KRONOLOHIYA
Ang salitang Ingles na “chronology” ay nanggaling sa Griegong khro·no·lo·giʹa (mula sa khroʹnos, panahon, at leʹgo, sabihin), samakatuwid nga, “ang pagkukuwenta ng panahon.” Sa pamamagitan ng kronolohiya, maaaring ilagay ang mga pangyayari sa kanilang maayos na pagkakasunud-sunod o ilakip ang mga ito sa kaugnay na mga kaganapan at takdaan ng wastong petsa ang partikular na mga pangyayari.
Si Jehova ang “Sinauna sa mga Araw” at ang Diyos na Walang Hanggan. (Dan 7:9; Aw 90:2; 93:2) Ang kaniyang pagiging isang mahusay na Tagapag-ingat ng Panahon ay makikita hindi lamang sa eksaktung-eksaktong paggalaw ng mga bituin kundi maging sa sagradong rekord ng kaniyang mga pagkilos. Bilang katuparan ng kaniyang mga pangako o mga hula, pinasapit niya ang kaganapan ng mga pangyayari sa eksaktong panahong inihula para sa mga ito, iyon man ay pagkaraan lamang ng isang araw (Exo 9:5, 6), isang taon (Gen 17:21; 18:14; 21:1, 2; 2Ha 4:16, 17), mga dekada (Bil 14:34; 2Cr 36:20-23; Dan 9:2), mga siglo (Gen 12:4, 7; 15:13-16; Exo 12:40, 41; Gal 3:17), o mga milenyo (Luc 21:24; tingnan ang TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA). Tinitiyak sa atin na ang mga layunin niya para sa hinaharap ay walang pagsalang matutupad sa itinakdang panahon, hanggang sa mismong araw at oras na itinalaga para sa mga iyon.—Hab 2:3; Mat 24:36.
Palibhasa’y nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kaniyang larawan at wangis (Gen 1:26), nilayon Niya na sukatin nito ang daloy ng panahon. Sa pasimula pa lamang, sinasabi na ng Bibliya na ang “mga tanglaw sa kalawakan ng langit” ay magsisilbi upang “paghiwalayin ang araw at ang gabi; at . . . [bilang] mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.” (Gen 1:14, 15; Aw 104:19) (Ang pagtalakay hinggil sa kung paano sinunod ang mga dibisyong ito buhat pa noong pasimula ng kasaysayan ng tao ay matatagpuan sa mga artikulong ARAW, II; BUWAN; KALENDARYO; SANLINGGO; TAON.) Ang pagkalkula at pagrerekord ng tao sa mga yugto ng panahon ay nagpapatuloy mula noong mga araw ni Adan hanggang sa kasalukuyan.—Gen 5:1, 3-5.
Mga Era. Upang maging tumpak ang kronolohiya, kailangang magtakda ng isang dako sa agos ng panahon bilang palatandaan na mula roon ay maaaring bumilang nang pasulong o paatras ayon sa mga yunit ng panahon (gaya ng oras, araw, buwan, taon). Ang pasimulang iyon ay maaaring basta ang pagsikat ng araw (para sa pagsukat ng mga oras ng isang araw), o ang paglitaw ng bagong buwan (new moon, para sa pagsukat ng mga araw ng isang buwan), o ang pasimula ng tagsibol (para sa pagsukat ng haba ng isang taon). Para sa pagbilang ng mas mahahabang yugto, ang mga tao ay nagtatag ng isang partikular na “era,” anupat ginagamit ang isang namumukod-tanging pangyayari bilang pasimula para sa pagsukat ng mga yugtong binubuo ng maraming taon. Sa gayon, sa mga bansa ng Sangkakristiyanuhan, kapag sinabi ng isang tao na ‘ngayon ay Oktubre 1, 1987 C.E. (Common Era, o Karaniwang Panahon),’ ang ibig niyang sabihin ay na ‘ngayon ang unang araw ng ikasampung buwan ng ikaisang libo siyam na raan at walumpu’t pitong taon kung bibilang mula sa petsa na pinaniniwalaan ng ilan bilang panahon ng kapanganakan ni Jesus.’
Nitong bandang huli na lamang sinimulan ang gayong paggamit ng era sa sekular na kasaysayan. Lumilitaw na ang Griegong era, diumano’y ang kauna-unahang sekular na kaso ng gayong pagkalkula ng panahon, ay sinimulan lamang gamitin noong mga ikaapat na siglo B.C.E. (Before the Common Era, o Bago ang Karaniwang Panahon). Kinuwenta ng mga Griego ang panahon sa pamamagitan ng mga yugtong tig-aapat na taon na tinatawag na mga Olimpiyada, pasimula sa unang Olimpiyada na kinakalkulang nagsimula noong 776 B.C.E. Karagdagan pa, kadalasa’y tinutukoy nila ang espesipikong mga taon sa pamamagitan ng pagbanggit sa panahon ng panunungkulan ng isang partikular na opisyal. Nang maglaon, ang mga Romano ay nagtalaga ng isang era, anupat pinasimulan nilang kalkulahin ang mga taon mula sa tradisyonal na petsa ng pagkakatatag ng lunsod ng Roma (753 B.C.E.). Tinukoy rin nila ang espesipikong mga taon sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga pangalan ng dalawang konsul na nanunungkulan nang taóng iyon. Gayunman, noon lamang ikaanim na siglo C.E. sinimulang kalkulahin ng isang monghe na nagngangalang Dionysius Exiguus ang tinatawag ngayon ng karamihan bilang Panahong Kristiyano, o, mas tumpak, Karaniwang Panahon. Sa mga taong Muhammadano (Islamiko) naman, ang mga taon ay pinepetsahan mula sa Hegira (ang pagtakas ni Muhammad mula sa Mecca noong 622 C.E.). Gayunman, walang katibayan na ang sinaunang mga Ehipsiyo, mga Asiryano, at mga Babilonyo ay palagiang gumamit ng gayong sistema ng mga era sa loob ng alinmang mahabang yugto ng panahon.
May kinalaman sa ulat ng Bibliya, walang partikular na era ang tuwirang tinutukoy bilang pasimula ng pagpepetsa ng lahat ng mga pangyayari. Hindi naman ibig sabihin na wala itong talaorasan upang maitakda ang nakaraang mga pangyayari sa kani-kanilang espesipiko at wastong lokasyon sa agos ng panahon. Kapag naglalahad ng partikular na mga pangyayari ang mga manunulat ng Bibliya, kaya nilang bumanggit ng eksaktong mga numero may kinalaman sa mga yugto na sumasaklaw ng maraming siglo; ipinakikita nito na naging interesado sa kronolohiya ang bayan ng Israel at ang kanilang mga ninuno. Sa gayon, naisulat ni Moises na “nangyari sa pagwawakas ng apat na raan at tatlumpung taon [kung bibilang mula sa panahong tumawid si Abraham sa Eufrates noong patungo siya sa lupain ng Canaan, anupat maliwanag na nang panahong iyon binigyang-bisa ng Diyos ang tipan kay Abraham], nangyari nga sa mismong araw na ito na ang lahat ng hukbo ni Jehova ay lumabas mula sa lupain ng Ehipto.” (Exo 12:41; tingnan ang PAG-ALIS; ihambing ang Gal 3:16, 17.) Muli, sa 1 Hari 6:1, sinasabi ng rekord na “nang ikaapat na raan at walumpung taon pagkalabas ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto,” sinimulan ni Haring Solomon ang pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Gayunman, kapuwa ang panahon ng pagbibigay-bisa sa tipang Abrahamiko at ang Pag-alis ay hindi malawakang ginamit bilang pasimula ng isang era kapag nag-uulat ng ibang mga pangyayari.
Samakatuwid, hindi dapat asahan na ang kronolohikal na mga salik sa Bibliya ay lubusang tutugma sa makabagong mga sistema kung saan lahat ng mga pangyayari ay may eksaktong petsa na kaayon ng isang itinakdang petsa sa nagdaang panahon, gaya halimbawa ng pasimula ng Karaniwang Panahon. Mas madalas, ang mga pangyayari ay itinatakda sa agos ng panahon gaya ng likas na ginagawa ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay. Kung paanong sa ngayon ay maaaring tukuyin ang isang pangyayari sa pagsasabing naganap iyon “noong sumunod na taon pagkatapos ng tagtuyot,” o “limang taon pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II,” sa gayunding paraan, iniugnay ng mga manunulat ng Bibliya ang mga pangyayaring kanilang iniulat sa medyo bagu-bagong mga pananda ng panahon.
Hindi posibleng tiyakin ang ilang kronolohikal na petsa, yamang hindi sa lahat ng kaso ay alam natin ang eksaktong pasimula o pananda ng panahon na ginamit ng manunulat ng Bibliya. Gayundin, posible na mahigit sa isang pasimula sa pagpepetsa ng mga pangyayari ang ginamit ng manunulat habang tinatalakay niya ang isang partikular na yugto ng kasaysayan. Ang ganitong paggamit ng iba’t ibang pasimula ay hindi nagpapahiwatig na malabo ang pagkaunawa ng manunulat o na siya’y nalilito; hindi natin wastong mahuhusgahan ang kaniyang mga pamamaraan salig lamang sa inaakala nating tamang paraan ng pag-uulat ng mga pangyayari alinsunod sa makabagong-panahong mga pamamaraan. At bagaman maaaring may mga pagkakamali ang mga tagakopya sa ilang mas mahihirap na bahagi, hindi katalinuhang bumuo ng ganitong mga palagay kung wala namang matibay na ebidensiya gaya ng magkakaibang bersiyon sa sinaunang mga kopyang manuskrito ng Kasulatan. Malinaw na ipinakikita ng taglay nating katibayan ang kahanga-hangang katumpakan at pag-iingat na naging pagkakakilanlan ng pagkopya sa mga aklat ng Bibliya, na naging dahilan naman upang maingatan ang kawastuan ng nilalaman ng mga ito.—Tingnan ang ESKRIBA; MANUSKRITO NG BIBLIYA, MGA.
Ang Kronolohiya ng Bibliya at ang Sekular na Kasaysayan. Kadalasang sinasabi ng ilan na kailangang “pagtugmain” o “pagkasunduin” ang ulat ng Bibliya at ang kronolohiyang matatagpuan sa sinaunang sekular na mga rekord. Yamang ang itinuturing na katotohanan ay yaong kaayon ng tunay na pangyayari o realidad, magiging mahalaga nga ang gayong pagtutugma—kung maipakikita na ang sinaunang sekular na mga rekord ay talagang eksakto at laging mapananaligan, sa gayo’y isang pamantayan ng katumpakan na magagamit bilang saligan. Yamang ang kronolohiya ng Bibliya ay madalas iharap ng mga kritiko bilang nakabababa kaysa sa kronolohiya ng mga bansang pagano, makabubuting suriin ang ilan sa sinaunang mga rekord ng mga bansa at mga bayan na ang mga gawain at pamumuhay ay nakaapekto at nagkaroon ng kaugnayan sa mga tao at mga pangyayari na iniulat sa Bibliya.
Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan, anupat higit itong makasaysayan kaysa sa iba pang mga sinaunang akda. Sa pangkalahatan, kulang-kulang ang mga kasaysayan ng sinaunang mga Ehipsiyo, mga Asiryano, mga Babilonyo, mga Medo, mga Persiano, at iba pa; ang kanilang mas naunang mga yugto ay alinman sa malabo o, ayon sa pagkakaharap nila, maliwanag na kathang-isip lamang. Halimbawa, ang sinaunang dokumentong kilala bilang The Sumerian King List ay nagsisimula nang ganito: “Nang ang paghahari ay ibaba mula sa langit, ang paghahari ay (unang) nasa Eridu. (Sa) Eridu, si A-lulim (ay naging) hari at namahala nang 28,800 taon. Si Alalgar ay namahala nang 36,000 taon. (Sa gayon) dalawang hari ang namahala roon sa loob ng 64,800 taon. . . . (Sa) Bad-tibira, si En-men-lu-Anna ay namahala nang 43,200 taon; si En-men-gal-Anna ay namahala nang 28,800 taon; ang diyos na si Dumu-zi, isang pastol, ay namahala nang 36,000 taon. (Sa gayon) tatlong hari ang namahala roon sa loob ng 108,000 taon.”—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 265.
Ang mga kaalamang mula sa mga sekular na impormasyon tungkol sa sinaunang mga bansang ito ay buong-tiyagang pinagsama-sama mula sa maliliit na piraso ng impormasyong nakuha sa mga bantayog at mga tapyas o mula sa mas huling mga akda ng tinatawag na klasikal na mga mananalaysay ng yugtong Griego at Romano. Bagaman ang mga arkeologo ay nakakuha ng sampu-sampung libong tapyas na luwad na nagtataglay ng Asiro-Babilonyong mga inskripsiyong cuneiform, bukod pa sa malaking bilang ng mga balumbong papiro mula sa Ehipto, ang karamihan sa mga ito ay mga tekstong relihiyoso o mga dokumento sa negosyo gaya ng mga kontrata, mga kasulatan ng bilihan, mga titulo, at katulad na mga bagay. Ang di-hamak na mas maliit na bilang ng makasaysayang mga akda ng mga bansang pagano, na naingatan alinman sa anyong mga tapyas, mga silinder, mga stela, o mga inskripsiyon sa bantayog, ay pangunahin nang mga materyal na lumuluwalhati sa kanilang mga emperador at nagsasalaysay ng kanilang mga kampanyang pangmilitar sa mararangyang pananalita.
Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay nagbibigay ng isang lubhang ugnay-ugnay at detalyadong kasaysayan na sumasaklaw nang mga 4,000 taon, sapagkat hindi lamang nito tuluy-tuloy na iniuulat ang mga pangyayari mula sa pasimula ng tao hanggang sa panahon ng pagkagobernador ni Nehemias noong ikalimang siglo B.C.E. kundi masasabi ring naglalaan ito ng saligang pagtalakay sa yugto sa pagitan ni Nehemias at ng panahon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol sa pamamagitan ng hula (kasaysayang isinulat nang patiuna) ni Daniel sa Daniel kabanata 11. Ang Bibliya ay naghaharap ng isang malinaw at tunay-na-buhay na ulat tungkol sa bansang Israel mula sa pagsilang nito at patuloy, anupat tahasang inilalarawan ang lakas nito at ang mga kahinaan nito, ang mga tagumpay nito at ang mga kabiguan nito, ang tamang pagsamba nito at ang huwad na pagsamba nito, ang mga pagpapalang tinamasa nito at ang masasamang kahatulan at mga kapahamakang sinapit nito. Bagaman ang pagkamatapat ng mga manunulat ng Bibliya ay hindi sapat na garantiya ng tumpak na kronolohiya, nagbibigay naman ito ng matatag na saligan upang magtiwala sa kanilang integridad at sa kanilang taimtim na pagkabahala na maiulat ang katotohanan.
Maliwanag na may detalyadong mga ulat noon na maaaring gamitin ng mga mananalaysay ng Bibliya, gaya ng mga manunulat ng Una at Ikalawang Hari at ng Una at Ikalawang Cronica. Ipinahihiwatig ito ng mahahabang talaangkanang natipon nila, na kinapapalooban ng daan-daang pangalan; gayundin ng kawing-kawing at makatotohanang paglalahad ng mga paghahari ng bawat isa sa mga hari ng Juda at ng Israel, pati na sa mga kaugnayan nila sa ibang mga bansa at sa isa’t isa. Samantala, hindi pa rin matiyak ng makabagong mga istoryador ang tamang pagkakasunud-sunod ng partikular na mga haring Asiryano at Babilonyo, maging ng ilan na kabilang sa mas huling mga dinastiya. Ngunit hindi ito suliranin kung tungkol sa pagkakasunud-sunod ng mga hari ng Juda at ng Israel.
May mga pagtukoy sa “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova” (Bil 21:14, 15), “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari ng Israel” (1Ha 14:19; 2Ha 15:31), “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari sa Juda” (1Ha 15:23; 2Ha 24:5), “aklat ng mga pangyayari kay Solomon” (1Ha 11:41), bukod pa sa maraming pagtukoy sa katulad na mga ulat ng kasaysayan o opisyal na mga rekord na sinipi nina Ezra at Nehemias. Ipinakikita ng mga ito na ang impormasyong itinala ay hindi lamang salig sa alaala o bibigang tradisyon kundi maingat na sinaliksik at kumpleto sa dokumentasyon. Sumisipi rin ang mga istoryador ng Bibliya mula sa mga rekord ng pamahalaan ng ibang mga bansa, yamang ang ilang bahagi ng Bibliya ay isinulat sa mga lupain sa labas ng Israel, kabilang na ang Ehipto, Babilonya, at Persia.—Tingnan ang AKLAT; ESTHER, AKLAT NG; EZRA, AKLAT NG.
Hangga’t may-katapatang sinusunod ng mga Israelita ang Kautusang Mosaiko, ang isang salik na tiyak na nakatulong upang maging tumpak ang pagbilang nila ng mga taon ay ang pangingilin nila ng mga taon ng sabbath at mga taon ng Jubileo, anupat hinati-hati nila ang panahon sa mga yugto na tigpipitong taon at tiglilimampung taon.—Lev 25:2-5, 8-16, 25-31.
Ang isa pang dahilan kung bakit partikular na namukod-tangi ang ulat ng Bibliya mula sa kapanahon nitong mga akda ng mga bansang pagano ay ang pagkaunawa nito sa panahon, hindi lamang sa nakaraan at sa kasalukuyan kundi pati sa hinaharap, na makikita sa bawat pahina nito. (Dan 2:28; 7:22; 8:18, 19; Mar 1:15; Apo 22:10) Dahil naglalaman ito ng mga hula, naging lalong higit na mahalaga sa mga Israelita ang katumpakan ng kronolohiya kaysa sa alinman sa mga bansang pagano, palibhasa’y kadalasan nang may espesipikong mga yugto ng panahon na nasasangkot sa mga hulang iyon. Bilang Aklat ng Diyos, idiniriin ng Bibliya ang kaniyang pagiging eksakto sa panahon sa pagtupad ng kaniyang salita (Eze 12:27, 28; Gal 4:4) at ipinakikita nito na ang di-nagmimintis na mga hula ay patotoo ng kaniyang pagka-Diyos.—Isa 41:21-26; 48:3-7.
Totoo, may di-Biblikal na mga dokumentong mas matanda nang ilang siglo kaysa sa pinakamatatandang kopyang manuskrito ng Bibliya na natuklasan na. Palibhasa’y nililok sa bato o inukit sa luwad, talaga namang waring kahanga-hanga ang ilang sinaunang dokumento ng mga pagano, ngunit hindi ito nagbibigay-katiyakan na ang mga iyon ay wasto at malaya sa kabulaanan. Hindi ang materyales na pinagsulatan, kundi ang manunulat, ang kaniyang layunin, ang paggalang niya sa katotohanan, ang kaniyang debosyon sa matuwid na mga simulain—ito ang mahahalagang salik na nagbibigay ng matibay na saligan upang magtiwala, tungkol man sa kronolohiya o sa iba pang mga bagay. Tiyak na nababale-wala ang katandaan ng sekular na mga dokumento dahil sa napakababang kalidad ng nilalaman ng mga ito kung ihahambing sa Bibliya. Yamang maliwanag na ang mga rekord ng Bibliya ay isinulat sa mga materyales na nasisira, gaya ng papiro at vellum, ang paulit-ulit na paggamit sa mga ito at ang mapanirang epekto ng mga lagay ng panahon sa kalakhang bahagi ng Israel (di-gaya ng tuyung-tuyong klima ng Ehipto) ang malamang na naging dahilan kung bakit wala nang umiiral na orihinal na mga kopya sa ngayon. Gayunman, dahil ang Bibliya ay kinasihang Aklat ni Jehova, kinopya ito nang maingat at napanatili ito sa hustong anyo nito hanggang sa ngayon. (1Pe 1:24, 25) Ang pagkasi ng Diyos, na sa pamamagitan niyaon ay naitala ng mga istoryador ng Bibliya ang kanilang mga ulat, ang tumitiyak na mapananaligan ang kronolohiya ng Bibliya.—2Pe 1:19-21.
Ang dahilan kung bakit ang sekular na mga kasaysayan ay hindi maaaring magsilbing pamantayan ng katumpakan na magagamit upang husgahan ang kronolohiya ng Bibliya ay malinaw na makikita sa komento ng manunulat ng arkeolohiya na si C. W. Ceram hinggil sa makabagong siyensiya ng pagpepetsa ng mga pangyayari sa kasaysayan: “Ang sinumang nag-aaral ng sinaunang kasaysayan sa unang pagkakataon ay malamang na magtataka sa tiyakang pagpepetsa ng makabagong mga istoryador sa mga pangyayaring naganap libu-libong taon na ang nakararaan. Mangyari pa, sa pagpapatuloy ng kaniyang pag-aaral, sisidhi pa ang pagkamanghang ito. Sapagkat habang sinusuri natin ang mga mapagkukunan ng impormasyon hinggil sa sinaunang kasaysayan, makikita natin na ang mga rekord ay kakaunti, di-tumpak, o maling-mali, kahit noon pa mang unang isulat ang mga ito. At yamang sa pasimula pa lamang ay malabo na ang mga ito, lalo pang lumabo ang mga ito nang makarating sa atin, palibhasa’y sinalanta ng paglipas ng panahon o ng kawalang-ingat at walang-pakundangang paggamit ng mga tao.” Karagdagan pa, inilarawan niya ang balangkas ng kronolohikal na kasaysayan bilang “isang istrakturang binubuo ng mga pala-palagay, at isa na nanganganib na makalas sa bawat hugpungan nito.”—The Secret of the Hittites, 1956, p. 133, 134.
Waring labis-labis ang pagtayang ito, ngunit kung tungkol sa sekular na mga rekord, mayroon itong saligan. Lilinawin ng kasunod na impormasyon kung bakit walang dahilan upang pag-alinlanganan ang katumpakan ng kronolohiya ng Bibliya dahil lamang sa hindi ito kaayon ng ilang sekular na rekord. Sa kabaligtaran pa nga, makapagtitiwala lamang ang isang tao sa gayong sinaunang sekular na pagpepetsa kung ang sekular na kronolohiya ay kasuwato ng rekord ng Bibliya. Kapag isinasaalang-alang ang mga rekord ng mga bansang paganong iyon na nagkaroon ng kaugnayan sa bansang Israel, dapat isaisip na ang ilan sa waring di-pagkakasuwato sa kanilang mga rekord ay maaaring dahil lamang sa kawalang-kakayahan ng makabagong mga istoryador na unawain nang wasto ang mga pamamaraang ginamit noong sinaunang panahon, kung paanong wala rin silang kakayahang unawain nang wasto ang mga pamamaraang ginamit ng mga istoryador ng Bibliya. Gayunman, maraming katibayan ng lantarang kawalang-ingat at pagkakamali o maging ng sinasadyang panghuhuwad sa bahagi ng paganong mga istoryador at mga kronologo.
Kronolohiya ng Ehipto. Sa iba’t ibang yugto, ang kasaysayan ng Ehipto ay naging kaugnay niyaong sa Israel. Sa publikasyong ito, ipinakikita namin ang petsang 1728 B.C.E. bilang pagpasok ng Israel sa Ehipto, at pagkaraan ng 215 taon, ang 1513 B.C.E. bilang petsa ng Pag-alis. Ang pagsalakay ni Paraon Sisak sa Jerusalem ay naganap sa ikalimang taon ni Rehoboam noong 993 B.C.E.; si Haring So ng Ehipto ay kapanahon ng paghahari ni Hosea (mga 758-740 B.C.E.); at ang pakikipagbaka ni Paraon Neco kung saan namatay si Josias ay malamang na naganap noong 629 B.C.E. (1Ha 14:25; 2Ha 17:4; 2Cr 35:20-24) Ang agwat sa pagitan ng nabanggit na mga petsa at ng mga petsang karaniwang itinatakda ng makabagong mga istoryador ay sinlaki ng isang siglo o mahigit pa para sa Pag-alis at pagkatapos ay lumiit tungo sa mga 20 taon pagsapit ng panahon ni Paraon Neco. Ipakikita ng sumusunod na impormasyon kung bakit mas pinipili naming manghawakan sa kronolohiyang salig sa pagkalkula ng Bibliya.
Ang makabagong mga istoryador ay pangunahin nang umaasa sa partikular na mga dokumento gaya ng mga talaan ng mga hari o ng mga ulat ng kasaysayan ng Ehipto. Kabilang sa mga ito ay ang sumusunod: ang di-kumpletong Batong Palermo, na doo’y inilalahad ang itinuturing na unang limang “dinastiya” ng kasaysayan ng Ehipto; ang Turin Papyrus, na lubhang pira-piraso at nagbibigay ng isang talaan ng mga hari at ng kanilang mga paghahari mula sa “Matandang Kaharian” hanggang sa “Bagong Kaharian”; at ang iba pang mga inskripsiyon sa bato, na hindi rin kumpleto. Ang hiwa-hiwalay na mga talaang ito at ang iba pang nakabukod na mga inskripsiyon ay pinag-ugnay-ugnay sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod sa pamamagitan ng mga isinulat ni Manetho, isang Ehipsiyong saserdote noong ikatlong siglo B.C.E. Sa kaniyang mga akda, na tumatalakay sa kasaysayan at relihiyon ng Ehipto, ang mga paghahari ng mga Ehipsiyong monarka ay hinahati-hati sa 30 dinastiya, isang kaayusang ginagamit pa rin ng makabagong mga Ehiptologo. Ang mga mapagkukunang ito ng impormasyon, lakip ang mga kalkulasyong batay sa astronomiya, na salig naman sa mga tekstong Ehipsiyo na tumatalakay sa mga pagbabago ng hugis ng buwan at sa paglitaw ng Dog Star (Sothis), ay ginamit upang makabuo ng isang talahanayan ng kronolohiya.
Mga suliranin sa kronolohiya ng Ehipto. Maraming bagay ang hindi matiyak hinggil dito. Ang mga akda ni Manetho, na ginamit upang isaayos ang pira-pirasong mga talaan at iba pang mga inskripsiyon, ay naingatan lamang sa mga isinulat ng mas huling mga istoryador, gaya nina Josephus (unang siglo C.E.), Sextus Julius Africanus (ikatlong siglo C.E., samakatuwid ay mahigit sa 500 taon mula noong panahon ni Manetho), Eusebius (ikaapat na siglo C.E.), at Syncellus (huling bahagi ng ikawalong siglo o maagang bahagi ng ikasiyam na siglo C.E.). Gaya ng sinabi ni W. G. Waddell, ang mga pagsipi ng mga ito sa mga isinulat ni Manetho ay di-kumpleto at kadalasa’y pilipit at samakatuwid ay “napakahirap makatiyak kung alin ang tunay na sinabi ni Manetho at kung alin ang huwad o di-totoo.” Matapos ipakita na kabilang sa materyal na pinagkunan ni Manetho ng impormasyon ang ilang di-makasaysayang tradisyon at alamat na “nagpapakilala sa mga hari bilang kanilang mga bayani, anupat hindi isinaalang-alang ang kronolohikal na pagkakasunud-sunod,” sinabi niya: “Marami nang pagkakamali sa akda ni Manetho sa pasimula pa lamang: hindi lahat ay dahil sa pagpilipit ng mga eskriba at mga tagapagrebisa. Marami sa haba ng mga paghahari ang nasumpungang imposible: sa ilang kaso, ang mga pangalan at pagkakasunud-sunod ng mga hari ayon sa ibinigay ni Manetho ay napatunayang hindi maipagtatanggol sa liwanag ng ebidensiya mula sa mga bantayog.”—Manetho, introduksiyon, p. vii, xvii, xx, xxi, xxv.
Sa aklat na Studies in Egyptian Chronology, ni T. Nicklin (Blackburn, Inglatera, 1928, p. 39), ipinakikita na malamang na ang dahilan kung bakit pagkahaba-haba ng marami sa mga yugtong binabanggit ni Manetho ay ang magkakasabay na paghahari sa halip na magkakasunod na paghahari: “Ang mga Dinastiya ni Manetho . . . ay hindi mga talaan ng mga tagapamahala sa buong Ehipto, kundi sa ilang bahagi ay mga talaan ng halos independiyenteng mga prinsipe, sa ilang bahagi . . . ng mga linya ng mga prinsipe na nang maglaon ay pinagmulan ng mga tagapamahala sa buong Ehipto.” Sinabi ni Propesor Waddell (p. 1-9) na “marahil ay may ilang Ehipsiyong hari na namahala nang sabay-sabay; . . . sa gayon ay hindi iyon sunud-sunod na mga hari na halinhinang umupo sa trono, kundi iba’t ibang hari na naghari nang sabay-sabay sa iba’t ibang rehiyon. Kaya naman pagkalaki-laki ng naging kabuuang bilang ng mga taon.”
Yamang ang Bibliya ay tumuturo sa taóng 2370 B.C.E. bilang ang petsa ng pangglobong Baha, tiyak na nagsimula ang kasaysayan ng Ehipto pagkatapos ng petsang iyon. Walang alinlangang ang nabanggit na mga suliranin sa kronolohiya ng Ehipto ang dahilan ng mga petsang itinataguyod ng makabagong mga istoryador na nagsasabing ang kasaysayan ng Ehipto ay nagsimula noon pang taóng 3000 B.C.E.
Karagdagan pa, mas nagtitiwala ang mga Ehiptologo sa sinaunang mga inskripsiyon. Gayunman, mapag-aalinlanganan ang pagiging maingat, makatotohanan, at tapat sa moral ng mga eskribang Ehipsiyo. Gaya ng sinabi ni Propesor J. A. Wilson: “Dapat magbigay ng babala tungkol sa tunay na halaga ng mga inskripsiyong Ehipsiyo sa kasaysayan. Iyon ay isang daigdig ng . . . mga mito at mga himala ng mga diyos.” Matapos ipahiwatig na posibleng manipulahin ng mga eskriba ang kronolohiya ng mga pangyayari upang magdagdag ng papuri sa partikular na monarkang noo’y nasa kapangyarihan, sinabi niya: “Tiyak na tatanggapin ng istoryador ang kaniyang datos nang walang pag-aalinlangan, malibang may malinaw na dahilan upang magduda; ngunit dapat na handa siyang baguhin ang pagtanggap niyang iyon kapag may mga bagong materyal na magbibigay ng bagong liwanag sa dating interpretasyon.”—The World History of the Jewish People, 1964, Tomo 1, p. 280, 281.
Kawalan ng impormasyon tungkol sa Israel. Hindi ito kataka-taka, yamang hindi lamang iniwasan ng mga Ehipsiyo na itala ang mga bagay na makasisira sa kanila kundi nagawa rin nilang burahin ang mga rekord ng isang naunang monarka kung ang impormasyon sa mga rekord na iyon ay di-kaayaaya sa paraon na naghahari sa panahong iyon. Kaya nga pagkamatay ni Reyna Hatshepsut, ipinakaskas ni Thutmose III ang pangalan at mga wangis nito mula sa mga relyebe ng bantayog. Tiyak na ang gawaing ito ang dahilan kung bakit walang nalalamang rekord ng Ehipto tungkol sa 215 taon ng paninirahan ng mga Israelita sa Ehipto o tungkol sa kanilang Pag-alis.
Hindi binabanggit sa Bibliya ang pangalan ng paraon na namamahala noong panahon ng Pag-alis; dahil dito, ang mga pagsisikap upang matukoy siya ay batay lamang sa pala-palagay. Isang dahilan ito kung bakit ang mga kalkulasyon ng makabagong mga istoryador sa petsa ng Pag-alis ay nagkakaiba-iba mula 1441 hanggang 1225 B.C.E., anupat may agwat na mahigit sa 200 taon.
Kronolohiya ng Asirya. Mula pa noong panahon ni Salmaneser III (maagang bahagi ng unang milenyo B.C.E.), bumabanggit na ang mga inskripsiyong Asiryano ng pakikipag-ugnayan sa mga Israelita, anupat kung minsan ay tinutukoy ang mga pangalan ng ilang hari ng Juda at ng Israel. Kabilang sa mga inskripsiyong Asiryano ang mga inskripsiyong pandispley, gaya ng matatagpuan sa mga pader ng mga palasyo; sa maharlikang mga ulat ng kasaysayan; mga talaan ng mga hari, gaya niyaong mula sa Khorsabad; at ang mga talaang limmu, o eponimo.
Asiryanong mga inskripsiyong pandispley at mga ulat ng kasaysayan. Sa kaniyang Assyrian Historiography (1916, p. 5, 6), ganito ang paglalarawan ni Albert Olmstead sa Asiryanong mga inskripsiyong pandispley: “Maaari nating . . . gamitin ang inskripsiyong Pandispley upang punan ang mga puwang sa mga Ulat ng Kasaysayan [maharlikang mga kronika na nagtatala ng mga pangyayari taun-taon], ngunit wala ito ni bahagya mang awtoridad kapag hindi ito kaayon ng orihinal nito.” Matapos ipakita na ang pangunahing layunin ng mga inskripsiyong pandispley na ito ay hindi ang pagbibigay ng isang ugnay-ugnay na kasaysayan ng paghahari, idinagdag niya: “Ang isa pang suliraning kasinlubha nito ay na halos walang kronolohikal na pagkakasunud-sunod ang mga ito. . . . Maliwanag na dapat mag-ingat sa paggamit ng mga ito.”
Tungkol naman sa mga ulat ng kasaysayan, sinabi niya: “Mayroon tayo ritong isang karaniwang kronolohiya, at kung paminsan-minsan ay may makikitang mga pagkakamali, sinadya man o hindi, kahit papaano, ang relatibong kronolohiya ay kadalasan nang tama. . . . Ngunit isang malaking pagkakamali na ipalagay na ang mga ulat ng kasaysayan ay laging mapagkakatiwalaan. Karaniwan na, tinatanggap kaagad ng mas naunang mga istoryador ang nakasaad sa mga ito malibang may katibayan sila na talagang may pagkakamali. Nitong nakalipas na ilang taon, may natuklasang napakaraming bagong materyal na maaari nating gamitin upang suriin ang mga dokumento ni Sargon. . . . Idagdag pa rito ang mga pagtukoy sa banyagang mga mapagkukunan ng impormasyon gaya ng Hebreo o Babilonyo, at halos hindi na natin kailangan pang pag-aralan ang mga iyon upang makumbinsi tayo na talagang hindi mapananaligan ang mga ulat na iyon ng kasaysayan.”
Maidaragdag pa rito ang patotoo ni D. D. Luckenbill: “Di-magtatagal at matutuklasan ng isa na hindi ang may-katumpakang paglalarawan sa mga pangyayari habang nagaganap ang mga ito, sa bawat taon ng paghahari ng hari, ang siyang motibong pumatnubay sa maharlikang mga eskriba. Kung minsan, ang iba’t ibang kampanya ay waring inililipat nang walang malinaw na kadahilanan, ngunit mas madalas, maliwanag na ang kapalaluan ng hari ang dahilan kung bakit pinakikialaman ang kawastuan ng kasaysayan.”—Ancient Records of Assyria and Babylonia, 1926, Tomo I, p. 7.
Kadalasan, ang maharlikang mga ulat ng kasaysayan ay ilang ulit na binabago habang nagpapatuloy ang paghahari ng hari. Ang mas huling mga edisyon ay naglalahad ng bagong mga pangyayari, ngunit waring minamanipula rin nila ang mga katotohanan at mga estadistika ng nagdaang mga taon upang paluguran ang kapritso ng hari. Binanggit ni Propesor Olmstead ang “basta pagkuha ni [Ashurbanipal] nang unti-unti sa huling dalawang kampanya sa Ehipto ng kaniyang ama anupat sa huling edisyon ay naangkin na niyang lahat ang mga iyon.”—Assyrian Historiography, p. 7.
Napakarami pang mga halimbawa ng gayong malinaw na pagka-di-maaasahan, sinadya man o hindi. Posibleng itala ng mga tagapagtipon ng mga talaan ng tributo ang isang basalyong hari bilang nagbabayad ng tributo kahit ipinakikita sa ibang mga rekord na patay na ito nang panahong iyon. Si George Smith, matapos niyang banggitin ang isang halimbawa kung saan ang mismong talaan ng tributo ni Esar-hadon ay iniuukol sa anak niyang si Ashurbanipal pagkaraan ng 13 taon, ay nagsabi na ang mas huling talaang ito ay “malamang na isang literal na kopya ng mas naunang dokumento, anupat hindi man lamang tiniyak kung naghahari pa ang mga haring ito, at kung talagang nagbayad ng tributo ang mga ito.”—The Assyrian Eponym Canon, London, 1875, p. 179.
Mga talaang eponimo (“limmu”). Sa kabila ng nabanggit na ebidensiya, karaniwan nang pinaniniwalaan ng makabagong mga kronologo na, sa paanuman, ang mga talaang eponimo, o limmu, ay nakaiwas sa gayong katiwalian anupat halos di-mapupulaan dahil walang anumang pagkakamali sa mga ito. Ang mga talaang eponimong ito ay mga talaan lamang ng mga pangalan at mga ranggo ng mga opisyal o mga talaan ng gayong mga pangalan na may kasamang maikling pagbanggit sa isang kampanya ng pakikipagdigma o iba pang natatanging pangyayari. Halimbawa, isang seksiyon ng talaang eponimo ang kababasahan:
Bel-harran-bel-usur
(gobernador) ng Guzana
laban sa Damasco
—
Salmaneser
lumuklok sa trono
Marduk-bel-usur
(gobernador) ng Amedi
sa lupain
Mahde
(gobernador) ng Nineve
laban sa [Samaria]
Assur-ishmeani
(gobernador) ng [Kakzi]
laban sa [Samaria]
Salmaneser
hari ng Asirya
laban sa [Samaria]
Mula rito ay makikita na walang nakatalang aktuwal na mga petsa, kundi itinuturing na ang bawat pangalan ay kumakatawan sa isang taon, sa gayon ay lumilitaw na posible ang isang taunang pagbilang. Sinisikap ng makabagong mga istoryador na pagtugmain ang kasaysayan ng Asirya at ng Bibliya sa pamamagitan ng mga talaang eponimong ito, partikular na para sa yugto mula 911 hanggang 649 B.C.E., na siyang pinagtatakdaan nila ng mga pangalan o mga eponimo na nasa mga talaan. Bilang isang saligang petsa, pinagbabatayan nila ang pagtukoy sa isang eklipse ng araw na binanggit sa isang tala na katapat ng pangalan ng isang Bur-Sagale, gobernador ng Guzana. Ang eklipseng ito ay noong buwan ng Sivan (Mayo-Hunyo) at karaniwang ipinapalagay ng mga istoryador na naganap noong Hunyo 15, 763 B.C.E. Ang pagiging mapananaligan ng petsang ito, at ang pagtutugma ng kasaysayan ng Asirya sa kasaysayan ng Juda at ng Israel na ibinatay nila sa petsang ito, ay tatalakayin sa bandang huli sa ilalim ng uluhang “Mga Kalkulasyong Batay sa Astronomiya.”
Dahil kaunting-kaunti ang impormasyon sa mga talaang eponimo (kung ihahambing sa mga ulat ng kasaysayan at sa iba pang mga inskripsiyon), maliwanag na mahirap matuklasan ang mga pagkakamali. Kapag malinaw na may mga pagkakasalungatan sa pagitan ng mga talaang eponimo at ng mga ulat ng kasaysayan, gaya ng paglalagay ng isang partikular na kampanya sa ibang taon sa loob ng paghahari ng isang hari o sa panahon ng ibang eponimya, kadalasa’y itinuturing ng makabagong mga istoryador na ang pagkakamali ay nasa mga ulat ng kasaysayan sa halip na nasa mga talaang eponimo. Gayunman, kahit sa tinatawag na Assyrian synchronistic history, isang kilaláng tapyas na naglalaman ng maikling ulat ng mga ugnayan sa pagitan ng Asirya at ng Babilonia sa loob ng ilang siglo, walang anumang inaangkin bilang siguradong tumpak. Matapos magharap ng katibayan na nagpapakitang ang dokumentong ito ay isa lamang kopya ng isang mas naunang inskripsiyong pandispley, si A. T. Olmstead ay nagsabi: “Kaya maituturing natin na ang ating dokumento ay hindi man lamang isang kasaysayan sa tunay na diwa ng salitang ito, kundi isa lamang inskripsiyon na ginawa para sa kaluwalhatian ni Ashur [pangunahing diyos ng Asirya] at ng kaniyang bayan . . . Kapag tinanggap natin ang pangmalas na ito, hindi na tayo nababagabag ng maraming pagkakamali, kahit tungkol sa pagkakasunud-sunod ng mga hari, na lubhang nakababawas sa kahalagahan ng dokumento kung saan kailangang-kailangan ang patotoo nito.”—Assyrian Historiography, p. 32.
Malinaw na dahil sa gayong pabagu-bagong kaayusan na gaya ng makikita sa mga talaang eponimo, napakahirap para sa makabagong mga iskolar na makabuo ng isang eksaktong kronolohiya, lalo na kapag ang nagtipon ng datos na sumasaklaw ng maraming siglo ay mga eskriba na maliwanag na di-gaanong maingat at di-gaanong nababahala sa katumpakan ng kasaysayan. Maliwanag din na nadarama ng makabagong mga istoryador na makatuwirang baguhin o pawalang-bisa ang pagbilang ng mga talaang eponimo ng Asirya kapag angkop itong gawin dahil sa ibang mga salik o katibayan.
Ang nabanggit na mga impormasyon ay umaakay sa konklusyon na alinman sa ang pagkakasulat ng kasaysayan ng Asirya ay hindi wastong nauunawaan ng makabagong mga istoryador o na napakababa ng kalidad nito. Alinman ang totoo, hindi tayo obligadong pagtugmain ang kronolohiya ng Bibliya at ang kasaysayan ayon sa pagkakaharap dito ng mga rekord ng Asirya. Samakatuwid, ang ipinakikita lamang namin ay yaong mas tiyak na mga pagkakatugma sa pagitan ng Asirya at ng Israel at ng Juda gaya ng ipinakikita sa ulat ng Bibliya.
Kronolohiya ng Babilonya. Pumasok ang Babilonya sa salaysay ng Bibliya pangunahin na mula noong panahon ni Nabucodonosor II at patuloy. Ang paghahari ng ama ni Nabucodonosor na si Nabopolassar ang nagsilbing pasimula ng tinatawag na Imperyong Neo-Babilonyo; nagwakas ito noong panahon ng mga paghahari ni Nabonido at ng kaniyang anak na si Belsasar at ng pagpapabagsak sa Babilonya sa pamamagitan ni Ciro na Persiano. Lubhang interesado sa yugtong ito ang mga iskolar ng Bibliya yamang saklaw nito ang panahon ng pagkawasak ng Jerusalem sa kamay ng Babilonya at ang kalakhang bahagi ng 70-taóng yugto ng pagiging tapon ng mga Judio.
Sinasabi ng Jeremias 52:28 na noong ikapitong taon ni Nabucodonosor (o Nabucodorosor), ang unang pangkat ng mga Judiong tapon ay dinala sa Babilonya. Kasuwato nito, isang inskripsiyong cuneiform ng Babylonian Chronicle (British Museum 21946) ang nagsasabi: “Ang ikapitong taon: Noong buwan ng Kislev ay pinisan ng hari ng Akkad ang kaniyang hukbo at humayo patungong Hattu. Nagkampo siya laban sa lunsod ng Juda at noong ikalawang araw ng buwan ng Adar ay nabihag niya ang lunsod (at) dinakip ang hari (nito) [na si Jehoiakin]. Isang hari na pinili niya mismo [si Zedekias] ang inatasan niya sa lunsod (at) pagkakuha sa pagkalaki-laking tributo ay dinala niya ito sa Babilonya.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 102; ihambing ang 2Ha 24:1-17; 2Cr 36:5-10.) (LARAWAN, Tomo 2, p. 326) Para sa huling 32 taon ng paghahari ni Nabucodonosor, walang nasumpungang ulat ng kasaysayan sa anyong kronika maliban sa isang pira-pirasong inskripsiyon tungkol sa isang kampanya laban sa Ehipto noong ika-37 taon ni Nabucodonosor.
Hinggil kay Awil-Marduk (Evil-merodac, 2Ha 25:27, 28), may natagpuang mga tapyas na mula pa noong kaniyang ikalawang taon ng pamamahala. Hinggil naman kay Neriglissar, itinuturing na kahalili ni Awil-Marduk, may natuklasang mga tapyas ng kontrata na mula pa noong kaniyang ikaapat na taon.
Makatutulong ang isang Babilonyong tapyas na luwad upang maiugnay ang kronolohiya ng Babilonya sa kronolohiya ng Bibliya. Ang tapyas na ito ay naglalaman ng sumusunod na impormasyong batay sa astronomiya para sa ikapitong taon ni Cambyses II na anak ni Ciro II: “Taon 7, Tamuz, gabi ng ika-14, 12⁄3 dobleng oras [tatlong oras at dalawampung minuto] pagsapit ng gabi, isang eklipseng lunar; nakikita sa buong landasin nito; umabot ito sa hilagaang kalahati ng bilog [ng buwan]. Tebet, gabi ng ika-14, dalawa at kalahating dobleng oras [limang oras] sa gabi bago mag-umaga [sa huling bahagi ng gabi], ang bilog ng buwan ay natakpan ng eklipse; ang buong landasin nito ay nakikita; sa timugan at hilagaang bahagi ay umabot ang eklipse.” (Inschriften von Cambyses, König von Babylon, ni J. N. Strassmaier, Leipzig, 1890, Blg. 400, taludtod 45-48; Sternkunde und Sterndienst in Babel, ni F. X. Kugler, Münster, 1907, Tomo I, p. 70, 71) Maliwanag na ang dalawang eklipseng lunar na ito ay maiuugnay sa mga eklipseng lunar na nakita sa Babilonya noong Hulyo 16, 523 B.C.E., at noong Enero 10, 522 B.C.E. (Canon of Eclipses ni Oppolzer, isinalin ni O. Gingerich, 1962, p. 335) Sa gayon, ang tapyas na ito ay tumuturo sa tagsibol ng 523 B.C.E. bilang pasimula ng ikapitong taon ni Cambyses II.
Yamang ang ikapitong taon ni Cambyses II ay nagsimula noong tagsibol ng 523 B.C.E., ang kaniyang unang taon ng pamamahala ay 529 B.C.E. at ang kaniyang taon ng pagluklok, na siyang huling taon ni Ciro II bilang hari ng Babilonya, ay 530 B.C.E. Ang pinakabagong tapyas na ipinapalagay na nagmula noong paghahari ni Ciro II ay mula sa ika-5 buwan, sa ika-23 araw ng kaniyang ika-9 na taon. (Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, nina R. Parker at W. Dubberstein, 1971, p. 14) Yamang ang ikasiyam na taon ni Ciro II bilang hari ng Babilonya ay 530 B.C.E., ang kaniyang unang taon, ayon sa pagkalkulang iyon, ay 538 B.C.E. at ang kaniyang taon ng pagluklok ay 539 B.C.E.
Si Berossus. Noong ikatlong siglo B.C.E., si Berossus, isang Babilonyong saserdote, ay sumulat ng isang kasaysayan ng Babilonya sa wikang Griego, maliwanag na batay sa mga rekord na cuneiform. Tungkol sa kaniyang mga akda, sinabi ni Propesor Olmstead: “Tanging pagkaliliit na mga pira-piraso, mga buod, o mga labí, ang nakarating sa atin. At ang pinakamahahalaga sa mga pira-pirasong ito ay nakarating sa pamamagitan ng isang tradisyon na halos walang katulad. Sa ngayon, kailangan nating konsultahin ang isang makabagong saling Latin ng isang saling Armeniano ng nawalang orihinal na Griego ng Chronicle of Eusebius, na humiram ng ilang bahagi kay Alexander Polyhistor na humiram naman nang tuwiran kay Berossus, ng ilang bahagi kay Abydenus na lumilitaw na humiram naman kay Juba na humiram naman kay Alexander Polyhistor at sa gayon ay mula kay Berossus. Ang higit pang nakalilito, sa ilang kaso ay hindi kinikilala ni Eusebius na si Abydenus ay gumaya lamang kay Polyhistor, at pareho niyang sinipi ang mga ulat ng dalawang ito! At may mas masahol pa riyan. Bagaman sa pangkalahatan, ang kaniyang ulat na batay kay Polyhistor ang mas pinipili, waring ang ginamit ni Eusebius ay isang mababang kalidad ng manuskrito ng awtor na iyon.” (Assyrian Historiography, p. 62, 63) Inaangkin din ni Josephus, Judiong istoryador noong unang siglo C.E., na sumipi siya kay Berossus. Ngunit waring lumilitaw na ang kronolohikal na datos na diumano’y mula kay Berossus ay napakahirap ituring na sigurado.
Iba pang mga salik na sanhi ng mga pagkakaiba. Kadalasan, ang manaka-nakang mga estudyante ng sinaunang kasaysayan ay nagpapagal taglay ang maling akala na ang mga tapyas na cuneiform (gaya marahil ng ginamit noon ni Berossus) ay laging isinusulat sa mismong panahon ng mga pangyayaring nakatala sa mga iyon o di-kalaunan pagkatapos ng mga iyon. Ngunit, maliban sa maraming cuneiform na dokumento sa negosyo na talagang kapanahon ng pangyayari, ang makasaysayang mga teksto ng Babilonya at kahit ang maraming tekstong batay sa astronomiya ay kadalasang napatutunayan na isinulat sa mas huli pang yugto. Sa gayon, ayon sa Asiryologong si D. J. Wiseman, ang isang bahagi ng tinatawag na Babylonian Chronicle, na sumasaklaw sa yugto mula sa pamamahala ni Nabu-nasir hanggang kay Shamash-shum-u-kin (isang yugto na pinepetsahan ng sekular na mga istoryador bilang mula 747-648 B.C.E.), ay “isang kopya na ginawa noong ikadalawampu’t dalawang taon ni Dario [sinasabi ng talababa: Samakatuwid nga, 500/499 B.C. kung si Dario I] mula sa isang teksto na mas luma at may sira.” (Chronicles of Chaldaean Kings, London, 1956, p. 1) Kaya, ang akdang ito ay hindi lamang atrasado nang mga 150 hanggang 250 taon mula sa mga pangyayaring nakatala rito kundi isa rin itong kopya ng isang mas naunang dokumento na may depekto, na marahil ay orihinal, ngunit posible ring hindi. Tungkol sa mga teksto ng Neo-Babylonian Chronicle, na sumasaklaw sa yugto mula kay Nabopolassar hanggang kay Nabonido, ang awtor ding iyon ay nagsabi: “Ang mga teksto ng Neo-Babylonian Chronicle ay itinala sa isang uri ng maliliit na sulat na sa ganang sarili nito ay hindi tiyakang matatakdaan ng eksaktong petsa ngunit maaaring magpahiwatig na ang mga iyon ay isinulat mula sa isang panahon na halos kasabay ng mismong mga pangyayari hanggang noong wakas ng pamamahalang Achaemenido.” Dahil dito, may posibilidad na ang mga tekstong iyon ay isinulat na lamang noong magwawakas na ang Imperyo ng Persia, na naganap noong 331 B.C.E., mga 200 taon pagkatapos na bumagsak ang Babilonya. Nakita na natin na sa paglipas ng ilang siglo, ang datos, lakip na ang mga numero, ay madaling mabago o mapilipit pa nga sa mga kamay ng mga paganong eskriba. Dahil sa lahat ng mga salik na ito, tiyak na hindi katalinuhang igiit na ang tradisyonal na mga petsa para sa mga paghahari ng mga haring Neo-Babilonyo ay siguradong tama.
Dahil sa kawalan ng magkakapanahong ulat ng kasaysayan at dahil madali ring baguhin ang datos, tiyak na posible na ang isa o higit pa sa mga tagapamahalang Neo-Babilonyo ay mas matagal na naghari kaysa sa ipinakikita ng tradisyonal na mga petsa. Ang bagay na walang natuklasang tapyas na sasaklaw sa mga huling taon ng gayong paghahari ay hindi palaging magagamit bilang matibay na argumento laban sa posibilidad na ito. Sa ilang kaso, may mga hari na naghari sa mas dakong huli pa ng agos ng panahon at wala namang natagpuang tapyas na magpapatotoo hinggil sa kanila. Halimbawa, kapuwa para kay Artajerjes III (Ochus) (na ayon sa mga istoryador ay namahala nang 21 taon [358 hanggang 338 B.C.E.]) at kay Arses (kinikilalang namahala nang 2 taon [337 hanggang 336 B.C.E.]), walang natuklasang kapanahong cuneiform na ebidensiya na makatutulong upang tiyakin ang haba ng kani-kanilang paghahari.
Sa katunayan, hindi alam ng mga istoryador kung saan ilalagay ang ilang Babilonyong hari na may mga rekord naman. Si Propesor A. W. Ahl (Outline of Persian History, 1922, p. 84) ay nagsabi: “Sa Contract Tablets, na natagpuan sa Borsippa, ay lumilitaw ang mga pangalan ng mga Babilonyong hari na hindi masusumpungan saanman. Malamang, nabuhay ang mga ito noong mga huling araw ni Dario I, anupat umabot sila hanggang noong mga unang araw ni Jerjes I, gaya ng ipinapalagay ni Ungnad.” Gayunman, ito’y nananatiling pala-palagay lamang.
Kronolohiya ng Persia. Maraming mahahalagang pangyayari sa Bibliya ang naganap noong yugtong Persiano: ang pagbagsak ng Babilonya, na sinundan ng pagpapalaya ni Ciro sa mga Judio at ng pagwawakas ng 70-taóng pagkatiwangwang ng Juda; ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, na natapos “noong ikaanim na taon ng paghahari ni Dario [I, na Persiano]”; at ang muling pagtatayo ni Nehemias ng mga pader ng Jerusalem, ayon sa utos na ibinigay noong ika-20 taon ni Artajerjes Longimanus.—2Cr 36:20-23; Ezr 3:8-10; 4:23, 24; 6:14, 15; Ne 2:1, 7, 8.
Sasapit tayo sa petsang 539 B.C.E. bilang pagbagsak ng Babilonya hindi lamang sa pamamagitan ng kanon ni Ptolemy kundi sa pamamagitan din ng iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon. Ipinakikita ng istoryador na si Diodorus, gayundin nina Africanus at Eusebius, na ang unang taon ni Ciro bilang hari ng Persia ay katugma ng Olimpiyada 55, taon 1 (560/559 B.C.E.), samantalang ang huling taon naman ni Ciro ay inilalagay sa Olimpiyada 62, taon 2 (531/530 B.C.E.). Ayon sa mga tapyas na cuneiform, siyam na taóng namahala si Ciro sa Babilonya, anupat patutunayan nito na nasakop niya ang Babilonya noong taóng 539.—Handbook of Biblical Chronology, ni Jack Finegan, 1964, p. 112, 168-170; Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, p. 14; tingnan ang nabanggit na mga komento sa ilalim ng “Kronolohiya ng Babilonya,” gayundin ang PERSIA, MGA PERSIANO.
May ilang inskripsiyon ng mga Persianong hari na nakarating sa atin, gayunma’y hindi magagamit ang mga ito upang matiyak ang haba ng mga paghahari ng mga Persianong hari. Halimbawa, maraming tapyas na natakdaan ng petsa ang natagpuan sa Persepolis, ngunit hindi masusumpungan sa mga ito ang mga pangalan ng mga hari.
Mga Kalkulasyong Batay sa Astronomiya. Inaangkin na “sa pamamagitan ng mga patotoo ng astronomiya, ang isang relatibong kronolohiya [isa na nagtatatag lamang ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari] ay maaaring maging ganap na kronolohiya, partikular na, isang sistema ng mga petsa na nauugnay sa ating kalendaryo.” (The Old Testament World, ni Martin Noth, 1966, p. 272) Bagaman ang mga bagay sa kalangitan ay inilaan ng Maylalang ng tao upang masukat ng tao ang panahon, ang pagtutugma ng datos ng astronomiya sa mga pangyayari sa buhay ng mga tao noong nakaraan ay apektado ng iba’t ibang salik at interpretasyon ng mga tao anupat may posibilidad na magkamali.
Marami sa tinatawag na mga pagtutugma ng datos ng astronomiya at ng mga pangyayari o mga petsa ng sinaunang kasaysayan ay ibinabatay sa mga eklipseng solar o lunar. Gayunman, ang alinmang “partikular na bayan o lunsod ay makararanas, sa katamtaman, ng mga 40 eklipseng lunar at 20 bahagyang eklipseng solar sa loob ng 50 taon, [bagaman may] isang ganap na eklipse lamang sa loob ng 400 taon.” (Encyclopædia Britannica, 1971, Tomo 7, p. 907) Kaya naman kung ganitong pamamaraan ang pagbabatayan, saka lamang tayo hindi gaanong mag-aalinlangan sa pagtatakda ng isang partikular na makasaysayang petsa kung may kasangkot na isang tiniyak at ganap na eklipseng solar na makikita sa isang espesipikong lugar. Sa maraming kaso, ang materyal mula sa sinaunang mga tekstong cuneiform (o iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon) na may kinalaman sa mga eklipse ay hindi naglalaan ng gayong espesipikong impormasyon.
Ang isang halimbawa nito ay ang eklipseng solar na ginagamit na saligan ng mga istoryador upang maiugnay ang kronolohiya ng Asirya sa kronolohiya ng Bibliya. Sa mga talaang eponimo ng Asirya, binabanggit na iyon ay naganap sa ikatlong buwan (kung bibilang mula sa tagsibol) noong panahon ng eponimya ni Bur-Sagale. Kinakalkula ng makabagong mga kronologo na iyon ang eklipseng naganap noong Hunyo 15, 763 B.C.E. Kung bibilang ng 90 taon paatras (o 90 pangalan sa mga talaang eponimo) mula sa petsang ito, sasapit sila sa 853 B.C.E. bilang petsa ng pagbabaka sa Karkar noong ikaanim na taon ni Salmaneser III. Inaangkin nila na itinala ni Salmaneser si Haring Ahab ng Israel bilang kasama sa kaaway na koalisyong kalaban ng Asirya sa pagbabakang iyon, at na pagkaraan ng 12 taon (ika-18 taon ni Salmaneser), tinukoy naman ng Asiryanong hari si Haring Jehu ng Israel bilang nagbabayad ng tributo. Batay rito, naghihinuha sila na taóng 853 B.C.E. ang petsa ng huling taon ni Ahab at 841 B.C.E. naman ang pasimula ng paghahari ni Jehu. Gaano ba katumpak ang mga kalkulasyong ito?
Una, bagaman ipinapalagay na ang eklipseng solar na iyon ay ganap, walang sinasabing ganito ang talaang eponimo. At, bagaman iniuugnay ng karamihan sa mga istoryador sa ngayon ang pagtukoy na ito sa eklipse noong 763 B.C.E., hindi lahat ng iskolar ay sumasang-ayon, anupat mas pinipili ng iba ang taóng 809 B.C.E., yamang nang taóng iyon ay naganap ang isang eklipse na makikita noon sa Asirya, kahit bahagya lamang (gaya rin ng naganap noong 857 at 817 B.C.E., atbp.). (Canon of Eclipses ni Oppolzer, tsart 17, 19, 21) Bagaman tumututol ang makabagong mga istoryador na palitan ang eklipseng solar noong 763 B.C.E. sa dahilang ‘magpapasok ito ng kalituhan sa kasaysayan ng Asirya,’ nakita na natin na ang mga Asiryano mismo ay nagpasok ng maraming kalituhan sa sarili nilang kasaysayan.
Bukod diyan, napakalayong mangyari na naroroon si Haring Ahab sa pagbabaka sa Karkar. Sa gayon, kahit sabihing ang mga paghahari nina Ahazias at Jehoram (na nakapagitan kina Ahab at Jehu) ay tumagal lamang nang 12 taon (ihambing ang 1Ha 22:40, 51; 2Ha 1:2, 17; 3:1), ang katibayan ay hindi sumusuporta upang tiyakang mailagay si Ahab sa pagbabaka sa Karkar. Samakatuwid, malamang na ang pagbanggit ni Salmaneser kay Jehu ay walang kaugnayan sa unang taon ng pamamahala ni Jehu. Maaari pang mabawasan nang husto ang inaangking kahalagahan ng ganitong pagtutugma dahil sa akusasyon na minanipula ng mga Asiryano ang mga taon ng kanilang mga kampanya at na kinilala nila na tumanggap ng tributo ang ilang hari mula sa mga taong patay na. Ang tsart na “Tampok na mga Petsa Noong Kapanahunan ng mga Hari ng Juda at ng Israel,” na kalakip ng artikulong ito, ay nagpapakitang ang kamatayan ni Ahab ay naganap noong mga 920 B.C.E. anupat ang paghahari ni Jehu ay nagsimula naman noong mga 904 B.C.E.
Ang kanon ni Ptolemy. Si Claudio Ptolemy ay isang Griegong astronomo na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., o mahigit sa 600 taon pagkatapos ng yugtong Neo-Babilonyo. Ang kaniyang kanon, o talaan ng mga hari, ay kaugnay ng isang akda tungkol sa astronomiya na isinulat niya. Tinatanggap ng karamihan sa makabagong mga istoryador ang impormasyon ni Ptolemy tungkol sa mga haring Neo-Babilonyo at sa haba ng kanilang mga paghahari.
Maliwanag na ibinatay ni Ptolemy ang kaniyang makasaysayang impormasyon sa mga mapagkukunan mula sa yugtong Seleucido, na nagsimula mahigit na 250 taon matapos bihagin ni Ciro ang Babilonya. Kaya nga hindi kataka-taka na ang mga petsa ni Ptolemy ay kaayon niyaong kay Berossus, isang Babilonyong saserdote noong yugtong Seleucido.
Mga eklipseng lunar. Ginamit ang mga ito upang sikaping patunayan ang mga petsang ibinibigay bilang partikular na mga taon ng mga haring Neo-Babilonyo batay sa kanon at datos ni Ptolemy sa mga rekord na cuneiform. Ngunit kahit may-katumpakan pang nakalkula o naitala ni Ptolemy ang mga petsa ng partikular na mga eklipse noong nakalipas (natuklasan ng isang makabagong astronomo na tatlong kalima ng mga petsa ni Ptolemy ay tama), hindi ito patunay na naitawid niya nang tama ang makasaysayang datos, samakatuwid nga, na ang pagtutugma niya ng mga eklipse at ng mga paghahari ng partikular na mga hari ay laging batay sa tunay na pangyayari sa kasaysayan.
Isang halimbawa ng mga suliraning maaaring bumangon kapag ibinatay ang pagpepetsa sa mga eklipseng lunar ay ang petsa ng kamatayan ni Herodes na Dakila. Ipinakikita ng mga akda ni Josephus (Jewish Antiquities, XVII, 167 [vi, 4]; XVII, 188-214 [viii, 1–ix, 3]) na ang kamatayan ni Herodes ay nangyari di-nagtagal pagkatapos ng isang eklipseng lunar at di-kalaunan bago magsimula ang kapanahunan ng Paskuwa. Pinepetsahan ng maraming iskolar ang kamatayan ni Herodes bilang 4 B.C.E. at binabanggit nilang patotoo ang eklipseng lunar ng Marso 11 (Marso 13, kalendaryong Julian) nang taóng iyon. Dahil sa ganitong pagkalkula, inilalagay ng maraming makabagong kronologo ang kapanganakan ni Jesus sa petsang sing-aga ng 5 B.C.E.
Gayunman, ang eklipseng iyon noong 4 B.C.E. ay may magnitude lamang na 36 na porsiyento at kakaunti ang makapapansin nito yamang naganap ito nang madaling-araw. May dalawa pang eklipse na naganap noong 1 B.C.E., anupat alinman sa mga ito ay maaaring tumugma sa isang eklipseng naganap di-kalaunan bago ang Paskuwa. Marahil, ang bahagyang eklipseng lunar ng Disyembre 27 (Disyembre 29, kalendaryong Julian) nang taóng iyon ay nakita sa Jerusalem ngunit malamang na hindi bilang isang kapansin-pansing pangyayari. Ayon sa mga kalkulasyong ibinatay sa Canon of Eclipses ni Oppolzer (p. 343), ang buwan ay papaalis na sa anino ng lupa habang nagtatakipsilim sa Jerusalem, at pagsapit ng dilim, muli na namang nakita ang kabilugan ng buwan. Gayunman, hindi ito kabilang sa kumpletong talaan nina Manfred Kudlek at Erich Mickler. Kaya naman sa puntong ito sa kasaysayan, hindi matiyak kung gaano kaprominente noon sa Jerusalem ang eklipseng iyon o kung talaga ngang nakita iyon sa Jerusalem. Mas kapansin-pansin kaysa sa alinman sa dalawang nabanggit ang gabing-gabing eklipseng lunar na naganap noong unang mga oras ng Enero 8, 1 B.C.E. (Enero 10, kalendaryong Julian). Isa itong ganap na eklipse na tumakip sa buwan sa loob ng 1 oras at 41 minuto. Tiyak na mapapansin ito ng sinumang taong gising, kahit maulap pa ang kalangitan. Kaya sa loob ng mga taon na tinatalakay rito, hindi lamang iisang eklipse ang naganap di-kalaunan bago ang isang Paskuwa. Kung mamalasin mula sa punto de vista ng impormasyong taglay natin sa ngayon, waring ang eklipseng pinakamalamang na napansin noon ay yaong naganap noong Enero 8, 1 B.C.E.—Solar and Lunar Eclipses of the Ancient Near East From 3000 B.C. to 0 With Maps, nina M. Kudlek at E. H. Mickler; Neukirchen-Vluyn, Alemanya; 1971, Tomo I, p. 156.
Gayunman, hindi lahat ng tekstong ginagamit ng mga istoryador sa pagpepetsa ng mga pangyayari at mga yugto ng sinaunang kasaysayan ay batay sa mga eklipse. May natagpuang mga talaarawang pang-astronomiya na nag-uulat ng posisyon ng buwan (may kaugnayan sa partikular na mga bituin o mga konstelasyon) sa una at huling pagkakita rito sa isang espesipikong araw sa Babilonya (halimbawa, “ang buwan ay isang siko mula sa harap ng hulihang paa ng leon”), lakip ang mga posisyon ng partikular na mga planeta nang mismong mga panahong iyon. Itinatawag-pansin ng makabagong mga kronologo na ang gayong kombinasyon ng posisyon ng mga bagay sa kalangitan ay aabutin nang libu-libong taon bago maulit. Ang mga talaarawang pang-astronomiyang ito ay mayroon ding mga pagtukoy sa mga paghahari ng partikular na mga hari at waring katugma ng mga petsa sa kanon ni Ptolemy. Bagaman ipinapalagay ng iba na waring hindi matututulan ang ganitong katibayan, may mga salik na lubhang nagpapahina rito.
Una, maaaring may mga pagkakamali ang mga obserbasyong ginawa sa Babilonya. Pangunahing binigyang-pansin ng mga astronomong Babilonyo ang mga pangyayari o mga penomeno sa kalangitan na nagaganap malapit sa kagiliran, sa pagsikat o paglubog ng buwan o ng araw. Gayunman, kung tatanawin mula sa Babilonya, ang kagiliran ay kalimitang malabo dahil sa mga bagyo ng buhangin. Sa pagkokomento sa mga salik na ito, sinabi ni Propesor O. Neugebauer na nagreklamo si Ptolemy dahil sa “kakulangan ng mapananaligang obserbasyon [mula sa sinaunang Babilonya] tungkol sa mga planeta. Sinabi niya [ni Ptolemy] na ang mga dating obserbasyon ay hindi gaanong mahuhusay, sapagkat ang binigyang-pansin ng mga ito ay ang paglitaw at paglalaho [ng mga bagay sa kalangitan] at ang mga bagay na nakapirme, mga penomeno na likas na napakahirap obserbahan.”—The Exact Sciences in Antiquity, 1957, p. 98.
Ikalawa, ang totoo, ang karamihan sa natagpuang mga talaarawang pang-astronomiya ay isinulat, hindi noong panahon ng mga imperyong Neo-Babilonyo o Persiano, kundi noong yugtong Seleucido (312-65 B.C.E.), bagaman ang mga ito ay naglalaman ng datos na nauugnay sa mas naunang mga yugtong iyon. Ipinapalagay ng mga istoryador na ang mga ito ay mga kopya ng mas naunang mga dokumento. Ang totoo, walang natagpuang kapanahong mga tekstong pang-astronomiya na magagamit upang maitatag ang buong kronolohiya ng mga yugtong Neo-Babilonyo at Persiano (huling bahagi ng ikapitong siglo hanggang huling bahagi ng ikaapat na siglo).
Bilang panghuli, gaya sa kaso ni Ptolemy, bagaman ang impormasyong batay sa astronomiya (ayon sa pagpapakahulugan at pagkaunawa rito sa ngayon) sa mga tekstong natuklasan ay karaniwan nang tumpak, hindi ito katunayan na tumpak din ang makasaysayang impormasyong kalakip nito. Kung paanong ginamit ni Ptolemy ang mga paghahari ng sinaunang mga hari (ayon sa pagkaunawa niya sa mga iyon) bilang isa lamang balangkas na mapaglalapatan ng kaniyang datos na pang-astronomiya, sa gayunding paraan, maaaring isiningit lamang ng mga manunulat (o mga tagakopya) ng mga tekstong pang-astronomiya ng yugtong Seleucido sa kanilang mga tekstong pang-astronomiya yaong tinatanggap, o “popular,” na kronolohiya nang panahong iyon. Ang tinatanggap, o popular, na kronolohiyang iyon ay maaaring may mga pagkakamali sa kritikal na mga puntong tinalakay na sa artikulong ito. Bilang paglalarawan, posibleng sabihin ng isang sinaunang astronomo (o isang eskriba) na ang isang partikular na pangyayari sa kalangitan ay naganap sa taóng 465 B.C.E., ayon sa ating kalendaryo, at maaaring tama naman ang kaniyang sinabi kapag may-katumpakan itong kinuwenta upang matiyak ito. Ngunit baka sabihin din niya na ang taon kung kailan naganap ang pangyayaring iyon sa kalangitan (465 B.C.E.) ay ika-21 taon ni Haring Jerjes, at maaaring maling-mali siya. Sa simpleng pananalita, ang pagiging tumpak sa astronomiya ay hindi katunayan ng pagiging tumpak sa kasaysayan.
Arkeolohikal na Pagpepetsa. Ang mga suliraning nasasangkot sa pagtatakda ng mga petsa batay sa nahukay na sinaunang mga kasangkapan ay tinatalakay sa ilalim ng pamagat na ARKEOLOHIYA. Sa maikli, masasabi na kung walang mga inskripsiyon na aktuwal na natakdaan ng petsa, ang pagpepetsa sa pamamagitan ng sinaunang mga bagay gaya ng mga bibinga ng mga kagamitang luwad ay maituturing na kapaki-pakinabang lamang sa paghahambing. Samakatuwid nga, masasabi lamang ng arkeologo na ‘ang partikular na suson na ito ng lupa at ang nilalaman niyaon sa bunton na ito ay maliwanag na kapanahon ng isang suson ng lupa sa bunton na iyon (o nauna roon o sumunod doon).’ Sa gayon, isang pangkalahatang kronolohikal na pagkakasunud-sunod ang nabubuo, ngunit laging may posibilidad na ito’y ituwid at baguhin, anupat kung minsan ay umaabot sa daan-daang taon ang nasasangkot na mga pagbabago. Halimbawa, noong 1937, itinakda ng arkeologong si Barton ang ilang kagamitang luwad na mula sa “Sinaunang Edad Bronse” sa yugtong 2500-2000 B.C.E., samantalang noong sumunod na taon, itinala naman ni W. F. Albright ang yugto ring iyon bilang 3200-2200 B.C.E.
Dahil dito, gaya ng sinabi ni G. Ernest Wright: “Sa larangang ito, bihira tayong nakatitiyak sa mga bagay-bagay. Sa halip, kapag bumubuo ng mga palagay, mahalaga na laging magpalugit para sa pagkakamali. Ang katotohanan sa mga iyon ay nakasalalay sa kakayahan nila [ng mga arkeologo] na bigyang-kahulugan at pag-ugnay-ugnayin ang sari-sari at magkakaibang datos, ngunit sa sandaling may dumating na bagong impormasyon, baka kailanganing baguhin kaagad ang isang palagay, o baka kailanganin ng isang iskolar na baguhin nang kaunti ang paghaharap niyaon.”—Shechem, The Biography of a Biblical City, 1965, paunang salita p. xvi.
Higit pa itong ipinakikita ng sinabi sa Chronologies in Old World Archaeology, inedit ni Robert Ehrich, inilimbag noong 1965 upang halinhan ang isang mas naunang akda noong 1954, at naglalaman ng isang kalipunan ng mga pangmalas hinggil sa “mabuway na kawing ng mga relatibong kronolohiya” na ipinahayag ng mga prominenteng arkeologo. Ang paunang salita (p. vii) ay nagsasabi: “Ang layunin ng aklat na ito ay iharap, nang sunud-sunod, ang mga kronolohiya ng iba’t ibang magkakaratig na lugar ayon sa pangmalas sa mga ito noong 1964 ng mga espesyalista sa iba’t ibang rehiyon. Sa kabila ng bagong impormasyon, pabagu-bago pa rin ang pangkalahatang situwasyon, at dahil sa dumarating na datos, ang ilang konklusyon ay magiging lipas na, posibleng bago pa man mailimbag ang tomong ito.” Makabubuting isaisip ito kapag sinusuri ang mga petsang ibinibigay ng mga arkeologo para sa edad ng ilang lunsod, gaya ng Jerico, o sa yugto na itinatakda nila para sa pananakop ng Israel sa Palestina.
Mga Istoryador ng Yugtong Klasikal. Dito, ang terminong “klasikal” ay kumakapit sa yugto at kultura ng sinaunang mga Griego at mga Romano. Bukod sa mapagkukunan ito ng impormasyon hinggil sa kasaysayan ng Gresya at Roma, ang mga akda ng ilang klasikal na istoryador ay pinagbabatayan ng makabagong mga istoryador upang punan ang mga puwang o pagtibayin ang ilang datos sa rekord ng sinaunang Ehipto, Asirya, Babilonya, Persia, Sirya, at Palestina. Kabilang sa sinaunang mga Griegong istoryador sina: Herodotus (mga 484-425 B.C.E.); Thucydides (mga 471-401 B.C.E.); Xenophon (mga 431-352 B.C.E.); Ctesias (ikalima-ikaapat na siglo B.C.E.); at nang maglaon, sina Strabo, Diodorus Siculus, at Alexander Polyhistor ng unang siglo B.C.E.; at Plutarch ng una at ikalawang siglo C.E. Kabilang naman sa mga Romanong istoryador sina Titus Livius o Livy (59 B.C.E.–17 C.E.); Gnaeus Pompeius Trogus, isang kapanahon ni Livy; Pliny na Nakatatanda (23-79 C.E.); at Sextus Julius Africanus (ikatlong siglo C.E.), malamang na ipinanganak sa Libya. Bukod sa mga ito, pangunahin ding mapagkukunan ng impormasyon sina Manetho at Berossus (tinalakay na); si Josephus, isang Judiong istoryador na ang mga akda (bagaman kung minsa’y nagkakasalungatan sa kasalukuyang anyo ng mga ito) ay malaking tulong para sa unang siglo C.E.; at si Eusebius, eklesyastikal na istoryador at obispo ng Cesarea (mga 260-340 C.E.).
Lahat ng ito ay nabuhay pagkaraan ng yugtong Asiryano at Neo-Babilonyo at tanging ang unang apat na nabanggit ang nabuhay noong yugto ng Imperyo ng Persia. Samakatuwid, para sa mga yugtong Asiryano at Neo-Babilonyo, walang sinuman sa mga manunulat na ito ang nagharap ng impormasyon batay sa personal na kaalaman, kundi sa halip, itinala nila ang tradisyonal na mga pangmalas na narinig nila o, sa ilang kaso, kanilang nabasa at kinopya. Maliwanag na ang katumpakan ng kanilang datos ay depende sa katumpakan ng mga pinagkunan nila ng impormasyon.
Bukod diyan, sa ngayon, anumang nalalaman natin mula sa kanilang mga akda ay dumedepende sa mga kopya ng mga kopya, anupat ang pinakamatandang kopya ay kadalasang di-aaga kaysa sa yugto ng Edad Medya ng Karaniwang Panahon. Natalakay na natin kung paanong ang mga kronolohiya nina Manetho at Berossus ay sinira ng mga tagakopya. Tungkol naman sa mga kuwalipikasyon at pagkamaaasahan ng iba pang sinaunang mga istoryador ng yugtong klasikal, kapansin-pansin ang sumusunod:
Ang paraan ni Herodotus ng pagsulat ng kasaysayan—pagtatanong, paghahanap ng kaugnay na impormasyon, at saka pagbuo ng konklusyon—ay lubhang pinupuri ng iba. Ngunit sinasabi rin naman na kung minsan, “ang kaniyang datos ay hindi kasiya-siya” at na “naghaharap siya ng makatuwirang paliwanag kasama niyaong di-makatuwiran.” Sinasabi rin na siya ay “maliwanag na kabilang sa kaisipang romantiko” at sa gayon ay kapuwa isang kuwentista at isang istoryador. (The New Encyclopædia Britannica, edisyon ng 1985, Tomo 5, p. 881, 882; edisyon ng 1910, Tomo XIII, p. 383) Tungkol kay Xenophon, sinasabing “ang kawalang-pagkiling, masusing pagsisiyasat, at pananaliksik ay hindi para sa kaniya” at na pinalamutian niya ang kaniyang mga salaysay ng “mga talumpating kathang-isip.” (The New Encyclopædia Britannica, 1987, Tomo 12, p. 796) Inaakusahan naman ni George Rawlinson si Ctesias ng sinasadyang pagpapahaba sa yugto ng monarkiya ng Media “sa pamamagitan ng kusang paggamit ng isang sistema ng pag-uulit.” Sinabi pa niya: “Bawat hari, o yugto, sa akda ni Herodotus ay lumilitaw sa talaan ni Ctesias nang makalawang ulit—isang pamamaraan na halatang-halata, anupat asiwang pinagtakpan ng walang-kuwentang paraan ng lansakang pag-iimbento ng mga pangalan.”—The Seven Great Monarchies of the Ancient Eastern World, 1885, Tomo II, p. 85.
May kinalaman sa kasaysayang Romano noong yugto ng mga hari (bago itatag ang Republika), mababasa natin na ito ay “tumatalunton pabalik sa mga dako ng purong mitolohiya. Kalipunan lamang ito ng mga pabulang inilahad nang halos walang anumang pagtatangkang manuri, at nang hindi isinaalang-alang ang kronolohikal na pagkakasunud-sunod maliban kung kinakailangan upang maging maayos ang takbo ng kuwento o mapunan ang mga puwang gaya niyaong nasa pagitan ng pagtakas ni Eneas mula sa Troy at ng diumano’y taon ng pagkakatatag ng Roma.” Maging sa yugto pagkatapos ng pagkakatatag ng Republika (mga 509 B.C.E.), handa pa ring ilakip ng mga istoryador ang popular na tradisyon sa mga tunay na pangyayari sa kasaysayan nang hindi ipinakikita ang pagkakaiba ng mga iyon. “Inimbento ang mga linya ng mga ninuno, isiningit ang likhang-isip na mga konsul [ang pagpepetsa ng mga Romano ay kadalasang ibinabatay sa panunungkulan ng mga konsul] at kathang-isip na mga tagumpay, at may mga tradisyon ng mga pamilya . . . na pormal na inilakip sa kasaysayan ng estado.” Tungkol sa mga Romanong tagapag-ulat ng kasaysayan, sinasabi sa atin: “Ang nasumpungan nilang nakasulat ay kinokopya nila; kapag walang personal na karanasan, ang mga puwang ay pinupunan nila sa pamamagitan ng imahinasyon.”—The Encyclopædia Britannica, 1911, Tomo XVI, p. 820, 821.
Si Thucydides. Si Thucydides ay itinuturing ng marami bilang naiiba sa karaniwang klasikal na mga istoryador na kadalasa’y pinararatangan ng di-katumpakan at kawalang-ingat. Kilala si Thucydides sa kaniyang metikulosong pananaliksik. Sinabi ng The New Encyclopædia Britannica (1987, Tomo 11, p. 741) tungkol sa kaniya: “Halos hindi mapantayan ng sinumang iba pang istoryador ang kaniyang awtoridad. Sinunod niya ang isang istriktong pamamaraan sa kronolohiya, at ito’y tugmang-tugma kapag maaari itong suriin nang may katumpakan sa pamamagitan ng mga eklipseng binabanggit niya.”
Kung minsan, kailangang bumaling sa klasikal na mga istoryador para sa kinakailangang impormasyon, lalo na para sa yugtong Persiano (na tinatalakay sa mga aklat ng Ezra, Nehemias, at Esther) at patuloy hanggang sa panahong apostoliko. Nakatutulong din ang kanilang mga akda upang matiyak ang panahon at mga pangyayari na katuparan ng mga bahagi ng makahulang mga pangitain ni Daniel (kab 7-9, 11), na lumalampas pa nga sa kapanahunang apostoliko. Gayunman, batay sa mga impormasyong natalakay na, walang dahilan upang ipantay sa Bibliya ang kanilang mga kasaysayan at mga kronolohiya. Kapag may lumitaw na mga pagkakaiba, ang isa ay makapagtitiwala sa rekord ng Bibliya, na ang sumulat ay alinman sa mga aktuwal na nakasaksi o yaong mga tulad ni Lucas na ‘tumalunton sa lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.’ (Luc 1:1-4) Dahil sa tumpak na impormasyon hinggil sa kronolohiya sa mga ulat ni Lucas at ng iba pa, posibleng itakda ang mga petsa para sa pangunahing mga pangyayari sa buhay ni Jesus at sa kapanahunang apostoliko.—Mat 2:1, 19-22; Luc 3:1-3, 21-23; at marami pang iba.
Ang Biblikal na Pagbilang sa Panahon. Maliwanag na kailangang mag-ingat nang husto sa paggamit ng sinaunang sekular na mga rekord. Kilala ang mga ito sa pagiging di-tumpak sa maraming bagay, at sa paanuman malamang na hindi rin tumpak ang kanilang mga kronolohiya. Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay napatunayang totoo sa lahat ng larangang binabanggit nito, anupat nagbibigay ng pinakatumpak na larawan ng sinaunang mga panahong tinatalakay nito. Mapananaligan din ang kronolohiya nito.—Tingnan ang BIBLIYA (Autentisidad).
Kapag sinusukat ang mga yugto ng kapanahunan ng Bibliya kasuwato ng makabagong mga pamamaraan sa pagpepetsa, dapat tandaan na magkaiba ang kardinal at ordinal na mga numero. Ang mga kardinal na numero, gaya ng 1, 2, 3, 10, 100, at patuloy, ay mga buong bilang. Ngunit kung ordinal ang numero, gaya ng ika-3, ika-5, at ika-22, kailangan itong bawasan ng isa upang makuha ang buong bilang. Kaya sa pagtukoy sa “ikalabingwalong taon ni Nabucodonosor,” ang terminong ‘ikalabingwalo’ ay isang ordinal na numero at kumakatawan sa 17 buong taon at ilang araw, sanlinggo, o buwan (gaanumang panahon ang lumipas mula nang matapos ang ika-17 taon).—Jer 52:29.
Kapag bumibilang ng mga taon mula sa isang petsa sa kalendaryo sa yugtong “B.C.E.” hanggang sa isang petsa sa kalendaryo sa yugtong “C.E.,” dapat isaisip na mula sa isang petsa na gaya ng Oktubre 1 ng taóng 1 B.C.E. hanggang sa Oktubre 1 ng taóng 1 C.E. ay may isang taon lamang, hindi dalawa, gaya ng makikita sa dayagram na ito:
B.C.E.
C.E.
2
1
1
2
Okt. 1
Okt. 1
Ito ay sa dahilang ang mga petsa ng taon ay mga ordinal na numero. Kaya mula noong mga Oktubre 1 ng taóng 2 B.C.E. (ang tinatayang panahon ng kapanganakan ni Jesus) hanggang Oktubre 1 ng 29 C.E. (ang tinatayang petsa ng bautismo ni Jesus) ay may kabuuang 30 taon, samakatuwid nga, isang buong taon at 3 buwan sa yugtong B.C.E. at 28 buong taon at 9 na buwan sa yugtong C.E.—Luc 3:21-23.
Mula sa Paglalang sa Tao Hanggang sa Kasalukuyan. Hindi matukoy ng makabagong mga istoryador ang alinmang espesipikong petsa bilang pasimula ng “makasaysayang yugto” ng sangkatauhan. Kaninumang kasaysayan ang gamitin nila, yaon mang sa Asirya, Babilonya, o Ehipto, lalong nagiging kaduda-duda at pabagu-bago ang kronolohiya habang tumatalunton sila pabalik sa ikalawang milenyo B.C.E., at pagsapit naman sa ikatlong milenyo B.C.E. ay napapaharap sila sa kalituhan at kalabuan. Kabaligtaran nito, ang Bibliya ay naglalaan ng ugnay-ugnay na kasaysayan anupat maaaring gumawa ng isang sistematikong pagbilang pabalik sa pasimula ng kasaysayan ng tao, isang pagbilang na pinadadali ng mga pagtukoy ng Bibliya sa ilang mahahabang yugto ng panahon, tulad ng yugto ng 479 na buong taon mula sa Pag-alis hanggang sa pasimula ng pagtatayo ng templo noong paghahari ni Solomon.—1Ha 6:1.
Upang makapagbilang kasuwato ng pagpepetsa ng makabagong kalendaryo, dapat tayong gumamit ng isang itinakdang petsa o saligang petsa (pivotal date) na magsisilbing pasimula, samakatuwid nga, isang petsa sa kasaysayan na may matibay na saligan upang tanggapin at katugma ng isang partikular na pangyayaring nakaulat sa Bibliya. Mula sa saligang petsang ito, maaari tayong bumilang nang paatras o pasulong at magtakda ng mga petsa mula sa kalendaryo para sa maraming pangyayaring tinutukoy sa Bibliya.
Isa sa gayong petsa, na kasuwato kapuwa ng Biblikal at sekular na kasaysayan, ay ang taóng 29 C.E., anupat ang unang mga buwan nito ay saklaw ng ika-15 taon ni Tiberio Cesar, na hinirang ng Senadong Romano bilang emperador noong Setyembre 15, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian). Taóng 29 C.E. nang simulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang pangangaral at nang bautismuhan niya si Jesus pagkaraan marahil nang mga anim na buwan.—Luc 3:1-3, 21, 23; 1:36.
Ang isa pang magagamit bilang saligang petsa ay ang taóng 539 B.C.E., na sinusuhayan ng iba’t ibang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan bilang ang taon ng pagpapabagsak sa Babilonya sa pamamagitan ni Ciro na Persiano. (Kabilang sa mga sekular na impormasyon hinggil sa paghahari ni Ciro ay ang mga akda nina Diodorus, Africanus, Eusebius, at Ptolemy, gayundin ang mga tapyas na Babilonyo.) Noong unang taon ni Ciro, inilabas ang kaniyang batas na nagpapalaya sa mga Judio mula sa pagkatapon. At gaya ng tinalakay sa artikulong CIRO, malamang na ginawa ang batas na ito noong taglamig ng 538 B.C.E. o noong malapit na ang tagsibol ng 537 B.C.E. Magbibigay ito sa mga Judio ng panahon upang makagawa ng kinakailangang mga paghahanda, makapaglakbay nang apat na buwan patungong Jerusalem, at makarating pa rin doon sa ikapitong buwan (Tisri, o mga Oktubre 1) ng 537 B.C.E.—Ezr 1:1-11; 2:64-70; 3:1.
Sa pamamagitan ng paggamit ng gayong mga saligang petsa, maiuugnay natin ang napakaraming pangyayari sa Bibliya sa espesipikong mga petsa sa kalendaryo. Ang saligang balangkas na mapaglalapatan ng gayong kronolohiya ay gaya ng sumusunod:
Pangyayari
Petsa sa Kalendaryo
Panahong Lumipas
Mula sa paglalang kay Adan
4026 B.C.E.
—
Hanggang sa pasimula ng Baha
2370 B.C.E.
1,656 na taon
Hanggang sa bigyang-bisa ang tipang Abrahamiko
1943 B.C.E.
427 taon
Hanggang sa Pag-alis mula sa Ehipto
1513 B.C.E.
430 taon
Hanggang sa pasimula ng pagtatayo ng templo
1034 B.C.E.
479 na taon
Hanggang sa mahati ang kaharian
997 B.C.E.
37 taon
Hanggang sa pagkatiwangwang ng Juda
607 B.C.E.
390 taon
Hanggang sa pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon
537 B.C.E.
70 taon
Hanggang sa muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem
455 B.C.E.
82 taon
Hanggang sa bautismo ni Jesus
29 C.E.
483 taon
Hanggang sa kasalukuyan
2010 C.E.
1,981 taon
Kabuuang yugto ng panahon mula sa paglalang kay Adan hanggang 2010 C.E.
—
6,035 taon
Kung gayon, ano ang saligan sa Bibliya at, sa ilang kaso, ang sekular na kasaysayan na sumusuporta sa gayong kronolohiya? Nagbibigay kami rito ng higit pang mga detalye na magpapakita kung paano natiyak ang bawat isa sa nakatalang mga yugto ng panahon.
Mula sa paglalang kay Adan hanggang sa Baha. Ang 1,656 na taon sa yugtong ito ay nakaulat sa Genesis 5:1-29; 7:6, at maaaring balangkasin ang mga iyon gaya ng ipinakikita sa tsart na nasa gawing ibaba sa kanan.
Mula sa paglalang kay Adan hanggang sa kapanganakan ni Set
130 taon
At hanggang sa kapanganakan ni Enos
105 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Kenan
90 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Mahalalel
70 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Jared
65 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Enoc
162 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Matusalem
65 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Lamec
187 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Noe
182 taon
Hanggang sa Baha
600 taon
Kabuuan
1,656 na taon
Ang mga numerong ipinakikita para sa panahon bago ang Baha ay yaong masusumpungan sa tekstong Masoretiko, na siyang pinagbatayan ng makabagong mga salin ng Hebreong Kasulatan. Naiiba ang mga numerong ito sa masusumpungan sa Griegong Septuagint, ngunit ipinakikita ng katibayan na mas tumpak ang tekstong Masoretiko.
Ganito ang sabi ng Commentary on the Holy Scriptures ni Lange (Genesis, p. 272, tlb): “Ang panloob na katibayan ay makikitang talagang pabor sa Hebreo dahil sa proporsiyonal na pagkakatugma-tugma nito. Maliwanag na ang mga numero sa LXX ay sumusunod sa isang plano na doon iniayon ang mga iyon. Wala nito sa Hebreo, at ito’y pabor na pabor sa pagiging isang tunay na rekord nito ng talaangkanan. . . . Makabubuti ring piliin ang Hebreo dahil sa pisyolohikal na mga saligan; yamang ang haba ng buhay ay hindi naman talaga humihiling ng gayon kaatrasadong pagkaadulto gaya ng waring ipinahihiwatig ng mga numerong iyon [sa Septuagint]. . . . ang idinagdag ng Septuagint na 100 taon, sa bawat kaso, ay nagpapakita ng planong ilapit ang mga iyon sa isang mas proporsiyonal na pamantayan, na salig sa isang ipinapalagay na pisyolohikal na ideya. . . . Idagdag pa sa lahat ng ito ang bagay na ang Hebreo ang may pinakamatibay na pag-aangkin sa pagiging orihinal na teksto, dahil sa kilaláng masusi, at mapamahiin pa nga, na pag-iingat dito upang mapreserba ang teksto nito.”—Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976.
Bagaman nais palawigin ng makabagong mga istoryador ang panahon ng pananahanan ng tao sa lupa nang mas maaga pa sa 4026 B.C.E., ang mga katotohanan ay salungat na salungat sa kanilang pangmalas. Ang libu-libong taon ng “panahon bago ang naisulat na kasaysayan” na ikinakatuwiran nila ay dumedepende sa espekulasyon, gaya ng makikita sa pananalitang ito ng prominenteng siyentipiko na si P. E. Klopsteg, na nagsabi: “Halikayo, pakisuyo, sa isang kunwa-kunwariang pamamasyal sa panahon bago ang naisulat na kasaysayan. Gunigunihing ikaw ay nasa era kung kailan lumitaw ang uring ‘sapiens’ mula sa klasipikasyong ‘Homo’ . . . magmadali patawid sa mga milenyo kung kailan ang kalakhang bahagi ng kasalukuyang impormasyon ay nakabatay sa pala-palagay at interpretasyon patungo sa era ng unang mga nakasulat na rekord, na maaaring pagkunan ng ilang impormasyon.” (Amin ang italiko.)—Science, Disyembre 30, 1960, p. 1914.
Ang yugto ng panahon pagkatapos ng Baha ay nagsimula noong taóng 2369 B.C.E. Bagaman nais italaga ng ilan ang partikular na mga akdang pictographic sa yugto ng 3300 hanggang 2800 B.C.E. (New Discoveries in Babylonia About Genesis, ni P. J. Wiseman, 1949, p. 36), ang mga ito ay hindi naman mga dokumentong aktuwal na natakdaan ng petsa at ang ipinapalagay na edad ng mga ito ay batay lamang sa opinyon ng mga arkeologo.
Bagaman kung minsan ay iminumungkahing gamitin sa mga pagpepetsa ang radiocarbon (C-14) technique, ang paraang ito ng pagpepetsa ay may espesipikong mga limitasyon. Iniulat ng magasing Science, Disyembre 11, 1959, p. 1630: “Ang isang maituturing na mahusay na halimbawa ng ‘pagiging di-maaasahan ng C14’ ay ang 6000-taóng saklaw ng 11 pagtiyak sa Jarmo . . . , isang napakasinaunang nayon sa hilagang-silangang Iraq na batay sa lahat ng arkeolohikal na katibayan ay tuluy-tuloy na hindi pinanirahan sa loob ng mahigit sa 500 taon.” Kaya naman walang matibay o mapatutunayang ebidensiya na susuporta sa isang petsang mas maaga sa 2369 B.C.E. bilang pasimula ng lipunan ng tao pagkaraan ng Baha.
Mula 2370 B.C.E. hanggang sa tipan kay Abraham. Ang kronolohikal na balangkas ng yugtong ito ay mabubuod gaya ng sumusunod:
Mula sa pasimula ng Baha hanggang sa kapanganakan ni Arpacsad
2 taon
At hanggang sa kapanganakan ni Shela
35 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Eber
30 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Peleg
34 na taon
Hanggang sa kapanganakan ni Reu
30 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Serug
32 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Nahor
30 taon
Hanggang sa kapanganakan ni Tera
29 na taon
Hanggang sa kamatayan ni Tera, nang si Abraham ay 75 taóng gulang
205 taon
Kabuuan
427 taon
Ang saligan para sa mga numerong ito ay ang Genesis 11:10 hanggang 12:4. Ang pananalitang “pagkatapos ng delubyo” (Gen 11:10) na ginamit may kaugnayan sa kapanganakan ni Arpacsad ay makatuwirang tumutukoy sa aktuwal na pagbagsak ng tubig na nagsilbing palatandaan ng pasimula ng Baha (2370 B.C.E.), sa halip na tumukoy lamang sa pananatili ng tubig sa ibabaw ng lupa sa loob ng isang yugto ng panahon pagkatapos nito. Ipinahihiwatig din ito ng terminong Hebreo na ginamit para sa “delubyo.”—Ihambing ang Gen 6:17; 7:4-6, 10-12, 17; 9:11.
Hindi binabanggit sa ulat ang petsa kung kailan tinangkang itayo ang Tore ng Babel. Ipinakikita ng Genesis 10:25 na ang pagkakabaha-bahaging ibinunga ng paggulo sa mga wika roon ay naganap noong ‘mga araw ni Peleg.’ Hindi naman ibig sabihin na ang pangyayaring iyon ay naganap noong ipanganak si Peleg. Sa katunayan, ipinakikita ng pananalitang “nang kaniyang mga araw” na ang pagkakabaha-bahagi ay naganap, hindi noong ipanganak si Peleg o karaka-raka pagkatapos nito, kundi noong isang panahon sa haba ng kaniyang buhay, na sumaklaw mula 2269 hanggang 2030 B.C.E. Kung, pagkaraan ng Baha, ang bawat lalaking magulang na nasa edad na 30 ay nagsimulang magkaanak ng isa tuwing ikatlong taon, anupat sa katamtaman ay nagkaroon ng isang anak na lalaki tuwing ikaanim na taon, at nagpatuloy ito hanggang sa edad na 90, kung gayon, sa isang yugto na mga 180 taon mula sa katapusan ng Baha (samakatuwid nga, pagsapit ng 2189 B.C.E.), ang populasyon ay posibleng umabot sa kabuuang bilang na mahigit sa 4,000 adultong lalaki. Sapat na ang katamtamang bilang na ito upang tumugma sa mga kalagayang kaugnay ng pagtatayo ng tore at ng pangangalat ng mga tao.
Maliwanag na binigyang-bisa ni Jehova kay Abraham yaong nakilala bilang tipang Abrahamiko noong panahong tumatawid si Abraham sa Eufrates patungo sa lupain ng Canaan. Yamang ang paglisan ni Abraham sa Haran at ang pagpasok niya sa Canaan ay kasunod ng pagkamatay ng kaniyang amang si Tera, itinakda ang petsa ng pagbibigay-bisa sa tipang ito bilang 1943 B.C.E.—Gen 11:32; 12:1-5.
Mula 1943 B.C.E. hanggang sa Pag-alis. Sinasabi sa Exodo 12:40, 41 na “ang pananahanan ng mga anak ni Israel, na nanahanan sa Ehipto, ay apat na raan at tatlumpung taon. At nangyari sa pagwawakas ng apat na raan at tatlumpung taon, nangyari nga sa mismong araw na ito na ang lahat ng hukbo ni Jehova ay lumabas mula sa lupain ng Ehipto.” Bagaman isinasalin ng karamihan sa mga salin ang talata 40 sa paraang ang 430 taon ay tumutukoy lamang sa pananahanan sa Ehipto, ipinahihintulot ng orihinal na Hebreo ang pagkakasalin na unang nabanggit. Gayundin, sa Galacia 3:16, 17, iniuugnay ni Pablo ang 430-taóng yugtong iyan sa panahong nasa pagitan ng pagbibigay-bisa sa tipang Abrahamiko at ng paggawa ng tipang Kautusan. Maliwanag na nang kumilos si Abraham ayon sa pangako ng Diyos, anupat tinawid niya ang Eufrates noong 1943 B.C.E. patungo sa Canaan at aktuwal na lumipat “sa lupain” na itinuro ng Diyos sa kaniya, ang tipang Abrahamiko ay nabigyang-bisa. (Gen 12:1; 15:18-21) Eksaktong 430 taon pagkatapos ng pangyayaring ito, ang kaniyang mga inapo ay iniligtas mula sa Ehipto, noong 1513 B.C.E., at nang taon ding iyon ay ipinakipagtipan sa kanila ang tipang Kautusan. May katibayan na mula pa noong unang mga panahon, ang yugto na binabanggit sa Exodo 12:40, 41 ay inuunawang nagsimula nang lumipat sa Canaan ang mga ninuno ng bansa; ipinakikita ito ng ganitong pagkakasalin sa Griegong Septuagint: “Ngunit ang pananahanan ng mga anak ni Israel na kanilang itinahan sa lupain ng Ehipto at sa lupain ng Canaan [ay] apat na raan at tatlumpung taon.”
Ang yugto ng panahon mula sa paglipat ni Abraham sa Canaan hanggang sa pagbaba ni Jacob sa Ehipto ay 215 taon. Tinuos ang numerong ito mula sa sumusunod na mga impormasyon: Dalawampu’t limang taon ang lumipas mula sa paglisan ni Abraham sa Haran hanggang sa kapanganakan ni Isaac (Gen 12:4; 21:5); mula noon hanggang sa kapanganakan ni Jacob ay 60 taon (Gen 25:26); at si Jacob ay 130 taóng gulang nang pumasok siya sa Ehipto (Gen 47:9); kaya ang kabuuan nito ay 215 taon (mula 1943 hanggang 1728 B.C.E.). Nangangahulugan ito na 215 taon din ang ginugol ng mga Israelita sa Ehipto kasunod nito (mula 1728 hanggang 1513 B.C.E.). Ang posibilidad na ang mga Israelita ay dumami nang husto sa loob ng 215 taon anupat umabot sila sa populasyong kinabibilangan ng 600,000 “matitipunong lalaki” ay ipinakikita sa ilalim ng pamagat na PAG-ALIS.—Exo 12:37.
Sinabi ni Jehova kay Abram (Abraham): “Tiyak na malalaman mo na ang iyong binhi ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, at paglilingkuran nila ang mga ito, at tiyak na pipighatiin sila ng mga ito sa loob ng apat na raang taon.” (Gen 15:13; tingnan din ang Gaw 7:6, 7.) Ipinahayag ito bago pa man ipanganak ang ipinangakong tagapagmana o “binhi,” si Isaac. Noong 1932 B.C.E., si Ismael ay isinilang kay Abram ng Ehipsiyong alilang babae na si Hagar, at noong 1918 B.C.E., isinilang naman si Isaac. (Gen 16:16; 21:5) Kung bibilang ng 400 taon paatras mula sa Pag-alis, na nagsilbing palatandaan ng katapusan ng ‘pagpighati’ (Gen 15:14), sasapit tayo sa 1913 B.C.E., at nang panahong iyon ay mga limang taóng gulang na si Isaac. Waring si Isaac ay inawat na noon sa suso at, palibhasa’y isa nang “naninirahang dayuhan” sa lupaing hindi kaniya, dinanas na niya ang pasimula ng inihulang kapighatian sa pamamagitan ng ‘panunukso’ ni Ismael, na noon ay mga 19 na taóng gulang. (Gen 21:8, 9) Bagaman ang panlilibak ni Ismael sa tagapagmana ni Abraham ay maaaring malasin sa makabagong panahon bilang di-gaanong mahalaga, iba ang pangmalas dito noong panahon ng mga patriyarka. Pinatutunayan ito ng reaksiyon ni Sara at ng pagsang-ayon ng Diyos sa pagpupumilit ni Sara na paalisin si Hagar at ang anak nitong si Ismael. (Gen 21:10-13) Ipinakikita rin ng detalyadong pagkakatala ng insidenteng ito sa banal na ulat na ito’y nagsilbing pasimula ng inihulang 400-taóng yugto ng kapighatian na magwawakas lamang sa Pag-alis.—Gal 4:29.
Mula 1513 B.C.E. hanggang sa mahati ang kaharian. Noong “ikaapat na raan at walumpung taon pagkalabas ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto,” sa ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulang itayo ang templo sa Jerusalem. (1Ha 6:1) Ang ‘ikaapat na raan at walumpu’ ay isang ordinal na numero na kumakatawan sa 479 na buong taon at ilang bahagi ng isang taon, sa kasong ito ay isang buwan. Kung bibilang ng 479 na taon mula sa Pag-alis (Nisan 1513 B.C.E.), sasapit tayo sa 1034 B.C.E., anupat ang pagtatayo ng templo ay nagsimula sa ikalawang buwan, ang Ziv (katumbas ng huling bahagi ng Abril at unang bahagi ng Mayo). Yamang ito ang ikaapat na taon (isa pang ordinal na numero) ng pamamahala ni Solomon, ang kaniyang paghahari ay nagsimula noong 1037 B.C.E., tatlong buong taon bago nito. Maliwanag na ang kaniyang 40-taóng pamamahala ay sumaklaw mula Nisan 1037 hanggang Nisan 997 B.C.E., anupat naganap ang pagkakahati ng kaharian noong huling nabanggit na taon. Samakatuwid, ang kronolohikal na balangkas ng yugtong ito ay gaya ng ipinakikita sa ibaba.
Pangyayari
Petsa
Panahong Lumipas
Mula sa Pag-alis
1513 B.C.E.
—
hanggang pagpasok ng Israel sa Canaan
1473 B.C.E.
40 taon
hanggang pagtatapos ng kapanahunan ng mga Hukom at pasimula ng paghahari ni Saul
1117 B.C.E.
356 na taon
hanggangpasimula ng paghahari ni David
1077 B.C.E.
40 taon
hanggang pasimula ng paghahari ni Solomon
1037 B.C.E.
40 taon
hanggang mahati ang kaharian
997 B.C.E.
40 taon
Kabuuang taon mula sa Pag-alis hanggang sa mahati ang kaharian (1513 hanggang 997 B.C.E.)
—
516 na taon
Ang saligan ng mga numerong ito ay ang mga tekstong gaya ng Deuteronomio 2:7; 29:5; Gawa 13:21; 2 Samuel 5:4; 1 Hari 11:42, 43; 12:1-20. Itinatawag-pansin ng ilang kritiko ang apat na yugto na tig-aapatnapung taon na naganap sa yugtong ito, anupat sinasabi nilang katibayan ito ng ‘basta paghahanap ng simetriya’ ng mga manunulat ng Bibliya sa halip na ng isang tumpak na kronolohiya. Sa kabaligtaran, samantalang ang yugto ng pagpapagala-gala ng mga Israelita bago sila pumasok sa Canaan ay halos eksaktong 40 taon bilang katuparan ng hatol ng Diyos na nakaulat sa Bilang 14:33, 34 (ihambing ang Exo 12:2, 3, 6, 17; Deu 1:31; 8:2-4; Jos 4:19), maaaring ang tatlong iba pang yugto ay pawang may mga butal. Kaya naman ang paghahari ni David ay ipinakikitang aktuwal na tumagal nang 401⁄2 taon, ayon sa 2 Samuel 5:5. Kung bibilangin ang opisyal na mga taon ng paghahari ng mga haring ito nang mula Nisan hanggang Nisan, gaya ng waring kinaugalian noon, maaaring mangahulugan ito na ang paghahari ni Haring Saul ay tumagal lamang nang 391⁄2 taon, ngunit ang mga buwang nalalabi hanggang sa sumunod na Nisan ay itinuring na bahagi ng paghahari ni Saul at samakatuwid ay hindi opisyal na kabilang sa 40 opisyal na taon ng paghahari ni David. Sa paanuman, iyan ang kilalang kaugalian ng mga tagapamahalang Semitiko sa Mesopotamia, anupat ang mga buwan mula sa pagkamatay ng isang hari hanggang sa sumunod na Nisan ay tinaguriang “yugto ng pagluklok” ng kasunod na hari, ngunit ang kaniyang opisyal na unang taon ng pamamahala ay hindi nagsisimula hangga’t hindi sumasapit ang buwan ng Nisan.
Hindi tuwirang binabanggit kung gaano kahaba ang yugto mula sa pagpasok sa Canaan hanggang sa pagtatapos ng kapanahunan ng mga Hukom, anupat natuos lamang ito sa pamamagitan ng deduksiyon. Samakatuwid nga, kung ang 123 taon ng kilalang mga yugto ng panahon (ng pagpapagala-gala sa ilang, nina Saul at David, at ng unang tatlong taon ng paghahari ni Solomon) ay babawasin mula sa 479 na taon sa pagitan ng Pag-alis at ng ikaapat na taon ni Solomon, 356 na taon ang matitira.
Hindi sinasabi sa Kasulatan kung paano hahati-hatiin ang 356 na taóng ito (mula sa pagpasok ng Israel sa Canaan noong 1473 B.C.E. hanggang sa pasimula ng paghahari ni Saul noong 1117 B.C.E.). Gayunman, maliwanag na maraming yugto ng panahon ang nagpang-abot. Bakit? Kung bibilangin nang sunud-sunod, ang iba’t ibang yugto ng paniniil, ng panunungkulan ng mga hukom, at ng kapayapaan gaya ng nakatala sa aklat ng Mga Hukom ay may kabuuang 410 taon. Upang tumugma ang mga yugtong ito sa nabanggit na 356-na-taóng yugto ng panahon, tiyak na may ilang yugto na magkakasabay sa halip na magkakasunod, at ito ang pangmalas ng karamihan sa mga komentarista. Sinusuportahan ng mga kalagayang inilalarawan ng mga ulat sa Bibliya ang ganitong paliwanag. Ang mga paniniil ay naganap sa iba’t ibang lugar sa lupain at nakaapekto sa iba’t ibang tribo. (MAPA, Tomo 1, p. 743) Kaya ang pananalitang “ang lupain ay hindi na nagkaroon ng kaligaligan,” na ginagamit matapos ilahad ang mga tagumpay ng mga Israelita laban sa mga sumisiil sa kanila, ay maaaring hindi laging sumasaklaw sa buong lugar na pinaninirahan ng 12 tribo kundi maaaring tumutukoy lamang sa bahagi na pangunahing apektado ng partikular na paniniil.—Huk 3:11, 30; 5:31; 8:28; ihambing ang Jos 14:13-15.
Sa Gawa kabanata 13, nirepaso ng apostol na si Pablo ang mga pakikitungo ng Diyos sa Israel mula sa ‘pagpili ng mga ninuno’ hanggang sa panahon sa Ehipto, sa Pag-alis, sa pagpapagala-gala sa ilang, sa pananakop sa Canaan, at sa paghahati-hati ng lupain, at saka niya sinabi: “Ang lahat ng iyan ay sa loob ng mga apat na raan at limampung taon. At pagkatapos ng mga bagay na ito ay binigyan niya sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.” (Gaw 13:20) Malaking kalituhan ang ibinunga ng pagkakasalin ng King James sa tekstong ito, na kababasahan: “At pagkatapos nito ay binigyan niya sila ng mga hukom sa yugto na mga apat na raan at limampung taon, hanggang kay Samuel na propeta.” Gayunman, ang pinakasinaunang mga manuskrito (kasali na rito ang Sinaitic, Vatican Manuscript No. 1209, at ang Alexandrine), pati na ang karamihan sa makabagong mga salin (gaya ng JB, Kx, at iba pa; tal 19, 20, AS, RS, AT), ay pawang umaayon sa naunang salin, na nagpapakitang ang kapanahunan ng mga Hukom ay kasunod ng 450 taon. Yamang ang yugto na “mga apat na raan at limampung taon” ay nagsimula sa ‘pagpili ng Diyos sa mga ninuno’ ng Israel, waring nagsimula ito noong taóng 1918 B.C.E. nang ipanganak si Isaac, ang orihinal na “binhi” na ipinangako kay Abraham. Samakatuwid, nagwakas iyon noong mga 1467 B.C.E., nang matapos ang panimulang pananakop sa Canaan, anupat sinimulan itong paghati-hatian. Yamang ang numero ay sinasabing tinantiya lamang, hindi na gaanong mahalaga ang pagkakaiba na mga isang taon.
Mula 997 B.C.E. hanggang sa pagkatiwangwang ng Jerusalem. Isang nakatutulong na giya hinggil sa kabuuang haba ng kapanahunang ito ng mga hari ang masusumpungan sa Ezekiel 4:1-7 na tumatalakay sa kunwa-kunwariang pagkubkob sa Jerusalem na isinagawa ng propetang si Ezekiel ayon sa utos ng Diyos. Si Ezekiel ay hihiga sa kaniyang kaliwang tagiliran sa loob ng 390 araw upang ‘dalhin ang kamalian ng sambahayan ng Israel,’ at sa kaniyang kanang tagiliran naman sa loob ng 40 araw upang ‘dalhin ang kamalian ng sambahayan ni Juda,’ at bawat araw ay ipinakitang kumakatawan sa isang taon. Maliwanag na ang dalawang yugto (390 taon at 40 taon) na inilarawan sa gayong paraan ay kumakatawan sa haba ng pagtitimpi ni Jehova sa dalawang kaharian dahil sa idolatrosong landasin ng mga ito. Gaya ng ipinakikita sa Soncino Books of the Bible (komentaryo sa Ezekiel, p. 20, 21), ganito ang pagkaunawa ng mga Judio sa hulang ito: “Ang pagkakasala ng Hilagang Kaharian ay sumaklaw sa isang yugto na 390 taon ([ayon sa] Seder Olam [ang pinakamaagang kronika na naingatan sa wikang Hebreo pagkaraan ng pagkatapon], [at sa mga Rabbi na sina] Rashi at Ibn Ezra). Kinalkula ni Abarbanel, na sinipi ni Malbim, ang yugto ng pagkakasala ng Samaria bilang mula noong panahon ng pagkakahati sa ilalim ni Rehoboam . . . hanggang sa pagbagsak ng Jerusalem. . . . Ang kanan [na tagiliran, na inihiga ni Ezekiel] ay tumutukoy sa timog, samakatuwid nga ang Kaharian ng Juda na nasa gawing timog o kanan. . . . Ang katiwalian ng Juda ay tumagal nang apatnapung taon at nagsimula di-nagtagal matapos bumagsak ang Samaria. Ayon kay Malbim, ang panahong iyon ay kinakalkula mula sa ikalabintatlong taon ng paghahari ni Josias . . . nang simulan ni Jeremias ang kaniyang ministeryo. (Jer. i. 2).”—Inedit ni A. Cohen, London, 1950.
Ang yugto mula nang mahati ang kaharian noong 997 B.C.E. hanggang sa pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. ay 390 taon. Bagaman totoo na ang Samaria, na kabisera ng hilagang kaharian, ay bumagsak na sa Asirya noong 740 B.C.E., nang ikaanim na taon ni Hezekias (2Ha 18:9, 10), malamang na may ilang bahagi ng populasyon na tumakas patungo sa timugang kaharian bago dumating ang mga Asiryano. (Pansinin din ang situwasyon sa Juda pagkatapos na mahati ang kaharian gaya ng inilalarawan sa 2Cr 10:16, 17.) Ngunit, higit na mahalaga, ang patuloy na pagmamasid ng Diyos na Jehova sa mga Israelita ng itinapong hilagang kaharian, anupat isinasali pa rin sila sa mga mensahe ng kaniyang mga propeta bagaman matagal nang bumagsak ang Samaria, ay nagpapakitang kinakatawanan pa rin ng kabiserang lunsod ng Jerusalem ang kanilang mga kapakanan at na ang pagbagsak nito noong 607 B.C.E. ay isang kapahayagan ng kahatulan ni Jehova hindi lamang laban sa Juda kundi laban sa bansang Israel sa kabuuan. (Jer 3:11-22; 11:10-12, 17; Eze 9:9, 10) Nang bumagsak ang lunsod, gumuho ang pag-asa ng bansa sa kabuuan (maliban sa ilan na nag-ingat ng tunay na pananampalataya).—Eze 37:11-14, 21, 22.
Sa tsart sa pahina 141-143, ang 390-taóng yugtong ito ay ginamit bilang isang mapagkakatiwalaang giya sa kronolohiya. Kung susumahin, ang mga taóng itinala para sa lahat ng paghahari ng mga hari sa Juda mula kay Rehoboam hanggang kay Zedekias ay may kabuuang 393 taon. Bagaman sinisikap ng ilang kronologo ng Bibliya na pagtugma-tugmain ang datos na may kinalaman sa mga hari sa pamamagitan ng maraming magkakasabay na paghahari at “interregnum [panahong bakante ang trono sa pagitan ng mga paghahari]” sa panig ng Juda, waring isang magkasabay na paghahari lamang ang mahalagang ipakita. Ito ay sa kaso ni Jehoram, na sinasabi (halimbawa, sa tekstong Masoretiko at sa ilan sa pinakamatatandang manuskrito ng Bibliya) na naging hari “samantalang si Jehosapat ay hari ng Juda,” anupat nagbibigay ng saligan upang ipalagay na nagkaroon noon ng magkasabay na paghahari. (2Ha 8:16) Sa ganitong paraan, ang kabuuang yugtong ito ay hindi lumalampas ng 390 taon.
Ang tsart na ito ay hindi nilayong ituring bilang isang ganap na kronolohiya kundi, sa halip, isa itong mungkahing paglalahad ng mga paghahari ng dalawang kaharian. Tinatalakay ng sinaunang kinasihang mga manunulat ang mga katotohanan at mga numero na pamilyar na pamilyar sa kanila at sa mga Judio noon, at hindi naging suliranin ang iba’t ibang pangmalas hinggil sa kronolohiya na pinanghawakan ng mga manunulat sa partikular na mga yugto. Hindi ganito ang kalagayan sa ngayon, kaya naman maaaring masiyahan na lamang tayo sa paggawa ng isang kaayusan na makatuwirang kasuwato ng ulat ng Bibliya.
Mula 607 B.C.E. hanggang sa pagbabalik mula sa pagkatapon. Ang haba ng yugtong ito ay itinakda ng sariling batas ng Diyos may kinalaman sa Juda, na “ang buong lupaing ito ay magiging isang wasak na dako, isang bagay na panggigilalasan, at ang mga bansang ito ay kailangang maglingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.”—Jer 25:8-11.
Ayon sa hula ng Bibliya, ang 70-taóng yugtong ito ay maaari lamang tumukoy sa panahon sa pagitan ng pagkatiwangwang ng Juda, na kaakibat ng pagkawasak ng Jerusalem, at ng pagbabalik ng mga Judiong tapon sa kanilang sariling lupain bilang resulta ng batas ni Ciro. Malinaw na sinasabi ng hula na ang 70 taon ay magiging mga taon ng pagkatiwangwang ng lupain ng Juda. Gayon ang pagkaunawa ng propetang si Daniel sa hulang ito, sapagkat sinabi niya: “Napag-unawa ko, akong si Daniel, sa pamamagitan ng mga aklat ang bilang ng mga taon na may kinalaman doon ay dumating kay Jeremias na propeta ang salita ni Jehova, na magaganap ang mga pagkawasak ng Jerusalem, samakatuwid ay pitumpung taon.” (Dan 9:2) Matapos ilarawan ang pananakop ni Nabucodonosor sa Jerusalem, ang 2 Cronica 36:20, 21 ay nagsabi: “Karagdagan pa, dinala niyang bihag sa Babilonya yaong mga nalabi mula sa tabak, at sila ay naging mga lingkod niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa magsimulang maghari ang maharlikang pamahalaan ng Persia; upang tuparin ang salita ni Jehova sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa mabayaran ng lupain ang mga sabbath nito. Ito ay nangilin ng sabbath sa lahat ng mga araw ng pagkatiwangwang, upang ganapin ang pitumpung taon.”
Ang huling pagkubkob sa Jerusalem ay sumapit noong ika-9 na taon ni Zedekias (609 B.C.E.), at bumagsak ang lunsod noong kaniyang ika-11 taon (607 B.C.E.), na katumbas naman ng ika-19 na taon ng aktuwal na pamamahala ni Nabucodonosor (kung bibilang mula sa kaniyang taon ng pagluklok noong 625 B.C.E.). (2Ha 25:1-8) Noong ikalimang buwan ng taóng iyon (sa buwan ng Ab, katumbas ng huling bahagi ng Hulyo at unang bahagi ng Agosto), ang lunsod ay sinunog, ang mga pader ay giniba, at ang karamihan sa mga tao ay dinala sa pagkatapon. Ngunit “ang ilan sa mga taong maralita sa lupain” ay hinayaang maiwan, at nanatili sila roon hanggang noong mapaslang si Gedalias, ang inatasan ni Nabucodonosor, na naging dahilan naman upang tumakas sila patungong Ehipto, anupat naiwan ang Juda na lubusang tiwangwang. (2Ha 25:9-12, 22-26) Iyon ay noong ikapitong buwan, ang Etanim (o Tisri, katumbas ng huling bahagi ng Setyembre at unang bahagi ng Oktubre). Kaya ang pagbilang sa 70 taon ng pagkatiwangwang ay tiyak na nagsimula noong mga Oktubre 1, 607 B.C.E., anupat natapos noong 537 B.C.E. Pagsapit ng ikapitong buwan ng huling nabanggit na taon, ang unang nakabalik na mga Judio ay dumating sa Juda, 70 taon mula sa pasimula ng lubusang pagkatiwangwang ng lupain.—2Cr 36:21-23; Ezr 3:1.
Mula 537 B.C.E. hanggang sa pagkakumberte ni Cornelio. Noong ikalawang taon pagkabalik mula sa pagkatapon (536 B.C.E.), ang pundasyon ng templo ay muling inilatag sa Jerusalem, bagaman noon lamang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario I (Persiano) natapos ang muling-itinayong templo. (Ezr 3:8-10; 6:14, 15) Yamang hindi nakapaghari si Dario sa Babilonya maliban noong talunin niya ang rebeldeng si Nabucodonosor III noong Disyembre ng 522 at bihagin at patayin niya ito sa Babilonya di-nagtagal pagkatapos niyaon, ang taóng 522 B.C.E. ay maaaring ituring na taon ng pagluklok ni Haring Dario I. Kung gayon, ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay nagsimula noong tagsibol ng 521 B.C.E. (Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, p. 30) Samakatuwid, ang ikaanim na taon ni Dario ay nagsimula noong Abril 12, 516 B.C.E., at nagpatuloy hanggang sa katapusan ng Marso ng 515 B.C.E. Kung ibabatay rito, ang muling pagtatayo ni Zerubabel ng templo ni Jehova ay natapos noong Marso 6 ng 515 B.C.E.
Ang sumunod na mahalagang petsa ay ang ika-20 taon ni Artajerjes (Longimanus), ang taon nang pahintulutan si Nehemias na pumaroon sa Jerusalem upang muli itong itayo. (Ne 2:1, 5-8) Ang mga dahilan kung bakit mas pinipili ang petsang 455 B.C.E. para sa taóng iyon kaysa sa popular na petsang 445 B.C.E. ay tinatalakay sa artikulong PERSIA, MGA PERSIANO. Ang mga pangyayari nang taóng iyon na kinapapalooban ng muling pagtatayo ng Jerusalem at ng mga pader nito ay nagsilbing palatandaan ng pasimula ng hula hinggil sa “pitumpung sanlinggo” sa Daniel 9:24-27. Maliwanag na ang mga sanlinggong binanggit doon ay “mga sanlinggo ng mga taon” (Dan 9:24, RS, AT, Mo), na may kabuuang 490 taon. Gaya ng ipinakikita sa ilalim ng pamagat na PITUMPUNG SANLINGGO, tinukoy ng hula na lilitaw si Jesus bilang Mesiyas sa taóng 29 C.E.; na mamamatay siya sa “kalahati ng sanlinggo” o sa kalagitnaan ng huling sanlinggo ng mga taon, samakatuwid nga, sa taóng 33 C.E.; at na magwawakas ang yugto ng pantanging lingap ng Diyos sa mga Judio sa taóng 36 C.E. Samakatuwid, ang 70 sanlinggo ng mga taon ay nagtapos nang makumberte si Cornelio, 490 taon mula noong taóng 455 B.C.E.—Gaw 10:30-33, 44-48; 11:1.
Ang paglitaw ni Jesus bilang Mesiyas ay naganap sa mismong taóng inihula, marahil ay mga anim na buwan matapos simulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang pangangaral noong “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar.” (Luc 1:36; 3:1, 2, 21-23) Yamang hinirang ng Senadong Romano si Tiberio bilang emperador noong Setyembre 15 ng 14 C.E., ang kaniyang ika-15 taon ay mula noong huling bahagi ng 28 C.E. hanggang noong 29 C.E. (Tingnan ang TIBERIO.) Kung gayon, ipinakikita ng katibayan na ang bautismo ni Jesus at ang pagpapahid sa kaniya ay naganap noong taglagas ng taóng 29 C.E.
Yamang si Jesus ay “mga tatlumpung taóng gulang” nang bautismuhan siya noong 29 C.E. (Luc 3:23), ang kaniyang kapanganakan ay naganap 30 taon bago nito, o noong bandang taglagas ng 2 B.C.E. Ipinanganak siya noong panahon ng paghahari ni Cesar Augusto at ng pagkagobernador ni Quirinio sa Sirya. (Luc 2:1, 2) Ang pamamahala ni Augusto ay sumaklaw mula 27 B.C.E. hanggang 14 C.E. Ang Romanong senador na si P. Sulpicio Quirinio ay makalawang ulit na naging gobernador ng Sirya, anupat maliwanag na ang unang pagkakataon ay noong pagkatapos ni P. Quintilius Varus, na ang panunungkulan bilang emisaryo ng Sirya ay nagwakas noong 4 B.C.E. Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang unang pagkagobernador ni Quirinio ay noong 3-2 B.C.E. (Tingnan ang PAGPAPAREHISTRO, PAGREREHISTRO.) Si Herodes na Dakila ang hari noon ng Judea, at nakita natin na may katibayan na malamang na taóng 1 B.C.E nang siya’y namatay. Kaya naman ipinahihiwatig ng lahat ng taglay nating ebidensiya, at lalo na ng mga pagtukoy sa Kasulatan, na ang Anak ng Diyos ay ipinanganak bilang tao noong taglagas ng 2 B.C.E.
Ang mas huling kapanahunang apostoliko. Posibleng tantiyahin ang mga petsa ng ilang pangyayari sa yugtong ito. Ang hula ng malaking taggutom na binigkas ng propetang Kristiyano na si Agabo, at ang kasunod na pag-uusig na sulsol ni Herodes Agripa I, na humantong sa kamatayan ng apostol na si Santiago at sa pagkakabilanggo ni Pedro, ay maliwanag na nangyari noong mga 44 C.E. (Gaw 11:27-30; 12:1-4) Namatay si Herodes Agripa nang taóng iyon, at may katibayan na ang inihulang taggutom ay naganap noong mga taóng 46 C.E. Malamang na sa huling nabanggit na petsang ito isinagawa nina Pablo at Bernabe ang tulong bilang paglilingkod.—Gaw 12:25.
Maaaring petsahan ang unang pagdalaw ni Pablo sa Corinto batay sa panahon ng pagkaproconsul ni Galio. (Gaw 18:1, 11-18) Gaya ng ipinaliwanag sa artikulong GALIO, waring ang kaniyang pagkaproconsul ay sumaklaw mula sa tag-araw ng 51 C.E. hanggang sa tag-araw ng 52 C.E., bagaman mas pabor ang ilang iskolar sa 52/53 C.E. Samakatuwid, malamang na ang 18-buwang gawain ni Pablo sa Corinto ay nagsimula noong taglagas ng 50 C.E., anupat natapos noong tagsibol ng 52 C.E. Karagdagan pa, dalawa sa mga kasamahan ni Pablo sa Corinto, sina Aquila at Priscila, ang kamakailan lamang ay dumating doon mula sa Italya dahil sa utos ni Emperador Claudio na lisanin ng lahat ng mga Judio ang Roma. (Gaw 18:2) Sinabi ni Paulus Orosius, istoryador noong ikalimang siglo, na ang utos na ito ay ibinigay noong ikasiyam na taon ni Claudio, samakatuwid nga, noong 49 C.E. o maagang bahagi ng 50 C.E.
Ang dalawang taon na ginugol ni Pablo sa bilangguan sa Cesarea ay noong huling dalawang taon ng pagkagobernador ni Felix, anupat pagkatapos nito ay ipinadala si Pablo sa Roma ng kahalili ni Felix na si Porcio Festo. (Gaw 21:33; 23:23-35; 24:27) Hindi matiyak ang petsa ng pagluklok ni Festo, yamang iba’t ibang konklusyon ang inihaharap ng katibayan ng kasaysayan. Gayunman, waring ang taóng 58 C.E. ang pinakaposibleng petsa. Ang kasunod nito na pagdating ni Pablo sa Roma ay maaaring ipalagay na naganap sa pagitan ng 59 at 61 C.E.
Ang malaking sunog na sumalanta sa Roma ay nangyari noong Hulyo ng 64 C.E. at sinundan ito ng mabagsik na pag-uusig sa mga Kristiyano, sa sulsol ni Nero. Malamang na di-kalaunan pagkatapos nito, naganap ang ikalawang pagkakabilanggo ni Pablo at ang pagpatay sa kaniya. (2Ti 1:16; 4:6, 7) Ang pagpapatapon naman kay Juan sa isla ng Patmos ay karaniwan nang ipinapalagay na naganap noong panahon ng paghahari ni Emperador Domitian. (Apo 1:9) Umabot sa sukdulan ang pag-uusig sa mga Kristiyano noong panahon ng kaniyang pamamahala (81-96 C.E.), lalo na noong huling tatlong taon. Ayon sa tradisyonal na pangmalas, si Juan ay pinalaya mula sa pagkatapon pagkamatay ni Domitian at namatay siya sa Efeso sa pagtatapos ng unang siglo C.E. Sa gayon, matapos isulat ni Juan ang kaniyang mga liham nang panahong iyon, nakumpleto ang kanon ng Bibliya at natapos ang kapanahunang apostoliko.
[Tsart sa pahina 141-143]
TAMPOK NA MGA PETSA Noong Kapanahunan ng mga Hari ng Juda at ng Israel
PANSININ: Ang tsart na ito ay naglalaan ng isang sumaryo ng mahahalagang pangyayaring may kaugnayan sa mga hari ng Juda at ng Israel. Ginawang batayan ang rekord ng Bibliya hinggil sa mga taóng ipinamahala ng mga hari ng Juda upang maitakda ang ibang mga petsa. Ang mga petsang ibinigay para sa pamamahala ng mga Judeanong hari ay nagsisimula sa tagsibol ng nabanggit na taon at nagtatapos sa tagsibol ng sumunod na taon. Ang mga petsa naman ng paghahari ng mga hari sa Israel ay itinugma sa mga petsa ng paghahari ng mga hari sa Juda. Maraming inilaang impormasyon sa Bibliya tungkol sa mga hari na magkakasabay na namahala, at isinaalang-alang ang mga iyon upang maitakda ang mga petsang ito.
Nakatala rin dito ang mga mataas na saserdote at mga propetang binanggit sa rekord ng Bibliya may kaugnayan sa iba’t ibang mga hari. Ngunit hindi masasabing kumpleto ang talaang ito. Ang Aaronikong pagkasaserdote ay unang nanungkulan sa tabernakulo, at pagkatapos ay sa templo, anupat lumilitaw na walang patlang ang hanay nito hanggang noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya. Ipinahihiwatig din ng Bibliya na, bukod sa mga propetang nabanggit ang mga pangalan, marami pa ang naglingkod sa sagradong katungkulang ito.—1Ha 18:4; 2Cr 36:15, 16.
ANG LABINDALAWANG-TRIBONG KAHARIAN
Petsa B.C.E.
SAUL nagsimulang mamahala bilang hari sa 12 tribo (40 taon) Propeta: Samuel
Mga mataas na saserdote: Ahias, Ahimelec
1117
Kapanganakan ni David
1107
Natapos ni Samuel ang aklat ng Mga Hukom
c. 1100
Natapos ni Samuel ang aklat ng Ruth
c. 1090
Natapos ang aklat ng 1 Samuel
c. 1078
DAVID nagsimulang mamahala bilang hari ng Juda sa Hebron (40)
Mga propeta: Natan, Gad, Zadok
Mataas na saserdote: Abiatar
1077
David naging hari sa buong Israel; ginawang kabisera niya ang Jerusalem
1070
Natapos nina Gad at Natan ang 2 Samuel
c. 1040
SOLOMON nagsimulang mamahala bilang hari (40)
Mga propeta: Natan, Ahias, Ido
Mga mataas na saserdote: Abiatar, Zadok
1037
Nagsimula ang pagtatayo ng templo ni Solomon
1034
Natapos ang templong itinayo ni Solomon sa Jerusalem
1027
Isinulat ni Solomon ang Awit ni Solomon
c. 1020
Isinulat ni Solomon ang aklat ng Eclesiastes
b. 1000
KAHARIAN NG JUDA
Petsa B.C.E.
KAHARIAN NG ISRAEL
REHOBOAM nagsimulang mamahala bilang hari (17 taon); bansa nahati sa dalawang kaharian
Mga propeta: Semaias, Ido
997
JEROBOAM nagsimulang mamahala bilang hari sa 10 tribo sa hilaga, lumilitaw na mula sa Sikem muna, pagkatapos ay mula sa Tirza (22 taon)
Propeta: Ahias
Sisak ng Ehipto sumalakay sa Juda at kinuha ang mga kayamanan mula sa templo sa Jerusalem
993
ABIAS (ABIAM) nagsimulang mamahala bilang hari (3)
Propeta: Ido
980
ASA maliwanag na nagsimulang mamahala (41), ngunit ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay binilang mula 977
Mga propeta: Azarias, Oded, Hanani
978
c. 976
NADAB nagsimulang mamahala bilang hari (2)
c. 975
BAASA pinaslang si Nadab at pagkatapos ay nagsimulang mamahala bilang hari (24)
Propeta: Jehu (anak ni Hanani)
Zera na Etiope nakipagdigma sa Juda
967
c. 952
ELAH nagsimulang mamahala bilang hari (2)
c. 951
ZIMRI, isang pinuno ng militar, pinaslang si Elah at pagkatapos ay namahala bilang hari (7 araw)
c. 951
OMRI, pinuno ng hukbo, nagsimulang mamahala bilang hari (12)
c. 951
Tibni naging hari sa isang bahagi ng taong-bayan, anupat lalong nahati ang bansa
c. 947
Omri nagtagumpay laban kay Tibni at naging nagsosolong tagapamahala sa Israel
c. 945
Omri binili ang bundok ng Samaria at itinayo roon ang kaniyang kabisera
c. 940
AHAB nagsimulang mamahala bilang hari (22)
Mga propeta: Elias, Micaias
JEHOSAPAT maliwanag na nagsimulang mamahala (25), ngunit ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay binilang mula 936
Mga propeta: Jehu (anak ni Hanani), Eliezer, Jahaziel
Mataas na saserdote: Amarias
937
c. 920
AHAZIAS, anak ni Ahab,‘naging hari’ (2); maliwanag na buháy pa noon ang kaniyang ama;
Mga taon ng pamamahala ni Ahazias maaaring bilangin mula mga 919
Propeta: Elias
Jehoram na anak ni Jehosapat, sa paanuman ay nakasama ng kaniyang ama sa pamamahala
c. 919
c. 917
JEHORAM, anak ni Ahab, nagsimulang mamahala bilang nagsosolong hari ng Israel (12); ngunit sa di-kukulangin sa isang teksto, maaaring pati ang maikling paghahari ng kaniyang kapatid na si Ahazias, na namatay na walang anak, ay isinama sa pamamahala niya
Propeta: Eliseo
JEHORAM naging opisyal na kasamang-tagapamahala ni Jehosapat, anupat mula sa panahong iyon ay maaaring bilangin ang paghahari ni Jehoram (8)
Propeta: Elias
913
Jehosapat namatay at Jehoram naging nagsosolong tagapamahala
c. 911
AHAZIAS, anak ni Jehoram, nagsimulang mamahala (1), bagaman marahil ay pinahiran upang maging hari noong mga 907
Mataas na saserdote: Jehoiada
c. 906
ATHALIA inagaw ang trono (6)
c. 905
JEHU, isang pinuno ng militar, pinaslang si Jehoram at pagkatapos ay nagsimulang mamahala (28); ngunit waring ang kaniyang mga taon ng paghahari ay binilang mula mga 904
Propeta: Eliseo
JEHOAS, anak ni Ahazias, nagsimulang mamahala bilang hari (40)
Mataas na saserdote: Jehoiada
898
876
JEHOAHAZ nagsimulang mamahala bilang hari (17)
c. 862
Jehoas maliwanag na nakasama sa paghahari ng kaniyang amang si Jehoahaz
c. 859
JEHOAS, anak ni Jehoahaz, nagsimulang mamahala bilang nagsosolong hari ng Israel (16)
Propeta: Eliseo
AMAZIAS nagsimulang mamahala bilang hari (29)
858
Jehoas ng Israel binihag si Amazias, sinira ang pader ng Jerusalem, at kinuha ang mga kayamanan mula sa templo
p. 858
c. 844
JEROBOAM II nagsimulang mamahala bilang hari (41)
Mga propeta: Jonas, Oseas, Amos
Aklat ng Jonas naisulat
UZIAS (AZARIAS) nagsimulang mamahala bilang hari (52)
Mga propeta: Oseas, Joel (?), Isaias
Mataas na saserdote: Azarias (II)
829
Aklat ng Joel marahil naisulat
c. 820
Uzias ‘naging hari’ sa isang pantanging diwa, anupat posibleng malaya na sa pamumuno ni Jeroboam II
c. 818
Aklat ng Amos naisulat
c. 804
c. 803
ZACARIAS ‘nagsimulang maghari’ sa isang diwa, ngunit maliwanag na ang paghahari ay lubusan lamang napagtibay bilang kaniya noong mga 792 (6 na buwan)
c. 791
SALUM pinaslang si Zacarias at pagkatapos ay namahala bilang hari (1 buwan)
c. 791
MENAHEM pinaslang si Salum at pagkatapos ay nagsimulang mamahala, ngunit waring ang kaniyang mga taon ng paghahari ay binilang mula noong mga 790 (10)
c. 780
PEKAHIAS nagsimulang mamahala bilang hari (2)
c. 778
PEKA pinaslang si Pekahias at pagkatapos ay nagsimulang mamahala bilang hari (20)
Propeta: Oded
JOTAM nagsimulang mamahala bilang hari (16)
Mga propeta: Mikas, Oseas, Isaias
777
AHAZ maliwanag na nagsimulang mamahala (16), ngunit ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay binilang mula 761
Mga propeta: Mikas, Oseas, Isaias
Mataas na saserdote: Urias (?)
762
Ahaz maliwanag na naging sakop ni Tiglat-pileser III ng Asirya
c. 759
c. 758
HOSEA pinaslang si Peka at pagkatapos ay ‘nagsimulang maghari’ bilang kahalili niya, ngunit waring ang kaniyang kontrol ay lubusang naitatag o posibleng tumanggap siya ng suporta ng Asiryanong monarka na si Tiglat-pileser III noong mga 748 (9 na taon)
HEZEKIAS maliwanag na nagsimulang mamahala (29), ngunit ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay binibilang mula 745
Mga propeta: Mikas, Oseas, Isaias
Mataas na saserdote: Azarias (II o III)
746
p. 745
Aklat ng Oseas natapos
742
Sinimulang kubkubin ng hukbong Asiryano ang Samaria
740
Asirya nilupig ang Samaria, sinupil ang Israel; nagwakas ang hilagang kaharian
Senakerib sumalakay sa Juda
732
Aklat ng Isaias natapos
p. 732
Aklat ng Mikas natapos
b. 717
Pagtitipon sa Mga Kawikaan natapos
c. 717
MANASES nagsimulang mamahala bilang hari (55)
716
AMON nagsimulang mamahala bilang hari (2)
661
JOSIAS nagsimulang mamahala bilang hari (31)
Mga propeta: Zefanias, Jeremias, ang propetisang si Hulda
Mataas na saserdote: Hilkias
659
Aklat ng Zefanias naisulat
b. 648
Aklat ng Nahum naisulat
b. 632
JEHOAHAZ namahala bilang hari (3 buwan)
628
JEHOIAKIM nagsimulang mamahala bilang hari, sakop ng Ehipto (11)
Mga propeta: Habakuk (?), Jeremias
628
Aklat ng Habakuk marahil naisulat
c. 628
Nabucodonosor II ginawang sakop ng Babilonya si Jehoiakim
620
JEHOIAKIN nagsimulang mamahala bilang hari (3 buwan 10 araw)
618
Nabucodonosor II kumuha ng mga Judiong bihag at mga kayamanan ng templo at dinala ang mga ito sa Babilonya
617
ZEDEKIAS nagsimulang mamahala bilang hari (11)
Mga propeta: Jeremias, Ezekiel
Mataas na saserdote: Seraias
617
Nabucodonosor II muling sumalakay sa Juda; pagkubkob sa Jerusalem nagsimula
609
Mga pader ng Jerusalem nabutasan noong ika-9 na araw ng ika-4 na buwan
607
Jerusalem at ang templo sinunog noong ika-10 araw ng ika-5 buwan
607
Huling mga Judio umalis sa Juda noong mga kalagitnaan ng ika-7 buwan
607
Jeremias isinulat ang aklat ng Mga Panaghoy
607
Aklat ng Obadias naisulat
c. 607
PANSININ: Pagkatapos na mabihag ang Samaria, ang sampung tribo ng kaharian ng Israel ay dinala sa pagkatapon. Ngunit ang lupain ay hindi naiwang tiwangwang, gaya ng nangyari sa Juda pagkatapos na mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Inilipat ng hari ng Asirya ang mga tao mula sa Babilonya, Cuta, Ava, Hamat, at Separvaim sa mga lunsod ng Israel upang manahanan doon. Naroroon pa ang kanilang mga inapo nang bumalik sa Jerusalem ang mga Judio noong 537 B.C.E. upang muling itayo ang templo.—2Ha 17:6, 24; Ezr 4:1, 2.