“Kilala Nila ang Kaniyang Tinig”
“SI Jehova ang aking Pastol.” Ito ang pambungad na mga salita ng Awit 23. Muli na namang inihahambing ng Kasulatan ang Diyos na Jehova sa isang pastol sa hula ni Isaias, na nagsasabi: “Gaya ng isang pastol kaniyang papastulin ang kaniyang kawan. Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang bisig; at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan. Yaong mga nagpapasuso ay kaniyang malumanay na papatnubayan.”—Isaias 40:11.
Gayundin, si Jesu-Kristo ay inihahalintulad sa isang pastol. Sinabi niya: “Ako ang mabuting pastol; isinusuko ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:11) Sinabi ni Jesus na ang “mga tupa ay nakikinig sa tinig [ng pastol], at tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan at inaakay sila palabas.” Isinusog niya na “ang mga tupa ay sumusunod [sa pastol], sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. Ang isang estranghero ay hindi nila sa anumang paraan susundan kundi tatakas mula sa kaniya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga estranghero.”—Juan 10:2-5.
Ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay kapuwa nakatugon sa larawang ipinakita ng naunang mga kasulatan. Kanilang pinakikitunguhan ang kanilang makasagisag na tupa nang may pagkamalumanay at maibiging pangangalaga. Kaya naman, ang mga tulad-tupa ay nakadarama na sila’y iniibig, tiwasay, at ipinagsasanggalang.
Ang ganitong ugnayan ay angkop na inihahalintulad sa ugnayan ng literal na mga tupa at ng kanilang pastol. Noong 1831, si John Hartley ay sumulat tungkol sa kaniyang mga obserbasyon sa bagay na ito. Napansin niya na sa Gresya ay kaugalian na para sa mga pastol ang bigyan ng pangalan ang kanilang mga tupa. Kapag tinawag sa pangalan, ang tupa ay tutugon sa tinig ng pastol. Mga 51 taon ang nakaraan, noong 1882, si J. L. Porter ay nagkaroon ng katulad na mga obserbasyon. Nasaksihan niya ang mga pastol nang “bumibigkas . . . ng isang kakatuwang pananawagan” na tinutugon naman ng mga tupa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pastol. Nang taón ding iyon si William M. Thomson ay sumulat tungkol sa paulit-ulit na pag-eeksperimento na nagpapatotoo na ang mga tupa ay matuturuang sumunod sa kanilang pastol at makilala ang kaniyang tinig.
Ang pambihirang ugnayang ito ba sa pagitan ng mga pastol at ng kanilang mga tupa ay namasdan sa nakalipas na panahon? Oo. Sa Setyembre 1993 labas ng National Geographic, ang adbenturerong Australiano na si Robyn Davidson ay sumulat ng sumusunod tungkol sa mga pastoralist na Rabari sa hilagang-kanlurang India: “Bawat pastol ay may bahagyang naiibang mga pagtawag, mga pagbabagu-bago sa isang tema. May mga tawag sa isang umaga upang magsialis, pagtawag upang painumin ang tupa, at iba pa. Nakikilala ng bawat pastol ang kaniyang sariling mga tupa at ng mga tupa ang kanilang pastol, at ang pantanging kawan niya ay hihiwalay buhat sa mas malaking kawan at susunod sa kaniya sa kinaumagahan.”
Tiyak, namasdan ni Jesus ang inilahad ng apat na manlalakbay na kababanggit lamang. Ang kaniyang sariling obserbasyon ang nagdagdag ng pagiging tunay ng kaniyang ilustrasyon ng mga tupang nakakakilala sa kaniyang tinig. Ikaw ba ay isa sa mga tupa ni Jesus? Kilala mo ba ang kaniyang tinig at pinakikinggan mo ba iyon? Kung iyong kinikilala at tinatanggap ang kaniyang mga turo bilang ang katotohanan at kung sinusunod mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang pangunguna sa pagsamba kay Jehova, kung magkagayo’y mararanasan mo ang maibigin at malumanay na pagpapastol ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Juan 15:10.