PABLO
[Munti; Maliit].
Isang Israelita na mula sa tribo ni Benjamin at isang apostol ni Jesu-Kristo. (Efe 1:1; Fil 3:5) Bagaman marahil ay taglay niya kapuwa ang pangalang Hebreo na Saul at ang pangalang Romano na Pablo mula sa pagkabata (Gaw 9:17; 2Pe 3:15), maaaring pinili ng apostol na ito na tawagin siya sa kaniyang pangalang Romano dahil sa kaniyang atas na ipahayag ang mabuting balita sa mga di-Judio.—Gaw 9:15; Gal 2:7, 8.
Ipinanganak si Pablo sa Tarso, isang prominenteng lunsod ng Cilicia. (Gaw 21:39; 22:3) Ang kaniyang mga magulang ay mga Hebreo at maliwanag na nanghahawakan sa Pariseong sanga ng Judaismo. (Gaw 23:6; Fil 3:5) Siya ay isang mamamayang Romano mula sa kaniyang kapanganakan (Gaw 22:28), anupat maaaring ang kaniyang ama ay pinagkalooban ng pagkamamamayan dahil sa ginawa nitong mga paglilingkod. Malamang na natutuhan ni Pablo ang hanapbuhay na paggawa ng tolda mula sa kaniyang ama. (Gaw 18:3) Ngunit, sa Jerusalem, nag-aral siya sa ilalim ng dalubhasang Pariseo na si Gamaliel, na nagpapahiwatig na si Pablo ay nagmula sa isang prominenteng pamilya. (Gaw 22:3; 5:34) Kung tungkol sa wikang sinasalita niya, bihasa si Pablo sa Griego at Hebreo. (Gaw 21:37-40) Noong naglalakbay si Pablo bilang misyonero, siya ay walang asawa. (1Co 7:8) Noong mga panahong iyon, kung hindi man mas maaga pa, mayroon siyang kapatid na babae at pamangking lalaki na naninirahan sa Jerusalem.—Gaw 23:16-22.
Nagkapribilehiyo ang apostol na si Pablo na sumulat ng mas maraming aklat, o mga liham, ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kaysa kaninuman. Binigyan siya ng mga kahima-himalang pangitain (2Co 12:1-5) at sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nakapagsalita siya ng maraming wikang banyaga.—1Co 14:18.
Pang-uusig, Pagkakumberte, Maagang Bahagi ng Ministeryo. Ipinakikilala ng ulat ng Bibliya si Saul, o Pablo, bilang ang “kabataang lalaki” na sa kaniyang paanan ay inilapag ng mga bulaang saksi na bumato sa alagad ni Kristo na si Esteban ang kanilang mga panlabas na kasuutan. (Gaw 6:13; 7:58) Sinang-ayunan ni Pablo ang pagpaslang kay Esteban at dahil sa maling sigasig sa tradisyon, pinasimulan niya ang isang kampanya ng malupit na pag-uusig sa mga tagasunod ni Kristo. Kapag papatayin na ang mga ito, bumoboto siya laban sa mga ito. Sa panahon ng paglilitis sa mga ito sa mga sinagoga, sinisikap niyang pilitin ang mga ito na itakwil ang kanilang pananampalataya. Pinaabot niya ang kaniyang pang-uusig hanggang sa ibang mga lunsod bukod pa sa Jerusalem at kumuha pa siya ng nakasulat na awtorisasyon mula sa mataas na saserdote upang hanapin ang mga alagad ni Kristo hanggang sa H sa Damasco, sa Sirya, at upang gapusin ang mga ito at dalhin ang mga ito sa Jerusalem, malamang na upang litisin ng Sanedrin.—Gaw 8:1, 3; 9:1, 2; 26:10, 11; Gal 1:13, 14.
Habang papalapit si Pablo sa Damasco, isiniwalat ni Kristo Jesus ang kaniyang sarili kay Pablo sa isang maningning na liwanag at inatasan niya ito na maging isang tagapaglingkod at isang saksi ng mga bagay na nakita at makikita pa nito. Bagaman ang mga kasama ni Pablo ay nabuwal din sa lupa dahil sa paghahayag na ito at narinig din nila ang tinig ng isang nagsasalita, si Pablo lamang ang nakaunawa sa mga salita at nabulag, anupat kinailangan siyang akayin sa kamay patungong Damasco. (Gaw 9:3-8; 22:6-11; 26:12-18) Sa loob ng tatlong araw ay hindi siya kumain ni uminom man. Pagkatapos, habang nananalangin sa bahay ng isang Hudas sa Damasco, nakita ni Pablo sa isang pangitain ang alagad ni Kristo na si Ananias na pumasok at nagpanauli ng kaniyang paningin. Nang magkatotoo ang pangitain, si Pablo ay nabautismuhan, tumanggap ng banal na espiritu, kumain, at lumakas.—Gaw 9:9-19.
Iniuulat ng Gawa 9:20-25 ang paggugol ni Pablo ng panahon kasama ng mga alagad sa Damasco at ang “kaagad” na pagsisimula niyang mangaral sa mga sinagoga roon. Inilalahad nito ang kaniyang gawaing pangangaral hanggang noong mapilitan siyang lisanin ang Damasco dahil sa pakana ng mga Judio na patayin siya. Sa kabilang dako, binabanggit ng liham ni Pablo sa mga taga-Galacia na siya ay nagtungo sa Arabia pagkaraan niyang makumberte at pagkatapos ay bumalik siya sa Damasco. (Gal 1:15-17) Hindi posibleng matiyak kung kailan nagpunta si Pablo sa Arabia ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring ito.
Maaaring pumaroon agad si Pablo sa Arabia pagkaraan niyang makumberte upang bulay-bulayin ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. Kung gayon nga, ang paggamit ni Lucas ng salitang “kaagad” ay mangangahulugan na kaagad na pinasimulan ni Pablo ang kaniyang pangangaral nang makabalik na siya sa Damasco at makasama ang mga alagad doon. Gayunman, sa Galacia 1:17, maliwanag na ang puntong idiniriin ni Pablo ay na hindi siya kaagad umahon patungong Jerusalem, na ang tanging lugar sa labas ng Damasco na kaniyang pinaroonan noong mga panahong iyon ay ang Arabia. Kaya ang paglalakbay patungong Arabia ay maaaring hindi naman kaagad na nangyari pagkaraan niyang makumberte. Maaaring gumugol muna si Pablo ng ilang araw sa Damasco at agad na gumawa ng pangmadlang pagtatakwil sa kaniyang dating landasin ng pagsalansang sa pamamagitan ng pagpapahayag niya ng pananampalataya kay Kristo sa mga sinagoga. Pagkatapos nito, maaaring naglakbay siya patungong Arabia (hindi binanggit sa ulat kung bakit) at nang makabalik siya ay ipinagpatuloy niya ang pangangaral sa Damasco, anupat naging masigasig sa paggawa nito hanggang sa magpakana ang mga mananalansang na patayin siya. Ang dalawang ulat ay kapupunan ng bawat isa sa halip na magkasalungat, at ang tanging palaisipan ay ang eksaktong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, na hindi naman nilinaw.
Pagdating sa Jerusalem (marahil noong 36 C.E.; ang tatlong taon na binanggit sa Galacia 1:18 ay posibleng nangangahulugang mga bahagi ng tatlong taon), nasumpungan ni Pablo na hindi naniniwala ang mga kapatid doon na siya ay isang alagad. Gayunman, “tinulungan siya ni Bernabe at dinala siya sa mga apostol,” maliwanag na kina Pedro at ‘Santiago na kapatid ng Panginoon.’ (Si Santiago, bagaman hindi kabilang sa 12, ay maaaring tukuyin na isang apostol dahil gayon ang katayuan niya para sa kongregasyon sa Jerusalem.) Sa loob ng 15 araw si Pablo ay namalaging kasama ni Cefas (Pedro). Habang nasa Jerusalem, nagsalita si Pablo nang may tapang sa pangalan ni Jesus. Nang malaman ng mga kapatid na dahil dito ay tinatangka ng mga Judiong nagsasalita ng Griego na patayin si Pablo, “dinala nila siya sa Cesarea at pinayaon siya patungo sa Tarso.”—Gaw 9:26-30; Gal 1:18-21.
Lumilitaw na si Pablo (noong mga 41 C.E.) ay nagkapribilehiyong makaranas ng isang kahima-himalang pangitain na parang totoong-totoo anupat hindi niya alam kung iyon ay sa katawan man o kung sa labas ng katawan nang agawin siya tungo sa “ikatlong langit.” Ang “ikatlong langit” ay waring tumutukoy sa walang-kapantay na pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian.—2Co 12:1-4.
Nang maglaon, dinala ni Bernabe si Saul mula sa Tarso upang tumulong sa gawain sa Antioquia sa gitna ng mga taong nagsasalita ng Griego. Noong mga 46 C.E., pagkaraan ng isang taóng pagpapagal sa Antioquia, isinugo ng kongregasyon sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem taglay ang tulong bilang paglilingkod para sa mga kapatid doon. (Gaw 11:22-30) Bumalik sila sa Antioquia kasama si Juan Marcos. (Gaw 12:25) Pagkatapos nito, ipinag-utos ng banal na espiritu na ibukod sina Pablo at Bernabe para sa pantanging gawain.—Gaw 13:1, 2.
Unang Paglalakbay Bilang Misyonero. (MAPA, Tomo 2, p. 747) Bilang pagsunod sa utos ng espiritu, sinimulan ni Pablo ang kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero (mga 47-48 C.E.) kasama si Bernabe at si Juan Marcos bilang kanilang tagapaglingkod. Paglulan mula sa Seleucia, ang daungang-dagat ng Antioquia, naglayag sila patungong Ciprus. Sa mga sinagoga sa Salamis, sa S baybayin ng Ciprus, sinimulan nilang “ipahayag ang salita ng Diyos.” Tinawid nila ang pulo at nakarating sa Pafos sa K baybayin. Doon tinangkang salansangin ng manggagaway na si Elimas ang patotoong ibinigay nila sa proconsul na si Sergio Paulo. Dahil dito ay pinasapitan ni Pablo ng pansamantalang pagkabulag si Elimas. Palibhasa’y lubhang namangha sa nangyari, si Sergio Paulo ay naging isang mananampalataya.—Gaw 13:4-12.
Mula sa Pafos, si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay naglayag patungong Asia Minor. Pagdating nila sa Perga sa Romanong probinsiya ng Pamfilia, iniwan sila ni Juan Marcos at bumalik ito sa Jerusalem. Ngunit humayo sina Pablo at Bernabe nang pahilaga patungong Antioquia sa Pisidia. Bagaman nakasumpong sila roon ng maraming interesado, nang dakong huli ay itinapon sila sa labas ng lunsod dahil sa sulsol ng mga Judio. (Gaw 13:13-50) Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob, naglakbay sila nang patimog-silangan patungong Iconio, kung saan inudyukan din ng mga Judio ang mga pulutong laban sa kanila. Nang malaman nina Pablo at Bernabe na may pagtatangkang batuhin sila, tumakas sila patungong Listra sa rehiyon ng Licaonia. Matapos pagalingin ni Pablo ang isang lalaking pilay mula pa nang kapanganakan nito, inakala ng taong-bayan ng Listra na sina Pablo at Bernabe ay mga diyos na nagkatawang-tao. Ngunit nang maglaon, ibinaling ng mga Judiong nagmula sa Iconio at sa Antioquia ng Pisidia ang mga pulutong laban kay Pablo anupat binato siya ng mga iyon at kinaladkad ang kaniyang katawan sa labas ng lunsod, sa pag-aakalang patay na siya. Gayunman, nang palibutan siya ng mga kapuwa Kristiyano, bumangon si Pablo at pumasok sa Listra. Nang sumunod na araw ay umalis sila ni Bernabe patungong Derbe. Pagkatapos na gumawa ng maraming alagad doon, bumalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia (sa Pisidia), anupat pinalakas at pinatibay-loob ang mga kapatid at humirang ng matatanda upang maglingkod sa mga kongregasyong itinatag sa mga lugar na ito. Nang maglaon, nangaral sila sa Perga at pagkatapos ay naglayag mula sa daungang-dagat ng Atalia patungong Antioquia ng Sirya.—Gaw 13:51–14:28.
Usapin ng Pagtutuli. May ilang lalaki mula sa Judea na pumaroon sa Antioquia (noong mga 49 C.E.), na naggigiit na ang mga di-Judio ay kailangang tuliin bilang pagsunod sa Kautusang Mosaiko upang sila ay maligtas. Tinutulan ito nina Pablo at Bernabe. Ngunit bagaman si Pablo ay isang apostol, hindi siya nangahas na lutasin ang bagay na iyon sa sarili niyang awtoridad. Sa halip, pumaroon siya sa Jerusalem, kasama sina Bernabe, Tito, at iba pa, upang iharap ang usapin sa mga apostol at matatandang lalaki ng kongregasyon doon. Ang naging pasiya ay na hindi kahilingan ang pagtutuli para sa mga mananampalatayang Gentil ngunit dapat silang manatiling malaya mula sa idolatriya, sa pagkain at pag-inom ng dugo, at sa seksuwal na imoralidad. Bukod sa paglalaan ng isang liham na nagsasaad ng pasiyang ito, isinugo ng mga kapatid sa kongregasyon sa Jerusalem sina Hudas at Silas sa Antioquia bilang kanilang mga kinatawan upang linawin ang bagay na ito. Gayundin, sa isang pakikipag-usap kina Pedro (Cefas), Juan, at sa alagad na si Santiago, napagkasunduan na sina Pablo at Bernabe ay dapat na magpatuloy sa pangangaral sa di-tuling mga Gentil.—Gaw 15:1-29; Gal 2:1-10.
Ilang panahon pagkaraan nito, personal na pumaroon si Pedro sa Antioquia ng Sirya at nakisama sa mga Kristiyanong Gentil. Ngunit, nang dumating ang ilang Judio mula sa Jerusalem, maliwanag na nagpadala siya sa takot sa mga tao at lumayo sa mga di-Judio, sa gayon ay gumawi nang salungat sa patnubay ng espiritu na ang mga pagkakaiba sa laman ay hindi na mahalaga sa Diyos. Maging si Bernabe ay napadala sa ganitong paggawi. Nang mapansin ito, lakas-loob na sinaway ni Pablo si Pedro nang hayagan, yamang ang kaniyang paggawi ay hindi nakabubuti sa pagsulong ng Kristiyanismo.—Gal 2:11-14.
Ikalawang Paglalakbay Bilang Misyonero. (MAPA, Tomo 2, p. 747) Nang maglaon, naisip nina Pablo at Bernabe na dalawin ang mga kapatid sa mga lunsod kung saan sila nangaral noong una silang maglakbay bilang mga misyonero. Dahil sa isang pagtatalo tungkol sa kung dapat bang isama si Juan Marcos, gayong iniwan sila nito noong unang pagkakataon, sina Pablo at Bernabe ay naghiwalay. Sa gayon ay pinili ni Pablo si Silas (Silvano) at naglakbay sa Sirya at pagkatapos ay sa Asia Minor (mga 49-52 C.E.). Maliwanag na sa Listra, isinaayos ni Pablo na makasama niya ang kabataang lalaki na si Timoteo at tinuli rin niya ito. (Gaw 15:36–16:3) Bagaman ang pagtutuli ay hindi kahilingan sa mga Kristiyano, kung mananatiling di-tuli ang mestisong Judio na si Timoteo, tiyak na hindi magiging maganda ang pagtanggap ng mga Judio sa pangangaral ni Pablo. Sa gayon, nang alisin ni Pablo ang posibleng hadlang na ito, kumilos siya kaayon ng isinulat niya nang dakong huli sa mga taga-Corinto: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio.”—1Co 9:20.
Isang gabi sa Troas sa Dagat Aegeano, si Pablo ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa isang lalaking taga-Macedonia na namamanhik sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” Yamang ipinalagay nila na ito ay kalooban ng Diyos, si Pablo at ang kaniyang mga kasamahang misyonero, kasama si Lucas na manggagamot, ay naglayag patungong Macedonia sa Europa. Sa Filipos, ang pangunahing lunsod ng Macedonia, si Lydia at ang kaniyang sambahayan ay naging mga mananampalataya. Nang palayasin ni Pablo ang demonyong nagbibigay ng kapangyarihang manghula sa isang batang babae, siya at si Silas ay ibinilanggo. Ngunit napalaya sila dahil sa isang lindol, at ang tagapagbilanggo at ang sambahayan niya ay naging mga Kristiyano. Sa kahilingan ni Pablo, salig sa kaniyang pagkamamamayang Romano, personal na pumaroon ang mga mahistrado sibil upang ilabas ang apostol at si Silas mula sa bilangguan. Matapos patibaying-loob ang mga kapatid, si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay naglakbay na dumaraan sa Amfipolis at Apolonia patungong Tesalonica. Isang kongregasyon ng mga mananampalataya ang nabuo roon. Gayunman, ang naninibughong mga Judio ay nagsulsol ng kaguluhan laban kay Pablo. Dahil dito, sila ni Silas ay pinayaon ng mga kapatid patungong Berea. Marami rin ang naging mga mananampalataya roon, ngunit dahil sa kaguluhang nilikha ng mga Judio mula sa Tesalonica ay napilitang umalis si Pablo.—Gaw 16:8–17:14.
Inihatid ng mga kapatid ang apostol sa Atenas. Ang pangangaral niya sa pamilihan doon ay humantong sa pagdadala sa kaniya sa Areopago. Ang kaniyang pagtatanggol ay nagpakilos kay Dionisio, isa sa mga hukom ng hukumang nagtitipon doon, at sa iba pa upang tanggapin ang Kristiyanismo. (Gaw 17:15-34) Sumunod ay pumaroon si Pablo sa Corinto, kung saan nakipanuluyan siya sa isang mag-asawang Judio, sina Aquila at Priscila, at nagtrabahong kasama nila nang pana-panahon bilang manggagawa ng tolda. Lumilitaw na sa Corinto isinulat ni Pablo ang kaniyang dalawang liham sa mga taga-Tesalonica. Pagkatapos na magturo sa Corinto sa loob ng isa at kalahating taon at magtatag ng kongregasyon doon, inakusahan siya ng mga Judio sa harap ni Galio. Ngunit pinawalang-saysay ni Galio ang kaso. (Gaw 18:1-17) Nang maglaon ay naglayag si Pablo patungong Cesarea, ngunit tumigil muna sa Efeso at nangaral doon. Mula sa Cesarea, ang apostol ay ‘umahon at binati ang kongregasyon,’ na tiyak na tumutukoy sa kongregasyon sa Jerusalem, at pagkatapos ay pumaroon sa Antioquia ng Sirya. (Gaw 18:18-22) Posibleng noong nasa Corinto pa si Pablo o marahil noong siya’y makarating na sa Antioquia ng Sirya, isinulat niya ang kaniyang liham sa mga taga-Galacia.
Ikatlong Paglalakbay Bilang Misyonero. (MAPA, Tomo 2, p. 747) Noong kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero (mga 52-56 C.E.), muling dinalaw ni Pablo ang Efeso at nagpagal doon nang mga tatlong taon. Mula sa Efeso ay isinulat niya ang kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto at lumilitaw na isinugo niya si Tito upang tumulong sa mga Kristiyano roon. Pagkatapos ng isang kaguluhang isinulsol ng panday-pilak na si Demetrio laban sa kaniya, lumisan si Pablo sa Efeso at nagtungo sa Macedonia. Pagkatapos makatanggap ng balita mula sa Corinto sa pamamagitan ni Tito, isinulat ni Pablo, na nasa Macedonia, ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto. Bago lumisan sa Europa taglay ang abuloy mula sa mga kapatid sa Macedonia at Acaya para sa nagdarahop na mga Kristiyano sa Jerusalem, at malamang na noong siya ay nasa Corinto, isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Roma.—Gaw 19:1–20:4; Ro 15:25, 26; 2Co 2:12, 13; 7:5-7.
Noong papunta na siya sa Jerusalem, nagdiskurso si Pablo sa Troas at binuhay niyang muli si Eutico na namatay sa aksidente. Tumigil din siya sa Mileto, kung saan siya nakipagkita sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Efeso, sinariwa sa kanila ang kaniyang sariling ministeryo sa distrito ng Asia, at pinatibay-loob sila na tularan ang kaniyang halimbawa.—Gaw 20:6-38.
Pagkaaresto. Habang nagpapatuloy si Pablo sa kaniyang paglalakbay, ang mga propetang Kristiyano na kaniyang nadaanan ay humula na may mga gapos na naghihintay sa kaniya sa Jerusalem. (Gaw 21:4-14; ihambing ang 20:22, 23.) Natupad ang kanilang mga hula. Habang nasa templo si Pablo upang maglinis ng kaniyang sarili sa seremonyal na paraan, ang mga Judio mula sa Asia ay nagsulsol ng marahas na pang-uumog laban sa kaniya, ngunit iniligtas siya ng mga kawal na Romano. (Gaw 21:26-33) Habang papaakyat ng hagdan patungo sa kuwartel ng mga kawal, humingi si Pablo ng pahintulot na magsalita sa mga Judio. Nang sandaling banggitin niya ang kaniyang atas na mangaral sa mga Gentil, muling sumiklab ang karahasan. (Gaw 21:34–22:22) Sa loob ng kuwartel ng mga kawal, iniunat si Pablo upang hampasin sa pagsisikap na matiyak kung ano ang kaniyang pagkakasala. Napigilan ito ng apostol nang sabihin niyang siya ay mamamayang Romano. Nang sumunod na araw, ang kaso ni Pablo ay dinala sa Sanedrin. Lumilitaw na nang mapagtanto niyang hindi siya mabibigyan ng makatarungang pagdinig, sinikap ni Pablo na gawing usapin sa kaniyang kaso ang pagkabuhay-muli upang lumikha ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga Pariseo at mga Saduceo. Yamang naniniwala siya sa pagkabuhay-muli at “isang anak ng mga Pariseo,” nagpakilala si Pablo bilang isang Pariseo at sa gayon ay nagawa niyang pag-awayin ang mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli, at ang mga Pariseo.—Gaw 22:23–23:10.
Dahil sa isang pakana laban sa bilanggong si Pablo, kinailangan siyang ilipat mula sa Jerusalem tungo sa Cesarea. Pagkaraan ng ilang araw, ang mataas na saserdoteng si Ananias, ang ilan sa matatandang lalaki ng mga Judio, at ang orador na si Tertulo ay pumaroon sa Cesarea upang isampa ang kanilang kaso laban kay Pablo sa harap ni Gobernador Felix, anupat inakusahan si Pablo ng panunulsol ng sedisyon at pagtatangkang lapastanganin ang templo. Ipinakita ng apostol na walang katibayang sumusuporta sa kanilang mga paratang laban sa kaniya. Ngunit palibhasa’y umaasa si Felix na bibigyan siya ng suhol, pinanatili niyang nakakulong si Pablo nang dalawang taon. Nang si Felix ay halinhan ni Festo, muling iniharap ng mga Judio ang kanilang mga paratang. Ang kaso ay muling dininig sa Cesarea, at upang hindi ilipat sa Jerusalem ang paglilitis, umapela si Pablo kay Cesar. Nang maglaon, matapos ilahad ang kaniyang kaso sa harap ni Haring Herodes Agripa II, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinadala sa Roma noong mga 58 C.E.—Gaw 23:12–27:1.
Una at Ikalawang Pagkakabilanggo sa Roma. Habang papunta roon, ang barkong sinasakyan ni Pablo at ng mga kasama niya ay nawasak sa pulo ng Malta. Matapos magpalipas doon ng taglamig, sa wakas ay nakarating sila sa Roma. (MAPA, Tomo 2, p. 750) Pinahintulutan si Pablo na manirahan sa kaniyang sariling bahay na inuupahan, bagaman mayroon siyang bantay na kawal. Di-nagtagal pagkarating niya, nagsaayos si Pablo ng pakikipagtipon sa mga pangunahing lalaki ng mga Judio. Ngunit iilan lamang ang naniwala. Patuloy na nangaral ang apostol sa lahat ng pumaparoon sa kaniya sa loob ng dalawang taon, mula noong mga 59 hanggang 61 C.E. (Gaw 27:2–28:31) Noong panahong iyon ay isinulat din niya ang kaniyang mga liham sa mga taga-Efeso (4:1; 6:20), mga taga-Filipos (1:7, 12-14), mga taga-Colosas (4:18), kay Filemon (tal 9), at maliwanag na yaon ding sa mga Hebreo. (LARAWAN, Tomo 2, p. 750) Lumilitaw na ipinahayag ni Cesar Nero na si Pablo ay walang-sala at pinalaya ito. Maliwanag na ipinagpatuloy ni Pablo ang kaniyang gawaing pagmimisyonero, kasama sina Timoteo at Tito. Matapos niyang iwan si Timoteo sa Efeso at si Tito sa Creta, si Pablo, na malamang na nasa Macedonia na noon, ay sumulat ng mga liham sa kanila may kaugnayan sa kanilang mga tungkulin. (1Ti 1:3; Tit 1:5) Hindi alam kung nakaabot sa Espanya ang gawain ng apostol bago ang huling pagkakabilanggo niya sa Roma. (Ro 15:24) Noong panahon ng pagkakabilanggong iyon (mga 65 C.E.) ay isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, kung saan ipinahiwatig niya na malapit na siyang mamatay. (2Ti 4:6-8) Di-nagtagal pagkatapos nito, malamang na namatay si Pablo bilang martir sa mga kamay ni Nero.
Isang Halimbawa na Karapat-dapat Tularan. Dahil sa katapatan niya sa pagtulad sa halimbawa ni Kristo, masasabi ng apostol na si Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa akin.” (1Co 4:16; 11:1; Fil 3:17) Naging alisto si Pablo sa pagsunod sa pag-akay ng espiritu ng Diyos. (Gaw 13:2-5; 16:9, 10) Hindi siya naging tagapaglako ng Salita ng Diyos, kundi nagsalita dahil sa kataimtiman. (2Co 2:17) Bagaman edukado, hindi sinikap ni Pablo na pahangain ang iba sa kaniyang pananalita (1Co 2:1-5) ni ninais man niyang palugdan ang mga tao. (Gal 1:10) Hindi niya iginiit na gawin ang mga bagay na may karapatan siyang gawin, kundi nakibagay siya sa mga tao na kaniyang pinangaralan, at nag-ingat na hindi makatisod sa iba.—1Co 9:19-26; 2Co 6:3.
Noong panahon ng kaniyang ministeryo, naging masigasig si Pablo, anupat naglakbay nang libu-libong milya sa dagat at sa lupa, na nagtatatag ng maraming kongregasyon sa Europa at Asia Minor. Kaya hindi niya kinailangan ang mga liham ng rekomendasyon na isinulat sa pamamagitan ng tinta, kundi sa halip ay maaari niyang itawag-pansin ang buháy na mga liham, mga taong naging mananampalataya dahil sa kaniyang mga pagsisikap. (2Co 3:1-3) Gayunma’y mapagpakumbaba niyang kinilala na siya ay isang alipin (Fil 1:1) na may pananagutang ipahayag ang mabuting balita. (1Co 9:16) Hindi niya inangkin ang anumang kapurihan, kundi ibinigay ang lahat ng karangalan sa Diyos bilang Siyang dahilan ng paglago (1Co 3:5-9) at Siyang nagpangyari sa kaniya na maging lubusang kuwalipikado para sa ministeryo. (2Co 3:5, 6) Lubhang pinahalagahan ng apostol ang kaniyang ministeryo, anupat niluwalhati ito at kinilalang ito ay tinaglay niya dahil sa awa ng Diyos at ng kaniyang Anak. (Ro 11:13; 2Co 4:1; 1Ti 1:12, 13) Sumulat siya kay Timoteo: “Ang dahilan kung bakit ako pinagpakitaan ng awa ay upang sa pamamagitan ko bilang pangunahing halimbawa ay maipakita ni Kristo Jesus ang lahat ng kaniyang mahabang pagtitiis bilang isang uliran niyaong mga maglalagak ng kanilang pananampalataya sa kaniya ukol sa buhay na walang hanggan.”—1Ti 1:16.
Dahil sa dati siyang mang-uusig ng mga Kristiyano, hindi itinuring ni Pablo na siya’y nararapat tawaging apostol at kinilala niya na naging apostol lamang siya dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Palibhasa’y nababahala na baka mawalan ng kabuluhan ang paggagawad sa kaniya ng di-sana-nararapat na kabaitang ito, nagpagal si Pablo nang labis kaysa sa iba pang mga apostol. Gayunma’y natanto niya na tanging sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos kung kaya niya nagawang tuparin ang kaniyang ministeryo. (1Co 15:9, 10) “Sa lahat ng bagay,” ang sabi ni Pablo, “ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Fil 4:13) Siya ay nagbata ng maraming bagay ngunit hindi nagreklamo. Nang inihahambing niya ang kaniyang mga karanasan sa mga karanasan ng iba, isinulat niya (mga 55 C.E.): “Sa mga pagpapagal ay lalong sagana, sa mga bilangguan ay lalong malimit, sa mga hampas ay labis-labis, sa bingit ng kamatayan ay madalas. Mula sa mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hampas na kulang ng isa, tatlong ulit akong hinampas ng mga pamalo, minsan akong binato, tatlong ulit akong nakaranas ng pagkawasak ng barko, isang gabi at isang araw ang ginugol ko sa kalaliman; sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga panganib sa mga ilog, sa mga panganib sa mga tulisan, sa mga panganib sa sarili kong kalahi, sa mga panganib sa mga bansa, sa mga panganib sa lunsod, sa mga panganib sa ilang, sa mga panganib sa dagat, sa mga panganib sa gitna ng mga bulaang kapatid, sa pagtatrabaho at pagpapagal, sa mga gabing walang tulog ay madalas, sa gutom at uhaw, sa pag-iwas sa pagkain ay maraming ulit, sa ginaw at kahubaran. Bukod pa sa mga bagay na iyon na panlabas, may dumaragsa sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon.” (2Co 11:23-28; 6:4-10; 7:5) Bukod sa lahat ng ito at sa marami pang iba noong sumunod na mga taon, kinailangang makipagpunyagi ni Pablo sa “isang tinik sa laman” (2Co 12:7), posibleng isang sakit sa kaniyang mga mata o iba pang uri ng sakit.—Ihambing ang Gaw 23:1-5; Gal 4:15; 6:11.
Palibhasa’y di-sakdal, nakaranas si Pablo ng patuloy na paglalabanan sa pagitan ng kaniyang pag-iisip at ng makasalanang laman. (Ro 7:21-24) Ngunit hindi siya sumuko. Sinabi niya: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.” (1Co 9:27) Pinanatili ni Pablo sa harap niya ang maluwalhating gantimpala ng imortal na buhay sa langit. Itinuring niya na walang anuman ang lahat ng pagdurusa kung ihahambing sa kaluwalhatiang tatanggapin bilang gantimpala sa katapatan. (Ro 8:18; Fil 3:6-14) Sa gayon, maliwanag na bago pa siya mamatay, naisulat ni Pablo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran.”—2Ti 4:7, 8.
Bilang isang kinasihang apostol, si Pablo ay may awtoridad na mag-utos, at gayon nga ang ginawa niya (1Co 14:37; 16:1; Col 4:10; 1Te 4:2, 11; ihambing ang 1Ti 4:11), ngunit mas pinili niyang magsumamo sa mga kapatid salig sa pag-ibig, na namanhik sa kanila sa pamamagitan ng “habag ng Diyos” at ayon sa “kahinahunan at kabaitan ng Kristo.” (Ro 12:1; 2Co 6:11-13; 8:8; 10:1; Flm 8, 9) Siya ay naging banayad at nagpahayag ng magiliw na pagmamahal sa kanila, na nagpayo at nang-aliw sa kanila tulad ng isang ama. (1Te 2:7, 8, 11, 12) Bagaman may karapatan siyang tumanggap ng materyal na suporta mula sa mga kapatid, pinili niyang magtrabaho na ginagamit ang kaniyang mga kamay upang hindi maging isang magastos na pasanin. (Gaw 20:33-35; 1Co 9:18; 1Te 2:6, 9) Dahil dito, isang malapít na buklod ng pagmamahal na pangkapatid ang umiral sa pagitan ni Pablo at niyaong mga pinaglingkuran niya. Ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon sa Efeso ay lubhang nasaktan at napaluha nang malaman na baka hindi na nila makikita ang kaniyang mukha. (Gaw 20:37, 38) Labis-labis na ikinabahala ni Pablo ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano at ninais niyang gawin ang buo niyang makakaya upang tulungan silang gawing tiyak ang kanilang makalangit na pagkatawag. (Ro 1:11; 15:15, 16; Col 2:1, 2) Palagi niya silang naalaala sa kaniyang mga panalangin (Ro 1:8, 9; 2Co 13:7; Efe 3:14-19; Fil 1:3-5, 9-11; Col 1:3, 9-12; 1Te 1:2, 3; 2Te 1:3) at hiniling niyang ipanalangin din nila siya. (Ro 15:30-32; 2Co 1:11) Naging pampatibay-loob sa kaniya ang pananampalataya ng mga kapuwa Kristiyano. (Ro 1:12) Sa kabilang dako naman, naging matatag si Pablo sa kung ano ang tama at hindi nag-atubiling ituwid maging ang isang kapuwa apostol nang kailanganin iyon para sa ikasusulong ng mabuting balita.—1Co 5:1-13; Gal 2:11-14.
Si Pablo ba ay isa sa 12 apostol?
Bagaman matibay ang kaniyang pananalig at mga patotoo may kinalaman sa pagka-apostol niya, hindi kailanman ibinilang ni Pablo ang kaniyang sarili sa “labindalawa.” Bago ang Pentecostes, bilang resulta ng maka-Kasulatang paghimok ni Pedro, ang kapulungang Kristiyano ay humanap ng kapalit ng di-tapat na si Hudas Iscariote. Dalawang alagad ang pinili bilang mga kandidato, marahil ay sa pamamagitan ng pagboto ng mga lalaking miyembro ng kapulungan (yamang nagsalita si Pedro sa “Mga lalaki, mga kapatid”; Gaw 1:16). Pagkatapos ay nanalangin sila sa Diyos na Jehova (ihambing ang Gaw 1:24 sa 1Sa 16:7; Gaw 15:7, 8) na Siya ang dapat magtalaga kung sino sa dalawa ang pinili niya upang maging kapalit ng di-tapat na apostol. Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila at “ang palabunot ay napunta kay Matias.”—Gaw 1:15-26; ihambing ang Kaw 16:33.
Walang dahilan upang mag-alinlangan na si Matias ang pinili ng Diyos. Totoo, nang makumberte si Pablo, naging napakaprominente niya at nahigitan ng kaniyang mga pagpapagal yaong sa lahat ng iba pang mga apostol. (1Co 15:9, 10) Gayunman, walang anumang nagpapatunay na si Pablo mismo ay patiunang itinalaga sa pagka-apostol anupat ang Diyos, sa diwa, ay hindi kumilos ayon sa panalangin ng kapulungang Kristiyano, pinanatiling bakante ang puwestong iniwan ni Hudas hanggang sa makumberte si Pablo, at sa gayon ay itinuring na sariling kagustuhan lamang ng kapulungang Kristiyano ang paghirang kay Matias. Sa kabaligtaran, may matibay na ebidensiya na si Matias ay isang kapalit na hinirang ng Diyos.
Noong Pentecostes, ang pagbubuhos ng banal na espiritu ay nagbigay sa mga apostol ng natatanging mga kapangyarihan. Sila lamang ang ipinakitang nakapagpatong ng mga kamay sa mga bagong bautisado at nakapagbahagi sa mga ito ng makahimalang mga kaloob ng espiritu. (Tingnan ang APOSTOL [Makahimalang mga kapangyarihan].) Kung hindi talaga si Matias ang pinili ng Diyos, ang kawalan niya ng kakayahang gawin ito ay napansin sana ng lahat. Ipinakikita ng ulat na hindi ganito ang nangyari. Si Lucas, ang manunulat ng Mga Gawa, ay kasamahan ni Pablo sa paglalakbay at sa ilang partikular na gawain, at sa gayon ang aklat ng Mga Gawa ay tiyak na nagpapahiwatig at kaayon ng sariling pangmalas ni Pablo sa mga bagay-bagay. Tinutukoy ng aklat na iyon ang “labindalawa” bilang siyang nag-atas sa pitong lalaki na mag-aasikaso ng suliranin ng pamamahagi ng pagkain. Naganap ito pagkaraan ng Pentecostes ng 33 C.E. ngunit bago makumberte si Pablo. Kaya si Matias ay kinikilala rito bilang isa sa “labindalawa,” at nakibahagi siya sa iba pang mga apostol sa pagpapatong ng mga kamay sa pito na hinirang.—Gaw 6:1-6.
Kung gayon, kaninong pangalan ang makikitang kasama niyaong mga nasa “labindalawang batong pundasyon” ng Bagong Jerusalem sa pangitain ni Juan—kay Matias o kay Pablo? (Apo 21:2, 14) Batay sa isang paraan ng pangangatuwiran, malamang na kay Pablo. Napakalaki ng naitulong niya sa kongregasyong Kristiyano dahil sa kaniyang ministeryo at lalo na dahil sa pagsulat niya ng malaking bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (14 na liham ang kinikilalang isinulat niya). Sa mga aspektong ito, ‘nakalalamang’ si Pablo kay Matias, na hindi na espesipikong binanggit pagkatapos ng ulat sa Gawa kabanata 1.
Sa kabilang dako, kung tutuusin ay ‘nakalalamang’ din si Pablo sa marami sa orihinal na 12 apostol, na ang ilan ay bihira pa ngang binanggit maliban sa mga talaan ng mga apostol. Noong makumberte si Pablo, ang kongregasyong Kristiyano, ang espirituwal na Israel, ay naitatag na, o may pundasyon na, at lumalago na sa loob ng marahil ay isang taon o mahigit pa. Gayundin, ang unang kanonikal na liham ni Pablo ay maliwanag na isinulat lamang noong mga 50 C.E. (tingnan ang TESALONICA, MGA LIHAM SA MGA TAGA-) o 17 taon pa pagkaraang maitatag ang bagong bansa ng espirituwal na Israel noong Pentecostes ng 33 C.E. Ang mga salik na ito, pati na ang naunang katibayan na iniharap sa artikulong ito, ay nagbibigay-linaw sa bagay na ito. Kaya waring makatuwirang isipin na ang orihinal na pagkakapili ng Diyos kay Matias bilang ang kapalit ni Hudas sa “labindalawang apostol ng Kordero” ay hindi naapektuhan ng pagka-apostol ni Pablo nang dakong huli.
Kung gayon, ano ang layunin ng pagka-apostol ni Pablo? Si Jesus mismo ang nagsabi na iyon ay para sa isang partikular na layunin—hindi bilang kapalit ni Hudas—kundi upang maglingkod si Pablo bilang isang ‘apostol [isa na isinugo] sa mga bansa’ (Gaw 9:4-6, 15), at kinilala ni Pablo na ito ang layunin ng kaniyang pagka-apostol. (Gal 1:15, 16; 2:7, 8; Ro 1:5; 1Ti 2:7) Dahil dito, ang kaniyang pagka-apostol ay hindi kinailangan upang magsilbing isang pundasyon nang itatag ang espirituwal na Israel noong Pentecostes, 33 C.E.