Ang mga Kristiyano at ang Sanlibutan ng Tao
“Patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas.”—COLOSAS 4:5.
1. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod at sa sanlibutan?
SA ISANG panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila mula sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot.” (Juan 17:14, 15) Ang mga Kristiyano ay hindi literal na hihiwalay sa sanlibutan—halimbawa, sa pamamagitan ng pamumuhay na nakabukod sa mga monasteryo. Sa halip, ‘isinugo sila ni Kristo sa sanlibutan’ upang maging kaniyang mga saksi “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Juan 17:18; Gawa 1:8) Gayunpaman, hiniling niya sa Diyos na bantayan sila sapagkat si Satanas, “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” ay magsusulsol ng pagkapoot sa kanila dahil sa pangalan ni Kristo.—Juan 12:31; Mateo 24:9.
2. (a) Paano ginagamit ng Bibliya ang salitang “sanlibutan”? (b) Anong timbang na saloobin ang ipinakikita ni Jehova sa sanlibutan?
2 Ang salitang “sanlibutan” (Griego, koʹsmos) sa Bibliya ay malimit na tumutukoy sa di-matuwid na lipunan ng tao, na “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Dahil umaayon ang mga Kristiyano sa mga pamantayan ni Jehova at sumusunod din sa utos na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa sanlibutan, kung minsa’y umiiral ang mahirap na kaugnayan sa pagitan nila at ng sanlibutan. (2 Timoteo 3:12; 1 Juan 3:1, 13) Gayunman, ginagamit din ang koʹsmos sa Kasulatan upang tumukoy sa pamilya ng tao sa pangkalahatan. Nang bumabanggit tungkol sa sanlibutan sa ganitong diwa, sinabi ni Jesus: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan niya ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” (Juan 3:16, 17; 2 Corinto 5:19; 1 Juan 4:14) Kaya, bagaman kinapopootan ang mga bagay na nagpapakilala sa balakyot na sistema ni Satanas, ipinakita naman ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang Anak sa lupa upang mailigtas ang lahat na ‘makaaabot sa pagsisisi.’ (2 Pedro 3:9; Kawikaan 6:16-19) Ang timbang na saloobin ni Jehova sa sanlibutan ay dapat na pumatnubay sa kaniyang mga mananamba.
Ang Halimbawa ni Jesus
3, 4. (a) Ano ang paninindigan ni Jesus may kinalaman sa pamamahala? (b) Paano minalas ni Jesus ang sanlibutan ng tao?
3 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Kasuwato ng mga salitang ito, bago nito ay tinanggihan ni Jesus ang alok ni Satanas na bigyan siya ng awtoridad sa mga kaharian sa sanlibutan, at tumanggi siyang gawing hari ng mga Judio. (Lucas 4:5-8; Juan 6:14, 15) Gayunpaman, nagpakita si Jesus ng matinding pag-ibig sa sanlibutan ng tao. Ang isang halimbawa nito ay iniulat ni apostol Mateo: “Sa pagkakita sa mga pulutong siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” Udyok ng pag-ibig, nangaral siya sa mga tao sa kanilang mga bayan at nayon. Tinuruan niya sila at pinagaling ang kanilang mga karamdaman. (Mateo 9:36) Madali rin siyang tumugon sa pisikal na mga pangangailangan niyaong mga pumunta upang matuto sa kaniya. Mababasa natin: “Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa kaniya at sinabi: ‘Nahahabag ako sa pulutong, sapagkat tatlong araw na silang nananatiling kasama ko at wala silang anumang makakain; at hindi ko ibig na payaunin sila na nag-aayuno. Sila ay posibleng manghina sa daan.’ ” (Mateo 15:32) Tunay ngang isang maibiging pagmamalasakit!
4 Ang mga Judio ay may matinding pagtatangi laban sa mga Samaritano, ngunit si Jesus ay matagal na nakipag-usap sa isang babaing Samaritana at dalawang araw na lubusang nagpapatotoo sa isang Samaritanong lunsod. (Juan 4:5-42) Bagaman sinugo siya ng Diyos sa “nawawalang mga tupa ng bahay ng Israel,” may mga pagkakataong tinugon ni Jesus ang pagpapahayag ng pananampalataya ng ibang di-Judio. (Mateo 8:5-13; 15:21-28) Oo, ipinamalas ni Jesus na posibleng maging “hindi bahagi ng sanlibutan” at kasabay nito ay magpakita ng pag-ibig sa sanlibutan, sa mga tao. Nagpapakita rin ba tayo ng katulad na pagdamay sa mga tao sa lugar na ating tinitirhan, pinagtatrabahuhan, o pinamimilihan? Nagmamalasakit ba tayo sa kanilang kapakanan—hindi lamang sa kanilang espirituwal na pangangailangan kundi gayundin sa ibang pangangailangan kung makatuwirang makakaya natin na tumulong? Gayon ang ginawa ni Jesus, at sa paggawa nito, binuksan niya ang daan upang maturuan ang mga tao tungkol sa Kaharian. Totoo, hindi tayo makagagawa ng literal na mga himala tulad ng ginawa ni Jesus. Ngunit ang isang gawa ng kabaitan ay malimit, wika nga, na gumagawa ng mga himala sa pag-aalis ng pagtatangi.
Ang Saloobin ni Pablo sa mga Tao na “Nasa Labas”
5, 6. Paano pinakitunguhan ni apostol Pablo ang mga Judio na “nasa labas”?
5 Sa ilan sa kaniyang mga liham, tinukoy ni apostol Pablo ang mga tao sa “labas” o “nasa labas,” na ang ibig sabihin ay mga di-Kristiyano, maging mga Judio man o mga Gentil. (1 Corinto 5:12; 1 Tesalonica 4:12; 1 Timoteo 3:7) Paano siya nakitungo sa gayong mga tao? Siya ay ‘naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas niya ang ilan.’ (1 Corinto 9:20-22) Kapag dumating siya sa isang lunsod, ang kaayusan niya sa pangangaral ay ang pagpunta muna sa mga Judio na naninirahan doon. Ano ang pamamaraan niya? Sa mataktika at magalang na paraan, nagbigay siya ng kapani-paniwalang patotoo sa Bibliya na ang Mesiyas ay dumating na, namatay sa isang sakripisyong kamatayan, at binuhay-muli.—Gawa 13:5, 14-16, 43; 17:1-3, 10.
6 Sa ganitong paraan ay ginamit ni Pablo ang kaalaman ng mga Judio tungkol sa Batas at sa mga propeta nang sa gayo’y maturuan sila tungkol sa Mesiyas at sa Kaharian ng Diyos. At nagtagumpay siya na makumbinsi ang ilan. (Gawa 14:1; 17:4) Sa kabila ng pagsalansang ng mga lider na Judio, nagpakita si Pablo ng pagmamahal sa mga kapuwa Judio nang sumulat siya: “Mga kapatid, ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila [na mga Judio] ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan. Sapagkat nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.”—Roma 10:1, 2.
Pagtulong sa mga Di-Judiong Mananampalataya
7. Paano tumugon ang maraming proselita sa mabuting balita na ipinangaral ni Pablo?
7 Ang mga proselita ay mga di-Judio na naging tuling nagsasagawa ng Judaismo. Maliwanag, may mga proselitang Judio sa Roma, Sirianong Antioquia, Etiopia, at Antioquia sa Pisidia—sa katunayan, sa buong Judiong Diaspora. (Gawa 2:8-10; 6:5; 8:27; 13:14, 43; ihambing ang Mateo 23:15.) Di-tulad ng maraming tagapamahalang Judio, malamang na ang mga proselita ay hindi palalo, at hindi sila makapagmamalaki na sila’y inapo ni Abraham. (Mateo 3:9; Juan 8:33) Sa halip, iniwan nila ang mga paganong diyos at mapagpakumbabang bumaling kay Jehova, anupat nagtamo ng kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga batas. At tinanggap nila ang Judiong pag-asa sa isang darating na Mesiyas. Palibhasa’y nagpakita na ng pagkukusang magbago sa kanilang paghahanap ng katotohanan, marami sa kanila ang handang gumawa ng higit pang pagbabago at tumugon sa pangangaral ni apostol Pablo. (Gawa 13:42, 43) Kapag ang isang proselita na dating sumasamba sa mga paganong diyos ay nakumberte sa Kristiyanismo, siya ay pantanging nasasangkapan na magpatotoo sa ibang mga Gentil na sumasamba pa rin sa mga diyos na iyon.
8, 9. (a) Bukod sa mga proselita, ano pang ibang grupo ng mga Gentil ang naakit sa relihiyon ng mga Judio? (b) Paano tumugon sa mabuting balita ang maraming di-tuling may takot sa Diyos?
8 Bukod sa mga tuling proselita, ang iba pang di-Judio ay naakit sa relihiyon ng mga Judio. Ang una sa mga ito na naging isang Kristiyano ay si Cornelio na, bagaman hindi isang proselita, ay “isang taong deboto at isa na natatakot sa Diyos.” (Gawa 10:2) Sa kaniyang komentaryo sa Mga Gawa, ganito ang isinulat ni Propesor F. F. Bruce: “Ang gayong mga Gentil ay karaniwan nang tinatawag na ‘mga may takot sa Diyos’; bagaman hindi ito isang teknikal na termino, ito ay isa na angkop gamitin. Maraming Gentil nang panahong iyon, bagaman hindi handa na lubusang makumberte sa Judaismo (ang kahilingan na pagtutuli ay isang pantanging katitisuran sa mga tao), ang naakit sa madaling maunawaang iisang Diyos na sinasamba ng mga Judio sa mga sinagoga at sa moral na mga pamantayan sa Judiong paraan ng pamumuhay. Ang ilan sa kanila ay dumadalo sa mga sinagoga at naging medyo pamilyar sa mga panalangin at mga aralin sa kasulatan, na kanilang narinig na binabasa sa bersiyong Griego.”
9 Nakatagpo si apostol Pablo ng maraming may takot sa Diyos nang siya’y nangangaral sa mga sinagoga sa Asia Minor at sa Gresya. Sa Pisidianong Antioquia ay binati niya ang mga nagkakatipon sa sinagoga bilang “mga lalaki, mga Israelita at kayong iba pa na natatakot sa Diyos.” (Gawa 13:16, 26) Sumulat si Lucas na pagkatapos mangaral ni Pablo sa loob ng tatlong Sabbath sa sinagoga sa Tesalonica, “ang ilan sa kanila [mga Judio] ay naging mga mananampalataya [mga Kristiyano] at sumama kina Pablo at Silas, at isang malaking karamihan ng mga Griego na sumasamba sa Diyos at hindi kakaunti sa mga pangunahing babae ang gumawa ng gayon.” (Gawa 17:4) Malamang, ang ilan sa mga Griego ay mga di-tuling may takot sa Diyos. May patotoo na marami sa gayong mga Gentil ang sumama sa mga Judiong komunidad.
Pangangaral sa mga “Di-mananampalataya”
10. Paano nangaral si Pablo sa mga Gentil na walang kaalaman sa Kasulatan, at ano ang resulta?
10 Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang “di-mananampalataya” ay maaaring tumukoy sa mga tao sa pangkalahatan na di-kabilang sa Kristiyanong kongregasyon. Madalas na ito ay tumutukoy sa mga pagano. (Roma 15:31; 1 Corinto 14:22, 23; 2 Corinto 4:4; 6:14) Maraming di-mananampalataya sa Atenas ang naturuan sa Griegong pilosopiya anupat wala silang anumang kaalaman sa Kasulatan. Ito ba ay nagpahina ng loob ni Pablo sa pangangaral sa kanila? Hindi. Subalit ibinagay naman niya ang kaniyang paraan. Buong-kahusayang iniharap niya ang Biblikal na mga ideya nang hindi tuwirang bumabanggit mula sa Hebreong Kasulatan, na hindi alam ng mga taga-Atenas. Buong-kasanayan niyang ipinakita ang pagkakahawig sa pagitan ng katotohanan sa Bibliya at ng ilang kaisipan na ipinahayag ng mga sinaunang makatang Estoico. At ipinakilala niya ang ideya ng isang tunay na Diyos sa buong sangkatauhan, isang Diyos na hahatol sa katuwiran sa pamamagitan ng isang tao na namatay at binuhay-muli. Kaya mataktikang nangaral si Pablo sa mga taga-Atenas tungkol kay Kristo. Ang resulta? Samantalang ang karamihan ay tuwirang nanlibak sa kaniya o nag-alinlangan, “nakisama sa kaniya ang ilan sa mga lalaki at naging mga mananampalataya, na isa rin sa kanila si Dionisio, isang hukom ng hukuman ng Areopago, at isang babae na pinanganlang Damaris, at mga iba pa bukod sa kanila.”—Gawa 17:18, 21-34.
11. Anong uri ng lunsod ang Corinto, at ano ang resulta ng pangangaral doon ni Pablo?
11 Sa Corinto ay may malaking komunidad ng mga Judio, kaya sinimulan ni Pablo ang kaniyang ministeryo roon sa pamamagitan ng pangangaral sa sinagoga. Ngunit nang lumabas na salansang ang mga Judio, nagtungo si Pablo sa populasyong Gentil. (Gawa 18:1-6) Tunay ngang isang pambihirang populasyon! Ang Corinto ay isang lunsod na abala, maraming dayuhan, at komersiyal, anupat kilala sa buong Greco-Romanong daigdig dahil sa kahalayan nito. Sa katunayan, ang pananalitang “magsa-Corinto” ay nangangahulugang kumilos nang may kahalayan. Gayunman, pagkatapos tanggihan ng mga Judio ang pangangaral ni Pablo ay saka lamang nagpakita sa kaniya si Kristo at nagsabi: “Huwag kang matakot, kundi patuloy kang magsalita . . . , sapagkat marami akong mga tao sa lunsod na ito.” (Gawa 18:9, 10) Gayon nga ang nangyari, nagtatag si Pablo ng isang kongregasyon sa Corinto, bagaman ang ilan sa mga miyembro nito ay dating nagkaroon ng “taga-Corinto” na istilo ng pamumuhay.—1 Corinto 6:9-11.
Sinisikap Iligtas ang “Lahat ng Uri ng Tao” sa Ngayon
12, 13. (a) Paano nakakatulad ng ating teritoryo ngayon ang teritoryo noong panahon ni Pablo? (b) Anong saloobin ang ipinakikita natin sa mga teritoryo kung saan matagal nang naitatag ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan o kung saan marami ang nasisiphayo sa organisadong relihiyon?
12 Sa ngayon, gaya noong unang siglo, “ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos . . . [ay] nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng tao.” (Tito 2:11) Ang teritoryo para sa pangangaral ng mabuting balita ay lumawak upang sumaklaw sa lahat ng kontinente at karamihan ng mga isla sa dagat. At, gaya noong panahon ni Pablo, ang “lahat ng uri ng tao” ay talagang natagpuan. Halimbawa, nangangaral ang ilan sa atin sa mga lupain na doo’y marami nang siglong naitatag ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Tulad ng mga Judio noong unang siglo, ang kanilang mga miyembro ay maaaring mahigpit na sumusunod sa mga relihiyosong tradisyon. Gayunpaman, nalulugod tayong hanapin yaong may mabuting kalagayan ng puso at gamitin ang anumang kaalaman sa Bibliya na taglay nila. Hindi natin sila minamaliit o hinahamak kahit na kung minsa’y sinasalansang at pinag-uusig tayo ng kanilang mga relihiyosong lider. Sa halip, kinikilala natin na ang ilan sa kanila ay maaaring may ‘sigasig sa Diyos’ kahit na walang tumpak na kaalaman. Tulad nina Jesus at Pablo, nagpapakita tayo ng taimtim na pag-ibig sa mga tao, at mayroon tayong masidhing hangarin na sila’y maligtas.—Roma 10:2.
13 Habang nangangaral, marami sa atin ang nakatatagpo ng mga taong nasisiphayo sa organisadong relihiyon. Subalit maaaring sila’y may takot pa rin sa Diyos, anupat sa isang antas ay naniniwala sa Diyos at nagsisikap na magkaroon ng mabuting pamumuhay. Sa liko at lalong nagiging walang-diyos na salinlahing ito, hindi ba tayo dapat magalak na makatagpo ng mga taong may paniniwala sa Diyos? At hindi ba tayo nasasabik na akayin sila sa isang anyo ng pagsamba na hindi kakikitaan ng pagpapaimbabaw at kabulaanan?—Filipos 2:15.
14, 15. Paano nagkaroon ng isang malawak na larangan sa pangangaral ng mabuting balita?
14 Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa pangubkob na lambat, inihula ni Jesus na magkakaroon ng isang malaking teritoryo sa gawaing pangangaral. (Mateo 13:47-49) Sa pagpapaliwanag sa ilustrasyong ito, ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1992, sa pahina 20: “Sa lumipas na mga siglo ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan ay gumanap ng pangunahing bahagi sa pagsasalin, pagkopya, at pamamahagi ng Salita ng Diyos. Ang mga iglesya nang bandang huli ay bumuo o sumuporta ng mga samahan sa Bibliya, na nagsalin ng Bibliya sa mga wika ng malalayong lupain. Sila’y nagsugo rin naman ng mga medikong misyonero at mga guro, na gumawa ng mga Kristiyanong-kanin. Ito’y nakatipon ng napakaraming di-karapat-dapat na mga isda, na walang pagsang-ayon ng Diyos. Subalit kahit paano ay milyun-milyong di-Kristiyano ang nakaalam sa Bibliya at sa isang anyo ng pagka-Kristiyano, bagaman lihis.”
15 Ang pangungumberte ng Sangkakristiyanuhan ay lalo nang mabisa sa Timog Amerika, Aprika, at ilang isla sa dagat. Sa ating panahon, maraming maaamo ang natagpuan sa mga lugar na ito, at malaking kabutihan ang patuloy nating magagawa kung tayo ay may positibo at maibiging saloobin sa gayong mapagpakumbabang mga tao, gaya ng saloobing tinaglay ni Pablo sa mga Judiong proselita. Kabilang din sa nangangailangan ng ating tulong ay ang milyun-milyong tao na maaaring tawaging “mga may simpatiya” sa mga Saksi ni Jehova. Sila ay laging nalulugod na makita tayo kapag dinadalaw natin sila. Ang ilan ay nakikipag-aral ng Bibliya sa atin at dumadalo sa ating mga pulong, lalo na sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Hindi ba ang gayong mga tao ay kumakatawan sa isang malawak na larangan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian?
16, 17. (a) Anong uri ng mga tao ang nilalapitan natin taglay ang mabuting balita? (b) Paano natin tinutularan si Pablo sa pangangaral sa iba’t ibang uri ng tao?
16 Isa pa, paano naman yaong mula sa mga kulturang hindi kabilang sa Sangkakristiyanuhan—matagpuan man natin sila sa kanilang sariling lupain o sila man ay mga nandayuhan sa mga lupaing Kanluranin? At kumusta naman yaong milyun-milyon na lubusang tumalikod sa relihiyon, anupat naging mga ateistiko o agnostiko? Bukod dito, paano yaong mga may halos relihiyosong sigasig sa pagsunod sa modernong pilosopiya o popular na sikolohiya na inilalathala sa maraming sariling-sikap na aklat na matatagpuan sa mga tindahan ng aklat? Dapat bang ipagwalang-bahala ang gayong mga tao, anupat ituring na hindi na maaaring tubusin? Hindi kung tutularan natin si apostol Pablo.
17 Nang nangangaral sa Atenas, si Pablo ay hindi nahulog sa silo ng pakikipagdebate sa kaniyang mga tagapakinig tungkol sa pilosopiya. Gayunman, ibinagay niya ang kaniyang pangangatuwiran sa mga tao na pinakikitunguhan niya, anupat inihaharap ang mga katotohanan ng Bibliya sa isang malinaw at lohikal na paraan. Gayundin naman, hindi tayo kailangang maging eksperto sa mga relihiyon o pilosopiya ng mga taong pinangangaralan natin. Subalit ibinabagay natin ang ating paraan upang maging mabisa ang ating pagpapatotoo, sa gayo’y nagiging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:22) Nang sumusulat sa mga Kristiyano sa Colosas, sinabi ni Pablo: “Patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili. Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”—Colosas 4:5, 6.
18. Anong pananagutan ang taglay natin, at ano ang hindi natin dapat kalimutan kailanman?
18 Tulad ni Jesus at ni apostol Pablo, magpakita tayo ng pag-ibig sa lahat ng uri ng tao. Lalong-lalo na, magsumikap tayo na ibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian. Sa kabilang dako, huwag kalimutan kailanman na sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ang kahulugan nito para sa atin ay tatalakayin nang higit sa susunod na artikulo.
Bilang Repaso
◻ Ilarawan ang timbang na saloobin ni Jesus sa sanlibutan.
◻ Paano nangaral si apostol Pablo sa mga Judio at mga proselita?
◻ Paano nilapitan ni Pablo ang mga may takot sa Diyos at mga di-mananampalataya?
◻ Paano tayo maaaring maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao” sa ating gawaing pangangaral?
[Mga larawan sa pahina 10]
Sa paggawa ng kabaitan sa kanilang kapuwa, kadalasa’y nagagawa ng mga Kristiyano na maalis ang pagtatangi