Kumusta ang “Mga Tekstong Patotoo” sa Trinidad?
DIUMANO may mga teksto sa Bibliya na nagpapatotoo sa Trinidad. Gayumpaman, kapag binabasa ang mga ito, dapat isaisip na ang ebidensiya ng Bibliya at kasaysayan ay hindi umaalalay sa Trinidad.
Ang alinmang pagtukoy sa Bibliya na inihaharap bilang patotoo ay dapat unawain sa konteksto ng di-nababagong turo ng buong Bibliya. Malimit na ang tunay na kahulugan ng teksto ay nililiwanag ng konteksto ng nakapaligid na mga talata.
Tatlo sa Isa
ANG New Catholic Encyclopedia ay naghaharap ng tatlong “tekstong patotoo” nguni’t inaamin din nito na: “Ang doktrina ng Santisima Trinidad ay hindi itinuturo sa M[atandang] T[ipan]. Sa B[agong] T[ipan] ang pinakamatandang katibayan ay ang mga liham ni Pablo, lalo na ang 2 Cor 13.13 [talatang 14 sa ilang Bibliya], at 1 Cor 12.4-6. Sa mga Ebanghelyo ang ebidensiya ng Trinidad ay maliwanag na matatagpuan lamang sa balangkas ng bautismo na nasa Mt 28.19.”
Sa mga talatang yaon ang tatlong “persona” ay itinatala ayon sa pagkakasunudsunod sa The New Jerusalem Bible. Ang tatlo ay pinagsasamasama ng 2 Corinto 13:13 (14) sa ganitong paraan: “Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Kristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyong lahat.” Ang 1 Corinto 12:4-6 ay nagsasabi: “May iba’t-ibang kaloob, datapuwat iisa ang Espiritu; may iba’t-ibang paraan ng paglilingkod, datapuwat iisa ang Panginoon. May iba’t-ibang gawain, datapuwat sa lahat ay iisa ang Diyos na gumagawa sa lahat.” At sa Mateo 28:19 ay mababasa: “Humayo, kung gayon, at gumawa ng mga alagad sa lahat ng bansa; binyagan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Sinasabi ba ng mga talatang ito na ang Diyos, si Kristo, at ang banal na espiritu ay bumubuo ng isang Trinitaryong pagka-Diyos, na pantay-pantay sila sa sangkap, kapangyarihan, at kawalang-hanggan? Hindi, hindi nga, kung papaanong ang pagtatala ng tatlong tao, gaya ng Tito, Vic, at Joey, ay hindi nangangahulugan na ang tatlo ay iisa.
Ang pagtukoy na ito, ayon sa Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature nina McClintock at Strong, “ay patotoo lamang na umiiral nga ang tatlong personang nabanggit, . . . nguni’t, sa ganang sarili, hindi ito patotoo na ang tatlo ay may pagka-diyos, at magkakapantay sa maka-diyos na karangalan.”
Bagaman nagtataguyod sa Trinidad, sinasabi ng reperensiyang ito hinggil sa 2 Corinto 13:13 (14): “Hindi namin mahihinuha nang may kawastuan na sila ay may pantay-pantay na kapamahalaan, o iisa ang kalikasan.” At sinasabi nito tungkol sa Mateo 28:18-20: “Ang teksto, sa ganang sarili, ay hindi tiyakang magpapatunay sa personalidad ng tatlong tauhang nabanggit, ni sa pagkakapantay o pagka-diyos” nila.
Nang bautismuhan si Jesus, ang Diyos, si Jesus, at ang banal na espiritu ay binabanggit din sa iisang konteksto. Nakita ni Jesus “ang espiritu ng Diyos na bumababang gaya ng kalapati at lumalapag sa kaniya.” (Mateo 3:16) Gayunman, hindi ito nagsasabi na ang tatlo ay iisa. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay malimit banggitin nang samasama, subalit hindi ito nangangahulugan na sila ay iisa. Sina Pedro, Santiago, at Juan ay binabanggit na magkakasama, ngunit hindi rin ito nangangahulugan na sila’y iisa. Bukod dito, ang espiritu ng Diyos ay lumapag kay Jesus nang siya’y bautismuhan, na nagpapakita na si Jesus ay hindi pinahiran ng espiritu hanggang sa panahong yaon. Kaya, papaano siya magiging bahagi ng isang Trinidad na kung saan lagi siyang kaisa ng banal na espiritu?
Isa pang pagtukoy na samasamang bumabanggit sa tatlo ay ang 1 Juan 5:7 sa ilang mas matatandang salin ng Bibliya. Gayunman, inaamin ng mga iskolar na wala ito sa orihinal na Bibliya kundi idinagdag lamang noong dakong huli. Wasto lamang na inalis ng karamihan ng makabagong mga salin ang huwad na tekstong ito.
Ang iba pang “tekstong patotoo” ay bumabanggit sa ugnayan lamang ng dalawa—ng Ama at ni Jesus. Isaalang-alang natin ang ilan dito.
“Ako at ang Ama ay Iisa”
ANG tekstong ito, sa Juan 10:30, ay madalas sipiin bilang alalay sa Trinidad, bagaman walang pagbanggit sa ikatlong persona. Subalit si Jesus mismo ang nagpakita kung ano ang gusto niyang sabihin ng pagiging “iisa” niya at ng Ama. Sa Juan 17:21, 22, nanalangin siya sa Diyos na sana ang kaniyang mga alagad ay “maging isa, gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila’y maging kaisa natin, . . . upang sila ay maging isa gaya natin na iisa.” Nanalangin ba si Jesus na lahat ng kaniyang alagad ay maging iisang tauhan? Hindi, maliwanag na nanalangin si Jesus na sila ay maging isa sa isip at layunin, gaya niya at ng Diyos.—Tingnan din ang 1 Corinto 1:10.
Sa 1 Corinto 3:6, 8, sinasabi ni Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apollo ang nagdilig . . . Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa.” Hindi gustong sabihin ni Pablo na sila ni Apollo ay dalawang persona sa isa; gusto niyang sabihin ay nagkakaisa sila sa layunin. Ang salitang Griyego na ginamit ni Pablo para sa “isa” (hen) ay pambalaki, na sa literal ay “isang (bagay),” at nagpapahiwatig ng pagiging-isa sa pagtutulungan. Ito rin ang salitang ginamit ni Jesus sa Juan 10:30 upang ilarawan ang kaugnayan niya sa Ama. Ito rin ang salitang ginamit ni Jesus sa Juan 17:21, 22. Kaya nang gamitin niya ang salitang “isa” (hen) sa mga tekstong ito, ang tinutukoy niya ay pagkakaisa ng isip at layunin.
Hinggil sa Juan 10:30, ay ganito ang sinabi ni John Calvin (na isa ring Trinitaryo) sa aklat na Commentary on the Gospel According to John: “Nagkamali ang mga sinauna sa paggamit ng talatang ito upang patunayan na si Kristo ay . . . kaisang sangkap ng Ama. Si Kristo ay hindi nagsasalita tungkol sa pagkakaisa ng sangkap, kundi sa pakikipagsang-ayon niya sa Ama.”
Sa mismong konteksto ng mga talatang kasunod ng Juan 10:30, idiniin ni Jesus na hindi niya inaangkin ang pagiging Diyos. Tinanong niya ang mga Judio na nagkamali ng unawa at gustong bumato sa kaniya: “Pinararatangan ba ninyo ako ng pamumusong dahil sa ako, na itinalaga at isinugo ng aking ama sa sanlibutan ay nagsabi, ‘Ako ang anak ng Diyos’?” (Juan 10:31-36, NE) Hindi inangkin ni Jesus na siya ang Diyos-Anak, kundi ang Anak ng Diyos.
“Nakikipantay sa Diyos”?
ISA pang kasulatan na inihaharap bilang alalay sa Trinidad ay ang Juan 5:18. Sinasabi nito na si Jesus ay balak patayin ng mga Judio (gaya ng sa Juan 10:31-36) sapagkat “ang Diyos ay tinatawag niya na sarili niyang Ama, at siya’y nakikipantay sa Diyos.”
Ngunit sino ang nagsabi na si Jesus ay nakikipantay sa Diyos? Hindi si Jesus. Ipinagtanggol niya ang sarili laban sa maling paratang na ito sa susunod na talata mismo (Juan 5:19): “Ang paratang ay sinagot ni Jesus: . . . ‘walang magagawa ang Anak sa ganang kaniya; magagawa lamang niya ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.’”—JB.
Dito, ipinakita ni Jesus sa mga Judio na hindi siya kapantay ng Diyos at hindi nga makakikilos sa ganang sarili. Isipin lamang, masasabi ba niya na siya ay “walang magagawa sa ganang kaniya” kung kapantay siya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? (Ihambing ang Daniel 4:34, 35.) Kapansinpansin, ang konteksto ng Juan 5:18 at 10:30 ay kapuwa nagpapakita na nagtanggol si Jesus laban sa paratang ng mga Judio na nagkakamali ng pasiya, gaya ng mga Trinitaryo!
“Kapantay ng Diyos”?
SA FILIPOS 2:6 ang Katolikong Douay Version (Dy) ng 1609 ay nagsasabi hinggil kay Jesus: “Siya bagaman nasa anyong Diyos, ay hindi nag-akala na pagnanakaw ang maging kapantay ng Diyos.” Ganito rin halos ang mababasa sa King James Version (KJ) ng 1611. Ang ilan sa ganitong salin ay ginagamit pa rin upang suhayan ang paniwala na si Jesus ay kapantay ng Diyos. Subali’t pansinin kung papaano binabanggit ng ibang salin ang talatang ito:
1869: “siya, bagaman may anyong Diyos, ay hindi nag-akala na dapat agawin ang pagiging kapantay ng Diyos.” The New Testament, ni G. R. Noyes.
1965: “Siya—na likas ang pagka-dibino!—ay hindi kailanman nangahas na ipantay ang sarili sa Diyos.” Das Neue Testament, rebisadong edisyon, ni Friedrich Pfäfflin.
1968: “siya, bagaman nasa anyong Diyos, ay hindi nag-akala na ang pagiging kapantay niya sa Diyos ay dapat angkinin nang may kasakiman para sa sarili.” La Bibbia Concordata.
1976: “Laging nasa kaniya ang kalikasan ng Diyos, subalit hindi niya inisip na sapilitin siyang makikipantay sa Diyos.” Today’s English Version.
1984: “siya, bagaman nasa anyong Diyos, ay hindi nagpanukala ng pang-aagaw, alalaong baga’y, na siya’y maging kapantay ng Diyos.” New World Translation of the Holy Scriptures.
1985: “Siya, palibhasa nasa anyong Diyos, ay hindi umasa na dapat sunggaban ang pagiging kapantay ng Diyos.” The New Jerusalem Bible.
Gayumpaman, inaangkin ng iba na ang mas wastong mga saling ito ay nagpapahiwatig pa rin na (1) si Jesus ay kapantay subalit ayaw lamang niyang manghawakan dito o (2) hindi na niya kailangang agawin ang pagiging kapantay sapagkat taglay na niya ito.
Kaugnay nito, si Ralph Martin, sa The Epistle of Paul to the Philippians, ay nagsasabi hinggil sa original na Griyego: “Sa kabila nito, may pag-aalinlangan kung ang tunay na kahulugan ng pandiwa na ‘umagaw’, ‘sumunggab’ ay maaaring ilihis tungo sa ‘manghawakang mahigpit.’” Sinasabi din ng The Expositor’s Greek Testament: “Wala kaming makitang anomang talata na kung saan ang ἁρπάζω [har·paʹzo] o alinman sa mga anyo nito ay nangangahulugan ng ‘panghahawakan,’ ‘pag-iingat’. Tila ito ay laging may kahulugan na ‘agawin,’ ‘sunggaban’. Kaya hindi tayo maaaring lumihis sa tunay na kahulugan na ‘sunggaban’ tungo sa ‘hawakang mahigpit’, na lubhang naiiba.”
Maliwanag mula rito na ang mga tuntunin ay pinilipit ng mga nagsalin ng mga bersiyong tulad ng Douay at ng King James upang alalayan ang mga layuning Trinitaryo. Kapag binabasa nang walang pagkiling ang Griyego sa Filipos 2:6, mismong kabaligtaran ang makikita, sa halip na sabihing inakala ni Jesus na wasto ang maging kapantay ng Diyos, si Jesus ay hindi nag-akala na ito ay wasto.
Nililiwanag ng konteksto ng nakapaligid na mga talata (Fil 2:3-5, 7, 8, Dy) kung papaano uunawain ang Fil 2 bersikulo 6. Ang mga taga-Filipos ay hinimok: “Sa kababaan ng isip, bawat isa ay magpahalaga sa iba nang higit kaysa kaniyang sarili.” Pagkatapos ay ginamit ni Pablo si Kristo bilang namumukod na halimbawa ng saloobing ito: “Magkaroon kayo ng ganitong pag-iisip, na na kay Kristo Jesus din naman.” Anong “pag-iisip”? Ang ‘mag-akalang hindi pagnanakaw ang maging kapantay ng Diyos’? Hindi, magiging taliwas ito sa puntong idinidiin. Sa halip, si Jesus, na ‘nagpahalaga sa Diyos nang higit kaysa kaniyang sarili,’ ay hindi kailanman ‘sumunggab sa pagiging kapantay ng Diyos,’ kundi “nagpakababa sa sarili, at naging masunurin hanggang kamatayan.”
Tiyak, ito ay hindi tumutukoy sa alinmang bahagi ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Tumutukoy ito kay Jesu-Kristo, na buong-sakdal na lumarawan sa puntong idiniin ni Pablo—alalaong baga, ang pagpapakumbaba at pagsunod sa Nakatataas at Maylikha, ang Diyos na Jehova.
“Ako Nga”
AYON sa ilang salin, gaya halimbawa ng The Jerusalem Bible, si Jesus ay nagsabi sa Juan 8:58: “Bago pa si Abraham, ay Ako Nga.” Dito ba’y itinuturo ni Jesus na siya ay kilala sa pamagat na “Ako Nga” gaya ng pag-aangkin ng mga Trinitaryo? At, gaya ng pag-aangkin nila, nangangahulugan ba ito na siya ang Jehova ng mga Kasulatang Hebreo, yamang ang King James Version ay nagsasabi sa Exodo 3:14 na: “Sinabi ng Diyos kay Moises, AKO YAONG AKO NGA”?
Sa Exodo 3:14 (KJ) ang pariralang “AKO NGA” ay titulo ng Diyos na ginagamit upang ipahiwatig na umiiral nga siya at na gagawin niya ang kaniyang ipinangako. Sinasabi hinggil dito ng The Pentateuch and Haftorahs, sa pamamatnugot ni Dr. J. H. Hertz: “Para sa mga aliping Israelita, ang kahulugan nito ay ‘Bagaman hindi pa Niya naipamalas ang kapangyarihan Niya, ito ay gagawin Niya; Siya ay walang-hanggan at tiyak na tutubusin Niya kayo.’ Maraming makabago ay sumusunod kay Rashi [Pranses na komentarista sa Bibliya at sa Talmud] sa pagsasalin [sa Exodo 3:14] na ‘Ako ay magiging kung ano ako.’”
Ang pananalita ng Juan 8:58 ay lubhang naiiba sa pananalita ng Exodo 3:14. Hindi ito ginamit ni Jesus bilang pangalan o pamagat kundi bilang paliwanag sa pag-iral niya bago naging tao. Pansinin kung papaano inihaharap ng ibang salin sa Bibliya ang Juan 8:58:
1869: “Mula noong bago pa kay Abraham, ay umiiral na ako.” The New Testament, ni G. R. Noyes.
1935: “Buháy na ako bago pa isilang si Abraham!” The Bible—An American Translation, nina J. M. P. Smith at E. J. Goodspeed.
1965: “Bago pa isilang si Abraham, ako yaong ako nga.” Das Neue Testament, ni Jörg Zink.
1981: “Nabubuhay na ako bago pa isilang si Abraham!” The Simple English Bible.
1984: “Bago pa umiral si Abraham, ay umiral na ako.” New World Translation of the Holy Scriptures.
Kaya, ang tunay na diwa ng salitang Griyego na ginamit dito ay na ang “panganay” na nilalang ng Diyos, si Jesus, ay dati nang umiiral matagal na panahon pa bago isilang si Abraham.—Colosas 1:15; Kawikaan 8:22, 23, 30; Apocalipsis 3:14.
Muli, ang konteksto ay nagpapakita na wasto ang unawang ito. Si Jesus ay gusto uling batuhin ng mga Judio dahil sa sinabi niyang “nakita si Abraham” bagaman, sabi nila, wala pa siyang 50 anyos. (Ju 8 Talatang 57) Likas lamang na tumugon si Jesus sa pagsasabi ng totoong edad niya. Kaya likas lamang na sabihin niya na siya ay ‘buháy na bago pa isilang si Abraham!’—The Simple English Bible.
“Ang Salita ay Diyos”
SA JUAN 1:1 ang King James Version ay kababasahan: “Nang pasimula siya ang Salita at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ayon sa mga Trinitaryo nangangahulugan ito na “ang Salita” (Griyego, ho loʹgos) na nanaog sa lupa bilang Jesu-Kristo ay ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat mismo.
Subalit, pansinin muli na ang konteksto ang naglalagay ng saligan sa wastong pag-unawa. Maging ang King James Version ay nagsasabi, “Ang Salita ay kasama ng Diyos.” (Amin ang italiko.) Ang isa na may “kasama” ay hindi maaaring maging ang tao ring kasama niya. Kaayon nito, sinasabi ng Journal of Biblical Literature na pinamatnugutan ng Jesuitang si Joseph A. Fitzmyer, na kung ang huling bahagi ng Juan 1:1 ay bibigyang-kahulugan ng “ang” Diyos, ito “ay sasalungat sa naunang sugnay,” na nagsasabing ang Salita ay kasama ng Diyos.
Pansinin din kung papaano inihaharap ng ibang salin ang bahaging ito ng talata:
1808: “at ang salita ay isang diyos.” The New Testament in an Improved Version, Upon the Basis of Archbishop Newcome’s New Translation: With a Corrected Text.
1864: “at isang diyos ang salita.” The Emphatic Diaglott, interlinear na pagbasa, ni Benjamin Wilson.
1928: “at ang Salita ay isang banal na nilikha.” La Bible du Centenaire, L’Evangile selon Jean, ni Maurice Goguel.
1935: “at ang Salita ay banal.” The Bible—An American Translation, nina J. M. P. Smith at E. J. Goodspeed.
1946: “at ang Salita ay may banal na kaurian.” Das Neue Testament, ni Ludwig Thimme.
1950: “at ang Salita ay isang diyos.” New World Translation of the Christian Greek Scriptures.
1958: “at ang Salita ay isang Diyos.” The New Testament, ni James L. Tomanek.
1975: “at isang diyos (o, may banal na katangian) ang Salita.” Das Evangelium nach Johannes, ni Siegfried Schulz.
1978: “At ang Logos ay may kauriang tulad-sa-diyos.” Das Evangelium nach Johannes, ni Johannes Schneider.
Sa Juan 1:1 ay dalawang beses lumilitaw ang pangngalang Griyego na the·osʹ (diyos). Ang una ay sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat tumutukoy, na siyang kasama ng Salita (“at ang Salita [loʹgos] ay kasama ng Diyos [isang anyo ng the·osʹ]”). Ang unang the·osʹ ay kasunod ng salitang ton (ang), isang tiyak na pantukoy sa Griyego na tumutukoy sa natatanging pagkakakilanlan, na sa kalagayang ito ay ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat (“at ang Salita ay kasama ng [ang] Diyos”).
Sa kabilang dako, walang pantukoy bago ang ikalawang the·osʹ sa Juan 1:1. Kaya ito ay literal na isinasaling, “at diyos ang Salita.” Gayunma’y nakita natin na marami ang nagsasalin sa ikalawang the·osʹ (pangngalang panaguri) bilang “banal,” “tulad-diyos,” o “isang diyos.” Ano ang karapatan nila sa paggawa nito?
Ang wikang Griyegong Koine ay may isang tiyak na pantukoy (“ang”), nguni’t wala itong pantukoy na di-tiyak (“isang”). Kaya kapag ang isang pangngalang panaguri ay hindi kasunod ng tiyakang pantukoy, ito ay walang-katiyakan, depende sa konteksto.
Sinasabi ng Journal of Biblical Literature na ang mga pangungusap na “may panaguring anarthrous [walang pantukoy] ay nagpapahiwatig ng katangian kapag sinusundan ng pandiwa.” Gaya ng iniuulat ng Journal, ito ay nagpapahiwatig na ang loʹgos ay maihahalintulad sa isang diyos. Sinasabi din nito hinggil sa Juan 1:1: “Ang puwersa ng panaguri bilang katangian ay litaw-na-litaw anupa’t ang pangngalan [the·osʹ] ay hindi maituturing na tiyakan.”
Kaya itinatampok ng Juan 1:1 ang katangian ng Salita, “banal,” “tulad-sa-diyos,” “isang diyos,” hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Katugma ito ng buong Bibliya, na nagpapakita na si Jesus, na dito’y tinatawag “ang Salita” dahil sa kaniyang papel na Tagapagsalita ng Diyos, ay isang masunuring sakop na isinugo sa lupa ng Nakatataas sa kaniya, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Marami pang ibang talata sa Bibliya na kung saan halos lahat ng tagapagsalin sa ibang mga wika ay nagsisingit ng pantukoy na “isang” kapag nagsasalin ng mga pangungusap sa Griyego na may gayon ding balangkas. Halimbawa, sa Marcos 6:49, nang makita ng mga alagad na si Jesus ay lumalakad sa ibabaw ng tubig, sinasabi ng King James Version: “Inakala nila na yaon ay isang espiritu.” Sa Griyegong Koine, walang “isang” bago ang “espiritu.” Subalit halos lahat ng salin sa ibang mga wika ay naglalagay ng “isang” upang iangkop ang salin sa konteksto. Kaya, yamang ipinakikita ng Juan 1:1 na ang Salita ay kasama ng Diyos, hindi siya maaaring maging ang Diyos kundi “isang diyos,” o “banal”.
Si Joseph Henry Thayer, teologo at iskolar na kasali sa paghahanda ng American Standard Version, ay nagsabi sa payak na pananalita: “Ang Logos ay banal, hindi ang mismong banal na Maykapal.” At ang Jesuitang si John L. McKenzie ay sumulat sa kaniyang Dictionary of the Bible: “Ang Jn 1:1 ay dapat na buong-higpit na isaling . . .‘ang salita ay isang banal na nilikha.’”
Paglabag sa Isang Tuntunin?
GAYUMPAMAN, inaangkin ng iba na ang mga saling ito ay labag sa tuntunin ng balarilang Griyegong Koine na inilathala ng Griyegong iskolar na si E. C. Colwell noong 1933. Inangkin niya na sa Griyego ang pangngalang panaguri “ay may [tiyak na] pantukoy kapag ito’y sumusunod sa pandiwa; walang [tiyak na] pantukoy kapag ito’y nauuna sa pandiwa.” Gusto niyang sabihin na ang pangngalang panaguri ay para na ring nagtataglay ng tiyak na pantukoy (“ang”) sa unahan nito kapag ito ay nauuna sa pandiwa. Sa Juan 1:1 ang pangalawang pangngalan (the·osʹ), bilang panaguri, ay nauuna sa pandiwa—“at [the·osʹ] ay ang Salita.” Kaya, ayon kay Colwell, ang Juan 1:1 ay dapat basahing “at [ang] Diyos ay ang Salita.”
Subali’t kunin ang dalawang halimbawa na nasa Juan 8:44. Doo’y sinasabi ni Jesus hinggil sa Diyablo: “Siya ay isang mamamatay-tao” at “siya ay isang sinungaling.” Ang mga pangngalang panaguri (“mamamatay-tao” at ”sinungaling”) ay nauuna sa pandiwa (“ay”) sa Griyego, gaya sa Juan 1:1. Walang di-tiyak na pantukoy sa pasimula ng bawat pangngalan sapagkat sa Griyegong Koine walang pantukoy na di-tiyak. Subalit ang “isang” ay isinisingit ng karamihan ng salin pagkat hinihiling ito ng balarilang Griyego at ng konteksto.—Tingnan din ang Marcos 11:32; Juan 4:19; 6:70; 9:17; 10:1; 12:6.
Napilitan si Colwell na kilalanin ito hinggil sa pangngalang panaguri, sapagkat sinabi niya: “Ito ay di-tiyak [“isang”] kapag hinihiling lamang ng konteksto.” Kaya inaamin mismo niya na kapag hinihiling ng konteksto, maaaring isingit ng mga tagapagsalin ang isang di-tiyak na pantukoy sa harapan ng pangngalan sa ganitong balangkas ng pangungusap.
Ang konteksto ba ay humihiling ng di-tiyak na pantukoy sa Juan 1:1? Oo, sapagkat sa patotoo ng buong Bibliya si Jesus ay hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Kaya, hindi ang kahinahinalang tuntunin ni Colwell sa balarila, kundi ang konteksto ang dapat pumatnubay sa tagapagsalin sa ganitong kalagayan. At batay sa mga salin na nagsingit ng di-tiyak na pantukoy na “isang” sa Juan 1:1 at sa iba pang dako, maraming iskolar at maging ang Salita ng Diyos mismo, ay hindi sumasang-ayon sa ganitong artipisyal na tuntunin.
Walang Salungatan
SALUNGAT ba sa turo ng Bibliya na iisa ang tunay na Diyos kung sasabihin na si Jesu-Kristo ay “isang diyos”? Hindi, sapagkat may mga pagkakataon na ikinakapit ng Bibliya ang katagang ito sa makapangyarihang mga nilalang. Sinasabi ng Awit 8:5: “Ginawa mo siyang [ang tao] mas mababa kaysa mga tulad-sa-diyos [Hebreo, ʼelo·himʹ],” alalaong baga’y, ang mga anghel. Sa pagtatanggol niya laban sa paratang ng mga Judio, na siya’y nag-aangking Diyos, sinabi ni Jesus na “sa Kautusan ay ginagamit ang salitang diyos para sa mga dinatnan ng salita ng Diyos,” alalaong baga’y, mga hukom na tao. (Juan 10:34, 35, JB; Awit 82:1-6) Maging si Satanas ay tinatawag na “diyos ng pamamalakad na ito” sa 2 Corinto 4:4.
Si Jesus ay mas mataas kaysa mga anghel, di-sakdal na mga tao, at maging kay Satanas. Yamang sila ay tinutukoy na “mga diyos,” mga makapangyarihan, tiyak na si Jesus ay maaari ding maging “isang diyos” at ganoon nga. Dahil sa pantanging katayuan niya kaugnay ni Jehova, si Jesus ay “Makapangyarihang Diyos.”—Juan 1:1; Isaias 9:6.
Subalit hindi ba ang “Makapangyarihang Diyos” na nasa malalaking titik ay nagpapahiwatig na kahit papaano si Jesus ay kapantay ng Diyos na Jehova? Hinding-hindi. Inihula lamang ni Isaias na isa ito sa apat na pangalan na itatawag kay Jesus, at sa Ingles ang mga pangalang ito ay nasa malalaking titik. At, bagaman si Jesus ay “Makapangyarihan,” iisa ang “Makapangyarihan-sa-lahat.” Ang pagtawag kay Jehova na “Makapangyarihan-sa-lahat” ay mawawalan ng kabuluhan kung walang tinatawag na mga diyos na nasa mas mababang katayuan.
Sa Bulletin of the John Rylands Library sa Ingglatiyera sinasabi ng Katolikong teologo na si Karl Rahner na bagaman ang the·osʹ ay ginagamit sa mga kasulatang gaya ng Juan 1:1 bilang pagtukoy kay Kristo, “sa alinman sa mga pagkakataong ito ang ‘theos’ ay hindi ginagamit upang ipakilala si Jesus bilang siya ring ‘ho Theos’ na tinutukoy sa Bagong Tipan, alalaong baga, ang Kataastaasang Diyos.” At idinadagdag pa ng Bulletin: “Kung ang mga sumulat ng Bagong Tipan ay naniwala na si Jesus ay dapat ipakilala ng mga alagad bilang ‘Diyos,’ papaano ipaliliwanag ang halos ay kawalan ng ganitong uri ng pagpapahayag sa Bagong Tipan?”
Subalit kumusta ang sinabi ni apostol Tomas na, ”Panginoon ko at Diyos ko!” bilang pagtukoy kay Jesus sa Juan 20:28? Para kay Tomas, si Jesus ay “isang diyos,” lalo na sa makahimalang mga pagkakataon na nag-udyok sa kaniya na bumulalas nang gayon. Ayon naman sa ibang iskolar si Tomas ay malamang na gumawa ng madamdaming bulalas ng pagkamangha, na kay Jesus sinabi subalit sa Diyos ipinatutungkol. Alinman sa dalawang ito, hindi inisip ni Tomas na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, sapagkat batid niya at ng mga apostol na si Jesus ay hindi kailanman nag-angking Diyos kundi itinuro na si Jehova lamang ang “iisang tunay na Diyos.”—Juan 17:3.
Muli, tumutulong ang konteksto sa pag-unawa. Ilang araw bago nito iniutos kay Maria Magdalena ng binuhay-muling si Jesus na sabihin sa mga alagad: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17) Bagaman binuhay si Jesus bilang makapangyarihang espiritu, si Jehova pa rin ang Diyos niya. At ganito ang patuloy na pagtukoy sa Kaniya ni Jesus kahit na sa huling aklat ng Bibliya, pagkatapos na siya ay luwalhatiin.—Apocalipsis 1:5, 6; 3:2, 12.
Tatlong talata lamang pagkatapos mapabulalas si Tomas, sa Juan 20:31, ang Bibliya ay nagbigay ng karagadagang liwanag sa pagsasabing: “Ito’y napasulat upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ay Kristo, ang Anak ng Diyos,” hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. At ito ay literal na nangahulugan ng “Anak”, gaya ng sa likas na ama at anak, hindi bilang mahiwagang bahagi ng Trinitaryong pagka-Diyos.
Dapat Makasuwato ng Bibliya
INAANGKIN na marami pang ibang kasulatan ang umaalalay sa Trinidad. Subalit ang mga ito ay kahawig ng natalakay na, sapagkat kapag maingat na sinuri, ang mga ito ay hindi talaga nagsisilbing alalay. Ang mga teksto ay lumalarawan lamang sa pangangailangan na magtanong kapag nagsasaalang-alang ng alinmang inaangking alalay sa Trinidad: Ang pagpapakahulugan ba ay kasuwato ng di-nagbabagong turo ng buong Bibliya—na Diyos na Jehova lamang ang Kataastaasan? Kung hindi, tiyak na mali ang pagpapakahulugan.
Dapat ding isaisip na wala ni isang “tekstong patotoo” na ang Diyos, si Jesus, at ang banal na espiritu ay iisa sa mahiwagang pagka-Diyos. Saanman sa Bibliya wala ni isang teksto ang nagsasabi na ang tatlo ay iisa sa sangkap, sa kapangyarihan, at sa kawalang-hanggan. Hindi nagbabago ang Bibliya sa pagpapahayag na si Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang tanging Kataastaasan, at si Jesus ay ang kaniyang Anak na nilikha, at ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos.
[Blurb sa pahina 24]
“Nagkamali ang mga sinauna sa paggamit ng [Juan 10:30] upang patunayan na si Kristo ay . . . kaisang sangkap ng Ama. —Commentary on the Gospel According to John, ni John Calvin
[Blurb sa pahina 27]
Ang isa na may “kasama” ay hindi maaaring maging ang tao ring kasama niya
[Blurb sa pahina 28]
“Ang Logos ay banal, hindi ang mismong banal na Maykapal.”—Joseph Henry Thayer, iskolar ng Bibliya
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Si Jesus ay nanalangin sa Diyos tungkol sa kaniyang mga alagad na “silang lahat ay maging isa,” kung papaanong siya at ang kaniyang Ama ay “iisa”
[Larawan sa pahina 26]
Ipinakita ni Jesus sa mga Judio na siya ay hindi kapantay ng Diyos, sa pagsasabi na siya ay ‘walang magagawa sa ganang sarili kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama’
[Mga larawan sa pahina 29]
Yamang sa Bibliya ang mga tao, ang mga anghel, at maging si Satanas ay tinutukoy na “mga diyos,” o mga makapangyarihan, si Jesus na nakatataas sa langit ay wasto ring tawaging “isang diyos”