DI-KILALANG DIYOS
Bahagi ng inskripsiyon sa isang altar na nakita ng apostol na si Pablo noong siya’y nasa Atenas. Ipinakita ng mga taga-Atenas ang kanilang pagkatakot sa mga bathala sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming templo at altar. Dinidiyos pa nga nila pati ang mga bagay na abstrakto, at nagtayo sila ng mga altar para sa Kabantugan, Kahinhinan, Lakas, Panghihikayat, at Habag. Marahil, sa takot na baka may nakaligtaan silang diyos at baka kapootan sila niyaon, ang mga lalaki ng Atenas ay nagtayo ng isang altar na may nakasulat na mga salitang, “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” Sa pasimula ng kaniyang diskurso sa mga Estoico, mga Epicureo, at iba pang nagkakatipon sa Areopago (Mars’ Hill), mataktikang itinawag-pansin ni Pablo ang altar na iyon, anupat sinabi niya na ang Diyos na ito, na hindi nila kilala, ang siyang ipinangangaral niya.—Gaw 17:18, 19, 22-34.
Pinatutunayan ng mga Griegong manunulat na sina Philostratus (170?-245 C.E.) at Pausanias (ikalawang siglo C.E.) na nagkaroon ng ganitong mga altar sa Gresya. Binanggit ni Pausanias na may mga altar para sa “mga diyos na tinatawag na Di-kilala.” (Description of Greece, Attica I, 4) Sa kaniyang akda na The Life of Apollonius of Tyana (VI, III), ganito naman ang isinulat ni Philostratus: “Isang napakalaking katunayan ng karunungan at katinuan ng pag-iisip na magsalita ng mabuti tungkol sa lahat ng mga diyos, lalo na sa Atenas, kung saan itinatayo ang mga altar bilang parangal maging sa mga di-kilalang diyos.”