y binuksan ng bantay-pinto upang pumasok ang Pastol, at sa ano tinatanggap ang mga tupang ito?
◆ Sino ang bumubuo ng dalawang kulungan na nasa ilalim ng Mabuting Pastol, at sila’y nagiging ilang kawan?