PROCONSUL
Pangunahing lokal na administrador ng isang probinsiya na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Senadong Romano.
Noong 27 B.C.E., hinawakan ni Emperador Augusto ng Roma ang pangangasiwa sa lahat ng probinsiya na nangangailangan ng presensiya ng mga hukbong militar, anupat iniwan niya sa ilalim ng kontrol ng senado ang sampung iba pang probinsiya. Ang pangangasiwa sa mga huling nabanggit ay isinagawa sa pamamagitan ng mga proconsul. May dalawang uri ng proconsul: Ang mga ex-consul (yaong mga nakaabot na sa ranggo ng konsul), na ipinadadala sa mga probinsiya ng Asia at Aprika (kung saan pinananatili ang isang hukbong Romano), at ang mga ex-praetor, na ipinadadala naman sa iba pang mga probinsiya na nasa ilalim ng kontrol ng senado.
Pananagutan ng proconsul na mangasiwa sa mga gawaing sibil ng probinsiya, gumawa ng mga hudisyal na pasiya, at magpatupad ng batas at magpanatili ng kapayapaan. Siya ang pinakamataas na awtoridad sa probinsiya, bagaman maaaring siyasatin ng senadong Romano ang kaniyang mga pagkilos. Isang quaestor ang nangangasiwa sa nalikom na mga kita sa buwis. Ang proconsul ay hindi nagsusuot ng damit na pangmilitar ni nagdadala man siya ng tabak.
Sa Gawa 13:7, 12, binabanggit ang proconsul na si Sergio Paulo bilang isa na naging Kristiyano. Siya ang proconsul ng Ciprus. Sa Gawa 18:12, binabanggit naman si Galio bilang proconsul ng probinsiya ng Acaya. Tumpak ang paggamit ni Lucas ng terminong “proconsul” sa mga kasong ito, sapagkat ang Acaya ay isang probinsiya na nasa ilalim ng kontrol ng senado mula noong 27 B.C.E. hanggang 15 C.E., at muli pagkaraan ng 44 C.E.; ang Ciprus naman ay naging probinsiya na nasa ilalim ng kontrol ng senado noong 22 B.C.E. Natagpuan ang isang barya mula sa Ciprus kung saan sa harap ay nakaukit ang ulo at titulo ni Claudio (sa Latin) at sa likod naman ay ang pananalitang “Sa Ilalim ni Cominius Proclus, Proconsul ng Mga Cipriano” (sa Griego).