Apolos—Isang Mahusay na Tagapaghayag ng Kristiyanong Katotohanan
NAGING miyembro man sila ng Kristiyanong kongregasyon sa loob ng maraming taon o ng ilang taon lamang, lahat ng tagapaghayag ng Kaharian ay dapat na interesado sa pagsulong bilang mangangaral ng mabuting balita. Nangangahulugan iyan ng pagpapasulong ng ating kaalaman sa Salita ng Diyos at ng ating kakayahan sa pagtuturo nito sa iba. Para sa ilan, baka mangahulugan ito ng pagharap sa mga hamon, pagtagumpayan ang mga suliranin, o paglalaan ng panahon para sa karagdagang gawain.
Nagtataglay ang Bibliya ng maraming halimbawa ng mga nakatalagang lalaki at babae noong sinaunang panahon na, sa iba’t ibang paraan, nagtagumpay sa paggawa ng malaking pagsulong sa espirituwal at umani ng mga gantimpala dahil sa kanilang pagsisikap. Isa sa kanila si Apolos. Nang ipakilala siya ng Kasulatan sa atin, siya ay isang taong di-ganap ang unawa sa mga Kristiyanong turo; subalit, makalipas lamang ang ilang taon, gumaganap na siya bilang isang naglalakbay na kinatawan ng unang-siglong kongregasyon. Bakit siya sumulong nang gayon? May katangian siya na makabubuting tularan nating lahat.
“Bihasa sa Kasulatan”
Noong mga taóng 52 C.E., ayon sa manunulat sa Bibliya na si Lucas, “may isang Judio na pinanganlang Apolos, isang katutubo ng Alejandria, isang lalaking mahusay magsalita, na dumating sa Efeso; at siya ay bihasa sa Kasulatan. Ang taong ito ay naturuan nang bibigan sa daan ni Jehova at, palibhasa’y maningas siya sa espiritu, siya ay nagsalita at nagturo nang may kawastuan ng mga bagay tungkol kay Jesus, ngunit may kabatiran lamang sa bautismo ni Juan. At ang taong ito ay nagpasimulang magsalita nang may tapang sa sinagoga.”—Gawa 18:24-26.
Ang Alejandria, Ehipto, ang siyang ikalawang pinakamalaking lunsod sa daigdig kasunod ng Roma at isa sa pinakamahahalagang sentro ng kultura noong panahong iyon kapuwa sa mga Judio at mga Griego. Malamang, natamo ni Apolos ang kaniyang wastong kaalaman sa Hebreong Kasulatan at isang antas ng kahusayan sa pagsasalita bilang resulta ng edukasyon sa malawak na Judiong komunidad ng lunsod na iyan. Mas mahirap hulaan kung saan natutuhan ni Apolos ang tungkol kay Jesus. “Lumilitaw na isa siyang manlalakbay—marahil ay isang naglilibot na mangangalakal,” ang sabi ng iskolar na si F. F. Bruce, “at malamang na nakausap niya ang mga Kristiyanong mangangaral sa isa sa maraming lugar na kaniyang pinuntahan.” Sa paano man, bagaman nagsalita at nagturo siya nang may kawastuan tungkol kay Jesus, waring napatotohanan siya bago ang Pentecostes ng 33 C.E., yamang siya ay “may kabatiran lamang sa bautismo ni Juan.”
Bilang tagapagpauna ni Jesus, nagbigay si Juan Bautista ng mapuwersang patotoo sa buong bansang Israel, at marami siyang nabautismuhan bilang sagisag ng pagsisisi. (Marcos 1:5; Lucas 3:15, 16) Ayon sa ilang istoryador, sa gitna ng populasyon ng mga Judio ng Romanong Imperyo, ang kaalaman ng maraming tao tungkol kay Jesus ay hanggang doon lamang sa ipinangaral sa mga pampang ng Jordan. “Ang Kristiyanismo nila ay kagaya pa rin noong magsimula ang ministeryo ng ating Panginoon,” ang sabi nina W. J. Conybeare at J. S. Howson. “Wala silang alam tungkol sa ganap na kahulugan ng kamatayan ni Kristo; malamang na hindi pa nga nila batid ang katotohanan ng Kaniyang pagkabuhay-muli.” Waring wala ring alam si Apolos tungkol sa pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Sa kabila nito, nagtamo siya ng ilang wastong kaalaman tungkol kay Jesus, at ibinahagi niya ito. Sa katunayan, buong-tapang na humanap siya ng mga pagkakataon upang salitain ang kaniyang alam. Gayunman, ang kaniyang sigasig at sigla ay hindi pa ayon sa tumpak na kaalaman.
Masigasig Subalit Mapagpakumbaba
Nagpatuloy ang ulat ni Lucas: “Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, isinama nila siya at ipinaliwanag sa kaniya ang daan ng Diyos nang higit na wasto.” (Gawa 18:26) Tiyak na napansin nina Aquila at Priscila na malaki ang pagkakatulad ng kanilang pananampalataya sa pananampalataya ni Apolos, subalit may katalinuhan nilang hindi tinangkang itinuwid nang hayagan ang kaniyang di-ganap na unawa. Marahil ay maguguniguni natin na may ilang ulit silang nakipag-usap nang personal kay Apolos, sa layuning tulungan siya. Paano tumugon si Apolos, na isang taong “makapangyarihan . . . sa Kasulatan”? (Gawa 18:24, Kingdom Interlinear) Malamang, matagal nang hayagang ipinangangaral ni Apolos ang kaniyang di-ganap na mensahe bago niya nakilala sina Aquila at Priscila. Madaling tumanggi sa anumang pagtutuwid ang isang mapagmataas na tao, subalit si Apolos ay mapagpakumbaba at nalugod na maging ganap ang kaniyang kaalaman.
Ang gayunding di-mapagpaimbabaw na saloobin ni Apolos ay kitang-kita rin sa kaniyang pagiging handang tumanggap ng liham ng rekomendasyon mula sa mga kapatid na taga-Efeso para sa kongregasyon sa Corinto. Nagpatuloy ang ulat: “Karagdagan pa, sa dahilang nais niyang tumawid patungong Acaya, ang mga kapatid ay sumulat sa mga alagad, na masidhing pinapayuhan sila na tanggapin siya nang may kabaitan.” (Gawa 18:27; 19:1) Hindi iginiit ni Apolos na tanggapin siya dahil sa siya’y karapat-dapat kundi may kahinhinang sinunod ang kaayusan ng Kristiyanong kongregasyon.
Sa Corinto
Ang unang resulta ng ministeryo ni Apolos sa Corinto ay napakahusay. Ganito ang ulat ng aklat ng Mga Gawa: “Nang makarating siya roon, tinulungan niya nang malaki yaong mga naniwala dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos; sapagkat taglay ang kasidhian na lubusan niyang pinatunayan nang hayagan na ang mga Judio ay mali, habang ipinakikita niya sa pamamagitan ng Kasulatan na si Jesus ang Kristo.”—Gawa 18:27, 28.
Pinaglingkuran ni Apolos ang kongregasyon, anupat pinasigla ang mga kapatid sa pamamagitan ng kaniyang paghahanda at sigasig. Ano ang susi ng kaniyang tagumpay? Si Apolos ay tiyak na may likas na kakayahan at matapang sa pagharap sa hayagang pakikipagkatuwiranan sa mga Judio. Subalit mas mahalaga, ginamit niya ang Kasulatan sa pangangatuwiran.
Bagaman si Apolos ay may malaking impluwensiya sa mga taga-Corinto, nakalulungkot na nagbunga ng di-inaasahang negatibong epekto ang kaniyang pangangaral. Paano nagkagayon? Kapuwa malaki ang nagawang mabuti nina Pablo at Apolos sa pagtatanim at pagdidilig ng binhi ng katotohanan ng Kaharian sa Corinto. Si Pablo ay nangaral doon noong mga 50 C.E., humigit-kumulang dalawang taon bago ang pagdating ni Apolos. Nang panahong isulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, noong mga 55 C.E., umiiral na ang pagkakabaha-bahagi. Si Apolos ay minalas ng ilan bilang kanilang lider, samantalang panig naman ang iba kay Pablo o kay Pedro o tangi lamang kay Kristo. (1 Corinto 1:10-12) Ang ilan ay nagsabi: ‘Ako ay kay Apolos.’ Bakit?
Ang mensahe na ipinangaral nina Pablo at Apolos ay pareho, subalit magkaiba ang kanilang personalidad. Sa kaniya mismong pag-amin, si Pablo ay “di-bihasa sa pananalita”; sa kabilang panig, si Apolos ay “mahusay magsalita.” (2 Corinto 10:10; 11:6) May kakayahan siyang pukawin ang atensiyon ng ilan sa Judiong komunidad sa Corinto. Nagtagumpay siya na ‘lubusang patunayan nang hayagan na ang mga Judio ay mali,’ samantalang si Pablo naman, kamakailan lamang bago nito, ay lumisan sa sinagoga.—Gawa 18:1, 4-6.
Maaari kayang ito ang dahilan kung kaya ang ilan ay may pagkiling kay Apolos? May ilang komentarista ang naghihinuha na ang likas na hilig sa pilosopikal na pag-uusap ng mga Griego ang maaaring umakay sa ilan na kumiling sa mas nakapupukaw na pamamaraan ni Apolos. Sinabi ni Giuseppe Ricciotti na “ang makulay na pananalita [ni Apolos] at ang kaniyang mabulaklak na mga alegoriya ang bumihag sa paghanga ng marami na mas kumiling sa kaniya kaysa kay Pablo, isang simple at di-mahusay na orador.” Ang totoo, kung may kamaliang pinahintulutan ng ilan ang gayong personal na pagpili na lumikha ng pagkakabaha-bahagi sa mga kapatid, madaling maunawaan kung bakit matinding tinuligsa ni Pablo ang pagdakila sa “karunungan ng mga taong marurunong.”—1 Corinto 1:17-25.
Gayunman, hindi ipinahihiwatig ng gayong pagtuligsa na may alitan sa pagitan nina Pablo at Apolos. Bagaman may-kalabisang inisip ng ilan na ang dalawang mangangaral na ito ay mahigpit na magkaaway na nagtutunggali upang mawagi ang pagmamahal ng mga taga-Corinto, ang gayong bagay ay hindi sinasabi sa Kasulatan. Sa halip na nagsikap na gawing lider ng isang pangkat ang kaniyang sarili, nilisan ni Apolos ang Corinto, nagbalik sa Efeso, at kasama ni Pablo nang isulat niya ang unang liham sa nababahaging kongregasyon.
Walang pagkakasalungatan o tunggalian sa pagitan nila; sa halip, lumilitaw na nagtulungan ang dalawa upang lutasin ang mga suliranin sa Corinto taglay ang pagtitiwala sa isa’t isa. Marahil ay nangamba si Pablo sa ilan na nasa Corinto subalit tiyak na hindi kay Apolos. Lubusang magkasuwato ang gawain ng dalawang lalaki; ang kanilang mga turo ay magkatugma. Bilang pagsipi sa sariling mga salita ni Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig,” sapagkat kapuwa sila “kamanggagawa ng Diyos.”—1 Corinto 3:6, 9, 21-23.
Gaya ni Pablo, mataas ang pagpapahalaga ng mga taga-Corinto kay Apolos, anupat nagnais na sila ay dalawin niyang muli. Subalit nang anyayahan ni Pablo si Apolos na magbalik sa Corinto, ang Alejandriano ay tumanggi. Sinabi ni Pablo: “Ngayon may kinalaman kay Apolos na ating kapatid, namanhik ako nang labis sa kaniya na pumariyan sa inyo . . . , gayunma’y hindi niya kalooban sa paanuman ang pumariyan ngayon; ngunit paririyan siya kapag nagkaroon siya ng pagkakataon.” (1 Corinto 16:12) Marahil ay nag-atubili si Apolos na bumalik dahil sa pangambang makapukaw na naman ng pagkakabaha-bahagi, o baka abala lamang siya sa ibang lugar.
Nang huling banggitin sa Kasulatan si Apolos, siya ay naglalakbay patungong Creta at marahil sa kabila pa nito. Ipinakitang muli ni Pablo ang pantanging pagpapahalaga sa kaniyang kaibigan at kamanggagawa, anupat hiniling kay Tito na paglaanan si Apolos at ang kaniyang kasama sa paglalakbay, si Zenas, ng lahat ng maaaring kailanganin nila sa kanilang paglalakbay. (Tito 3:13) Nang panahong ito, makaraan ang mga sampung taon ng Kristiyanong pagsasanay, sumulong na si Apolos anupat naging kuwalipikadong gumanap bilang isang naglalakbay na kinatawan ng kongregasyon.
Maka-Diyos na mga Katangian na Nagpapadali sa Espirituwal na Pagsulong
Nag-iwan ng mainam na halimbawa ang Alejandrianong mangangaral para sa lahat ng modernong-panahong mga mamamahayag ng mabuting balita at, sa katunayan, sa lahat na nagnanais sumulong sa espirituwal. Maaaring hindi tayo kasinghusay niya sa pagsasalita, subalit tiyak na mapagsisikapan nating tularan ang kaniyang kaalaman at kakayahan sa paggamit ng Kasulatan, sa gayon ay matutulungan ang mga taimtim na humahanap ng katotohanan. Dahil sa kaniyang halimbawa ng masigasig na paggawa, ‘natulungan nang malaki ni Apolos yaong mga naniwala.’ (Gawa 18:27) Si Apolos ay mapagpakumbaba, mapagsakripisyo-sa-sarili, at handang maglingkod sa iba. Lubos niyang nauunawaan na walang puwang ang tunggalian o ambisyon sa Kristiyanong kongregasyon, sapagkat tayong lahat ay “kamanggagawa ng Diyos.”—1 Corinto 3:4-9; Lucas 17:10.
Tayo, gaya ni Apolos, ay maaaring sumulong sa espirituwal. Handa ba nating pasulungin o palawakin ang ating banal na paglilingkod, anupat isinasaayos ang ating kalagayan upang higit na lubusang magamit ni Jehova at ng kaniyang organisasyon? Kung magkagayon tayo ay magiging masisigasig na estudyante at tagapaghayag ng Kristiyanong katotohanan.