Ang Bayan ni Jehova Pinatibay sa Pananampalataya
“Ang mga kongregasyon ay patuloy na tumibay sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.”—GAWA 16:5.
1. Papaano ginamit ng Diyos ang apostol na si Pablo?
GINAMIT ng Diyos na Jehova si Saulo ng Tarso bilang “isang piniling sisidlan.” Bilang ang apostol na si Pablo, siya ay ‘nagtiis ng maraming bagay.’ Ngunit sa pamamagitan ng kaniyang gawain at niyaong sa iba, ang organisasyon ni Jehova ay nagtamasa ng pagkakaisa at kamangha-manghang paglawak.—Gawa 9:15, 16.
2. Bakit magiging kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang Mga Gawa 13:1–16:5?
2 Ang mga Gentil ay nagiging mga Kristiyano at patuloy na dumarami, at ang isang mahalagang pagpupulong ng lupong tagapamahala ay malaki ang nagawa upang magpatuloy ang pagkakaisa sa gitna ng bayan ng Diyos at gawin silang matatag sa pananampalataya. Lubhang kapaki-pakinabang na isaalang-alang ito at ang iba pang mga pangyayaring nakasulat sa Gawa 13:1–16:5, sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay dumaranas ngayon ng nakakatulad na paglago at espirituwal na mga pagpapala. (Isaias 60:22) (Sa sarilinang pag-aaral ng mga artikulo sa Mga Gawa sa labas na ito, aming iminumungkahi na basahin mo sa aklat ang mga talata na nasa tipong mariin ang pagkalimbag.)
Kumilos Na ang mga Misyonero
3. Anong gawain ang ginawa ng “mga propeta at mga guro” sa Antioquia?
3 Mga lalaking sinugo ng kongregasyon sa Antioquia, Syria, ang tumulong sa mga mananampalataya na maging matatag sa pananampalataya. (13:1-5) Sa Antioquia naroroon ang “mga propeta at mga guro” na sina Bernabe, Simeon (Niger), Lucio na taga-Cyrene, Manaen, at si Saulo ng Tarso. Ang mga propeta ang nagpaliwanag ng Salita ng Diyos at inihula ang mga pangyayari, samantalang ang mga guro ay nagbigay ng mga turo sa Kasulatan at sa maka-Diyos na pamumuhay. (1 Corinto 13:8; 14:4) Sina Bernabe at Saulo ay tumanggap ng isang pantanging atas. Kanilang isinama ang pinsan ni Bernabe na si Marcos, at sila’y naparoon sa Cyprus (Chipre). (Colosas 4:10) Sila’y nangaral sa mga sinagoga sa silangang daungan ng Salamis, ngunit walang rekord na ang mga Judio’y tumugong mainam. Yamang ang gayong mga tao’y nakaririwasa sa buhay, ano’t kailangan pa nila ang Mesiyas?
4. Ano ang nangyari habang ang mga misyonero ay nagpapatuloy ng pangangaral sa Cyprus (Chipre)?
4 Pinagpala ng Diyos ang iba pang gawaing pagpapatotoo sa Cyprus. (13:6-12) Sa Paphos, ang mga misyonero’y nakasumpong ng isang Judiong manggagaway at bulaang propeta na si Bar-Jesus (Elymas). Nang kaniyang tangkaing hadlangan si Proconsul Sergio Paulo sa pakikinig sa salita ng Diyos, si Saulo ay napuspos ng banal na espiritu at ang sabi: ‘Oh taong puspos ng pandaraya at lahat ng kasamaan, ikaw na anak ng Diyablo, ikaw na kaaway ng lahat na matuwid, hindi ka baga titigil ng pagpapasamâ sa mga daang matuwid ni Jehova?’ At nangyari, pinangyari ng kamay ng Diyos na parusahan ng pagkabulag si Elymas nang kaunting panahon, at si Sergio Paulo ay “sumampalataya, palibhasa’y nanggilalas siya sa turo ni Jehova.”
5, 6. (a) Nang si Pablo’y magsalita sa sinagoga sa Antioquia ng Pisidia, ano ang kaniyang sinabi tungkol kay Jesus? (b) Ano ang naging epekto ng pahayag ni Pablo?
5 Mula sa Cyprus, ang grupo ay naglayag patungo sa siyudad ng Perga sa Asia Minor. Pagkatapos si Pablo at si Bernabe ay pumatungong hilaga na tumatahak sa mga daan sa kabundukan, malamang na ‘nakaumang sa mga panganib sa mga ilog at sa mga tulisan’ nang patungo sa Antioquia, Pisidia. (2 Corinto 11:25, 26) Doon si Pablo ay nagpahayag sa sinagoga. (13:13-41) Kaniyang pinagbalikang-tanaw ang mga pakikitungo ng Diyos sa Israel at ipinakilala ang inapo ni David na si Jesus bilang ang Tagapagligtas. Bagaman hiniling ng mga pinunong Judio na patayin si Jesus, ang pangako sa kanilang mga ninuno ay natupad nang siya’y buhaying-muli ng Diyos. (Awit 2:7; 16:10; Isaias 55:3) Ang kaniyang mga tagapakinig ay pinaalalahanan ni Pablo na huwag tanggihan ang kaloob ng Diyos na kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo.—Habacuc 1:5, Septuagint.
6 Ang pahayag ni Pablo ay pumukaw ng interes, gaya rin ng mga pahayag pangmadla na ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. (13:42-52) Nang sumunod na Sabbath halos ang buong lunsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ni Jehova, at dahil dito’y napuspos ng inggit ang mga Judio. Aba, sa iisang linggo lamang, maliwanag na ang mga misyonero ay nakakumberte ng mas maraming mga Gentil kaysa nakumberte ng mga Judiong iyon sa buong buhay nila! Yamang may pamumusong na sinalungat ng mga Judio si Pablo, panahon na para ang espirituwal na liwanag ay sumikat sa ibang lugar, at sila’y pinagsabihan: ‘Yamang inyong itinatakuwil ang salita ng Diyos at hindi ninyo inaaring kayo’y karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan, kami’y babaling sa mga bansa.’—Isaias 49:6.
7. Papaano kumilos si Pablo at si Bernabe sa harap ng pag-uusig?
7 Ngayon ang mga Gentil ay nagsimulang mangagalak, at lahat ng mga nakahilig sa katuwiran sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan ay nagsisampalataya. Gayunman, samantalang ang salita ni Jehova ay pinalalaganap sa buong bansa inudyukan ng mga Judio ang mga babaing masisipag sa kabanalan (malamang na upang himukin ang kani-kanilang asawa o ang mga iba) at ang mga mahal na tao sa bayan upang usigin si Pablo at si Bernabe at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga hangganan. Ngunit iyan ay hindi nakapagpahinto sa mga misyonero. Basta kanilang “ipinagpag ang alabok ng kanilang mga paa laban sa kanila” at sila’y naparoon sa Iconio (modernong Konya), isang pangunahing siyudad sa Romanong lalawigan ng Galacia. (Lucas 9:5; 10:11) Bueno, kumusta naman ang mga alagad na naiwan sa Antioquia ng Pisidia? Palibhasa ay napatibay na sa pananampalataya, sila’y “patuloy na napuspos ng kagalakan at ng banal na espiritu.” Ito’y tumutulong sa atin na makitang ang pananalansang ay hindi kailangang makahadlang sa espirituwal na pag-unlad.
Matibay ang Pananampalataya sa Kabila ng Pag-uusig
8. Ano ang nangyari bilang resulta ng matagumpay na pagpapatotoo sa Iconio?
8 Si Pablo at si Bernabe mismo ay nagpatunay na matibay ang pananampalataya sa kabila ng pag-uusig. (14:1-7) Bilang tugon sa kanilang pagpapatotoo sa sinagoga sa Iconio, maraming mga Judio at mga Griego ang sumampalataya. Nang udyukan ng di-sumasampalatayang mga Judio ang mga Gentil upang magbangon laban sa mga bagong mananampalataya, ang dalawang manggagawa ay lakas-loob na nagsalita sa pamamagitan ng autoridad na galing sa Diyos, at kaniyang ipinakita ang kaniyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihan na gumawa ng mga tanda. Sa ganito’y nagdalawang-pangkat ang mga mang-uumog, ang isa’y kampi sa mga Judio at yaon namang isa’y sa mga apostol (mga sinugo). Ang mga apostol ay hindi mga duwag, ngunit nang kanilang mabalitaan na may balak na sila’y pagbabatuhin, may katalinuhan na sila’y lumisan upang mangaral sa Lycaonia, isang rehiyon ng Asia Minor sa timugang Galacia. Sa pagiging maingat, tayo man ay malimit na makapananatiling aktibo sa ministeryo sa kabila ng pananalansang.—Mateo 10:23.
9, 10. (a) Ano ang epekto sa mga tao sa Lystra ng pagpapagaling sa isang taong pilay? (b) Papaano kumilos sa Lystra si Pablo at si Bernabe?
9 Ang siyudad ng Lystra sa Lycaonia ang sumunod na binigyan ng patotoo. (14:8-18) Doon si Pablo ay nagpagaling ng isang lalaking pilay sapol nang ipinanganak. Palibhasa’y hindi batid na si Jehova ang may kagagawan ng himala, ang karamihan ay nagsigawan: “Ang mga diyos ay nagsipag-anyong tao at nagsibaba sa atin!” Yamang ito’y sinabi sa wikang Lycaonio, hindi batid ni Bernabe at ni Pablo kung ano ang nangyayari. Dahil sa si Pablo ang pangulong tagapagsalita, akala ng mga tao siya ay si Hermes (ang marikit mangusap na mensahero ng mga diyos) at inakala nila na si Bernabe ay si Zeus, ang pangunahing diyos na Griego.
10 Ang saserdote ni Zeus ay nagdala pa man din ng mga baka’t mga putong na bulaklak upang makapaghandog ng mga hain kina Pablo at Bernabe. Marahil sa pamamagitan ng paggamit ng karaniwang naiintindihang wikang Griego o paggamit ng isang interpreter, ang mga panauhin ay dagling nakapagpaliwanag na sila’y mga tao ring may mga karamdaman at na kanilang ipinangangaral ang mabuting balita upang mula sa “mga bagay na itong walang kabuluhan” (walang-buhay na mga diyos, o mga idolo) ay magsipanumbalik ang mga tao sa Diyos na buháy. (1 Hari 16:13; Awit 115:3-9; 146:6) Oo, noong nakaraan ay pinayagan ng Diyos ang mga bansa (ngunit hindi ang mga Hebreo) na lumakad ng kanilang sariling lakad, bagaman hindi nagpabayang di-magbigay-patotoo tungkol sa kaniyang sarili at sa kabutihan ‘sa pagbibigay sa kanila ng ulan at mga panahong sagana, na pinupuno ang kanilang mga puso ng pagkain at ng katuwaan.’ (Awit 147:8) Sa kabila ng ganiyang pangangatuwiran, bahagya nang napigil nina Bernabe at Pablo ang karamihan sa paghahain sa kanila. Gayunman, ang mga misyonero ay tumanggi sa pagpaparangal sa kanila bilang mga diyos, ni hindi nila ginamit ang gayong autoridad sa pagtatatag ng Kristiyanismo sa lugar na iyon. Isang magaling na halimbawa, lalo na kung tayo’y mahilig na tumanggap ng papuri ukol sa ipinahihintulot ni Jehova na magawa natin sa paglilingkod sa kaniya!
11. Ano ba ang maaari nating matutuhan buhat sa pangungusap na: “Sa pamamagitan ng maraming kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Diyos”?
11 Biglang-biglang bumangon ang pag-uusig. (14:19-28) Papaano? Palibhasa’y nahikayat ng mga Judio buhat sa Antioquia ng Pisidia at Iconio, pinagbabato ng karamihan ng mga tao si Pablo at siya’y kinaladkad hanggang sa labas ng lunsod, sa pag-aakalang siya ay patay na. (2 Corinto 11:24, 25) Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, siya’y bumangon at pumasok sa Lystra nang di-namamalayan, marahil samantalang laganap ang kadiliman. Kinabukasan, siya at si Bernabe ay naparoon sa Derbe, na kung saan may ilan na naging mga alagad. Nang muling dumalaw sa Lystra, Iconio, at Antioquia, ang mga alagad ay pinalakas ng mga misyonero, pinatibay-loob sila na manatili sa pananampalataya, at ang sabi: “Sa pamamagitan ng maraming kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Diyos.” Bilang mga Kristiyano, tayo rin ay umaasang daranas ng mga kapighatian at hindi tayo dapat umiwas sa mga iyan sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso ng ating pananampalataya. (2 Timoteo 3:12) Nang panahong iyon, ang matatanda ay hinirang sa mga kongregasyon na doon isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Galacia.
12. Nang matapos ang unang paglalakbay misyonero ni Pablo, ano ba ang ginawa ng dalawang misyonero?
12 Sa pagtahak sa Pisidia, ang salita ay sinalita ni Pablo at ni Bernabe sa Perga, isang tanyag na lunsod ng Pamphylia. Sa takdang panahon, sila’y bumalik sa Antioquia, Syria. Ngayong tapos na ang unang paglalakbay ni Pablo, ang dalawang misyonero ay nagbigay-alam sa kongregasyon ng tungkol sa “maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at na kaniyang binuksan sa mga bansa ang pintuan ng pananampalataya.” Gumugol ng panahon sa mga alagad sa Antioquia, at ito walang pagsala ay malaki ang nagawa upang sila’y tumibay sa pananampalataya. Ang mga pagdalaw ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon ay may gayunding espirituwal na ibinubunga.
Isang Mahalagang Tanong na Nalutas
13. Upang huwag mahati ang Kristiyanismo at maging bahaging Hebreo at bahaging di-Judio, ano ba ang kailangan?
13 Upang tumibay sa pananampalataya kailangan ang pagkakaisa ng kaisipan. (1 Corinto 1:10) Upang huwag mahati ang Kristiyanismo at maging bahaging Hebreo at bahaging di-Judio, ang lupong tagapamahala ay kailangang magpasiya kung ang mga Gentil na dumaragsa sa organisasyon ng Diyos ay kinakailangang sumunod sa kautusang Mosaiko at patuli. (15:1-5) May mga lalaking galing sa Judea na naglakbay na at nagtungo sa Antioquia ng Syria at nagsimulang magturo sa mga mananampalatayang Gentil na maliban sa sila’y patuli, sila ay hindi maliligtas. (Exodo 12:48) Kaya naman, si Pablo, Bernabe, at mga iba ay sinugo sa mga apostol at sa matatanda sa Jerusalem. Kahit na roon, ang mga mananampalataya na dati’y mga Fariseong palaisip sa kautusan ay nagpumilit igiit na ang mga Gentil ay kailangang patuli at sumunod sa Kautusan.
14. (a) Bagaman nagkaroon ng pagtatalo sa komperensiya sa Jerusalem, anong mabuting halimbawa ang ipinakita? (b) Ano ang pinakadiwa ng pangangatuwiran ni Pedro sa okasyong iyon?
14 Isang komperensiya ang ginanap upang tiyakin ang kalooban ng Diyos. (15:6-11) Oo, nagkaroon ng pagtatalo, ngunit wala namang nangyaring pag-aaway sa pagpapahayag ng mga lalaki ng kanilang matatatag na paniwala—isang mainam na halimbawa para sa matatanda sa ngayon! Di-nagtagal sinabi ni Pedro: ‘Minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng aking bibig ang mga Gentil [tulad baga ni Cornelio] ay makarinig ng mabuting balita at sumampalataya. Siya’y nagpatotoo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng banal na espiritu at tayo’y hindi niya itinangi sa kanila. [Gawa 10:44-47] Kaya bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng pag-aatang ng pamatok [isang obligasyon na sumunod sa Kautusan] sa kanilang batok na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi makadala? Tayo [mga Judio ayon sa laman] ay nagtitiwala na maliligtas sa pamamagitan ng di-na-sana-nararapat na awa ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman ng mga taong iyon.’ Ang pagtanggap ng Diyos sa di-tuling mga Gentil ay nagpakita na ang pagtutuli at ang pagsunod sa Kautusan ay hindi kahilingan para sa kaligtasan.—Galacia 5:1.
15. Anong saligang mga punto ang iniharap ni Santiago, at ano ang kaniyang ipinayo na isulat sa mga Kristiyanong Gentil?
15 Ang kongregasyon ay tumahimik nang magtapos si Pedro ng pagsasalita, ngunit higit pa ang masasabi. (15:12-21) Si Bernabe at si Pablo ay nagpahayag tungkol sa mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Gentil. Pagkatapos, ang tagapangulo, na kinakapatid ni Jesus na si Santiago, ay nagsabi: ‘Sinaysay na ni Simeon [pangalang Hebreo ni Pedro] kung papaano ibinaling ng Diyos sa mga bansa ang kaniyang pansin upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.’ Ipinakita ni Santiago na ang inihulang muling pagtatayo ng “tabernakulo ni David” (muling pagtatatag ng pagkahari sa angkan ni David) ay natutupad sa pagtitipon sa mga alagad ni Jesus (mga tagapagmana ng Kaharian) buhat sa kapuwa mga Judio at mga Gentil. (Amos 9:11, 12, Septuagint; Roma 8:17) Yamang ang Diyos ang may layunin nito, dapat itong tanggapin ng mga alagad. Ipinayo ni Santiago na isulat sa mga Kristiyanong Gentil na umiwas sa (1) mga bagay na pinarumi ng mga idolo, (2) pakikiapid, at (3) dugo at mga binigti. Ang mga pagbabawal na ito ay nasa mga isinulat ni Moises na binabasa sa mga sinagoga tuwing araw ng Sabbath.—Genesis 9:3, 4; 12:15-17; 35:2, 4.
16. Sa anong tatlong punto nagbibigay ng patnubay hanggang sa araw na ito ang liham ng lupong tagapamahala noong unang siglo?
16 Ang lupong tagapamahala ay nagpadala ngayon ng isang liham sa mga Kristiyanong Gentil sa Antioquia, Syria, at Cilicia. (15:22-35) Ang banal na espiritu at ang mga sumulat ng liham ay nanawagan na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo; dugo (regular na kinakain ng mga ibang tao); mga binigti na hindi pinatutulo ang dugo (para sa maraming pagano ang gayong karne ay espesyal); at pakikiapid (Griego, por·neiʹa, na tumutukoy sa seksuwal na pakikipagtalik sa labas ng maka-Kasulatang pag-aasawa). Sa gayong pag-iwas sa mga bagay na ito, sila’y uunlad sa espirituwal, gaya ng nangyayari sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon sapagkat sila’y nakasusunod sa binanggit na “kinakailangang mga bagay na ito.” Ang mga salitang “Maging malusog nawa kayo!” ay katumbas ng pagsasabing “Paalam na,” at hindi dapat manghinuha na ang mga kahilingang ito ay pangunahing may kinalaman sa mga bagay na nauukol sa kalusugan. Nang basahin sa Antioquia ang liham, ikinagalak ng kongregasyon ang pampatibay-loob na ibinigay niyaon. Nang panahong iyon, ang bayan ng Diyos sa Antioquia ay napatibay rin sa pananampalataya sa pamamagitan ng nagpapatibay-loob na mga salita ni Pablo, Silas, Bernabe, at ng mga iba pa. Harinawang tayo ay humanap din ng mga paraan upang mapatibay-loob at mapalakas ang mga kapananampalataya.
Ikalawang Paglalakbay Misyonero ang Nagsisimula
17. (a) Anong suliranin ang bumangon nang imungkahi ang ikalawang paglalakbay misyonero? (b) Papaano hinarap ni Pablo at ni Bernabe ang kanilang di-pagkakaunawaan?
17 Isang suliranin ang bumangon nang imungkahi ang ikalawang paglalakbay misyonero. (15:36-41) Iminungkahi ni Pablo na siya at si Bernabe ay muling dumalaw sa mga kongregasyon sa Cyprus at sa Asia Minor. Sumang-ayon naman si Bernabe ngunit ibig niyang maisama ang kaniyang pinsang si Marcos. Si Pablo ay hindi sang-ayon sapagkat sa Pamphylia ay iniwan sila ni Marcos. Sa ganoon, naganap ang “isang matinding silakbo ng galit.” Ngunit si Pablo ni si Bernabe man ay hindi humanap na maipagbangong-puri ang kani-kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsasangkot sa mga iba pang matatanda o sa lupong tagapamahala sa ganoong pribadong pamumuhay nila. Anong inam na halimbawa!
18. Ano ang resulta ng paghihiwalay ni Pablo at ni Bernabe, at papaano tayo makikinabang sa pangyayaring iyan?
18 Gayunman, ang di-pagkakaunawaang ito ay naging sanhi ng paghihiwalay. Si Marcos ang isinama ni Bernabe sa Cyprus. Si Pablo, na si Silas naman ang kasama, ay “tumahak sa Syria at Cilicia na pinatitibay ang mga kongregasyon.” Baka si Bernabe ay naimpluwensiyahan ng pagkakamag-anak, ngunit dapat sanang kinilala niya ang pagkaapostol ni Pablo at ang pagkapili sa kaniya bilang “isang piniling sisidlan.” (Gawa 9:15) At kumusta naman tayo? Ang pangyayaring ito ay dapat magturo sa atin ng pangangailangan na kumilala sa teokratikong autoridad at makipagtulungang lubusan sa “tapat at maingat ng alipin”!—Mateo 24:45-47.
Pag-unlad sa Kapayapaan
19. Anong halimbawa mayroon kay Timoteo ang kasalukuyang mga kabataang Kristiyano?
19 Ang di-pagkakaunawaang ito ay hindi pinayagang makaapekto sa kapayapaan ng kongregasyon. Ang bayan ng Diyos ay patuloy na napatibay sa pananampalataya. (16:1-5) Si Pablo at si Silas ay naparoon sa Derbe at nagpatuloy hanggang Lystra. Doon nakatira si Timoteo, isang anak ng Judiong mananampalatayang si Eunice at ng kaniyang di-sumasampalatayang asawang Griego. Si Timoteo noon ay bata pa, sapagkat kahit nakalipas ang 18 o 20 taon siya’y pinagsabihan pa rin: “Huwag hamakin ng sinumang tao ang iyong kabataan.” (1 Timoteo 4:12) Yamang siya’y “may mabuting patotoo ng mga kapatid sa Lystra at [mga 29 na kilometro ang layo] sa Iconio,” siya’y kilalang-kilala sa kaniyang mahusay na ministeryo at maka-Diyos na mga katangian. Ang mga kabataang Kristiyano sa ngayon ay dapat humingi ng tulong kay Jehova upang mapaunlad nila ang isang nakakatulad na mabuting pagkakilala sa kanila. Tinuli ni Pablo si Timoteo sapagkat sila’y pupunta sa mga tahanan at mga sinagoga ng mga Judio na nakababatid na isang Gentil ang ama ni Timoteo, at ibig ng apostol na walang makahadlang sa mga lalaki at mga babaing Judio na kailangang makaalam ng tungkol sa Mesiyas. Samantalang hindi nila nilalabag ang mga simulain ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay gumagawa ng lahat ng kanilang magagawa upang ang mabuting balita ay maging katanggap-tanggap sa lahat ng uri ng tao.—1 Corinto 9:19-23.
20. Ang pagtupad sa ipinagagawa ng liham ng lupong tagapamahala noong unang siglo ay nagkaroon ng anong epekto, at papaano sa palagay mo dapat makaapekto ito sa atin?
20 Kasama si Timoteo bilang isang katulong, ang mga pasiya ng lupong tagapamahala ay inihatid ni Pablo at ni Silas sa mga alagad upang ganapin nila. At ano ang naging resulta? Maliwanag na ang tinutukoy ay ang Syria, Cilicia, at Galacia, si Lucas ay sumulat: “Ang mga kongregasyon ay patuloy na tumibay sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.” Oo, ang pagtupad sa ipinagagawa ng liham ng lupong tagapamahala ay nagbunga ng pagkakaisa at espirituwal na kaunlaran. Anong inam na halimbawa para sa ating maselang na panahon, na ang bayan ni Jehova ay kailangang manatiling nagkakaisa at matibay sa pananampalataya!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano kumilos si Pablo at si Bernabe sa harap ng pag-uusig?
◻ Ano ang maaaring matutuhan buhat sa pangungusap na: “Sa pamamagitan ng maraming kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Diyos”?
◻ Anong payo ang makukuha natin buhat sa tatlong punto sa liham na ipinadala ng lupong tagapamahala noong unang siglo?
◻ Papaanong ang mga salik na nagpatibay sa pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova noong unang siglo ay kumakapit sa atin ngayon?