Patuloy na Patibayin ang Kongregasyon
“Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”—1 TES. 5:11.
1. Anu-ano ang pagpapala ng mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano? Pero anong mga problema ang napapaharap pa rin sa kanila?
ISANG malaking pagpapala ang mapabilang sa kongregasyong Kristiyano. Mayroon kang magandang kaugnayan kay Jehova. Ang pagsunod sa kaniyang Salita ay proteksiyon mo mula sa masasaklap na epekto ng masamang pamumuhay. Mayroon kang tunay na mga kaibigan na gustong mapabuti ka. Oo, marami ang pagpapala. Pero ang karamihan sa mga Kristiyano ay napapaharap sa iba’t ibang problema. May nangangailangan ng tulong para maunawaan ang malalalim na bagay ng Salita ng Diyos. Ang iba naman ay may sakit o nanlulumo, o baka dumaranas ng bunga ng kanilang maling desisyon. At nabubuhay tayong lahat sa isang daigdig na hiwalay sa Diyos.
2. Ano ang dapat nating gawin kapag may problema ang ating mga kapatid, at bakit?
2 Walang sinuman sa atin ang gustong makitang naghihirap ang ating mga kapuwa Kristiyano. Itinulad ni apostol Pablo ang kongregasyon sa isang katawan at sinabi na “kung ang isang sangkap ay nagdurusa, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito.” (1 Cor. 12:12, 26) Sa ganitong mga kalagayan, dapat tayong magsikap na suportahan ang ating mga kapatid. May mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga kapatid sa kongregasyon na tumulong sa kanilang mga kapananampalataya para makayanan ang mga problema. Habang tinatalakay natin ang mga ito, pag-isipan kung paano ka makakatulong sa iba sa gayon ding paraan. Paano mo mapalalakas sa espirituwal ang iyong mga kapatid at sa gayo’y mapatibay ang kongregasyon ni Jehova?
“Isinama Nila Siya”
3, 4. Paano nakatulong sina Aquila at Priscila kay Apolos?
3 Nang manirahan si Apolos sa Efeso, isa na siyang masigasig na ebanghelisador. “Palibhasa’y maningas siya sa espiritu,” ang sabi ng ulat sa Mga Gawa, “siya ay nagsalita at nagturo nang may kawastuan ng mga bagay tungkol kay Jesus, ngunit may kabatiran lamang sa bautismo ni Juan.” Yamang hindi alam ni Apolos ang bautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu,” malamang na ang nagpatotoo sa kaniya ay ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo o ang mga tagasunod ni Jesus bago ang Pentecostes 33 C.E. Bagaman masigasig si Apolos, may mahahalagang bagay na hindi pa niya alam. Paano siya natulungan ng pakikisama sa kaniyang mga kapananampalataya?—Gawa 1:4, 5; 18:25; Mat. 28:19.
4 Narinig ng mag-asawang Aquila at Priscila si Apolos habang buong-tapang na nagsasalita sa sinagoga, isinama nila siya, at tinuruan. (Basahin ang Gawa 18:24-26.) Pagpapakita ito ng pag-ibig. Siyempre pa, tiyak na tinulungan nina Aquila at Priscila si Apolos sa mataktikang paraan, para hindi naman niya madamang pinupuna siya. Hindi lang kasi niya alam ang kasaysayan ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Tiyak na nagpasalamat si Apolos sa kaniyang bagong mga kasama dahil sa pagtuturo sa kaniya ng mahahalagang detalyeng iyon. Dahil dito, “malaki ang naitulong” niya sa mga kapatid sa Acaya at nakapagbigay siya ng mahusay na patotoo.—Gawa 18:27, 28.
5. Anong maibiging tulong ang ibinibigay ng mga mamamahayag ng Kaharian? Ano ang resulta nito?
5 Sa ngayon, abut-abot ang pasasalamat ng marami sa kongregasyong Kristiyano sa mga tumulong sa kanila na maunawaan ang Bibliya. Maraming estudyante at guro ang naging tunay na magkakaibigan. Kadalasan, para matulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, kailangan ang regular na pagtuturo sa kanila ng Bibliya sa loob ng ilang buwan. Pero handang magsakripisyo ang mga mamamahayag ng Kaharian dahil alam nilang buhay ang nasasangkot. (Juan 17:3) At nakakatuwa ngang makita na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, namumuhay ayon dito, at ginagamit ang kanilang buhay sa paggawa ng kalooban ni Jehova!
“Siya ay May Mabuting Ulat”
6, 7. (a) Bakit si Timoteo ang pinili ni Pablo na makasama niya sa paglalakbay? (b) Ano ang naging pagsulong ni Timoteo sa tulong ni Pablo?
6 Nang dumalaw sa Listra sina Pablo at Silas sa ikalawang paglalakbay bilang misyonero, nasumpungan nila si Timoteo na malamang ay mga 20 anyos noon. “Siya ay may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” Mga Kristiyano ang nanay ni Timoteo na si Eunice at ang lola niyang si Loida, pero ang kaniyang ama ay hindi mánanampalatayá. (2 Tim. 1:5) Malamang na nakilala na ni Pablo ang pamilyang ito noong una siyang dumalaw roon mga dalawang taon na ang nakalilipas. Pero mas napansin na ngayon ng apostol si Timoteo dahil waring namumukod-tangi siya kumpara sa ibang kabataan. Kaya matapos sumang-ayon ang lupon ng matatanda sa Listra, si Timoteo ay naging katulong ni Pablo sa pagmimisyonero.—Basahin ang Gawa 16:1-3.
7 Maraming matututuhan si Timoteo sa kaniyang nakatatandang kasama. At malaki nga ang naging pagsulong ni Timoteo kung kaya pagkalipas ng ilang panahon, may-kumpiyansa na si Pablo na atasan itong dumalaw sa mga kongregasyon bilang kinatawan niya. Sa loob ng mga 15 taóng pagsama ni Timoteo kay Pablo, ang walang-karanasan at malamang na mahiyaing kabataang ito ay sumulong tungo sa pagiging isang napakahusay na tagapangasiwa.—Fil. 2:19-22; 1 Tim. 1:3.
8, 9. Ano ang magagawa ng mga miyembro ng kongregasyon para mapatibay ang mga kabataan? Magbigay ng halimbawa.
8 Sa ngayon, maraming kabataan sa kongregasyong Kristiyano ang may malaking potensiyal. Kung patitibayin sila at papatnubayan ng may-gulang na mga kasama, magsisikap silang umabót ng mga tunguhin at tumanggap ng higit pang pananagutan sa bayan ni Jehova. Kumusta sa inyong kongregasyon? May mga kabataan ba na puwedeng umabót ng higit pang pribilehiyo, gaya ni Timoteo? Sa iyong tulong at pampatibay-loob, baka sila ay maging mga payunir, Bethelite, misyonero, o naglalakbay na tagapangasiwa. Paano mo sila matutulungang umabót ng gayong mga tunguhin?
9 Naaalaala pa ni Martin, 20 taon nang Bethelite, kung paano nagpakita sa kaniya ng interes ang isang tagapangasiwa ng sirkito 30 taon na ang nakararaan. Habang nasa larangan, masayang ikinuwento sa kaniya ng tagapangasiwa ang paglilingkod niya sa Bethel noong kaniyang kabataan. Pinatibay niya si Martin na pag-isipan kung puwede rin siyang maglingkod kay Jehova sa gayong paraan. Napakalaki ng naging epekto ng pag-uusap na ito sa mga pasiyang ginawa ni Martin nang maglaon. Puwede mo ring kausapin tungkol sa espirituwal na mga tunguhin ang iyong mga kaibigang kabataan—baka magulat ka sa resulta.
“Magsalita Nang May Pang-aliw sa mga Kaluluwang Nanlulumo”
10. Ano ang nadama ni Epafrodito, at bakit?
10 Sinuong ni Epafrodito ang malayo at nakakapagod na paglalakbay mula Filipos hanggang Roma para dalawin si apostol Pablo, na nabilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya. Isinugo siya ng mga taga-Filipos. Hindi lang siya basta nagdala ng kanilang regalo para sa apostol. Plano rin niyang samahan si Pablo para maalalayan ito. Pero nang nasa Roma na siya, nagkasakit si Epafrodito “anupat halos mamatay na.” Dahil iniisip niyang bigo ang kaniyang misyon, nanlumo si Epafrodito.—Fil. 2:25-27.
11. (a) Bakit hindi tayo dapat magtaka kung may ilang kapatid na dumaranas ng depresyon? (b) Ano ang ipinayo ni Pablo para matulungan si Epafrodito?
11 Maraming problema na puwedeng magdulot ng depresyon sa ngayon. Ipinakikita ng estadistika ng World Health Organization na 1 sa bawat 5 katao sa daigdig ang maaaring dumanas ng depresyon sa isang yugto ng kanilang buhay. Hindi ligtas dito ang bayan ni Jehova. Nakakasira ng loob ang hirap ng buhay, sakit, kabiguan, o iba pang bagay. Paano matutulungan ng mga taga-Filipos si Epafrodito? Isinulat ni Pablo: “Pagpakitaan ninyo siya ng kinaugaliang pagtanggap sa Panginoon taglay ang buong kagalakan; at patuloy ninyong ituring na mahalaga ang gayong uri ng mga tao, sapagkat dahil sa gawain ng Panginoon ay napasabingit siya ng kamatayan, na inilalantad sa panganib ang kaniyang kaluluwa, nang sa gayon ay lubusan niyang mapunan ang inyong pagiging wala rito upang mag-ukol ng pribadong paglilingkod sa akin.”—Fil. 2:29, 30.
12. Paano natin mapapatibay ang mga nanlulumo?
12 Dapat din nating patibayin ang mga kapatid na nasisiraan ng loob o nanlulumo. Tiyak na may masasabi tayong positibo tungkol sa paglilingkod nila kay Jehova. Baka nakagawa na sila ng malalaking pagbabago sa buhay para maging Kristiyano o makapaglingkod nang buong panahon. Pinahahalagahan natin ito, at puwede nating tiyakin sa kanila na pinahahalagahan din ito ni Jehova. Kahit limitado na ang nagagawa ng ilang tapat na kapatid dahil sa pagtanda o sakit, karapat-dapat pa rin silang igalang dahil sa matagal na nilang paglilingkod. Anuman ang kalagayan, pinapayuhan ni Jehova ang lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.”—1 Tes. 5:14.
“May-Kabaitan Ninyo Siyang Patawarin at Aliwin”
13, 14. (a) Anong matinding aksiyon ang ginawa ng kongregasyon sa Corinto, at bakit? (b) Ano ang ibinunga ng pagtitiwalag?
13 Sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo, may isang lalaking nakikiapid at hindi nagsisisi. Ang kaniyang paggawi ay magiging batik sa kongregasyon at malaking iskandalo kahit sa mga di-mananampalataya. Kaya tama lang na ipag-utos ni Pablo na alisin sa kongregasyon ang lalaking iyon.—1 Cor. 5:1, 7, 11-13.
14 Maganda ang ibinunga ng disiplina. Ang kongregasyon ay naingatan mula sa masamang impluwensiya, at ang makasalanan ay natauhan at taimtim na nagsisi. Dahil nakikita sa mga gawa ng lalaki na nagsisisi na siya, binanggit ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa Corinto na dapat na itong ibalik sa kongregasyon. Pero hindi lang iyan. Iniutos din ni Pablo sa kongregasyon na ‘may-kabaitan siyang patawarin at aliwin, upang sa paanuman ang gayong tao ay huwag madaig ng kaniyang labis-labis na kalungkutan.’—Basahin ang 2 Corinto 2:5-8.
15. Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga nagkasalang nagsisisi at naibalik na sa kongregasyon?
15 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Nalulungkot tayo kapag may natitiwalag. Maaaring nakapagdulot sila ng upasala sa pangalan ng Diyos at sa kongregasyon. Baka nga sa atin pa mismo sila nagkasala. Pero matapos suriin ang kaso at ipasiya ng mga elder, ayon sa tagubilin ni Jehova, na dapat nang ibalik sa kongregasyon ang isang makasalanang nagsisisi, ipinahihiwatig nito na pinatawad na siya ni Jehova. (Mat. 18:17-20) Hindi ba’t dapat lang natin Siyang tularan? Ang totoo, kung hindi tayo magpapatawad, para na rin nating nilalabanan si Jehova. Para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon ng Diyos at matamo ang pagsang-ayon ni Jehova, hindi ba’t dapat lang na ‘pagtibayin ang ating pag-ibig’ sa mga nagkasala na talagang nagsisisi at naibalik na sa kongregasyon?—Mat. 6:14, 15; Luc. 15:7.
“Kapaki-pakinabang Siya sa Akin”
16. Bakit nadismaya si Pablo kay Marcos?
16 Sa isa pang ulat sa Bibliya, makikita nating hindi tayo dapat magkimkim ng sama ng loob sa mga nakadismaya sa atin. Halimbawa, nadismaya noon si apostol Pablo kay Juan Marcos. Bakit? Nang pasimulan nina Pablo at Bernabe ang kanilang unang paglalakbay bilang misyonero, sumama si Marcos para tumulong sa kanila. Pero sa di-malamang dahilan, iniwan sila ni Juan Marcos at umuwi na ito. Dismayadung-dismayado si Pablo anupat nang magplano sila para sa ikalawang paglalakbay, nagtalo sila ni Bernabe dahil ayaw nang isama ni Pablo si Marcos.—Basahin ang Gawa 13:1-5, 13; 15:37, 38.
17, 18. Paano natin nalamang naayos ang gusot sa pagitan nina Pablo at Marcos? Ano ang matututuhan natin dito?
17 Hindi nasiraan ng loob si Marcos sa naging reaksiyon ni Pablo. Nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang pagmimisyonero sa ibang teritoryo kasama ni Bernabe. (Gawa 15:39) Naging tapat siya at mapagkakatiwalaan gaya ng makikita sa isinulat ni Pablo tungkol sa kaniya pagkalipas ng ilang taon. Sa liham ni Pablo, na nakabilanggo noon sa Roma, ipinatawag niya si Timoteo. Sa liham ding iyon, sinabi ni Pablo: “Kunin mo si Marcos at isama mo siya, sapagkat kapaki-pakinabang siya sa akin sa paglilingkod.” (2 Tim. 4:11) Oo, may tiwala na ulit si Pablo kay Marcos.
18 May matututuhan tayong aral dito. Nalinang ni Marcos ang mga katangian ng isang mahusay na misyonero. Hindi siya natisod sa naging reaksiyon noon ni Pablo. Pareho silang may-gulang sa espirituwal, at hindi sila nagtanim ng galit sa isa’t isa. Sa halip, kinilala ni Pablo na malaking tulong si Marcos. Ganiyan din sa ngayon, kapag naayos na ang gusot, ang tamang gawin ay kalimutan na ang nangyari at patuloy na tulungan ang iba na sumulong sa espirituwal. Ang pagiging positibo ay nagpapatibay sa kongregasyon.
Ikaw at ang Kongregasyon
19. Paano matutulungan ng mga kapatid sa kongregasyon ang isa’t isa?
19 Sa ‘mga panahong ito na mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ kailangan mo ang iyong mga kapatid sa kongregasyon, at kailangan ka rin nila. (2 Tim. 3:1) Kung minsan, baka hindi alam ng isang Kristiyano kung paano mapagtatagumpayan ang mga problemang napapaharap sa kaniya, pero alam ito ni Jehova. At puwede niyang gamitin ang mga kapatid sa kongregasyon—pati na ikaw—para tulungan ang iba na gawin ang tama. (Isa. 30:20, 21; 32:1, 2) Kaya ikapit mo sana ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya nga ng ginagawa ninyo.”—1 Tes. 5:11.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit kailangang magpatibayan ang mga Kristiyano?
• Sa anu-anong problema puwede kang makatulong sa iba?
• Bakit kailangan natin ang tulong ng mga kapatid sa kongregasyon?
[Larawan sa pahina 11]
Puwede tayong makatulong kapag nangangailangan ang isang kapuwa Kristiyano
[Larawan sa pahina 12]
Maraming kabataan sa kongregasyon ang may malaking potensiyal