Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang mga Saksi ba ni Jehova ay tumatanggap ng pag-iiniksiyon ng kahit munting bahagi ng dugo, tulad baga ng immune globulin o albumin?
Ang iba’y tumatanggap, sa paniniwala na sa Kasulatan ay hindi naman malinaw na ibinabawal ang pagpapainiksiyon ng isang munting bahagi, o fraction, na kinuha sa dugo.
Sa simula’y lahat ng tao ay inobligahan ng Maylikha na iwasan ang pagkain ng dugo: “Bawat gumagalaw na hayop na buháy ay maaaring maging pinakapagkain ninyo . . . Tanging ang laman na may kaluluwa—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakanin.” (Genesis 9:3, 4) Ang dugo ay banal at tanging sa paghahandog lamang ito maaaring gamitin. Kung hindi sa ganiyang paraan, ito’y kailangang ibuhos sa lupa.—Levitico 17:13, 14; Deuteronomio 12:15, 16.
Ito’y hindi isa lamang pansamantalang utos sa mga Judio, ang utos na umiwas sa dugo ay muling ibinigay sa mga Kristiyano. (Gawa 21:25) Sa mga nasa palibot nila sa Imperyong Romano, kadalasa’y nilalabag ang batas ng Diyos, sapagkat ang mga tao’y kumakain ng pagkaing may dugo. Ito’y nilalabag din sa mga dahilang “medikal”; iniuulat ni Tertullian na may mga taong nagpapasalin ng dugo sa pag-aakalang ito’y magpapagaling ng epilepsiya. ‘May pagkagahaman na tinungga nila ang dugo ng mga kriminal na pinaslang sa arena.’ Kaniyang isinusog: “Mamumula kayo sa inyong mga kasamaan sa harap ng mga Kristiyano, na hindi man lamang tumitikim ng dugo ng mga hayop kung sila’y kumakain.” Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay desidido rin na huwag lumabag sa kautusan ng Diyos, gaano mang kapalasak ang pagkain ng mga bagay na may dugo. Noong dekada ng 1940, nauso ang pagpapasalin ng dugo, at nakita ng mga Kristiyano na upang makasunod sa Diyos ay kailangang iwasan nila ang pagpapasalin ng dugo, kahit na sila’y pilitin ng mga doktor.
Sa simula, karamihan ng isinasalin ay buong dugo. Nang magtagal, ang mga mananaliksik ay nagsimula na paghiwa-hiwalayin ang dugo sa mga pangunahing bahagi nito, sapagkat nahinuha ng mga doktor na ang isang pasyente ay baka hindi naman mangailangan ng lahat ng mga pangunahing bahagi ng dugo. Kung kanilang bibigyan siya ng isa lamang bahagi, hindi gaanong magiging mapanganib iyon para sa kaniya, at ang natirang dugo ay marami pang mapaggagamitan ang mga doktor.
Ang dugo ng tao ay maaaring mapaghiwa-hiwalay sa bahaging binubuo ng matingkad na cellular na materyal at isang naninilaw na fluid (plasma, o suwero). Ang parteng cellular (45 porsiyento ang dami) ay binubuo ng karaniwang tinatawag na mga pulang selula, puting selula, at platelets. Ang 55 porsiyento naman ay yaong plasma. Ito’y 90 porsiyentong tubig, ngunit may dala itong baha-bahagyang dami ng maraming protina, hormone, asin, at enzymes. Sa ngayon, karamihan ng donasyong dugo ay pinaghihiwa-hiwalay sa mga pangunahing sangkap. Ang isang pasyente ay maaaring salinan ng plasma (marahil FFP, sariwang iladong plasma) upang gamutin ang shock. Ngunit ang isang pasyenteng kulang sa dugo ay maaaring salinan ng packed red cells, samakatuwid nga, mga pulang selula na inimbak at pagkatapos ay inilagay sa isang fluid at isinalin. Ang mga platelets at mga puting selula ay isinasalin din ngunit hindi gaanong uso.
Noong mga panahong tinutukoy sa Bibliya ang mga tao ay hindi pa nakatutuklas ng mga pamamaraan para sa paggamit ng mga sangkap na ito. Basta iniutos ng Diyos: ‘Umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29) Ngunit bakit iisipin ng sinuman na may pagkakaiba kung ang dugo ay buo o pinaghiwa-hiwalay na sa mga sangkap na ito? Bagaman may mga taong umiinom ng dugo, ang mga Kristiyano ay tumatanggi kahit na iyon ay mangahulugan ng kamatayan. Inaakala mo kaya na iba ang kanilang magiging tugon kung may isa na kumulekta ng dugo, hinayaan na iyon ay magkahiwa-hiwalay ang mga sangkap, at pagkatapos ay plasma lamang o yaong namuong bahagi ang inialok sa kanila, marahil sa langgonisang dugo? Hindi! Kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumatanggap ng pagsasalin ng buong dugo o ng mga pangunahing sangkap (pulang selula, puting selula, platelets, o plasma) na ginamit upang makapagsagawa ng nahahawig na layunin.
Ngunit, gaya ng ipinahihiwatig ng tanong, ang mga siyentipiko ay nagkaroon ng kaalaman tungkol sa natatanging mga kati-katiting na dugo at kung papaano gagamitin iyan. Ang isang karaniwang isyu ay may kinalaman sa mga protina ng plasma—globulins, albumin, at fibrinogen. Malamang, ang pinakamalaganap na gamit nito sa panggagamot ay ang pag-iineksiyon ng immune globulin. Bakit ginagawa iyan?
Ang iyong katawan ay maaaring lumikha ng mga antibodies laban sa mga ilang sakit, na binibigyan ka ng aktibong imunidad. Ito ang batayan ng patiunang pag-iiniksiyon ng isang bakuna (toxoid) laban sa polio, beke, rubella (tigdas), diphtheria-tetanus-pertussis, at tipos. Gayunman, kung ang isa’y napahantad kamakailan sa ilang malulubhang sakit, marahil ang mga manggagamot ay magrirekomenda ng pag-iiniksiyon ng isang suwero (antitoxine) upang bigyan siya ng karaka-rakang passive immunity. Hanggang nitong kamakailan naisagawa ang gayong pag-iiniksiyon sa pamamagitan ng pagkuha ng immune globulin, na may mga antibodies, buhat sa isang taong mayroon nang imunidad.a Ang passive immunity na nakuha buhat sa pag-iiniksiyon ay hindi naman permanente, sapagkat ang ininiksiyong mga antibodies ay lumalabas sa kaniyang katawan pagdating ng panahon.
Sa liwanag ng utos na ‘umiwas sa dugo,’ inaakala ng mga ibang Kristiyano na sila’y hindi dapat tumanggap ng iniiniksiyong immune globulin (protina), kahit na iyon ay isa lamang katiting na bahagi ng dugo. Ang kanilang paniniwala ay malinaw at simple—pagtanggi sa sangkap ng dugo anumang anyo iyon o katiting man iyon.
Inaakala ng iba na ang isang suwero (antitoxin), tulad baga ng immune globulin, na may katiting na bahagi lamang ng plasma ng dugo ng isang may donasyon niyaon at ginagamit upang patibayin pa ang depensa laban sa sakit, ay hindi kapareho ng pagsasalin ng dugo na sumusustine sa buhay. Kaya ang kanilang mga budhi ay marahil hindi pumipigil sa kanila na tumanggap ng immune globulin o kahawig nito sa kati-katiting na bahagi.b Baka isipin nila, na para sa kanila, ang desisyon ay nakasalalay lalong-lalo na sa kung sila’y payag na humarap sa anumang panganib sa kalusugan na bunga ng pagpapainiksiyon ng dugo na galing sa iba.
Mahalaga na ang sistema ng dugo ng isang babaing nagdadalantao ay nakabukod sa taglay naman ng similya na nasa kaniyang sinapupunan; ang mga tipo ng dugo nila ay malimit na nagkakaiba. Ang dugo ng ina ay hindi niya inililipat sa similya. Mga nabuong elemento (mga selula) buhat sa dugo ng ina ay hindi tumatawid sa nakahalang na inunan tungo sa dugo ng similya, ni nangyayari man iyon sa plasma sa ganoong kalagayan. Sa katunayan, kung sakaling ang dugo ng ina at ang dugo ng sanggol ay magkahalo dahil sa isang kapinsalaan, sa bandang huli ay baka magkaroon ng mga suliranin sa kalusugan (Rh o ABO incompatibility). Subalit, may mga sustansiya buhat sa plasma na tumatawid tungo sa sirkulasyon ng similya. Gayon ba ang mga protina ng plasma, tulad baga ng immune globulin at albumin? Oo, gayon ang iba.
Ang isang babaing nagdadalantao ay may aktibong mekanismo na sa pamamagitan nito ang mga ibang immune globulin ay lumilipat galing sa dugo ng ina tungo sa dugo ng similya. Dahilan sa ang natural na paggalaw na ito ng mga antibodies tungo sa ipinagbubuntis na sanggol ay nagaganap sa lahat ng nagbubuntis, ang mga sanggol ay isinisilang taglay ang isang antas ng normal na imunidad na nagsasanggalang sa kanila laban sa ilang mga impeksiyon.
Ganiyan din kung tungkol sa albumin, na maaaring ihatol ng mga doktor bilang isang panggamot sa pagkabigla (shock) o iba pang mga kalagayan.c Napatunayan ng mga mananaliksik na ang albumin na galing sa plasma ay naililipat din, bagaman hindi gaanong may kahusayan, tumatawid sa inunan buhat sa ina tungo sa kaniyang sanggol.
Yamang may kati-katiting na protina buhat sa plasma na natural na lumilipat sa sistema ng dugo ng ibang indibiduwal (ang similya), marahil ito ay isa pang dapat isaalang-alang pagka ang isang Kristiyano ay nagpapasiya kung siya baga’y tatanggap ng immune globulin, albumin, o nahahawig na mga iniiniksiyong kati-katiting na plasma. Ang isa ay maaaring magpasiya na magagawa niya iyon taglay ang mabuting budhi; ang isa naman ay maaaring magpasiya na hindi niya magagawa iyon. Ang bawat isa ang kailangang magpasiya sa bagay na iyan sa harap ng Diyos.
[Mga talababa]
a Sa pamamagitan ng recombinant DNA, o genetic-engineering, na mga pamamaraan, ang mga siyentipiko ay nakabubuo ng nahahawig na mga produkto na hindi galing sa dugo.
b Ang isang halimbawa ay ang Rh immune globulin, na maaaring irekomenda ng mga doktor pagka may Rh incompatibility sa pagitan ng isang babae at ng kaniyang similya. Ang isa pa ay ang Factor VIII, na ginagamit sa mga hemophiliacs.
c Ipinakikita ng katibayan na ang mga panghaliling fluid na hindi galing sa dugo (tulad baga ng hetastarch [HES]) ay magagamit nang mabisa upang gamutin ang shock at iba pang mga kalagayan na kung saan ang solusyon ng albumin ay marahil ginamit na noong nakaraan.