Ikaw ba ay Handang Makinig sa Diyos?
PAGKA tayo’y bumabasa ng Bibliya agad nating natatanto na ang kalagayan ng mga tao noong unang siglo ay sa maraming paraan nahahawig sa atin ngayon. Palasak ang imoralidad at pandaraya, lalo na sa gitna ng malalaswang kalapit-bansa ng Israel, na para sa kanila ang imoralidad ay kadalasan isang bahagi ng relihiyon. Ang buhay ay walang kapanatagan para sa mga taong mahihirap, at mayroong mga suliraning makapulitika. Nang sumapit ang taóng 66 C.E., ang Israel at ang Roma ay nakasangkot sa isang puspusang digmaan. Nang mga araw na iyon, tulad din ngayon, kailangan ng mga tao ang tulong.
Sa relihiyon naman, ang pagkakahawig noong mga araw na iyon at ng ating panahon ay marami. Ang mga pinunong relihiyosong Judio ay mapagpaimbabaw. (Mateo 23:15; Lucas 20:46, 47) Sa daigdig ng mga di-Judio, ang mga saloobing relihiyoso ay maiisa-isa mo mula sa pangungutya hanggang sa pamahiin at panatikong sigasig sa relihiyon. (Ihambing ang Gawa 14:8-13; 19:27, 28.) Kahit na roon sa bago pa lamang natatatag na kongregasyong Kristiyano, hindi lahat ay maayos. Nang dulo ng siglo, si apostol Juan ay nagbabala: “Maraming magdaraya ang nagsilitaw sa sanlibutan.” (2 Juan 7) Oo, noon pa man, naglipana ang maraming huwad na payo tungkol sa paksa ng relihiyon. Gayunman, maaari ring makakuha ng maaasahang tulong.
Nakinig Ka Kaya kay Jesus Kung Ikaw?
Si Jesus ay isa na naghahandog ng mainam na payo noong mga kaarawang iyon. Iyon ay totoong nakahihikayat kaya’t mababasa natin ang ganito tungkol sa epekto niyaon: “Ang karamihan ay nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Subalit kakaunti na mga taong bahagi ng karamihang iyon ang talagang nakinig sa kaniyang sinabi. Si Jesus ay gumawa ng kahima-himalang mga gawa at nagpakita ng mainam na halimbawa ng maka-Diyos na pamumuhay at paggawi. Gayunman, kahit na ang ipinagpapalagay na edukadong mga lider ay tumangging makita ang kahalagahan ng kaniyang sinabi. Bakit?
Sa kalakhan, iyon ay dahil sa maling akala. May mga humamak kay Jesus sapagkat siya’y taga-Nazareth. Ang iba naman ay tumanggi sa kaniya dahil sa hindi siya nakapag-aral sa isa man sa mga paaralan nila at walang koneksiyon sa mga pinuno. (Juan 1:46; 7:12, 15, 47, 48) Isa pa, hindi laging ang sinasalita ni Jesus ay yaong ibig na mapakinggan ng mga tao. Ang kaniyang sinasalita’y ang katotohanan lamang, at ang mga Fariseo, halimbawa, ay malimit na nagdaramdam sa kaniyang mga salita. (Mateo 15:12-14) Oo, pagkatapos na siya’y makapangaral nang tatlo at kalahating taon, ang mga pinunong relihiyosong Judio ay kumilos upang ipapatay siya. (Lucas 23:20-35) Anong laking pagkakataon ang naiwala nila, yamang taglay ni Jesus ang “mga salita ng buhay na walang-hanggan”!—Juan 6:68.
Kung ikaw ay sa Jerusalem nakatira noong panahong iyon, ikaw kaya’y tumulad sa mga pinunong relihiyoso at sa iba pa sa karamihang iyon? O ikaw kaya’y naging isang taong may bukás na kaisipan upang unawain ang diwa ng sinasabi ni Jesus? Kung gayon, ikaw ay maging katulad ng isang pambihirang babae na nakilala ni Jesus nang siya’y nasa kaniyang paglalakbay.
Isa na Nakinig
Nakilala ni Jesus ang babaing ito nang siya’y naglalakbay sa Samaria. Siya’y naupo sa tabi ng isang balon upang magpahinga, at sádarating ang babae upang sumalok ng tubig habang siya’y naroroon. Hindi natin alam ang kaniyang pangalan, subalit nasusulat sa Bibliya na si Jesus, sa kabila ng kaniyang pagkahapo, ay humanap ng pagkakataon upang makipag-usap sa kaniya tungkol sa relihiyon.—Juan 4:5-15.
Bueno, maraming mga dahilan kung bakit ang babaing ito ay baka nagkibit-balikat ng palapít si Jesus. Siya’y may naiibang relihiyon—ang paraan ng pagsamba ng mga Samaritano ay naiiba sa pagsamba ng mga Judio. At, minamata ng mga Judio ang mga Samaritano at ayaw nilang makihalubilo sa mga ito. Isa pa, ang mga lalaking Judio ay hindi karaniwang nakikipag-usap sa mga babaing hindi nila kilalá. (Juan 4:9, 27) Gayundin, ang babaing Samaritano ay may mahalay na pamumuhay at marahil ay pinaninindigan siya ng balahibo sa posibilidad na siya’y pintasan o mapabilad ang kaniyang mga kasalanan.—Juan 4:18.
Gayunman, hindi gayon ang kaniyang ikinilos. Bagkus, siya’y nagtanong ng makatuwirang mga katanungan bilang tugon sa mataktika, pumupukaw-interes na pamamaraan ni Jesus. Samantalang humahaba ang usapan, siya’y nangahas na dumako sa isang mahirap na paksa, na tinutukoy ang agwat na nasa pagitan ng relihiyon ng mga Judio at ng mga Samaritano. Si Jesus ay sumagot nang may kabaitan ngunit prangkahan, at ang sabi sa babae: “Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; sinasamba namin ang aming nakikilala.” (Juan 4:19-22) Subalit siya’y hindi nagdamdam. Ang kaniyang bukás na isipan ay handang makinig pa.
Kaya’t si Jesus ay nagpatuloy na sabihin ang isa pang mahalagang bagay: “Subalit, dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Nang malaunan, ang bukas-isip na babaing ito ay nagpakita ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng masugid na pagbabalita sa kaniyang mga kapitbahay ng kaniyang natutuhan. Sila naman ay naghangad ng higit pang impormasyon sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ni Jesus.—Juan 4:39-42.
Ano ba ang ating matututuhan dito? Bueno, kung tayo’y naninirahan sa isang lugar na kung saan matindi ang pagtatangi-tangi ng lahi, bansa, o relihiyon, papaano ba tayo tumutugon pagka may isang taong naiiba ang lahi, bansa, o relihiyon na lumapit sa atin? Tayo ba’y walang iniwan sa talaba na sumasara nang mahigpit ang kabibi pagka ang mga bagay na tinatalakay ay magbibilad sa atin upang ipakitang tayo’y mali? O tayo baga, katulad ng Samaritana, ay pumapayag man lamang na magsalita?
Nakinig Ka Kaya kay Pablo Kung Ikaw?
Ang isa pa na nagbigay ng mainam na payo noong unang siglo ay si apostol Pablo. Dati si Pablo ay mayroon ding saradong isipan. Inamin niya: “Dati akong isang mamumusong at mang-uusig at isang taong magaspang. Gayunman, ako’y kinaawaan, sapagkat ako’y walang-alam at ginawa ko iyon dahil sa kawalang pananampalataya.” (1 Timoteo 1:13) Subalit, kaniyang tinanggap ang katotohanan tungkol kay Jesu-Kristo at iniwaksi ang kaniyang mga maling akala. Ang kaniyang halimbawa ay nagpapakita na makatutulong ang katotohanan ng Bibliya upang ‘maggiba ng matitibay ang pagkatatag na mga bagay’ sa puso kung ang gayong mga bagay ay makasisira sa atin.—2 Corinto 10:4.
Nang siya’y maging isang Kristiyano na, si Pablo’y buong-tapang na humayo upang ihayag ang mabuting balita na kaniyang natutuhan. At gaya ng maaasahan, siya’y napaharap sa ganoon ding uri ng mga taong may saradong-isipan na gaya ng taglay niya dati—subalit hindi lahat ay ganoon. Sa Berea, sa hilagang Gresya, siya’y nakatagpo ng ilang mga taong maaamo na magandang halimbawa ng kung papaanong makikinig sa payo. Nakilala ng mga taong iyon ang taginting ng katotohanan sa mga salita ni Pablo. Sa gayon, “kanilang tinanggap ang salita nang buong pagsisikap.” Subalit sila’y bukás-isip, hindi mapaniwalain. Kanilang ‘maingat na sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.’ (Gawa 17:11) Nagustuhan nila ang kanilang napakinggan, bagaman kanilang sinuri muna kung totoo ngang iyon ay nasa Bibliya bago nila lubusang tinanggap.
“Tiyakin ang Lahat ng Bagay”
Sa ating kaarawan, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng malaking panahon sa pagsisikap na ang mabuting balita ng Kaharian ay maipamahagi sa kanilang mga kapuwa-tao na may mga ibang relihiyon. Ano ba ang itinutugon sa mga Saksi? Maraming palakaibigang mga tao ang nagagalak na tanggapin sila. Subalit marami ang tumatanggi, at ang iba’y nagagalit pa nga dahil sa pagdalaw ng mga Saksi.
Ito’y nakalulungkot, sapagkat ang ibig ipakipag-usap ng mga Saksi ni Jehova ay tinatawag na “mabuting balita” sa Bibliya. (Mateo 24:14) Isa pa, kanilang hinihimok ang iba na sundin ang saloobin ni apostol Pablo, na nagsabi: “Tiyakin ang lahat ng bagay; kumapit nang mahigpit sa mabuti.” (1 Tesalonica 5:21) Kahit na kung ang sinuman ay mayroong matitinding opinyon, tiyak naman, tulad ng mga taga-Berea at ng Samaritana, ang taong iyon ay dapat mayroong bukás na kaisipan upang makipag-usap sa iba tungkol sa Diyos.
Bakit Kailangang Ikaw ay May Bukás na Kaisipan?
Nakatutuwa naman, daan-daang libong mga tao taun-taon ang gumagawa ng ganyan. Marami ang natututong kilalanin ang karunungan na nasa Bibliya, at ang resulta’y tunay, nananatiling mga pagbabago sa kanilang buhay. Ang iba dati’y nakakatulad ni Janet, isang kabataang babae na may mahabang kasaysayan sa droga at pag-aabuso sa alak na sa wakas ay halos magpapakamatay na. Sa kasalukuyan, si Janet ay isang maligayang Kristiyano. Ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya ay tumulong sa kaniya na kamtin ang lakas na makasunod sa payo ni Pablo: “Maglinis tayo sa bawat karumihan ng laman at ng espiritu.”—2 Corinto 7:1.
Si Vernon ay isang dating alkoholiko, at silang mag-asawa’y nanganganib na magkahiwalay noon. Subalit ang pagsunod sa payo ng Bibliya ang tumulong sa kaniya upang madaig ang bisyong ito at magkasundo sila ng kaniyang asawa. (1 Corinto 6:11) Si Debra ay may matinding pagtatangi sa lahi. Subalit ang pag-aaral sa Bibliya at pakikisama sa mga Kristiyano ang tumulong sa kaniya na baguhin ang kaniyang kaisipan. (Gawa 10:34, 35) At sino ang maniniwala sa mga pagbabagong naganap sa buhay ng isang nasa kabataang patutot sa Netherlands nang, isang araw, siya’y pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova? Hindi nagtagal, siya’y naging isang bautismadong Kristiyano na namumuhay nang may kalinisan at bumabalikat ng pananagutang asikasuhin ang kaniyang mga anak.
Ang ganiyang mga karanasan ay nauulit nang maraming beses habang ang mga tao’y nakikinig sa sinasabi ng Bibliya. Ang kanilang pamumuhay ay napahuhusay sa mga paraang marami sa kanila ang dati’y hindi naiisip na posible iyon. Lalong mahalaga, sila’y nagkakaroon ng kaugnayan sa Diyos, upang sila’y makapanalangin sa kaniya nang taimtim gaya ng “Ama namin na nasa langit.” (Mateo 6:9) At sila’y nagtatamo ng isang tiyak, di-nasisirang pag-asa para sa hinaharap samantalang kanilang nararanasan ang katotohanan ng mga sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at tungkol sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Ito ang uri ng impormasyon na nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap pagka sila’y gumaganap ng kanilang ministeryo at dumadalaw sa kanilang kapuwa. Malamang, sila’y dadalaw muli sa inyo hindi na magtatagal. Kayo kaya’y magkaroon ng bukás na isipan upang makinig sa kanila?
[Larawan sa pahina 7]
Hindi hinayaan ng Samaritana na ang maling akala ay humadlang sa kaniya sa pakikinig kay Jesus. Ikaw ba’y katulad din niyang bukás ang isipan?