Nananaig ang Salita ni Jehova!
“Sa kamangha-manghang paraan ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at nanaig.”—GAWA 19:20.
1. Ano ang sasaklawin sa pag-aaral na ito sa Bibliya sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol?
BINUBUKSAN ni Jehova ang isang pintuan sa gawain. Sa pantanging paraan si Pablo, “isang apostol sa mga bansa,” ang mangunguna sa gawaing iyan. (Roma 11:13) Oo, sa ating patuloy na pag-aaral ng Mga Gawa ng mga Apostol makikita na siya’y nagsasagawa ng nakatutuwang mga paglalakbay misyonero.—Gawa 16:6–19:41.
2. (a) Papaanong si apostol Pablo ay nagsilbing isang kinasihan ng Diyos na manunulat mula noong mga dakong 50 C.E. hanggang 56 C.E.? (b) Ano ang nangyari habang pinagpapala ng Diyos ang ministeryo ni Pablo at yaon pang sa mga iba?
2 Si Pablo ay isa rin namang kinasihan ng Diyos na manunulat. Mula noong mga dakong 50 C.E. hanggang 56 C.E., kaniyang isinulat ang 1 at 2 Tesalonica buhat sa Corinto, ang Galacia buhat sa siyudad na iyon o buhat sa Antioquia ng Syria, ang 1 Corinto buhat sa Efeso, ang 2 Corinto buhat sa Macedonia at ang Roma buhat sa Corinto. At habang pinagpapala ng Diyos ang ministeryo ni Pablo at yaon pang sa mga iba, “sa kamangha-manghang paraan ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at nanaig.”—Gawa 19:20.
Mula Asia Hanggang Europa
3. Papaanong si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay nagpakita ng mainam na halimbawa may kaugnayan sa pag-akay sa kanila ng banal na espiritu?
3 Si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay nagpakita ng mainam na halimbawa sa pagtanggap ng pag-akay sa kanila ng banal na espiritu. (16:6-10) Marahil sa pamamagitan ng naririnig na mga pagsisiwalat, mga panaginip, o mga pangitain, sila’y hinadlangan ng espiritu sa pangangaral sa distrito ng Asia at sa lalawigan ng Bithynia, na noong bandang huli ay narating ng mabuting balita. (Gawa 18:18-21; 1 Pedro 1:1, 2) Bakit ang espiritu’y humadlang nang sila’y papasók doon noong una? Ang mga manggagawa ay kakaunti, at ang espiritu ay umaakay sa kanila tungo sa lalong mabubungang larangan sa Europa. Kaya naman sa ngayon, kung ang daan ay may harang sa isang teritoryo, ang mga Saksi ni Jehova ay sa ibang lugar nangangaral, anupa’t natitiyak nila na ang espiritu ng Diyos ang aakay sa kanila tungo sa mga taong tulad-tupa.
4. Ano ang tugon sa pangitain ni Pablo ng isang lalaking taga-Macedonia na nagmamakaawang humihingi ng tulong?
4 Pagkatapos si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay ‘dumaan sa’ Mysia, isang rehiyon sa Asia Minor, bilang isang larangang misyonero. Gayunman, sa isang pangitain si Pablo ay nakakita ng isang lalaking taga-Macedonia na nagmamakaawang humihingi ng tulong. Kaya ang mga misyonero ay agad pumaroon sa Macedonia, isang rehiyon ng Balkan Peninsula. Katulad din nila, maraming mga Saksi ang inaakay ng banal na espiritu na maglingkod ngayon kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga tagapangaral ng Kaharian.
5. (a) Bakit masasabing ang salita ni Jehova ay nanaig sa Filipos? (b) Papaanong marami sa kasalukuyang-panahong mga Saksi ang katulad ni Lydia?
5 Ang salita ni Jehova ay nanaig sa Macedonia. (16:11-15) Sa Filipos, isang kolonya na karamihan ng naninirahan ay mga mamamayang Romano, marahil ay may kakaunting mga Judio at walang sinagoga. Kaya’t ang mga kapatid ay naparoon sa “isang dakong dalanginan” sa tabi ng isang ilog sa labas ng lunsod. Isa sa mga nasumpungan doon ay si Lydia, posible na isang proselitang Judio na taga-Tiatira, isang lunsod sa Asia Minor na tanyag sa industriya ng mga pangkulay. Siya’y nagbibili ng mga pangkulay na kulay-ube o mga tela at mga damit na kinulayan nito. Pagkatapos na si Lydia at ang kaniyang sambahayan ay mabautismuhan, siya’y nagpakita ng lubhang taimtim na kagandahang-loob kung kaya’t si Lucas ay sumulat: “At kami’y pinilit niya.” Tayo’y nagpapasalamat dahil sa gayong uri ng mga kapatid na babae sa ngayon.
Isang Bantay-Preso ang Sumampalataya
6. Papaanong ang gawain ng mga demonyo ay humantong sa pagbibilanggo kay Pablo at kay Silas sa Filipos?
6 Tiyak na pinagalit si Satanas ng mga espirituwal na pangyayari sa Filipos, sapagkat ang gawain ng mga demonyo roon ay humantong sa pagbibilanggo kina Pablo at Silas. (16:16-24) Kung ilang araw na sila’y sinusundan ng isang dalagang may “isang demonyo ng pangkukulam” (sa literal, “isang espiritu ng python”). Marahil ginaya ng demonyo si Pythian Apollo, isang diyos na ipinagpapalagay na pumatay ng isang ahas na nagngangalang pyʹthon. Ang dalaga ay nagpapanhik sa kaniyang mga panginoon ng malaking kita sa pamamagitan ng sining ng panghuhula. Aba, baka kaniyang sinasabi sa mga magsasaka kung kailan magtatanim, sa mga dalaga kung kailan dapat mag-asawa, at sa mga minero kung saan mahahanap ang ginto! Siya’y patuloy na sumunod sa mga kapatid at sumisigaw: “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na naghahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.” Baka pinangyari ng demonyo na sabihin niya ito upang magtingin na ang kaniyang mga panghuhula ay kinasihan ng Diyos, ngunit ang mga demonyo ay walang karapatan na gumawa ng mga pagpapahayag tungkol kay Jehova at sa kaniyang paglalaan ukol sa kaligtasan. Nang si Pablo ay magsawa na sa panliligalig, kaniyang pinalabas ang demonyo sa pangalan ni Jesus. Ngayon na bagsak na ang kanilang negosyo, kinaladkad ng mga panginoon ng dalaga sina Pablo at Silas tungo sa dakong pamilihan, at sila’y binugbog ng mga panghampas. (2 Corinto 11:25) Pagkatapos ay ibinilanggo sila at ang kanilang mga paa ay inilagay sa mga pangawan. Ang gayong mga gamit ay maaaring isaayos upang mapuwersa na ibuka ang mga paa ng isang tao, anupa’t nagbibigay ng napakatinding kirot.
7. Para kanino at sa papaano humantong sa mga pagpapala ang pagkabilanggo ni Pablo at ni Silas sa Filipos?
7 Ang pagkabilanggong ito ay humantong sa mga pagpapala para sa bantay-preso at sa kaniyang pamilya. (16:25-40) Noong may hatinggabi si Pablo at si Silas ay nananalangin at umaawit ng mga papuri sa Diyos, taglay ang kasiguruhan na siya’y sumasakanila. (Awit 42:8) Biglang-bigla, isang lindol ang naganap at kapagdaka’y nangabuksan ang mga pinto at nangakalas ang mga gapos nang ang mga tanikala ay mabuwag sa pagkatali sa mga haligi o mga dingding. Ang bantay-preso ay nangangambang dumanas ng parusang kamatayan dahilan sa nangakatakas ang kaniyang mga preso. Noon ay halos magpapatiwakal na lamang siya nang sumigaw si Pablo: “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat!” Pagkatapos dalhin sa labas sina Pablo at Silas, ang bantay-preso ay nagtanong kung papaano siya maliligtas. “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus,” ang tugon. Nang marinig nila ang salita ni Jehova, “siya at ang kaniyang sambahayan ay nangabautismuhan nang walang pagpapaliban.” Anong laking kagalakan ang idinulot niyaon!
8. Anong pagkilos ang ginawa sa Filipos ng mga hukom, at ano ang maaaring nangyari kung kanilang kinilala sa harap ng publiko ang kanilang pagkakamali?
8 Kinabukasan, ang mga hukom ay nagpasabi na pawalan na si Pablo at si Silas. Ngunit sinabi ni Pablo: ‘Binugbog nila kami nang hindi nahahatulan, kami’y mga lalaking Romano, at kami’y ibinilanggo. Lihim ba nila kaming pawawalan? Magsiparito sila at kami’y pawalan.’ Kung kikilalanin ng mga hukom sa publiko ang kanilang pagkakamali, sila’y baka mag-atubili na manggulpi at magbilanggo ng mga iba pang Kristiyano. Palibhasa’y hindi nila mapaaalis ang mga mamamayang Romano, ang mga hukom ay naparoon at hiniling sa mga kapatid na sila’y umalis na, ngunit ginawa nila ito pagkatapos na mapalakas-loob ang mga kapananampalataya nila. Ang ganiyang interes ngayon ang nagpapakilos sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at iba pang naglalakbay na mga kinatawan upang dumalaw at mapatibay ang mga lingkod ng Diyos sa buong lupa.
Ang Salita ni Jehova ay Nananaig sa Tesalonica at sa Berea
9. Sa papaanong paraan, na ginagamit pa rin ng mga Saksi ni Jehova, ‘ipinaliwanag at pinatunayan’ ni Pablo na ang Mesiyas ay kinailangang magdusa at ibangon sa mga patay?
9 Ang salita ng Diyos ay sumunod naman na nanaig sa Tesalonica, ang kabisera ng Macedonia at pangunahing daungan dito. (17:1-9) Doon si Pablo ay nakipagkatuwiranan sa mga Judio, “nagpapaliwanag at nagpapatunay” na ang Mesiyas ay kailangang magdusa at ibangon buhat sa mga patay. (Ginawa iyon ni Pablo sa pamamagitan ng paghahambing ng mga hula sa mga pangyayaring natutupad, gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova.) Sa ganoon, ang ibang mga Judio, maraming mga proselita, at ang mga iba pa ay naging mga mananampalataya. Nang ang ilang naiinggit na mga Judio ay bumuo ng isang pangkat ng mga mang-uumog ngunit hindi nila nakita sina Pablo at Silas, kanilang kinaladkad si Jason at iba pang mga kapatid sa harap ng mga punong-bayan at inakusahan sila ng sedisyon, isang walang katotohanang paratang na ibinubunton din laban sa mga lingkod ni Jehova. Gayunman, ang mga kapatid ay pinawalan pagkatapos na magbigay ng “sapat na siguridad.”
10. Sa anong diwa ang mga Judio sa Berea ay ‘maingat na nagsuri’ ng Kasulatan?
10 Si Pablo at si Silas ay nagpunta naman pagkatapos sa siyudad ng Berea. (17:10-15) Doon ang mga Judio ay ‘maingat na nagsuri’ ng Kasulatan, gaya ng paghimok ng mga Saksi ni Jehova na gawin ang gayon sa ngayon. Ang mga taga-Bereang iyon ay hindi nag-alinlangan kay Pablo nguni’t sila’y nagsaliksik upang patunayan na si Jesus ang Mesiyas. Ang resulta? Maraming Judio at ilang Griego (marahil mga proselita) ang naging mananampalataya. Nang ang mga Judio na taga-Tesalonica ang manggulo sa karamihan, sinamahan ng mga kapatid si Pablo hanggang sa tabing-dagat, kung saan ang ilan sa kaniyang pangkat ay maaaring sumakay sa isang barko patungo sa Piraeus (modernong-panahong Piraiévs), ang daungang lunsod ng Atenas.
Ang Salita ni Jehova ay Nananaig sa Atenas
11. (a) Papaanong lakas-loob na nagpatotoo si Pablo sa Atenas, ngunit sino ang nakipagtalo sa kaniya? (b) Ano ba ang ipinahihiwatig ng iba nang kanilang tukuyin na si Pablo ay isang “madaldal”?
11 Isang lakas-loob na pagpapatotoo ang ginawa sa Atenas. (17:16-21) Dahilan sa pahayag ni Pablo tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli, ang mga pilosopo’y nakipagtalo sa kaniya. Ang ilan ay mga Epicurio, na ang idiniriin ay kalayawan. Ang iba naman ay mga Stoico, na disiplina-sa-sarili ang pinatitingkad. ‘Ano kaya ang ibig sabihin ng madaldal na ito?’ ang tanong ng iba. Ang “madaldal” (sa literal, “mamumulot ng buto”) ay nagpapahiwatig na si Pablo’y tulad ng isang ibong namumulot ng mga buto at namumudmod ng kati-katiting na kaalaman ngunit kulang sa karunungan. Sabi ng iba: “Parang siya’y tagapagbalita ng ibang mga diyos.” Ito’y seryosong bagay, sapagkat si Socrates ay namatay dahil sa gayong paratang. Di nagluwat si Pablo ay dinala sa Areopago (Burol ng Mars), maaaring kung saan ang nasa-labas na korte suprema ay nagsesesyon malapit sa Acropolis.
12. (a) Anong mga katangian ng mahusay na pagsasalita sa madla ang mapapansin sa pahayag ni Pablo sa Areopago? (b) Anong mga punto ang binanggit ni Pablo tungkol sa Diyos, at ano ang resulta?
12 Ang pahayag ni Pablo sa Areopago ay mainam na halimbawa ng isang may epektibong pambungad, lohikong pagbuo, at nakakukumbinsing argumento—gaya ng itinuturo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ng mga Saksi ni Jehova. (17:22-34) Sinabi niya na ang mga taga-Atenas ay higit na relihiyoso kaysa iba. Aba, sila’y may isa pa man ding dambana para “Sa Isang Di-kilalang Diyos,” marahil upang maiwasan ang paghamak sa anumang diyos! Binanggit ni Pablo ang Maylikha na “gumawa buhat sa isang tao ng bawat bansa ng mga tao” at “itinakda niya ang kani-kaniyang panahon at hangganan ng tahanan ng mga tao,” tulad nang kaniyang buwagin ang mga Cananeo. (Genesis 15:13-21; Daniel 2:21; 7:12) Ang Diyos na ito ay maaaring masumpungan, “sapagkat tayo man ay kaniyang lahi,” ang sabi ni Pablo, na ang tinutukoy ay ang pagkalalang ni Jehova sa tao at sinipi ang sinabi ng kanilang mga makatang sina Aratus at Cleanthes. Bilang lahi ng Diyos, huwag nating isipin na ang sakdal na Maylikha ay tulad ng isang idolo na ginawa ng di-sakdal na tao. Noon ay pinalipas na ng Diyos ang gayong kawalang-alam ngunit ngayon ay sinasabihan niya ang sangkatauhan na magsisi, sapagkat siya’y nagtakda ng isang araw upang hatulan ang mga tao ng kaniyang Hinirang. Yamang ang ginagawa ni Pablo’y ang “pangangaral ng mabuting balita ni Jesus,” alam ng kaniyang mga tagapakinig na ang tinutukoy niya ay si Kristo na magiging Hukom na iyon. (Gawa 17:18; Juan 5:22, 30) Ang pagbanggit sa pagsisisi ay kinayamutan ng mga Epicureo, at ang mga pilosopong Griego ay tumanggap naman tungkol sa pagkawalang-kamatayan ngunit hindi nila natanggáp ang tungkol sa kamatayan at sa pagkabuhay-muli. Malinaw, tulad ng marami na ngayo’y nagkikibit-balikat sa pagtanggi sa mabuting balita, ang iba’y nagsasabi: ‘Pakikinggan ka namin sa ibang pagkakataon.’ Ngunit ang hukom na si Dionisio at ang mga iba pa ay nagsisampalataya.
Ang Salita ng Diyos ay Nananaig sa Corinto
13. Papaano tinustusan ni Pablo ang kaniyang sarili sa ministeryo, at ano ang makabagong-panahong katulad nito na makikita natin?
13 Si Pablo’y nagpatuloy at naparoon sa Corinto, kabisera ng lalawigan ng Acaya. (18:1-11) Doon ay nasumpungan niya si Aquila at si Priscilla, na nagtungo roon nang ipag-utos ni Claudio Cesar na ang mga Judiong hindi mga mamamayang Romano ay magsialis sa Roma. Upang may maitustos sa kaniyang sarili sa ministeryo, si Pablo ay gumawa ng mga tolda kasama ng mag-asawang Kristiyanong ito. (1 Corinto 16:19; 2 Corinto 11:9) Ang pagtabas at pagtahi ng matigas na telang balahibong-kambing ay hindi biru-birong trabaho. Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova ang tumutustos sa kanilang materyal na pangangailangan sa pamamagitan ng paghahanapbuhay, ngunit ang kanilang bokasyon ay ang ministeryo.
14. (a) Samantalang nakaharap sa patuloy na pananalansang ng mga Judio sa Corinto, ano ang ginawa ni Pablo? (b) Papaanong tiniyak kay Pablo na siya’y dapat manatili sa Corinto, ngunit ano ang pumapatnubay sa ngayon sa mga lingkod ni Jehova?
14 Ang mga Judio sa Corinto ay patuloy na nagsalita nang may pang-aabuso samantalang inihahayag ni Pablo ang pagka-Mesiyas ni Jesus. Kaya’t kaniyang ipinagpag ang kaniyang kasuotan upang mawalan ng pananagutan ukol sa kanila at siya’y nagsimulang magdaos ng mga pulong sa bahay ni Tito Justo, malamang na isang Romano. Marami (kasali na ang dating pinunò sa sinagoga na si Crispo at ang kaniyang sambahayan) ay naging bautismadong mga mananampalataya. Kung dahil sa pagsalangsang ng mga Judio ay nag-alinlangan si Pablo kung siya baga’y mananatili sa Corinto, naalis ang pag-aalinlangang iyon nang sa pangitain ay sabihin sa kaniya ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot. Patuloy na magsalita ka, sapagkat ako’y sumasaiyo at walang taong pipinsala sa iyo. Marami akong tauhan sa lunsod na ito.’ Kaya si Pablo ay patuloy na nagturo roon ng salita ng Diyos, may isang taon at anim na buwan lahat-lahat. Bagaman ang mga lingkod ni Jehova ay hindi ngayon tumatanggap ng mga pangitain, kapuwa ang panalangin at ang patnubay ng banal na espiritu ang tumutulong sa kanila na gumawa ng katulad na matalinong mga pasiya tungkol sa mga kapakanan ng Kaharian.
15. Ano ang nangyari nang si Pablo ay dalhin sa harap ng Proconsul Gallio?
15 Si Pablo ay dinala ng mga Judio sa Proconsul Junio Gallio. (18:12-17) Kanilang ipinahiwatig na si Pablo ay humihikayat ng mga alagad laban sa kautusan—isang maling paratang na ginagawa ngayon ng mga klerigong Griego laban sa mga Saksi ni Jehova. Batid ni Gallio na si Pablo’y hindi nagkakasala ng katampalasanan at na hindi gaanong sumasaisip ng mga Judio ang kapakanan ng Roma at ng batas nito, kaya’t sila’y pinalayas niya. Nang si Sosthenes, ang bagong pinunò sa sinagoga, ay bugbugin ng mga nagmamasid, si Gallio ay hindi humadlang, marahil sa pag-aakala na ang inaakalang nanguna sa pang-uumog kay Pablo ay tumatanggap ng nararapat.
16. Bakit hindi masama para kay Pablo na ipaahit ang kaniyang buhok dahil sa isang panata?
16 Mula sa daungan ng Cenchreae sa Aegeano si Pablo ay naglayag patungong Efeso, isang siyudad sa Asia Minor. (18:18-22) Bago siya nagbiyahe ‘kaniyang ipinaahit ang buhok ng kaniyang ulo, sapagkat siya’y may panata.’ Hindi sinasabi kung si Pablo’y nagpanata bago naging tagasunod ni Jesus o kung ito ang pasimula o ang katapusan ng panahon ng pamamanata. Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan, ngunit iyon ay bigay-Diyos at banal, at hindi naman kasalanan ang gumawa ng gayong panata. (Roma 6:14; 7:6, 12; Galacia 5:18) Sa Efeso, si Pablo ay nakipagkatuwiranan sa mga Judio, nangakong babalik kung kalooban iyon ng Diyos. (Ang pangakong iyan ay tinupad noong bandang huli.) Ang kaniyang pagbalik sa Antioquia sa Syria ang tumapos sa kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero.
Ang Salita ni Jehova ay Nananaig sa Efeso
17. Tungkol sa bautismo, anong paliwanag ang kinailangan ni Apollos at ng mga iba pa?
17 Sa madaling panahon ay sinimulan ni Pablo ang kaniyang ikatlong paglalakbay misyonero (mga 52-56 C.E.). (18:23–19:7) Samantala sa Efeso, si Apollos ay nagturo tungkol kay Jesus ngunit ang alam lamang niya ay ang bautismo ni Juan na sumasagisag sa pagsisisi sa mga kasalanan laban sa tipang Kautusan. Ang ginawa ni Priscilla at ni Aquila ay kanilang “ipinaliwanag sa kaniya nang lalong wasto ang daan ng Diyos,” malamang na ipinaliwanag na sa pagkabautismo ng bautismong katulad ng kay Jesus ang isang tao ay kailangang palubog sa tubig at tumanggap ng ibinuhos na banal na espiritu. Pagkatapos na maganap ang bautismo ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., sinumang nabautismuhan ng bautismo ni Juan ay kailangang muling bautismuhan sa pangalan ni Jesus. (Mateo 3:11, 16; Gawa 2:38) Nang malaunan sa Efeso, mga 12 lalaking Judio na nabautismuhan ng bautismo ni Juan ay “napabautismo sa ngalan ng Panginoong Jesus” bilang ang tanging inulit na bautismo na nasusulat sa Kasulatan. Nang sila’y patungan ni Pablo ng kaniyang kamay, sila’y tumanggap ng banal na espiritu at dalawang kahima-himalang patotoo na iyon ay tinanggap na sa langit—pagsasalita ng mga wika at panghuhula.
18. Saan nagpatotoo si Pablo samantalang siya’y nasa Efeso, at ano ang resulta?
18 Si Pablo ay tiyak na naging abala sa Efeso, isang lunsod na may mga 300,000 naninirahan. (19:8-10) Ang templo roon ng diyosang si Artemis ay isa sa pitong kababalaghan ng sinaunang daigdig, at ang teatro roon ay may upuan para sa 25,000. Sa sinagoga, si Pablo ay ‘gumamit ng panghihikayat’ sa pamamagitan ng paghaharap ng nakakakumbinsing pangangatuwiran ngunit umalis nang Ang Daan, o pamumuhay na salig sa pananampalataya kay Kristo, ay pagsalitaan ng masama ng ilang mga tao. Sa loob ng dalawang taon, sa araw-araw ay nagsalita si Pablo sa auditorium ng paaralan ni Tyranno, at “ang salita” ay lumaganap sa buong distrito ng Asia.
19. Ano ang naganap sa Efeso na nagpangyaring ‘ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at nanaig’ doon?
19 Ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa gawain ni Pablo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng kapangyarihan na magpagaling at magpalabas ng mga demonyo. (19:11-20) Ngunit ang pitong anak na lalaki ng pangulong saserdoteng Sceva ay hindi nakapagpalabas ng demonyo sa pangalan ni Jesus sapagkat sila’y hindi kumakatawan sa Diyos at kay Kristo. Sila ay sinugatan pa ng inaalihan ng demonyo! Kaya natakot ang mga tao, at “ang pangalan ng Panginoong Jesus ay patuloy na dinakila.” Ang mga naging mananampalataya ay nagtakwil ng kanilang mga gawaing okulto at sa harap ng madla ay sinunog nila ang kanilang mga aklat na may mga orasyon at mga pormula sa madyik. “Sa gayon,” isinulat ni Lucas, “sa kamangha-manghang paraan ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at nanaig.” Ngayon man, ang mga lingkod ng Diyos ay tumutulong upang palayain ang mga tao buhat sa demonismo.—Deuteronomio 18:10-12.
Ang Panatikong mga Relihiyoso ay Hindi Nagtatagumpay
20. Bakit ang mga panday-pilak ng Efeso ay nagbangon ng gulo, at papaano iyon tinapos?
20 Malimit na ang mga Saksi ni Jehova’y napapaharap sa pangkat ng nagagalit na mga mang-uumog, at gayundin ang mga Kristiyano sa Efeso. (19:21-41) Habang dumarami ang mga mananampalataya, si Demetrio at ang iba pang mga panday-pilak ay nalulugi dahil sa kumakaunting mga tao ang bumibili ng kanilang mga dambanang pilak ng maraming-susong diyos ng pag-aanak na si Artemis. Sa sulsol ni Demetrio, isang pangkat ng mga mang-uumog ang nagdala sa teatro sa mga kasamahan ni Pablo na si Gayo at si Aristarco, ngunit hindi pinayagan ng mga alagad na si Pablo’y pumasok. Kahit ang ilan sa mga tagapamanihala ng mga kapistahan at mga laro ay nakiusap na huwag niyang isapanganib ang kaniyang buhay. Sa loob ng mga dalawang oras, ang mga mang-uumog ay nagsumigawan: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Sa wakas, ang kalihim-bayan (na nangungulo sa gobyernong munisipal) ay nagsabing ang mga panday-pilak ay makapagsasampa ng kanilang demanda sa isang prokonsul, na autorisadong gumawa ng makatarungang mga desisyon, o dili kaya ang kanilang kaso ay maaaring pagpasiyahan sa “isang regular na asamblea” ng mga mamamayan. Kung hindi gayon, maaaring ang mga nasa di-regular na asambleang ito ay bintangan ng panggugulo. At sa puntong iyan, kaniyang pinaalis na sila.
21. Sa papaano pinagpala ng Diyos ang gawain ni Pablo, at papaano niya pinagpapala ang gawain naman ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
21 Tinulungan ng Diyos si Pablo upang humarap sa sarisaring pagsubok at pinagpala ang kaniyang pagsisikap na tulungan ang mga taong tanggihan ang kamaliang relihiyoso at tanggapin ang katotohanan. (Ihambing ang Jeremias 1:9, 10.) Anong laki ng ating pasasalamat na ang ating gawain ay pinagpapala rin ng ating makalangit na Ama! Sa gayon, sa ngayon tulad din noong unang siglo, ‘ang salita ni Jehova ay lumalago at nananaig.’
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo sa pagtanggap sa pag-akay na ginagawa ng banal na espiritu?
◻ Anong paraan, na ginagamit pa rin hanggang ngayon ng mga lingkod ni Jehova, ang ginamit ni Pablo sa ‘pagpapaliwanag at pagpapatotoo’ sa mga bagay-bagay?
◻ Ano ang pagkakahawig ng mga pagtugon sa pahayag ni Pablo sa Areopago at sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova?
◻ Papaano tinustusan ni Pablo ang kaniyang sarili sa ministeryo, at anong modernong-panahong kahalintulad mayroon ito?
◻ Gaya ng pagpapala niya sa gawain ni Pablo, papaano pinagpapala ng Diyos ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Nanaig ang salita ni Jehova sa
1. Filipos
2. at 3. Atenas
4. at 6. Efeso
5. Roma
[Credit Line]
Photo No. 4: Manley Studios