Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Higit Pang Pagtatangka na Patayin si Jesus
YAMANG noon ay panahon ng taglamig, si Jesus ay naglalakad sa malilim na dakong tinatawag na portiko ni Solomon. Ito’y nasa tabi ng templo. Dito’y pinalibutan siya ng mga Judio at sa kaniya’y sinabi: “Hanggang kailan mo pa ba ibibitin sa pag-aalinlangan ang aming mga kaluluwa? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mong tahasan sa amin.”
“Sinabi ko na nga sa inyo,” ang tugon ni Jesus, “ngunit hindi kayo naniniwala.” Hindi tuwirang sinabi sa kanila ni Jesus na siya nga ang Kristo, di gaya ng sinabi niya sa Samaritana na nasa balon. Gayunman, ang totoo, kaniyang isiniwalat kung sino siya nang kaniyang ipaliwanag sa kanila na siya’y buhat sa itaas at nabubuhay na noon bago pa kay Abraham.
Gayunman, ibig ni Jesus na ang mga tao mismo ang manghinuha na siya nga ang Kristo sa pamamagitan ng paghahambing ng kaniyang mga aktibidades sa inihula ng Bibliya na gagawin ng Kristo. Kaya naman maaga pa’y sinabi na niya sa kaniyang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Kristo. At iyan ang dahilan kung bakit ngayo’y sinasabihan niya ang napopoot na mga Judio: “Ito ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ito ang siyang nagpapatotoo tungkol sa akin. Datapuwat hindi kayo sumasampalataya.”
Bakit sila hindi sumasampalataya? Dahilan ba sa kakulangan ng ebidensiya na si Jesus ang Kristo? Hindi, kundi udyok ng dahilan na ibinibigay ni Jesus nang kaniyang sabihin sa kanila: “Hindi kayo aking mga tupa. Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y binibigyan ko ng buhay na walang-hanggan, at kailanma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay. Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay lalong dakila kaysa lahat ng iba pang mga bagay, at hindi sila maaagaw ninuman sa kamay ng Ama.”
Pagkatapos ay inilalarawan ni Jesus ang kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang Ama, at nagpapaliwanag: “Ako at ang Ama ay iisa.” Yamang si Jesus ay naririto sa lupa at ang kaniyang Ama naman ay naroroon sa langit, maliwanag na hindi ibig niyang sabihin na siya at ang kaniyang Ama ay literal, o pisikal, na iisa. Bagkus, ang ibig niyang sabihin ay na sila’y iisa sa layunin o nagkakaisa.
Palibhasa’y nagalit dahilan sa mga sinabi ni Jesus, ang mga Judio ay dumampot ng bato upang siya’y patayin, gaya ng ginawa nila may dalawang buwan na ang nakaraan, noong Kapistahan ng mga Kubol. Buong tapang na hinarap niya ang mga ibig pumaslang sa kaniya, at sinabi ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan ng pagbato ninyo sa akin?”
“Binabato ka namin, hindi dahilan sa mabuting gawa,” ang tugon nila, “kundi dahilan sa pamumusong, sapagkat ikaw, bagama’t isang tao, ay nagkukunwaring isang diyos.” Yamang si Jesus ay hindi nag-angkin kailanman na siya’y diyos, bakit nga sinasabi ito ng mga Judio?
Maliwanag na dahil sa sinasabi ni Jesus na siya’y may kapangyarihan na kanilang inaakalang walang ibang may taglay kundi ang Diyos. Halimbawa, kasasabi-sabi lamang niya ang ganito tungkol sa mga “tupa,” “Sila’y binibigyan ko ng buhay na walang-hanggan,” na hindi magagawa ng sinumang tao. Subalit, nakaligtaan ng mga Judio ang bagay na kinikilala ni Jesus na siya’y tumanggap ng kapangyarihan buhat sa kaniyang Ama.”
Na inaangkin ni Jesus na siya’y mababa kaysa Diyos, ito ang sumunod na ipinakikita niya sa pamamagitan ng pagtatanong: “Hindi baga nasusulat sa inyong Kautusan [sa Awit 82:6], ‘Aking sinabi: “Kayo’y mga diyos”’? Kung tinawag niyang ‘mga diyos’ yaong mga dinatnan ng Salita ng Diyos, at hindi mangyayaring sirain ang Kasulatan, sinasabi baga ninyo tungkol sa akin na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay namumusong,’ sapagkat sinasabi ko, Ako ang Anak ng Diyos?”
Oo, yamang kahit na ang walang katarungang mga hukom na tao ay tinatawag ng Kasulatan na mga “diyos,” ano ang maisisira kay Jesus ng mga Judiong ito sa pagsasabing: “Ako ang Anak ng Diyos”? Isinusog pa ni Jesus: “Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Datapuwat kung ginagawa ko, kahit na kung hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala kayo sa mga gawa, upang inyong makilala at patuloy na makilala na ang Ama ay kaisa ko at ako’y kaisa ng Ama.”
Nang sabihin ito ni Jesus, pinagsikapan ng mga Judio na siya’y hulihin. Subalit siya’y tumakas, gaya rin ng ginawa niya una pa rito doon sa Kapistahan ng mga Kubol. Siya’y lumisan sa Jerusalem at tumawid sa Ilog Jordan upang pumaroon sa dako pa roon na kung saan nagsimula si Juan ng pagbabautismo mga apat na taon na ang lumipas. Marahil ang lugar na ito ay hindi kalayuan sa timugang dalampasigan ng Dagat ng Galilea, na humigit-kumulang dalawang araw na lakbayin kung galing ka sa Jerusalem.
Maraming tao ang nagpupunta kay Jesus sa lugar na ito at nagsisimulang magsabi: “Si Juan ay, tunay nga, hindi gumawa ng kahit isang tanda, subalit lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa taong ito ay pawang totoo.” Kaya naman marami ang nagsisampalataya kay Jesus dito. Juan 10:22-42; 4:26; 8:23, 58; Mateo 16:20.
◆ Sa pamamagitan ng anong paraan ibig ni Jesus na siya’y makilala ng mga tao bilang ang Kristo?
◆ Paano ngang si Jesus at ang kaniyang Ama ay iisa?
◆ Bakit, maliwanag, na sinasabi ng mga Judio na ang kaniyang sarili’y ginagawa ni Jesus na isang diyos?
◆ Paanong ang sinipi ni Jesus sa Mga Awit ay nagpapakita na hindi niya inaangkin na siya’y kapantay ng Diyos?