Kung Ano ang Maituturo sa Atin ng mga Nilikhang “May Likas na Kapantasan”
ANG AIR-CONDITIONING, panlaban sa lamig, pag-aalis ng asin sa tubig-alat, at ang sonar ay mga imbensiyon na malaganap na nakilala ng sangkatauhan sa ika-20 siglo. Gayunman, libu-libong taon nang umiiral ang mga ito sa daigdig ng mga hayop. Oo, nakikinabang ang sangkatauhan sa pag-aaral sa gayong mga nilikhang “may likas na kapantasan.” (Kawikaan 30:24-28; Job 12:7-9) Waring ang ilang hayop ay naging di-nagsasalitang mga tagapagturo ng sangkatauhan, at masusumpungan natin na lubhang kawili-wiling suriin ang mga ito.
Makikinabang ba tayo sa pagsasaalang-alang ng mga katangian ng ilang hayop? Buweno, itinulad ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod sa mga tupa, serpiyente, kalapati, at maging sa mga balang. Ano ang nasa isip niya nang ihambing niya ang kaniyang mga tagasunod sa mga nilikhang ito? Tingnan natin.
“Ang Aking mga Tupa ay Nakikinig sa Aking Tinig”
Mahigit sa 200 ulit na binabanggit sa Bibliya ang mga tupa. Gaya ng paliwanag sa Smith’s Bible Dictionary, “ang tupa ay isang sagisag ng kaamuan, pagtitiis, at pagpapasakop.” Sa Isaias kabanata 53, si Jesus mismo ay makahulang inihalintulad sa isang tupa. Tunay namang naaangkop na ihambing niya ang kaniyang mga tagasunod sa gayunding hayop! Subalit aling partikular na katangian ng tupa ang nasa isip ni Jesus?
“Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin,” sabi ni Jesus. (Juan 10:27) Sa gayo’y itinampok niya ang kaamuan ng kaniyang mga alagad at ang kanilang pananabik na sumunod sa kaniya. Ang literal na mga tupa ay nakikinig sa pastol ng mga ito at kusang sumusunod sa kaniya. Ang pastol ay mayroon ding malapit na kaugnayan sa kawan.
Ang isang kawan ay maaaring mangalat sa parang kapag nanginginain, ngunit bawat tupa ay nananatiling nakikipag-ugnayan sa grupo bilang kabuuan. Kaya naman, kapag ang mga hayop ay nabalisa o natakot, “agad makapagtitipong sama-sama ang mga ito,” sabi ng aklat na Alles für das Schaf (Lahat ng Bagay Para sa Tupa). Kapag ang mga tupa ay tumatakbo upang makatakas sa panganib, ginagawa iyon bilang isang kawan, anupat humihinto kung minsan upang muling suriin ang kalagayan. “Ang baytang-baytang na pagtakas ay nagpapangyaring makaagapay ang kordero at ang mas mahihinang hayop. Ang pulutong ay nagbibigay pa nga sa mga ito ng pantanging proteksiyon.” Ano ang matututuhan natin mula sa paggawing ito?
Ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay hindi nakakalat sa gitna ng mga denominasyon at mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Sa halip, sila’y natitipon sa iisang kawan. Bawat Kristiyano ay nakadarama ng personal na kaugnayan sa kawang ito ng Diyos, at ito’y nagdudulot ng pagkakaisa sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kailanma’t maganap ang isang krisis—maging iyon man ay malubhang karamdaman, digmaan, o likas na kapahamakan—saan humahanap ng patnubay at proteksiyon ang bawat mananamba? Sa organisasyon ni Jehova, na nagbibigay ng espirituwal na katiwasayan.
Paano inilalaan ang payo mula sa Bibliya? Sa pamamagitan ng mga publikasyon tulad ng Ang Bantayan at ang kasamahang magasin nito, ang Gumising! Ang mga magasing ito at ang Kristiyanong mga pulong ay naglalaan pa man din ng pantanging tulong sa mga nangangailangan ng higit pang pangangalaga, tulad ng mga kordero at mas mahihinang tupa sa isang kawan. Halimbawa, binibigyang-pansin ang mga nagsosolong magulang at yaong mga nanlulumo. Anong katalinuhan nga, kung gayon, na basahin ang bawat magasin, dumalo sa bawat pulong sa kongregasyon, at ikapit ang ating natututuhan! Sa gayo’y naipamamalas natin ang kaamuan at matibay na kaugnayan sa kawan ng Diyos.—1 Pedro 5:2.
“Maingat Gaya ng mga Serpiyente at Gayunma’y Inosente Gaya ng mga Kalapati”
Ganito ang sabi ng Smith’s Bible Dictionary: “Sa buong Silangan ang serpiyente ay ginagamit bilang sagisag ng masamang simulain, ng espiritu ng pagsuway.” Sa kabilang panig, ang “aking kalapati” ay isang kataga ng pagmamahal. (Awit ni Solomon 5:2) Ano ang nasa isip ni Jesus, kung gayon, nang patibaying-loob niya ang kaniyang mga tagasunod na maging “maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati”?—Mateo 10:16.
Si Jesus ay nagbibigay noon ng tagubilin ukol sa pangangaral at pagtuturo. Iba’t ibang reaksiyon ang maaasahan ng kaniyang mga alagad. Ang ilan ay magpapakita ng interes, samantalang tatanggihan naman ng iba ang mabuting balita. Pag-uusigin pa nga ng ilan ang mga tunay na lingkod na ito ng Diyos. (Mateo 10:17-23) Paano dapat harapin ng mga alagad ang pag-uusig?
Sa Das Evangelium des Matthäus (Ang Ebanghelyo ni Mateo), ganito ang sabi ni Fritz Rienecker hinggil sa Mateo 10:16: “Ang pagiging matalas ng isip . . . ay dapat na lakipan ng integridad, kataimtiman, at pagiging prangka, sakaling may mangyaring anuman na magbibigay sa mga kaaway ng makatuwirang dahilan upang magreklamo. Ang mga embahador ni Jesus ay nasa gitna ng malulupit na kaaway, na walang konsiderasyon at umaatake sa mga apostol nang walang-awa at sa oras na makasilip ng pagkakataon. Kaya naman, kailangan—tulad ng isang serpiyente—na maging mapagbantay sa mga kaaway, at suriin ang situwasyon taglay ang matalas na paningin at pakiramdam; panatilihing kontrolado ang situwasyon nang walang panlilinlang o pandaraya, maging dalisay at totoo sa salita at sa gawa at sa gayo’y patunayang tulad-kalapati ang kanilang sarili.”
Ano ang matututuhan ng modernong-panahong mga lingkod ng Diyos mula sa mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 10:16? Sa ngayon, ang pagtugon ng mga tao sa mabuting balita ay katulad na katulad din noong unang siglo. Kapag napapaharap sa pag-uusig, kailangang taglayin ng mga tunay na Kristiyano ang katalasan ng isip ng serpiyente lakip na ang kadalisayan ng kalapati. Hindi kailanman gumagamit ang mga Kristiyano ng pandaraya o kawalang-katapatan kundi sila’y malinis, tunay, at tapat sa paghahayag sa iba ng mensahe ng Kaharian.
Upang ilarawan: Baka buhat sa mga kasamahan sa trabaho, mga kabataan sa paaralan, o maging sa mga miyembro ng iyong sariling pamilya ay makarinig ka ng masasakit na salita na patungkol sa iyong mga paniniwala bilang isang Saksi ni Jehova. Ang unang reaksiyon ay baka ang bumigkas din ng nakakatulad na masasakit na salita tungkol sa kanilang pananampalataya. Ngunit iyan ba ay pagiging inosente? Malayung-malayo. Kung ipakikita mo sa iyong mga tagapuna na ang kanilang komento ay walang epekto sa iyong mainam na paggawi, baka magbago sila ukol sa ikabubuti. Sa gayon ikaw ay magiging kapuwa may matalas na isip at walang-kapintasan—‘maingat gaya ng serpiyente, gayunma’y inosente gaya ng kalapati.’
‘Ang mga Balang ay Nahahawig sa mga Kabayong Nahahanda sa Pakikipagbaka’
Iniulat ng magasing GEO na noong 1784, ang Timog Aprika ay nilusob ng “pinakamalaking kuyog [ng mga balang] na naitala kailanman sa kasaysayan.” Ang lawak ng lugar na natakpan ng kuyog ay umabot sa limang libo at dalawang daang kilometro kudrado, na mga limang beses ng laki ng Hong Kong. Sinasabi ng Smith’s Bible Dictionary na ang mga balang ay “gumagawa ng kakila-kilabot na pananalanta sa mga halaman sa mga bansang dinadalaw nito.”
Sa kaniyang bigay-Diyos na pagsisiwalat ng mga bagay na magaganap sa “araw ng Panginoon,” ginamit ni Jesus ang pangitain ng isang kuyog ng mga balang. Ganito ang sabi hinggil sa mga ito: ‘Ang mga balang ay nahahawig sa mga kabayong nahahanda sa pakikipagbaka.’ (Apocalipsis 1:1, 10; 9:3-7) Ano ang kahulugan ng paglalarawang ito?
Matagal nang nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang mga balang sa Apocalipsis kabanata 9 ay lumalarawan sa mga pinahirang lingkod ng Diyos sa lupa sa siglong ito.a Sa mga Kristiyanong ito ay iniatas ang isang partikular na gawain—ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa buong lupa at paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Dito ay kailangan nilang mapagtagumpayan ang mga hadlang at magtiyaga sa kanilang gawain. Ano pa kaya ang mas angkop na makapaglalarawan nito kaysa sa di-malupig na balang?
Bagaman mahigit lamang sa dalawang pulgada ang haba, ang balang ay karaniwan nang naglalakbay ng 100 hanggang 200 kilometro bawat araw. Nagagawa pa nga ito nang hanggang 1,000 kilometro ng balang na matatagpuan sa disyerto. Ipinaliliwanag ng GEO na “ang mga pakpak nito ay kumakampay nang 18 ulit bawat segundo at hanggang sa 17 oras sa isang araw—isang bagay na hindi nagagawa ng ibang kulisap.” Pagkalaki-laki ngang trabaho para sa gayong pagkaliit-liit na nilikha!
Bilang isang grupo, di-matitinag ang mga Saksi ni Jehova sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Nangangaral sila ngayon sa mahigit na 230 lupain. Pinagtatagumpayan ng mga lingkod na ito ng Diyos ang maraming suliranin upang makibahagi sa pagtupad ng gawain. Anong uri ng mga suliranin ang napapaharap sa kanila? Ang pagtatangi, restriksiyon ng batas, pagkakasakit, pagkasira ng loob, at pagsalansang ng mga kamag-anak ay ilan lamang. Subalit walang anumang bagay ang nakapagpahinto sa kanilang pagsulong. Nagpapatuloy sila sa kanilang bigay-Diyos na gawain.
Patuloy na Magpamalas ng Kristiyanong mga Katangian
Oo, inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod sa mga tupa, serpiyente, kalapati, at sa mga balang. Ito ay tunay na angkop sa ating kaarawan. Bakit? Sapagkat napipinto na ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, at lalong nagiging matindi ang mga suliranin higit kailanman.
Taglay sa isip ang makalarawang mga salita ni Jesus, ang mga tunay na Kristiyano ay nanatiling malapit sa kawan ng Diyos at may kaamuang tumatanggap ng payo buhat sa organisasyon ni Jehova. Sila’y patuloy na nagbabantay at alisto sa mga situwasyon na maaaring makahadlang sa kanilang gawain bilang Kristiyano, samantalang sila’y nananatiling walang-kapintasan sa lahat ng bagay. Bukod dito, nagtitiyaga sila sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa harap ng mga sagwil. At sila’y patuloy na natututo buhat sa mga nilikhang “may likas na kapantasan.”
[Talababa]
a Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., kabanata 22.