Maging Malapít sa Diyos
“Hindi Siya Malayo sa Bawat Isa sa Atin”
KUNG ihahambing sa napakalawak na uniberso, parang tuldok lamang ang mga tao. Marahil naitanong mo na, ‘Posible ba talagang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang hamak na mga tao?’ Magiging posible lamang iyan kung gusto ng Diyos, na ang pangalan ay Jehova, na maging malapít tayo sa kaniya. Gusto nga ba niya? Makikita natin ang nakaaaliw na sagot sa tanong na ito mula sa napakagandang pananalita ni apostol Pablo sa edukadong mga lalaki ng Atenas, gaya ng nakaulat sa Gawa 17:24-27. Pansinin ang apat na bagay na binanggit ni Pablo tungkol kay Jehova.
Una, sinabi ni Pablo na ang Diyos ang “gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto.” (Talata 24) Ang magaganda at sari-saring nilalang niya na nagpapasaya sa buhay ay patunay ng pagiging maalalahanin at maibigin ng ating Maylikha. (Roma 1:20) Kamangmangang isiping gugustuhin ng gayong Diyos na maging malayo sa mga pinagpapakitaan niya ng pag-ibig.
Ikalawa, si Jehova ay “nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Talata 25) Si Jehova ang Tagatustos ng buhay. (Awit 36:9) Ang hangin, tubig, at pagkain na napakahalaga sa buhay ay kaloob lahat ng ating Maylalang. (Santiago 1:17) Makatuwiran bang isiping ilalayo ng ating bukas-palad na Diyos ang kaniyang sarili sa atin at sa gayo’y ipagkakait niyang makilala natin siya at mapalapít tayo sa kaniya?
Ikatlo, “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Talata 26) Si Jehova ay walang kinikilingan at walang makikitang anumang kawalang-katarungan sa kaniya. (Gawa 10:34) Kaya paano masasabing nagtatangi siya at hindi siya makatarungan? Nilalang niya ang “isang tao,” si Adan, na siyang pinagmulan ng lahat ng bansa at lahi. “Kalooban [ng Diyos] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” (1 Timoteo 2:4) Kaya may pagkakataon tayong maging malapít sa kaniya, anuman ang ating kulay, nasyonalidad, o pinagmulang etnikong grupo.
Panghuli, ipinahayag ni Pablo ang isang katotohanan na nagbibigay ng katiyakan sa atin: Si Jehova ay “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin.” (Talata 27) Bagaman lubha siyang dakila, si Jehova ay laging madaling lapitan ng mga taimtim na nagnanais na maging malapít sa kaniya. Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita na siya ay, hindi malayo sa atin, kundi sa halip, “malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”—Awit 145:18.
Maliwanag mula sa mga pananalita ni Pablo na nais ng Diyos na maging malapít tayo sa kaniya. Gayunman, pumapayag siyang maging malapít tangi lamang sa mga handang ‘humanap’ at ‘umapuhap’ sa kaniya, ang paliwanag ni Pablo. (Talata 27) Isang reperensiyang akda para sa mga tagapagsalin ng Bibliya ang nagsasabi na “ang dalawang pandiwang ito ay nagpapahiwatig ng isang bagay na posibleng makamit o isang hiling na puwedeng makuha.” Bilang paglalarawan: Sa isang madilim ngunit pamilyar na kuwarto, maaaring apuhapin mo ang pinto o ang switch ng ilaw, pero alam mong matatagpuan mo ito. Sa katulad na paraan, kung taimtim nating hahanapin ang Diyos at aapuhapin siya, makatitiyak tayong gagantimpalaan ang ating mga pagsisikap. “Talagang masusumpungan [natin] siya,” ang tinitiyak sa atin ni Pablo.—Talata 27.
Inaasam-asam mo bang mapalapít sa Diyos? Kung may-pananampalataya mong ‘hahanapin ang Diyos’ at ‘aapuhapin siya,’ hindi ka mabibigo. Hindi mahirap hanapin si Jehova, sapagkat “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”