Empatiya—Susi sa Kabaitan at Pagkamahabagin
“HANGGA’T naiibsan mo ang kirot ng iyong kapuwa, ang buhay ay hindi sa walang kabuluhan,” ang isinulat ni Helen Keller. Tiyak na nauunawaan ni Keller ang emosyonal na kirot. Sa edad na 19 na buwan, siya ay ganap na naging bulag at bingi dahil sa karamdaman. Subalit isang mahabaging guro ang nagturo kay Helen kung paano bumasa at sumulat sa Braille at, nang dakong huli, kung paano magsalita.
Lubos ang kabatiran ng guro ni Helen, si Ann Sullivan, sa siphayong idinudulot ng pakikipagpunyagi sa isang pisikal na kapansanan. Siya mismo ay halos bulag na. Subalit si Ann ay matiyagang bumuo ng isang paraan upang makipag-usap kay Helen sa pamamagitan ng “pagbaybay” sa mga letra sa palad ni Helen. Palibhasa’y naganyak ng empatiya ng kaniyang guro, si Helen ay nagpasiyang italaga ang kaniyang sariling buhay sa pagtulong sa mga bulag at mga bingi. Dahil sa napagtagumpayan ang kaniyang sariling kapansanan sa pamamagitan ng malaking pagsisikap, nakadama siya ng empatiya at pagkahabag sa mga nasa gayunding kalagayan. Nais niyang tulungan sila.
Malamang na napansin mo na sa sakim na daigdig na ito, madaling ‘isara ang pinto ng magiliw na pagkamahabagin ng isa’ at ipagwalang-bahala ang mga pangangailangan ng iba. (1 Juan 3:17) Gayunman, ang mga Kristiyano ay pinag-utusan na ibigin ang kanilang kapuwa at magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa. (Mateo 22:39; 1 Pedro 4:8) Subalit, marahil ay nababatid mo ang katotohanang ito: Bagaman may lubos tayong pagnanais na ibigin ang isa’t isa, kadalasa’y nakakaligtaan natin ang mga pagkakataon upang ibsan ang kirot ng iba. Marahil, iyon ay dahil lamang sa hindi natin nababatid ang kanilang mga pangangailangan. Ang empatiya ang susi upang mabuksan ang pinto ng ating kabaitan at pagkamahabagin.
Ano ang Empatiya?
Ang isang diksyunaryo ay nagsasabi na ang empatiya ay ang “pagkilala at pagkaunawa sa kalagayan, damdamin, at mga motibo ng isa.” Ito ay inilarawan din bilang ang kakayahan na gunigunihin ang sarili na nasa kalagayan ng isang tao. Kaya ang empatiya ay humihiling na una sa lahat ay unawain natin ang mga kalagayan ng isa at ikalawa ay damhin ang mga kalagayang pumukaw sa kaniya. Oo, nasasangkot sa empatiya ang pagkadama sa ating puso ng dinaranas na kirot ng isang tao.
Ang salitang “empatiya” ay hindi lumilitaw sa Bibliya, subalit di-tuwirang tinutukoy ng Kasulatan ang katangiang ito. Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano na magpakita ng ‘pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid at pagkamahabagin.’ (1 Pedro 3:8) Ang salitang Griego na isinaling “pakikipagkapuwa-tao” ay literal na nangangahulugang “magdusa kasama ng iba” o “magkaroon ng habag.” Inirekomenda ni apostol Pablo ang gayunding damdamin nang payuhan niya ang mga kapuwa Kristiyano na “makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.” Dagdag pa ni Pablo: “Maging palaisip kayo sa iba na gaya ng sa inyong sarili.” (Roma 12:15, 16) At hindi ka ba sumasang-ayon na halos imposibleng ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili kung hindi natin ilalagay ang ating sarili sa kaniyang lugar?
Ang karamihan ay may antas ng likas na empatiya. Sino ang hindi maaantig kapag nakikita ang makabagbag-pusong larawan ng nagugutom na mga bata o ng mga nagsilikas na lubhang naliligalig? Sinong maibiging ina ang magwawalang-bahala sa paghikbi ng kaniyang anak? Subalit hindi lahat ng pagdurusa ay madaling malaman. Napakahirap ngang maunawaan ang damdamin ng isa na nakararanas ng panlulumo, isang di-halatang pisikal na kapansanan, o maging ng sakit na kaugnay sa pagkain—kung hindi pa tayo nagkakaroon kailanman ng ganiyang mga suliranin! Gayunman, ipinakikita ng Kasulatan na maaari at dapat nating pasulungin ang pakikipagkapuwa-tao sa mga nasa kalagayan na hindi natin nararanasan.
Mga Maka-Kasulatang Halimbawa ng Empatiya
Si Jehova ang ating pangunahing halimbawa ng empatiya. Bagaman siya ay sakdal, tayo ay hindi niya hinahanapan ng kasakdalan, “sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14; Roma 5:12) Karagdagan pa, yamang nababatid niya ang ating mga limitasyon, ‘hindi niya hahayaang tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin.’ (1 Corinto 10:13) Sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod at ng kaniyang espiritu, tinutulungan niya tayong masumpungan ang solusyon.—Jeremias 25:4, 5; Gawa 5:32.
Personal na nadarama ni Jehova ang kirot na nararanasan ng kaniyang bayan. Sinabi niya sa mga Judio na nagsibalik mula sa Babilonya: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Dahil sa ganap na kabatiran sa empatiya ng Diyos, ang manunulat ng Bibliya na si David ay nagsabi sa kaniya: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nasa iyong aklat ang mga iyon?” (Awit 56:8) Anong laking kaaliwan na malaman na naaalaala ni Jehova—na parang ang mga ito ay nakasulat sa isang aklat—ang mga pagluha ng kaniyang tapat na mga lingkod habang sila’y nagpupunyagi upang maingatan ang kanilang katapatan!
Gaya ng kaniyang makalangit na Ama, matalas ang pakiramdam ni Jesu-Kristo sa damdamin ng iba. Nang kaniyang pagalingin ang isang taong bingi, inilayo niya ito, malamang ay upang ang kaniyang makahimalang paggaling ay hindi magdulot sa kaniya ng di-kinakailangang kahihiyan o makagitla sa kaniya. (Marcos 7:32-35) Sa isa pang okasyon, napagmasdan ni Jesus ang isang balong babae na maglilibing na sana sa kaniyang bugtong na anak. Karaka-raka niyang nadama ang kirot na nararanasan nito, anupat lumapit siya sa prusisyon ng libing, at binuhay-muli ang binata.—Lucas 7:11-16.
Pagkaraang siya’y mabuhay-muli, nang si Jesus ay magpakita kay Saul sa daan patungong Damasco, ipinabatid niya kay Saul kung paano nakaapekto sa kaniya ang malupit na pag-uusig nito sa kaniyang mga alagad. “Ako ay si Jesus, na iyong pinag-uusig,” ang sinabi niya sa kaniya. (Gawa 9:3-5) Personal na nadama ni Jesus ang kirot na naranasan ng kaniyang mga alagad, gaya ng isang ina na nakadarama sa kirot na dinaranas ng kaniyang anak na may sakit. Gayundin, bilang ating makalangit na Mataas na Saserdote, si Jesus ay ‘nakikiramay sa ating mga kahinaan,’ o ayon sa salin ni Rotherham, siya ay may “pakikipagkapuwa-tao sa ating mga kahinaan.”—Hebreo 4:15.
Natuto si apostol Pablo na maging matalas ang pakiramdam sa pagdurusa at nadarama ng iba. “Sino ang mahina, at hindi ako mahina? Sino ang natitisod, at hindi ako nagagalit?” ang tanong niya. (2 Corinto 11:29) Nang makahimalang kalagan ng anghel sina Pablo at Silas sa kanilang pagkakagapos sa isang bilangguan sa Filipos, ang unang inisip ni Pablo ay ang sabihin sa tagapagbilanggo na walang sinumang nakatakas. May-empatiya niyang natunugan kaagad na ang tagapagbilanggo ay maaaring magpakamatay. Alam ni Pablo na ayon sa kaugaliang Romano, ang isang tagapagbilanggo ay parurusahan nang matindi kapag nakatakas ang isang bilanggo—lalo na kung siya’y tinagubilinang bantayan itong mabuti. (Gawa 16:24-28) Hinangaan ng tagapagbilanggo ang nagliligtas-buhay na gawang-kabaitan ni Pablo, anupat siya at ang kaniyang sambahayan ay gumawa ng mga hakbang upang maging mga Kristiyano.—Gawa 16:30-34.
Kung Paano Malilinang ang Empatiya
Ang Kasulatan ay paulit-ulit na nagpapasigla sa atin na tumulad sa ating makalangit na Ama at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, kaya ang empatiya ay isang katangian na kailangan nating linangin. Paano natin ito magagawa? May tatlong pangunahing paraan upang mapatalas natin ang ating pakiramdam sa mga pangangailangan at damdamin ng iba: sa pamamagitan ng pakikinig, sa pamamagitan ng pagmamasid, at sa pamamagitan ng paggamit ng guniguni.
Makinig. Sa pamamagitan ng maingat na pakikinig, malalaman natin ang mga suliraning napapaharap sa iba. At habang nakikinig tayong mabuti, malamang na lalo naman nilang bubuksan ang kanilang mga puso at isisiwalat ang kanilang damdamin. “Maaari akong makipag-usap sa isang matanda kung matitiyak kong ako’y kaniyang pakikinggan,” ang paliwanag ni Miriam. “Gusto kong malaman na talagang nauunawaan niya ang aking suliranin. Ang aking pagtitiwala sa kaniya ay lumalaki kapag siya ay nagbabangon sa akin ng mapanuring mga tanong na nagpapakitang siya’y maingat na nakinig sa aking sinabi sa kaniya.”
Magmasid. Hindi lahat ay hayagang magsasabi sa atin kung ano ang kanilang nadarama o kung ano ang kanilang nararanasan. Gayunman, mapapansin ng isang mahusay na tagapagmasid kapag ang isang kapuwa Kristiyano ay waring nanlulumo, kapag ang isang tin-edyer ay ayaw makipag-usap, o kapag ang isang masigasig na ministro ay nawalan ng sigla. Ang kakayahang ito na malaman ang isang suliranin sa pasimula pa lamang nito ay mahalaga para sa mga magulang. “Sa paano man, nalalaman ng aking ina kung ano ang aking nadarama bago pa ako makipag-usap sa kaniya,” ang sabi ni Marie, “kaya naging madali para sa akin na makipag-usap sa kaniya nang tuwiran hinggil sa aking mga suliranin.”
Gamitin ang iyong guniguni. Ang pinakamabisang paraan upang mapukaw ang empatiya ay ang tanungin ang iyong sarili: ‘Kung ako ang nasa kalagayang ito, ano ang aking madarama? Paano ako tutugon? Ano ang kakailanganin ko?’ Ang tatlong huwad na mang-aaliw ni Job ay napatunayang walang-kakayahang maglagay ng kanilang sarili sa kaniyang kalagayan. Kaya, kanilang hinatulan siya dahil sa kathang-isip na mga kasalanang kanilang ipinalalagay na nagawa niya.
Kadalasang nasusumpungan ng di-sakdal na mga tao na mas madaling maging mapamuna sa mga pagkakamali kaysa sa umunawa sa mga damdamin. Gayunman, kung sinisikap nating mabuti na gunigunihin ang paghihirap ng isang napipighati, ito ay tutulong sa atin na makiramay sa halip na humatol. “Ako ay nakapagbibigay ng mas mabuting payo kapag ako ay nakikinig nang mabuti at nagsisikap na unawain ang buong situwasyon bago magsimulang magbigay ng mga mungkahi,” ang komento ni Juan, isang makaranasang matanda.
Ang mga publikasyong ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa marami sa bagay na ito. Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay tumatalakay sa mga suliraning kasinsalimuot ng panlulumo at pang-aabuso sa bata. Ang napapanahong impormasyong ito ay nakatutulong sa mga mambabasa na maging higit na matalas ang pakiramdam sa damdamin ng mga nagdurusa sa gayong mga suliranin. Gayundin, ang aklat na Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay nakatulong sa maraming magulang na maunawaan ang mga suliranin ng kanilang mga anak.
Ang Empatiya ay Nakatutulong sa mga Gawaing Kristiyano
Iilan lamang sa atin ang maaaring magwalang-bahala sa kalagayan ng isang nagugutom na bata kung mayroon tayong pagkaing maibabahagi sa kaniya. Kung mayroon tayong empatiya, mauunawaan din natin ang espirituwal na kalagayan ng isang tao. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Jesus: “Pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Milyun-milyon sa ngayon ang nasa gayunding espirituwal na kalagayan, at sila ay nangangailangan ng tulong.
Gaya nang panahon ni Jesus, kailangan nating mapagtagumpayan ang maling akala o ang malalim na pagkakaugat ng tradisyon upang maabot ang mga puso ng ilang tao. Ang may-empatiyang ministro ay magsisikap na humanap ng puntong mapagkakasunduan o magsasalita hinggil sa mga paksang nasa isip ng mga tao upang maging higit na kaakit-akit ang kaniyang mensahe. (Gawa 17:22, 23; 1 Corinto 9:20-23) Maaaring pangyarihin ng mga gawa ng kabaitan na ginaganyak ng empatiya na maging higit na katanggap-tanggap sa ating mga tagapakinig ang mensahe ng Kaharian, gaya ng nangyari sa tagapagbilanggo sa Filipos.
Ang empatiya ay mahalaga sa pagtulong sa atin na huwag pansinin ang mga pagkukulang ng iba sa loob ng kongregasyon. Kapag pinagsisikapan nating unawain ang damdamin ng isang kapatid na nagkasala sa atin, walang pagsalang masusumpungan natin na mas madali siyang patawarin. Marahil ay kikilos tayo sa katulad na paraan kung tayo ay nasa gayunding kalagayan at may gayunding kinalakhan. Ang empatiya ni Jehova ang nagpapakilos sa kaniya na ‘tandaan na tayo ay alabok,’ kaya hindi ba’t ang ating empatiya ang dapat na gumanyak sa atin na isaalang-alang ang di-kasakdalan ng iba at ‘lubusan silang patawarin’?—Awit 103:14; Colosas 3:13.
Kung kailangan nating magbigay ng payo, marahil ay gagawin natin iyon sa mas mabait na paraan kung inuunawa natin ang damdamin at kung saan sensitibo ang isa na nagkasala. Ang may-empatiyang Kristiyanong matanda ay nagpapaalaala sa kaniyang sarili: ‘Maaaring magawa ko rin ang pagkakamaling ito. Maaari akong mapasakaniyang kalagayan.’ Kaya inirerekomenda ni Pablo: “Magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili, dahil baka matukso rin kayo.”—Galacia 6:1.
Ang empatiya ay maaari ring mag-udyok sa atin na magbigay ng praktikal na tulong kung iyon ay nasa kapangyarihan nating gawin, kahit na ang isang kapuwa Kristiyano ay maaaring nag-aatubiling hilingin iyon. Si apostol Juan ay sumulat: “Ang sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikitang nangangailangan ang kaniyang kapatid at gayunma’y pinagsasarhan siya ng pinto ng kaniyang magiliw na pagkamahabagin, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos? . . . Umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:17, 18.
Upang umibig “sa gawa at katotohanan,” kailangan muna nating makita ang partikular na mga pangangailangan ng ating kapatid. Maingat ba nating tinitingnan ang mga pangangailangan ng iba sa layuning tulungan sila? Iyan ang kahulugan ng empatiya.
Linangin ang Pakikipagkapuwa-tao
Maaaring hindi likas sa atin na labis na magpakita ng empatiya, subalit maaari nating linangin ang pakikipagkapuwa-taong ito. Kung tayo ay makikinig nang higit na atentibo, mas matamang magmamasid, at mas madalas na gugunigunihin ang ating sarili na nasa kalagayan ng iba, ang ating empatiya ay susulong. Bilang resulta, tayo ay mauudyukang magpakita ng higit pang pag-ibig, kabaitan, at pagkamahabagin sa ating mga anak, sa iba pang mga Kristiyano, at sa ating kapuwa.
Huwag pahintulutan kailanman na alisin ng kasakiman ang iyong empatiya. “Walang sinuman sa inyo ang dapat mag-isip para sa kaniyang sarili lamang,” ang isinulat ni Pablo, “kundi isaalang-alang din ang interes ng ibang mga tao.” (Filipos 2:4, Phillips) Ang ating walang-hanggang kinabukasan ay nakadepende sa empatiya ni Jehova at ng kaniyang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. Kaya, mayroon tayong moral na obligasyon na linangin ang katangiang ito. Ang ating empatiya ay magpapalakas sa atin upang maging mas mabubuting ministro at mas mabubuting magulang. Higit sa lahat, ang empatiya ay tutulong sa atin na matuklasan na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
[Larawan sa pahina 25]
Ang empatiya ay nagsasangkot sa maingat na pagmamasid sa mga pangangailangan ng iba taglay ang layuning tulungan sila
[Larawan sa pahina 26]
Maaari ba nating matutuhang ipakita ang empatiya na likas na nadarama ng isang maibiging ina sa kaniyang anak?