Masisigasig na Saksi ni Jehova Nasa Pagsulong!
ANG mga Saksi ni Jehova noong unang siglo ay mga taong may lakas ng loob at masigasig sa pagkilos. Kanilang buong kasabikang ginanap ang utos ni Jesus: “Humayo . . . gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.”—Mateo 28:19, 20.
Ngunit papaano natin nalalaman na ang mga sinaunang tagasunod ni Kristo ay naging masigasig ng pagsunod sa utos na iyan? Aba, ang aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol sa Bibliya ay nagpapatunay na sila’y mga masisigasig na Saksi ni Jehova, tunay na nasa pagsulong!
MGA PAKINABANG AT IBA PANG MGA KATANGIAN
Ang pagkakahawig sa wika at istilo ng ikatlong Ebanghelyo at ng aklat ng Mga Gawa ay nagpapakita na ito’y may iisang manunulat—si Lucas, “ang minamahal na manggagamot.” (Colosas 4:14) Kabilang sa pambihirang mga katangiang ito ay yaong mga pag-uusap at mga panalangin na naisulat sa Mga Gawa. Mga 20 porsiyento ng aklat ay binubuo ng mga talumpati, tulad baga niyaong pahayag na ibinigay ni Pedro at ni Pablo na umaalalay sa tunay na pananampalataya.
Ang aklat ng Mga Gawa ay isinulat sa Roma humigit-kumulang 61 C.E. Maliwanag na iyan ang dahilan kung bakit hindi binabanggit nito ang pagharap ni Pablo kay Cesar o ang pag-uusig ni Nero sa mga Kristiyano humigit-kumulang noong 64 C.E.—2 Timoteo 4:11.
Tulad ng Ebanghelyo ni Lucas, ang Mga Gawa ay pahatid kay Teofilo. Iyon ay isinulat upang patibayin ang pananampalataya at patunayan ang hula tungkol sa paglaganap ng pagka-Kristiyano. (Lucas 1:1-4; Gawa 1:1, 2) Pinatutunayan ng aklat na ang kamay ni Jehova ay sumasa-kaniyang tapat na mga lingkod. Ipinadarama nito sa atin ang kapangyarihan ng kaniyang espiritu at pinatitibay ang ating pagtitiwala sa kinasihang hula. Ang Mga Gawa ay tumutulong din sa atin na pagtiisan ang pag-uusig, nag-uudyok sa atin na maging mga Saksi ni Jehova na mapagsakripisyo sa sarili, at pinatitibay ang ating pananampalataya sa pag-asa sa Kaharian.
TUNAY NA KASAYSAYAN
Bilang kasa-kasama ni Pablo, si Lucas ang sumulat ng kaniyang mga paglalakbay. Siya’y nakipag-usap din sa mga saksing nakakita. Ang mga salik na ito at ang lubusang pananaliksik ang nagpapatunay na ang kaniyang mga isinulat ay isang obra maestra kung sa pagiging tunay na kasaysayan.
Ang iskolar na si William Ramsay ay makapagsasabi nga: “Si Lucas ay isang historyador na numero uno: ang kaniyang mga pangungusap na katotohanan ay hindi lamang mapagkakatiwalaan, siya’y may taglay ng tunay na diwa ng isang mananalaysay . . . Ang autor na ito ay dapat ilagay na kahanay ng pinakadakilang mga mananalaysay.”
SI PEDRO—ISANG SAKSING TAPAT
Ang bigay-Diyos na gawaing paghahayag ng mabuting balita ay maaaring gawin tanging sa kapangyarihan ng banal na espiritu ni Jehova. Sa gayon, sa pagtanggap ng mga tagasunod ni Jesus ng banal na espiritu, sila’y magiging kaniyang mga saksi sa Jerusalem, Judea, at Samaria at sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Noong Pentecostes 33 C.E., sila’y napuspos ng banal na espiritu. Yamang noon ay ika-9:00 n.u., tiyak na sila’y hindi lasing gaya ng akala ng iba. Si Pedro ay nagbibigay ng isang kapana-panabik na patotoo, at 3,000 ang nabautismuhan. Ang mga mananalansang na relihiyoso ay nagsikap na pahintuin ang mga tagapaghayag ng Kaharian, ngunit bilang sagot sa panalangin, pinapangyari ng Diyos ang kaniyang mga Saksi na salitain nang may lakas ng loob ang kaniyang salita. Nang sila’y pagbantaan uli, sila’y sumagot: “Susundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.” Ang gawain ay nagpatuloy samantalang sila’y hindi humihinto ng pangangaral sa bahay-bahay.—1:1–5:42.
Ang pagtitiwala sa espiritu ni Jehova ang tumulong sa kaniyang mga saksi upang matiis ang pag-uusig. Sa gayon, pagkatapos na ang tapat na saksing si Esteban ay batuhin hanggang sa mamatay, ang mga tagasunod ni Jesus ay nagsipangalat, ngunit ito’y nakatulong upang lumaganap ang salita. Si Felipe na ebanghelisador ay nagpayunir sa Samaria. Nakapagtataka, ang marahas na mang-uusig na si Saulo ng Tarso ay nakumberte. Nang maging si apostol Pablo na, kaniyang nadama ang silakbo ng pag-uusig sa Damasco ngunit nakaligtas sa mga hangarin ng mga Judio na siya’y patayin. Sa sandaling panahon, si Pablo ay nakisama sa mga apostol sa Jerusalem at pagkatapos ay nagpatuloy na sa kaniyang ministeryo.—6:1–9:31.
Ang kamay ni Jehova ay sumasakaniyang mga saksi, gaya ng ipinakikita ngayon ng Mga Gawa. Binuhay ni Pedro si Dorcas (Tabita) buhat sa mga patay. Sa pagtugon sa isang panawagan, sa Cesarea, ang mabuting balita ay ipinahayag niya kay Cornelio, sa kaniyang sambahayan, at mga kaibigan. Sila’y binautismuhan bilang ang mga unang Gentil na naging mga alagad ni Jesus. Ganiyan natapos ang “pitumpung sanlinggo,” anupa’t tayo ngayon ay sumapit na sa 36 C.E. (Daniel 9:24) Hindi nagtagal pagkatapos, pinatay ni Herodes Agrippa I ang apostol na si Santiago at kaniyang ipinadakip si Pedro. Ngunit sa pagkabilanggo ng apostol ay pinalaya siya ng anghel, at ‘ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at lumaganap.’—9:32–12:25.
ANG TATLONG PAGLALAKBAY-MISYONERO NI PABLO
Umaagos ang mga pagpapala sa mga puspusang naglilingkod sa Diyos, gaya ni Pablo. Ang kaniyang unang paglalakbay-misyonero ay nagsisimula sa Antioquia, Syria. Sa isla ng Cyprus, ang proconsul na si Sergius Paulus at marami pang iba ang naging mga mananampalataya. Sa Perga sa Pamfilia, si Juan Marcos ay umalis patungong Jerusalem, ngunit si Pablo at si Bernabe ay nagtungo naman sa Antioquia sa Pisidia. Sa Lystra, ang mga Judio ay nagtangkang magbangon ng pag-uusig. Bagaman binato at iniwanan na mistulang patay, si Pablo ay nakabangon din at ipinagpatuloy niya ang ministeryo. Sa wakas, siya at si Bernabe ay nagbalik sa Antioquia sa Syria, at natapos ang unang paglalakbay.—13:1–14:28.
Tulad ng kaniyang katumbas noong unang siglo, ang kasalukuyang Lupong Tagapamahala ay sumasagot sa mga katanungan taglay ang patnubay ng banal na espiritu. Ang pagtutuli ay hindi kabilang sa “kinakailangang mga bagay,” na doo’y kasali ang “pag-iwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.” (15:28, 29) Sa pagpapasimula ni Pablo ng ikalawang paglalakbay, si Silas ay nakakasama niya, at si Timoteo nang malaunan ay nakasama nila. Ang mabilis na pagkilos ang kasunod ng isang panawagang pumaroon sa Macedonia. Sa Filipos, ang pagpapatotoo ay nagbubunga ng panggugulo at pagkabilanggo. Ngunit si Pablo at si Silas ay nakalaya dahil sa isang lindol at nangaral sa bantay-preso at sa kaniyang sambahayan, at ang mga ito’y naging bautismadong mga mananampalataya.—15:1–16:40.
Ang mga lingkod ni Jehova ay dapat na masisipag na mga mag-aarál ng kaniyang Salita, tulad ni Pablo at ng mga taga-Berea na mahilig manaliksik ng Kasulatan. Sa Areopago sa Atenas, siya’y nagpapatotoo tungkol kay Jehova bilang isang manlilikha, at ang iba’y naging mga mananampalataya. Napakaraming nagpakita ng interes sa Corinto kung kaya’t siya’y lumagi sa siyudad na iyon nang may 18 buwan. Doon, kaniyang isinulat ang Una at Ikalawang Tesalonica. Ang apostol ay humiwalay kina Silas at Timoteo, at naglayag patungong Efeso, pagkatapos ay tumulak patungong Cesarea, at naglakbay patungo sa Jerusalem. Nang siya’y bumalik sa Syria ng Antioquia, nagwakas ang kaniyang ikalawang paglalakbay-misyonero.—17:1–18:22.
Gaya ng ipinakita ni Pablo, ang pagpapatotoo sa bahay-bahay ay isang mahalagang bahagi ng ministeryong Kristiyano. Ang ikatlong paglalakbay ng apostol (52-56 C.E.) ay halos pag-ulit lamang sa ruta ng kaniyang ikalawang paglalakbay. Ang ministeryo ni Pablo ay pumukaw ng pananalansang sa Efeso, na kung saan isinulat niya ang Unang Corinto. Ang Ikalawang Corinto ay isinulat sa Macedonia, at siya’y sumulat sa mga taga-Roma samantalang siya’y nasa Corinto. Sa Mileto, si Pablo ay nakipagpulong sa mga matatanda ng Efeso at binanggit niya kung papaano tinuruan niya sila sa publiko at sa bahay-bahay. Ang kaniyang ikatlong paglalakbay ay natatapos pagdating niya sa Jerusalem.—18:23–21:14.
HINDI NAGTAGUMPAY ANG PAG-UUSIG
Hindi dahil sa pag-uusig ay magsasara na ng bibig ang tapat na mga saksi ni Jehova. Kaya nang salakayin ng mga mang-uumog si Pablo sa templo sa Jerusalem, siya’y buong tapang na nagpatotoo sa nanggugulong mga mang-uumog. Ang isang pakana na patayin siya ay nabigo nang siya’y ipadala kay Gobernador Felix sa Cesarea na may kasamang isang guwardiyang sundalo. Si Pablo ay ibinilanggo nang may dalawang taon samantalang inaantala ni Felix ang paglilitis upang siya’y suhulan ngunit hindi naman nangyari iyon. Ang humalili sa kaniya, si Festo, ang duminig sa apila ni Pablo kay Cesar. Gayunman, bago siya dalhin sa Roma ang apostol ay gumawa ng isang nakapupukaw na pagtatanggol sa harap ni Haring Agippa.—21:15–26:32.
Palibhasa’y hindi pinanghihinaan ng loob dahil sa mga pagsubok, ang mga lingkod ni Jehova ay patuloy na nangangaral. Ito’y tiyak na totoo tungkol kay Pablo. Dahilan sa kaniyang pag-apila kay Cesar, ang apostol ay nagpatuloy ng paglalakbay patungo sa Roma kasama si Lucas humigit-kumulang 58 C.E. Sa Myra sa Lycia, sila’y lumipat sa ibang barko. Bagaman lumubog ang kanilang barko at sila’y sumadsad sa isla ng Malta, nang magtagal ay isang barko pa ang sinakyan nila patungo sa Italya. Kahit na siya’y binabantayan ng isang guwardiyang sundalo sa Roma, tinatanggap ni Pablo ang mga tao at nangangaral siya sa kanila ng mabuting balita. Sa panahon ng kaniyang pagkabilanggo, siya’y sumulat sa mga taga-Efeso, taga-Filipos, taga-Colosas, kay Felimon, at sa mga Hebreo.—27:1–28:31.
PALAGING NASA PAGSULONG
Ang aklat ng Mga Gawa ay nagpapakita na ang gawaing sinimulan ng Anak ng Diyos ay ipinagpatuloy nang may katapatan ng mga saksi ni Jehova noong unang siglo. Oo, sa ilalim ng kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos, sila’y nagpatotoo nang buong sigasig.
Dahil sa ang mga unang tagasunod ni Jesus ay may lakip-panalanging umasa sa Diyos, ang Kaniyang kamay ay suma-kanila. Libu-libo sa gayon ang naging mga mananampalataya, at ‘ang mabuting balita ay naipangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.’ (Colosas 1:23) Oo, kapuwa noon at ngayon, ang mga tunay na Kristiyano ay nagpatunay na masisigasig na saksi ni Jehova na nasa pagsulong!
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
SI CORNELIO NA SENTURION: Si Cornelio ay isang opisyal ng hukbo, o isang senturion. (10:1) Ang taunang kita ng isang senturion ay humigit-kumulang makalimang beses ang laki kaysa kita ng isang kawal sa impanteriya, o mga 1,200 denario, ngunit maaaring mas mataas pa. Sa pagreretiro, siya’y tumatanggap ng isang kaloob na salapi o lupa. Ang kaniyang kasuotang militar ay magara, buhat sa isang turbanteng pilak hanggang sa isang kasuotang abot-tuhod, isang balabal na pinong lana, at ginayakang mga baluti para sa binti. Ang kompaníya ng isang senturion ay sa teorya binubuo ng 100 katao, ngunit kung minsan mayroon lamang 80 humigit-kumulang. Ang mga kinalap para sa “hukbong Italyano” ay marahil nanggaling sa mga mamamayang Romano at mga taong layâ sa Italya.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
PANALANGIN SA BUBONG NG BAHAY: Si Pedro ay hindi naman mahilig sa karangyaan nang siya’y manalanging mag-isa sa bubong ng bahay. (10:9) Isang halang sa palibot ng malapad na bubong ang malamang na dahilan kung bakit siya napakubli. (Deuteronomio 22:8) Ang bubong ay isa rin namang dako na pahingalayan at doo’y maiiwasan ang ingay ng kalye kung gabi.
[Kahon sa pahina 25]
ANG AKALA SA KANILA’Y MGA DIYOS NA ANYONG TAO: Dahil sa pagpapagaling ni Pablo sa isang lalaking lumpo inakala ng mga taga-Lystra na sila’y mga diyos na nag-anyong mga tao. (14:8-18) Si Zeus, ang pangunahing diyos na Griego, ay may templo sa siyudad na iyon, at ang kaniyang anak na si Hermes, na mensahero ng mga diyos, ay bantog sa kahusayang magsalita. Palibhasa’y inakala ng mga tao na si Pablo ay si Hermes dahilan sa siya’y nangunguna sa pagsasalita, kanila namang ipinagpalagay na si Bernabe ay si Zeus. Kaugalian noon na ang mga idolong diyus-diyusan ay putungan ng mga kuwintas ng bulaklak o ng mga dahon ng cypres o pino, ngunit tinanggihan nina Pablo at Bernabe ang gayong pag-idolo sa kanila.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
SUMAMPALATAYA ANG BANTAY-PRESO: Nang maganap ang isang lindol nabuksan ang mga pinto ng bilangguan at nakalagan ng gapos ang mga nakakulong, kaya naman ang bantay-presong taga-Filipos ay magpapatiwakal na sana. (16:25-27) Bakit? Sapagkat ang batas Romano ay nag-uutos na ang isang bantay-preso ang daranas ng parusa sa presong nakatakas. Marahil nais ng bantay-preso na mas mabuti pa ang magpatiwakal imbis na mamatay sa pamamagitan ng pagpapahirap, na marahil siyang nakalaan sa ilan sa mga preso. Gayunman, kaniyang tinanggap ang mabuting balita at “siya at ang kaniyang sambahayan ay nabautismuhan nang walang pag-aatubili.”—16:28-34.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
UMAPILA KAY CESAR: Bilang isang mamamayang Romano mula pa sa pagsilang, si Pablo ay may karapatang umapila kay Cesar at litisin sa Roma. (25:10-12) Ang isang mamamayang Romano ay hindi iginagapos, ginugulpi, o pinarurusahan nang hindi muna nililitis.—16:35-40; 22:22-29; 26:32.
[Credit Line]
Musei Capitolini, Roma
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
TAGAPANGALAGA NG TEMPLO NI ARTEMIS: Namuhi dahil sa pangangaral ni Pablo, ang panday-pilak na si Demetrio ay nagsulsol para magkagulo. Ngunit pinatahimik ng kalihim-bayan ng lunsod ang karamihan. (19:23-41) Ang mga panday-pilak ay gumagawa ng maliliit na dambanang pilak sa pinakasagradong bahagi ng templo na kung saan naroroon ang istatuwa ng maraming-susong diyosa ng pag-aanak na si Artemis. Ang mga lunsod ay naging mga magkakakumpitensiya para sa karangalang maging kaniyang ne·o·koʹros, o “tagapangalaga ng templo.”
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
PANGANIB SA KARAGATAN: Nang ang barkong kinalululanan ni Pablo ay bayuhin ng maunos na hanging tinatawag na Euroaquilo, ‘nahirapan silang isampa ang skiff na nasa hulihan.’ (27:15, 16) Ang skiff ay isang munting bangka na karaniwan nang hinihila ng isang sasakyang-dagat. Ang isang barko ay may dalang mga kable na maaaring ibigkis sa katawan ng barko para magsilbing proteksiyon dahil sa bigat ng layag kung bumabagyo. (27:17) Ang mga marinerong ito ay naghulog ng apat na angkla at kanilang kinalag ang tali ng mga ugit, o mga sagwan, na umuugit sa sasakyang-dagat. (27:29, 40) Ang barko ng Alexandria ay may karatulang “Mga Anak ni Zeus”—Sina Castor at Pollux, itinuturing na mga patron ng mga magdaragat.—28:11.