ESPIRITISMO
Ang paniniwala o doktrina na ang mga espiritu ng mga taong patay, na diumano’y nananatiling buháy pagkamatay ng pisikal na katawan, ay nakikipagtalastasan sa mga buháy, lalo na sa pamamagitan ng isang tao (isang espiritista) na madali nilang maimpluwensiyahan. Isinisiwalat kapuwa ng Bibliya at ng sekular na kasaysayan na mayroon nang espiritismo noon pa mang sinaunang panahon. Palasak ito sa relihiyon ng Ehipto. (Isa 19:3) May kasama ring espiritismo ang relihiyon ng Babilonya (ang lunsod na siya ring pangunahing sentro ng relihiyon para sa Asirya).—Isa 47:12, 13.
Ang salitang Griego para sa “espiritismo” ay phar·ma·kiʹa. Ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 4, p. 51, 52) ay nagsabi hinggil sa salitang ito: “(Sa Ingles, pharmacy atbp.) ay pangunahing tumutukoy sa paggamit ng gamot, droga, orasyon; at saka panlalason; at saka panggagaway, Gal. 5:20, R.V., ‘panggagaway’ (A.V., ‘pangkukulam’), binabanggit bilang isa sa ‘mga gawa ng laman.’ Tingnan din ang Apo. 9:21; 18:23. Sa Sept[uagint], Exo. 7:11, 22; 8:7, 18; Isa. 47:9, 12. Sa panggagaway, ang paggamit ng mga droga, simple man o matapang, ay karaniwan nang nilalakipan ng mga bulong at pagdulog sa mga okultong kapangyarihan, pati ng sari-saring anting-anting, agimat, atbp., diumano’y upang ilayo ang gumagamit o pasyente mula sa pansin at kapangyarihan ng mga demonyo, subalit sa totoo ay upang pahangain siya sa mahiwagang kakayahan at kapangyarihan ng manggagaway.”
Ang Pinagmulan Nito. Isang pangunahing bahagi ng espiritismo ang diumano’y pakikipag-usap sa mga patay. Yamang ang mga patay “ay walang anumang kabatiran,” imposibleng makipagtalastasan sa kanila. (Ec 9:5) Ipinagbawal ng kautusan ng Diyos sa Israel ang pagsangguni sa patay at ang pagsasagawa ng espiritismo ay tinakdaan nito ng parusang kamatayan. (Lev 19:31; 20:6, 27; Deu 18:9-12; ihambing ang Isa 8:19.) At sinasabi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na yaong mga nagsasagawa ng espiritismo “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Gal 5:20, 21; Apo 21:8) Samakatuwid, makatuwirang sabihin na ang anumang diumano’y pakikipagtalastasan sa mga patay, kung hindi man tahasang pagsisinungaling niyaong nag-aangking nakipagtalastasan sa mga patay, ay tiyak na nanggaling sa isang masamang pinagmulan, isang pinagmulan na salansang sa Diyos na Jehova.
Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang masamang pinagmulang ito ay ang mga balakyot na espiritu, o mga demonyo. (Tingnan ang DEMONYO; PAG-ALI NG DEMONYO.) Isang halimbawa nito ang kaso ng “alilang babae” sa lunsod ng Filipos. Dati siyang nakapaglalaan sa kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang dahil sa pagsasagawa ng “sining ng panghuhula,” isa sa mga bagay na may kaugnayan sa espiritismo. (Deu 18:11) Malinaw na sinasabi ng ulat na ang pinagmulan ng kaniyang mga prediksiyon ay hindi ang Diyos kundi “isang demonyo ng panghuhula,” isang balakyot na espiritu. Kaya nang palayasin ng apostol na si Pablo ang balakyot na espiritung iyon, naiwala ng batang babaing ito ang kaniyang kapangyarihang manghula. (Gaw 16:16-19) May kinalaman sa salitang Griego na pyʹtho·na, na isinalin dito bilang “isang demonyo ng panghuhula,” ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (Tomo 1, p. 328) ay nagsabi: “Ang Python, sa mitolohiyang Griego, ay pangalan ng serpiyente o dragon ng Pytho, naninirahan sa Pytho, sa paanan ng bundok Parnassus, nagbabantay sa orakulo ng Delphi, at pinatay ni Apolo. Dahil dito, ang pangalang ito ay ginamit para kay Apolo mismo. Nang maglaon, ang salitang ito ay ikinapit sa mga manghuhula, na itinuturing na kinasihan ni Apolo. Yamang ang mga demonyo ang mga ahente ng idolatriya, I Cor. I0:20, ang kabataang babae sa Gawa I6:I6 ay inalihan ng isang demonyo na promotor ng kulto ni Apolo, at sa gayo’y sinaniban siya ng ‘isang espiritu ng panghuhula.’”
Sa Israel. Bagaman nagbigay ang Diyos ng mahihigpit na batas na nagbabawal sa espiritismo, sa pana-panahon ay may sumusulpot na mga espiritista sa lupain ng Israel. Malamang na ang mga ito ay mga banyagang pumasok sa lupain o ilan sa mga hindi nilipol ng mga Israelita. Inalis sila ni Haring Saul mula sa lupain noong siya’y naghahari subalit maliwanag na may ilang espiritista na muling naging aktibo sa kanilang gawain noong papatapos na ang kaniyang pamamahala. Ipinakita ni Saul na lubusan na siyang lumayo sa Diyos nang sumangguni siya sa “dalubhasang espiritista sa En-dor.”—1Sa 28:3, 7-10.
Dumalaw si Haring Saul sa espiritista. Noong pumaroon si Saul sa isang espiritista, matagal-tagal na ring inalis sa kaniya ang espiritu ni Jehova, at sa katunayan, ayaw nang sagutin ng Diyos ang kaniyang mga tanong sa pamamagitan ng mga panaginip o ng Urim (na ginagamit ng mataas na saserdote) o sa pamamagitan ng mga propeta. (1Sa 28:6) Ayaw na ng Diyos na magkaroon ng anumang kinalaman sa kaniya; at matagal na panahon nang hindi nakikipagkita kay Saul ang propeta ng Diyos na si Samuel, bago pa man pahiran si David bilang hari. Kaya hindi makatuwirang isipin na si Samuel, kahit buháy pa ito, ay paroroon upang magpayo kay Saul. At tiyak na hindi pangyayarihin ng Diyos na bumalik si Samuel mula sa mga patay upang makipag-usap kay Saul dahil bago pa man ito mamatay, hindi na Niya ito isinusugo kay Saul.—1Sa 15:35.
Hinding-hindi sasang-ayunan ni Jehova ang ginawa ni Saul, ni makikipagtulungan man siya rito; ipinakikita ito ng sinabi niya nang maglaon sa pamamagitan ni Isaias: “At kung sasabihin nila sa inyo: ‘Sumangguni kayo sa mga espiritista o sa mga may espiritu ng panghuhula na humuhuni at nagsasalita nang pabulong,’ hindi ba sa Diyos nito dapat sumangguni ang alinmang bayan? Dapat bang sumangguni sa mga patay para sa mga buháy? Sa kautusan at sa katibayan!”—Isa 8:19, 20.
Samakatuwid, nang ang ulat ay magsabi: “Nang makita ng babae si ‘Samuel’ ay nagsimula itong sumigaw sa sukdulan ng kaniyang tinig,” maliwanag na isinasalaysay ang pangyayari ayon sa pangmalas ng espiritista, na nadaya ng espiritung nagpapanggap na si Samuel. (1Sa 28:12) Tungkol naman kay Saul, kumakapit sa kaniya ang simulaing binigkas ng apostol na si Pablo: “Kung paanong hindi nila sinang-ayunang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman, ibinigay sila ng Diyos sa isang di-sinang-ayunang kalagayan ng isip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat . . . Bagaman lubus-lubusang alam ng mga ito ang matuwid na batas ng Diyos, na ang mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, hindi lamang nila patuloy na ginagawa ang mga iyon kundi sinasang-ayunan din yaong mga nagsasagawa ng mga iyon.”—Ro 1:28-32.
Binabanggit ng Commentary on the Old Testament, nina C. F. Keil at F. Delitzsch (1973, Tomo II, First Samuel, p. 265), na ang Griegong Septuagint, sa 1 Cronica 10:13, ay nagdagdag ng mga salitang “at sinagot siya ni Samuel na propeta.” (Bagster) Sinusuportahan ng Commentary ang pangmalas na ipinahihiwatig ng di-kinasihang mga salitang ito sa Septuagint, ngunit idinagdag nito: “Gayunpaman, ipinapalagay ng mga ama, mga repormador, at mas naunang mga teologong Kristiyano, maliban sa iilan, na hindi naman talaga lumitaw si Samuel, kundi likhang-isip lamang iyon. Ayon sa paliwanag ni Ephraem Syrus, waring isang larawan ni Samuel ang ipinakita kay Saul sa pamamagitan ng makademonyong mga sining. Ganito rin ang naging pangmalas nina Luther at Calvin, at tinularan sila ng mas naunang mga teologong Protestante sa pagtuturing sa aparisyon bilang isa lamang makadiyablong malikmata, isang pantasma, o makadiyablong malikmata sa anyo ni Samuel, at sa pagtuturing sa pananalita ni Samuel bilang isa lamang makadiyablong pagsisiwalat na pinahintulutan ng Diyos, kung saan ang katotohanan ay hinaluan ng kabulaanan.”
Sa isang talababa (First Samuel, p. 265, 266), ang Commentary ay nagsabi: “Sa gayo’y sinasabi ni Luther . . . ‘Tiyak na ang pagpapabangon kay Samuel ng isang manghuhula o mangkukulam, sa 1 Sam. xxviii. 11, 12, ay isa lamang malikmatang nagmula sa diyablo; hindi lamang dahil sinasabi ng Kasulatan na pinangyari ito ng isang babae na punô ng mga diyablo (sapagkat sino ang makapaniniwala na ang mga kaluluwa ng mga mananampalataya, na nasa kamay ng Diyos, . . . ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng diyablo, at ng karaniwang mga tao?), kundi dahil maliwanag din na labag sa utos ng Diyos ang pagsangguni sa patay na ginawa ni Saul at ng babae. Walang magagawa laban dito ang Espiritu Santo, ni matutulungan man Niya yaong mga sumasalansang dito.’ Itinuturing din ni Calvin ang aparisyong ito bilang isa lamang malikmata . . . : ‘Tiyak,’ sabi niya, ‘na hindi talaga si Samuel iyon, sapagkat kailanman ay hindi pahihintulutan ng Diyos na sumailalim sa gayong makadiyablong pagsasalamangka ang Kaniyang mga propeta. Sapagkat naroon ang isang babaing manggagaway na tumatawag ng patay mula sa libingan. Maguguniguni ba ng sinuman na nanaisin ng Diyos na malantad sa gayong kahihiyan ang Kaniyang propeta; na para bang may kapangyarihan ang diyablo sa mga katawan at mga kaluluwa ng mga santo na nasa Kaniyang pag-iingat? Ang mga kaluluwa ng mga santo ay sinasabing namamahinga . . . sa Diyos, naghihintay ng kanilang maligayang pagkabuhay-muli. Isa pa, maniniwala ba tayo na dinala ni Samuel sa libingan ang kaniyang balabal? Dahil sa mga ito, maliwanag na ang aparisyon ay isa lamang malikmata, at na nalinlang nang husto ang mga sentido ng babae, anupat inakala niyang nakita niya si Samuel, bagaman hindi naman talaga siya iyon.’ Tinutulan din ng mas naunang mga teologong ortodokso ang pagiging totoo ng paglitaw ng yumaong si Samuel batay sa mga kadahilanan ding ito.”
Ang Kapangyarihan ni Jesus sa mga Demonyo. Noong naririto si Jesus sa lupa, pinatunayan niya na siya ang Mesiyas, ang Pinahiran ng Diyos, sa pamamagitan ng pagpapalayas ng mga demonyo mula sa mga taong inaalihan. Ginawa niya ito nang hindi gumagamit ng anumang espesyal na ritwal o pakikipag-ugnayan sa mga espiritu o anumang anyo ng mahika. Basta inutusan niyang lumabas ang mga demonyo at sumunod sila sa kaniyang tinig. Bagaman labag sa kanilang kalooban, napilitan ang mga demonyo na kilalanin ang kaniyang awtoridad (Mat 8:29-34; Mar 5:7-13; Luc 8:28-33), kung paanong kinilala ni Satanas ang awtoridad ni Jehova nang pahintulutan siya ni Jehova na pighatiin si Job para sa isang pagsubok subalit sinabihan niya si Satanas na huwag patayin si Job. (Job 2:6, 7) Karagdagan pa, isinagawa ni Jesus ang gawaing ito nang walang bayad.—Mat 8:16, 28-32; Mar 1:34; 3:11, 12; Luc 4:41.
Pinasinungalingan ang bulaang paratang ng mga Pariseo. Pagkatapos ng isa sa gayong mga pagpapagaling ni Jesus, ang kaniyang mga kaaway, ang mga Pariseo, ay nagparatang: “Hindi pinalalayas ng taong ito ang mga demonyo malibang sa pamamagitan ni Beelzebub, ang tagapamahala ng mga demonyo.” Ngunit ang sabi ng ulat: “Sa pagkaalam ng kanilang mga kaisipan, sinabi niya sa kanila: ‘Bawat kaharian na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay sumasapit sa pagkatiwangwang, at bawat lunsod o sambahayan na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi tatayo. Sa gayunding paraan, kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, nababahagi siya laban sa kaniyang sarili; paano, kung gayon, tatayo ang kaniyang kaharian? Isa pa, kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Ito ang dahilan kung bakit sila ang magiging mga hukom sa inyo.’”—Mat 12:22-27.
Napilitan ang mga Pariseo na amining kailangan ang kapangyarihang nakahihigit sa tao upang magpalayas ng mga demonyo. Subalit nais nilang hadlangan ang mga tao upang huwag maniwala kay Jesus. Kaya naman sinabi nilang nanggaling sa Diyablo ang kaniyang kapangyarihan. Nang magkagayo’y binanggit ni Jesus ang depekto ng kanilang argumento at ipinakita sa kanila kung ano ang makatuwirang ipahihiwatig niyaon. Sumagot siya na kung isa siyang ahente ng Diyablo na nagpapawalang-saysay sa ginawa ni Satanas, kung gayo’y kinokontra ni Satanas ang kaniyang sarili (na hindi gagawin ng sinumang taong hari) at di-magtatagal ay babagsak ito. Karagdagan pa, itinawag-pansin niya ang kanilang “mga anak,” o mga alagad, na nag-aangkin ding nagpapalayas ng mga demonyo. Kung totoo ang argumento ng mga Pariseo, na ang nagpapalayas ng mga demonyo ay gumagawa niyaon sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas, kung gayon ang kanilang sariling mga alagad ay kumikilos sa ilalim ng kapangyarihang ito, isang bagay na tiyak na hindi aaminin ng mga Pariseo. Sinabi ni Jesus na kung gayon, ang kanilang sariling “mga anak” ay mga hukom na humahatol sa kanila at sa kanilang argumento. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Ngunit kung sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos ay pinalalayas ko ang mga demonyo, tunay ngang naabutan na kayo ng kaharian ng Diyos.”—Mat 12:28.
Sinusugan pa ni Jesus ang kaniyang argumento sa pagsasabing walang sinumang makapapasok sa bahay ng isang malakas na tao (si Satanas) upang agawin ang mga pag-aari nito malibang may kapangyarihan siyang gapusin ito. Ang bulaang paratang ng mga Pariseo ang dahilan kung bakit nagbabala si Jesus hinggil sa pagkakasala laban sa banal na espiritu, yamang nakapagpalayas si Jesus ng mga demonyo sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, at sa pagsasalita nila laban sa gawaing ito, hindi lamang nagpahayag ng pagkapoot kay Jesus ang mga Pariseo kundi nagsalita rin sila laban sa malinaw na pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos.—Mat 12:29-32.
Ang sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa pagpapalayas ng mga demonyo ay hindi dapat unawain na nangangahulugang ang “mga anak” ng mga Pariseo at ang lahat ng iba pa na nag-aangking nakapagpapalayas ng mga demonyo ay talagang mga kasangkapan ng Diyos. Binanggit ni Jesus na may mga taong magtatanong: “Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?” Ngunit sasagutin niya sila: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mat 7:22, 23) Palibhasa’y hindi tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo, ang mga manggagawang iyon ng katampalasanan ay mga anak ng Diyablo. (Ihambing ang Ju 8:44; 1Ju 3:10.) Kaya naman ang inaangkin nila na pagpapalayas ng mga demonyo ay ginagawa nila, hindi bilang mga kasangkapan ng Diyos, kundi bilang mga ahente ng Diyablo. Sa paggamit ng mga tao bilang mga exorcist, anupat ginagawa pa nga iyon sa pangalan ni Jesus (ihambing ang tinangkang gawin ng pitong anak na lalaki ni Esceva sa Gaw 19:13-16), si Satanas ay hindi nababahagi laban sa kaniyang sarili. Sa halip, sa pamamagitan ng tila mabuting gawang ito na pagtataboy sa sumasanib na mga demonyo, si Satanas ay nag-aanyong “isang anghel ng liwanag,” sa gayo’y pinahihigpit ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya sa mga nalinlang.—2Co 11:14.
“Siya na hindi laban sa atin ay panig sa atin.” Noong minsan, sinabi ng apostol na si Juan kay Jesus: “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan at sinikap naming pigilan siya, sapagkat hindi siya sumasama sa atin.” Lumilitaw na ang taong ito ay nakapagpalayas ng mga demonyo, sapagkat sinabi ni Jesus: “Walang sinumang gagawa ng makapangyarihang gawa salig sa aking pangalan ang madaling makapanlalait sa akin.” Dahil dito, iniutos ni Jesus na huwag nila itong pigilan, “sapagkat siya na hindi laban sa atin ay panig sa atin.” (Mar 9:38-40) Noon, hindi lahat ng nananampalataya kay Jesus ay personal na sumasama sa kaniya at sa kaniyang mga apostol sa kanilang ministeryo. Dahil sa kalooban ng Diyos, may bisa pa noon ang tipang Kautusan, at hindi pa pinasisinayaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang bagong tipan ni ang pagbuo ng Kristiyanong kongregasyon ng mga tinawag. Gayunman, pasimula noong Pentecostes ng 33 C.E., matapos alisin ni Jesus ang Kautusan sa pamamagitan ng kaniyang hain, naging kahilingan para sa sinumang naglilingkod sa pangalan ni Kristo na umugnay sa kongregasyong ito, na ang mga miyembro ay binabautismuhan kay Kristo. (Gaw 2:38-42, 47; Ro 6:3) Pagkatapos, sa halip na makitungo sa bansang Israel sa laman gaya ng ginagawa niya hanggang noong panahong iyon, kinilala ng Diyos ang kongregasyong Kristiyano bilang kaniyang “banal na bansa.”—1Pe 2:9; 1Co 12:13.
Isang Gawa ng Laman. Bagaman maaaring akalain ng mga nagsasagawa ng espiritismo na ito’y isang ‘gawaing espirituwal,’ tinutukoy ito ng Salita ng Diyos, hindi bilang isang gawa ng espiritu o bahagi ng mga bunga nito, kundi bilang isang gawa ng laman. Pansinin ang mga karima-rimarim na bagay na sinasabing kauri nito: “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo [sa literal, pagdodroga], mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” Nakaaakit ito sa mga pagnanasa ng makasalanang laman, hindi sa mga bagay ng espiritu, at nagbabala ang apostol na “yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Gal 5:19-21, Int.
Walang-hanggang pagkapuksa niyaong mga nagsasagawa nito. Kung tungkol sa Babilonyang Dakila, na ihahagis sa dagat at hindi na masusumpungan pang muli, ang isa sa kaniyang mga kasalanan ay binanggit sa Apocalipsis: “Sa pamamagitan ng iyong mga espiritistikong gawain ay nailigaw ang lahat ng mga bansa.” (Apo 18:23) May kinalaman sa walang-hanggang pagkapuksa niyaong mga nagsasagawa ng espiritismo, sinasabi ng Apocalipsis: “Kung tungkol sa mga duwag at sa mga walang pananampalataya at sa mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan at sa mga mamamaslang at sa mga mapakiapid at sa mga nagsasagawa ng espiritismo [sa literal, mga nagdodroga] at sa mga mananamba sa idolo at sa lahat ng sinungaling, ang kanilang magiging bahagi ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan.”—Apo 21:8, Int.
Kaugnay ng Sining ng Mahika. Kaugnay ng espiritismo ang sining ng mahika. Sa Efeso, marami ang naniwala sa ipinangaral ni Pablo, anupat “tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gaw 19:19) Ang salitang Griego para sa “mga sining ng mahika” ay pe·riʹer·ga, “mga abubot,” sa literal, “mga bagay na nakapalibot sa trabaho,” at sa gayo’y kalabisan, samakatuwid nga, ang mga sining niyaong mga nag-uusisa sa mga bagay na ipinagbabawal, sa tulong ng masasamang espiritu.—Int; Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, Tomo 1, p. 261.
Hula Laban sa Jerusalem. Sa isang kapahayagan laban sa Jerusalem dahil sa kaniyang kawalang-katapatan, sinabi ni Jehova: “At ikaw ay mábababâ anupat magsasalita ka mula sa mismong lupa, at hihina ang iyong pananalita na waring mula sa alabok. At gaya ng espiritista ang iyong tinig ay manggagaling nga sa lupa, at mula sa alabok ay huhuni ang iyong pananalita.” (Isa 29:4) Tumutukoy ito sa panahon kapag ang mga kaaway ay umahon laban sa Jerusalem at ibinaba siya sa isang napakahamak na kalagayan, anupat dinurog hanggang sa lupa, wika nga. Dahil dito, anumang pananalitang bibigkasin ng mga tumatahan sa Jerusalem ay manggagaling sa napakababang dako, mula sa kanilang napakaabang kalagayan. Magiging tulad sila ng espiritistang nagsasalita sa matamlay at mahinang tinig na parang nanggagaling sa alabok ng lupa. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng Isaias 29:5-8, ang Jerusalem ay ililigtas.