ASIA
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong “Asia” ay ginagamit upang tumukoy sa Romanong probinsiya na sumasaklaw sa kanluraning bahagi ng Asia Minor, hindi sa kontinente ng Asia.
Ang Romanong Probinsiya ng Asia. Saklaw ng Romanong probinsiya ng Asia ang mas matatandang bayan ng Misia, Lydia, Caria, at, kung minsan, ang isang bahagi ng Frigia, gayundin ang karatig na mga pulo. Sa gayon ay kahangga nito ang Dagat Aegeano at ang mga probinsiya ng Bitinia, Galacia (na sumasaklaw sa isang bahagi ng Frigia), at Licia. Gayunman, mahirap tukuyin ang eksaktong mga hangganan nito dahil paulit-ulit na nagbago ang mga ito.
Sa pasimula, ang kabisera nito ay nasa Pergamo sa Misia, ngunit noong panahon ng paghahari ni Augusto ay inilipat ito sa Efeso, sa mas dako pang timog. Noong taóng 27 B.C.E., isinailalim ang probinsiyang ito sa senado at pagkatapos ay pinamahalaan ito ng isang proconsul. (Gaw 19:38) Hinati rin ito sa 9 na hudisyal na distrito at hinati pa sa 44 na distrito ng lunsod.
Sa paglalarawan ni Lucas sa mga rehiyong pinanggalingan ng mga Judiong pumaroon sa Jerusalem noong panahon ng Pentecostes ng taóng 33 C.E., itinala niya ang Asia kasama ng mga probinsiya ng Capadocia, Ponto, at Pamfilia. (Gaw 2:9, 10; ihambing ang 1Pe 1:1.) Itinala niya roon ang Frigia nang hiwalay sa Asia, gaya ng ginawa niyang muli sa Gawa 16:6. Ganito rin ang ginawa ni Pliny na Nakatatanda, isang Romanong awtor na nabuhay noong unang siglo C.E. (Natural History, V, XXVIII, 102) Sinasabi ng ulat sa Gawa 16:6, 7 na si Pablo ay ‘pinagbawalan ng banal na espiritu na salitain ang salita sa distrito ng Asia’ noong naglalakbay siya nang pakanluran sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero (mga 49-52 C.E.). Kaya dumaan siya sa Frigia at Galacia nang pahilaga patungo sa probinsiya ng Bitinia, ngunit muli siyang inilihis ng espiritu ni Jesus patungong kanluran na dumaraan sa Misia hanggang sa daungang-dagat ng Troas, kung saan maaaring lumulan patungong Macedonia. Dito tinanggap ni Pablo ang pangitain kung saan inanyayahan siyang ‘tumawid sa Macedonia at tulungan kami.’ (Gaw 16:9) Kaya bagaman aktuwal na dumaan si Pablo sa hilagang bahagi ng probinsiya ng Asia, gumugol lamang siya ng panahon doon noong pabalik na siya nang matapos na niya ang kaniyang gawain sa Macedonia at Acaya. Pagkatapos ay gumugol siya ng maikling panahon sa Efeso, anupat nangaral siya sa sinagoga at bago lumisan ay nangakong babalik siya.—Gaw 18:19-21.
Noong kaniyang ikatlong paglalakbay (mga 52-56 C.E.), gumugol si Pablo ng mahigit sa dalawang taon sa Efeso, at bilang resulta nito ay “narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at mga Griego.” (Gaw 19:1-10, 22) Maliwanag na isinulat ni Pablo noong panahong iyon (mga 55 C.E.) sa Efeso ang unang liham niya sa mga taga-Corinto, na pinadalhan niya ng mga pagbati mula sa “mga kongregasyon sa Asia,” sa gayon ay nagpapahiwatig na nagkaroon doon ng pagsulong. (1Co 16:19) Nang maglaon, nang isulat niya ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto mula sa Macedonia, binanggit niya ang mga paghihirap at malaking panganib na naranasan niya sa Asia. (Gaw 19:23-41; 2Co 1:8) Nang magbiyahe si Pablo pabalik, palibhasa’y ayaw na niyang magtagal pang muli sa Asia, nilampasan niya ang Efeso, anupat dumaong sa pulo ng Samos at dumating sa Mileto sa Caria, na isang bahagi ng probinsiya ng Asia, kung saan inanyayahan niyang makipagpulong sa kaniya ang “matatandang lalaki” ng kongregasyon ng Efeso.—Gaw 20:15-18.
Nang maglakbay si Pablo patungong Roma para sa kaniyang unang paglilitis (mga 60/61 C.E.), na resulta ng isang pang-uumog sa Jerusalem na sulsol ng “mga Judio mula sa Asia” (Gaw 21:27, 28; 24:18, 19; ihambing ang 6:9), lumulan muna siya sa isang barko na patungo sa “mga dako sa baybayin ng distrito ng Asia,” ngunit pagkatapos ay lumipat siya sa isa pang barko sa Mira na nasa karatig na probinsiya ng Licia.—Gaw 27:2-6.
Ang mga salita ni Pablo sa 2 Timoteo 1:15, maliwanag na isinulat mula sa Roma noong mga taóng 65 C.E., ay maaaring nagpapahiwatig na dahil sa matinding pag-uusig na pinasisimulan noon ng mga Romanong awtoridad laban sa mga Kristiyano, ang marami sa Kristiyanong ‘mga tao ng Asia’ ay huminto sa pakikisama sa nakabilanggong apostol na si Pablo, anupat tinalikuran siya sa isang kritikal na panahon. Ang pananalitang “lahat ng mga tao sa distrito ng Asia” ay hindi nangangahulugang tumalikod ang lahat ng mga Kristiyano sa Asia, dahil pagkatapos nito ay kaagad na pinapurihan ni Pablo si Onesiforo, na maliwanag na nakatira sa Efeso.—2Ti 1:16-18; 4:19.
Patuloy na nanghawakan sa pananampalataya ang maraming Kristiyano sa Asia, at makikita ito sa Apocalipsis at sa pitong mensahe na ipinadala ni Juan sa pitong kongregasyon sa prominenteng mga lunsod ng Asia: ang Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea, anupat karamihan sa mga kongregasyong ito ay pinapurihan dahil sa pagbabata nila ng kapighatian. (Apo 1:4, 11; 2:2, 3, 9, 10, 13, 19; 3:10) Si Juan noon (mga 96 C.E.) ay nasa pulo ng Patmos, di-kalayuan sa baybayin ng probinsiya ng Asia. Naniniwala ang karamihan na ang Ebanghelyo ni Juan at ang tatlong liham niya ay isinulat sa Efeso o malapit doon, matapos siyang palayain mula sa Patmos.
Ang iba pang mga lunsod ng probinsiya ng Asia na binanggit sa Kasulatan ay ang Colosas, Hierapolis, Adrameto, at Asos.
[Mapa sa pahina 224]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ASIA MINOR—Pangalan ng mga Rehiyon Noong Una
MISIA
Troas
BITINIA
PAPHLAGONIA
PONTO NG GALACIA
GALACIA
LYDIA
Efeso
FRIGIA NG ASIA
FRIGIA NG GALACIA
CAPADOCIA
LICAONIA
CARIA
PISIDIA
Antioquia
PAMFILIA
LICIA
CILICIA
COMMAGENE
SIRYA
Antioquia
Malaking Dagat
[Mapa sa pahina 225]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ASIA MINOR—Pangalan ng mga Lalawigan ng Roma
ASIA
Troas
Asos
Adrameto
Pergamo
Tiatira
Sardis
Smirna
Filadelfia
Hierapolis
Efeso
SAMOS
Laodicea
Colosas
Mileto
PATMOS
BITINIA AT PONTO
GALACIA
Antioquia
KAHARIAN NI POLEMON
CAPADOCIA
KAHARIAN NI ANTIOCHUS
CILICIA AT SIRYA
Antioquia
LICIA
Mira
PAMFILIA
CIPRUS
Malaking Dagat