Maka-Diyos na Paggalang sa Dugo
“Tinatawagan ko kayo na saksihan sa mismong araw na ito na ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.”—GAWA 20:26.
1. Paanong sa mga salita ni Pablo sa Gawa 20:26 ay nababanaag ang pagkakilala ni Jehova sa dugo?
SA MGA salitang iyan ni apostol Pablo bilang isang Kristiyano ay nababanaag ang kaniyang mahusay na paggalang sa dugo, ang pluwido ng buhay. Sa pagpapatuloy sa pagtalakay na ito, susuriin natin ang ibig sabihin ni Pablo sa pangungusap na iyan. Ngunit una muna ay pag-usapan natin tungkol sa dugo ang sinasabi ng Maylikha ng mga kaluluwang hayop at tao. Napag-alaman na natin na itinuturing ng Diyos na Jehova na banal ang dugo, bilang kumakatawan sa buhay. Ang mga taong walang pakundangan na nagbububo ng dugo, at lalo na ng dugo ng tao, ay nagkakasala sa dugo sa harap ng Diyos. Gayunman, hindi baga may mga paraan na ang dugo ay maaaring gamitin sa ikabubuti ng sangkatauhan?
2. (a) Bakit isang kasalanang pinarurusahan ng kamatayan para sa mga Israelita ang pagkain ng dugo? (b) Paano nakinabang ang mga Israelita sa pagsunod sa kautusang iyan?
2 Ang kautusan ng Diyos sa Israel tungkol sa dugo ay nagsasabi nang buong diin: “Huwag mong kakainin ang dugo ng anumang uri ng laman, sapagkat ang kaluluwa [buhay, King James Version; American Standard Version] ng bawat uri ng laman ay nasa dugo. Sinumang kumakain nito ay lilipulin.” Para sa mga Israelita o mga dayuhang mamamayan na kasama nila ay isang kasalanang pinarurusahan ng kamatayan kung sila’y kakain ng dugo, kahit na kung kinakailangang kainin iyon. Bago nila kainin ang karne, ang dugo ay kailangang ibuhos nila sa lupa at tabunan iyon, sa ganoo’y ibinabalik sa Diyos ang buhay sa makasagisag na paraan. (Levitico 17:13, 14) Iyon ay isang batas ng Diyos. Sa pagsunod doon, ang mga Israelitang iyon ay nanatiling may mahusay na espirituwal na kaugnayan kay Jehova, ang Bukal ng buhay. At sila’y nakinabang din naman sa pangalawang paraan, sa pagkakaroon nila ng malusog na katawan.
Ang Dugo ng Kristo
3. (a) Bakit ang dugo ni Jesus ay totoong mahalaga at “mahal”? (b) Paano inilalarawan sa Kasulatang Hebreo ang inihandog ni Jesus na hain?
3 Datapuwat, ang sumasaisip noon ni Jehova ay isang mahalagang gamit ng dugo. Ito’y ang pagtubos sa sangkatauhan buhat sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng “mahal na dugo” ni Kristo Jesus. Kahit na bago nang “pagtatatag ng sanlibutan” (nang ang makasalanang si Adan at si Eva ay mag-anak ng mga supling na maaaring tubusin), alam na noon pa ni Jehova kung paano niya tutubusin ang sangkatauhan. (1 Pedro 1:18-20; Roma 6:22, 23) Iyon ay “ang dugo ni Jesus na kaniyang Anak [na] lumilinis sa atin buhat sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7) Ganiyan na lang kahalaga ang ganitong paggamit ng dugo kung kaya’t pinapangyari ng Diyos na mapasulat sa Kasulatang Hebreo ang maraming tipo at anino na lumalarawan sa sakdal na hain ni Jesus.—Hebreo 8:1, 4, 5; Roma 15:4.
4. Ano ang paghahalimbawang ipinakita ng drama na naisulat sa Genesis kabanatang 22?
4 Mga daan-daang taon pa bago ibigay sa Israel ang Kautusan, iniutos ni Jehova kay Abraham na ihain si Isaac sa Bundok Moriah. Sa ganoo’y ipinaghalimbawa ng Diyos kung paano niya ihahandog ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus. Ang kusang pagpayag ni Isaac na gamitin sa madulang tagpong ito ay lumarawan sa pagsunod ni Jesus sa kalooban ng kaniyang Ama sa pagbubuhos ng kaniyang dugo ng buhay bilang hain.—Genesis 22:1-3, 9-14; Hebreo 11:17-19; Filipos 2:8.
5. Paanong ang mga hain ng Kautusang Mosaiko ay malawak ang kahulugang espirituwal?
5 Ang Kautusang Mosaiko ay naglaan din ng “anino ng mabubuting bagay na darating,” na lumarawan sa hain ni Jesus alang-alang sa sangkatauhan. Iisa lamang gamit ng dugo ang ipinahintulot ng Kautusan—sa paghahain ng mga hayop kay Jehova. Ang mga hain na iyon ay hindi lamang mga ritwal. Ang mga ito’y may malawak na kahulugang espirituwal. Sa kaliit-liitang detalye, inilarawan ng mga ito ang hain ni Jesus at ang lahat ng magaganap sa pamamagitan nito.—Hebreo 10:1; Colosas 2:16, 17.
6. Ang mga hain kung Araw ng Katubusan ay lumalarawan sa katubusan para sa anong dalawang grupo? Sa papaano?
6 Halimbawa, ang paghahandog ni Aaron ng mga hain kung Araw ng Katubusan ay lumarawan kung paanong ang dakilang Mataas na Saserdote, si Jesus, ay gumagamit ng bisa ng kaniyang sariling mahal na dugo ng buhay sa pagdadala ng kaligtasan, una para sa kaniyang makasaserdoteng “sambahayan” ng 144,000 pinahirang mga Kristiyano upang sila’y ariing matuwid at kamtin nila ang mana bilang mga hari at mga saserdote na kasama niya sa langit. Pagkatapos, ang paghahain alang-alang sa “bayan” ay lumarawan sa pagtubos ni Jesus sa lahat ng tao na magmamana ng buhay na walang hanggan dito sa lupa. Kahit na ngayon pa, “isang malaking pulutong” ng mga ito ang inaaring matuwid upang makaligtas sa dumarating na malaking kapighatian. Ito’y dahilan sa “kanilang nilabhan ang kanilang kasuotan at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero,” at ipinakikita nila ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng banal na paglilingkod sa Diyos.—Levitico 16:6, 15, 18-22; Hebreo 9:11, 12; Apocalipsis 14:1, 4; 7:4, 9, 14, 15.
7. Bakit natin maikagagalak ang katuparan ng mga sinaunang tipong iyon?
7 ‘Ang buhay ay nasa dugo.’ Ang dugo ni Jesus ay sakdal, kaya’t ang resulta ng kaniyang paghahain ay pagbibigay ng sakdal na buhay sa lahat ng sumasampalataya. Anong laki ng kagalakan natin na yaong mga sinaunang tipong iyan ay natupad sa maibiging paghahandog ng hain ni Jesus!—Levitico 17:14; Gawa 20:28.
Dugo—Isang Isyu sa Moral
8, 9. (a) Ano ang ilan sa kamangha-manghang mga gawain ng dugo? (b) Tulad ni David, paano tayo makapagpapahayag ng maka-Diyos na paggalang sa paraan ng pagkagawa sa atin?
8 Kagila-gilalas na karunungan ang makikita sa disenyo ng dugo. Ang mga ebolusyunista, na hanggang ngayon ay litung-lito sa pagpapaliwanag ng pinagmulan ng buhay, ay nagsasabi sa atin na ang dugo ng ating buhay ay resulta ng ebolusyon sa paano man. Totoong di-kapani-paniwala!
9 Ang ating masalimuot na dugo ay gumaganap ng kamangha-manghang mga gawain. Ito’y naghahatid ng pantustos-buhay na oksiheno at nutriyente sa lahat ng parte ng ating katawan. Inaalis nito ang mga dumi. Ito’y nagdadala ng mapuputing korpuskulo upang bumaka sa sakit at ng mga platelet na may kinalaman sa reparasyon ng maliliit at malalaking pinsala. Ito’y tumutulong upang aregluhin ang temperatura ng katawan. Bawat isa sa atin ay may kaniyang sariling dugo na walang nakakaparis, kaya’t ang mga geneticist sa Inglatera ay nag-uusap-usap pa man din tungkol sa paggamit ng “DNA fingerprints” na kinuha sa mga sampol ng dugo para pagkakilanlan sa mga kriminal. Ang dugo ay isang organo na isa sa maraming parte ng katawan na nag-udyok kay Haring David na bumulalas: “Oh Jehova, iyong siniyasat ako, at nakikilala mo ako. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan!”—Awit 139:1, 14.
10. (a) Sino ang dapat magpasiya kung paano gagamitin ang dugo? (b) Anong malinaw na utos ang ibinigay ng Diyos kay Noe at sa Israel? (c) Anong halimbawa ang nagpapakita na ang dugo ay banal kahit na kung bumangon ang isang biglaang kagipitan?
10 Hindi baga ang matuwid na Tagapag-anyo ng sangkatauhan, ang Disenyador ng ating dugo, ang dapat na Siyang magpasiya kung paano wastong gagamitin ang umaagos na pluwido ng buhay? (Job 36:3) Tiyakang ginawa niya iyan. Sinabi niya sa ating ninunong si Noe: “Tanging ang laman at ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag mong kakanin.” (Genesis 9:4) At sa pag-ulit ng kaniyang Kautusan sa Israel, malinaw na sinabi niya: “Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo, sapagkat ang dugo ay siyang kaluluwa at huwag mong kakanin ang kaluluwa na kasama ng laman. Huwag mong kakainin yaon. Iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.” (Deuteronomio 12:23, 24) Tiyak na ang utos na ito ang nasa isip ni David nang tatlo sa kaniyang mga kawal ay nagsapanganib ng kanilang buhay upang madulutan siya ng inuming tubig na galing sa balon sa Bethlehem. Iyon ay kaniyang “ibinuhos na pinaka-handog kay Jehova,” bilang kumakatawan sa kanilang dugo ng buhay. (2 Samuel 23:15-17) Kahit na sa ganitong gipit na pangyayari ay hindi maaaring ipagwalang-bahala ang kabanalan ng dugo.—Tingnan din ang 1 Samuel 14:31-34.
Sa Kongregasyong Kristiyano
11, 12. (a) Anong lupon na kinasihan ng espiritu ang nagpasiya tungkol sa mga suliranin sa doktrina noong unang siglo? (b) Ang pagkain ng dugo ay inilagay ng lupon na ito bilang kauri ng ano? (c) Bakit ang pagsasalin ng dugo ay katulad na rin ng pagkain ng dugo na pinararaan sa bibig?
11 Iyo bang naguguniguni ang isang malaking silid sa Jerusalem noong unang siglo? Nagkakatipon doon ang mga apostol ni Jesus at ang iba pang mga matatanda ng kongregasyong Kristiyano. Ano ang kanilang paksang pinag-uusapan? Si Pablo at si Bernabe ay naroroon galing sa Antioquia upang iharap sa kanila ang isang suliranin na bumangon doon tungkol sa pagtutuli. Ipinasiya ng konsilyo na ang bagong-kumberting mga Kristiyano ay hindi na kailangang dumaan sa pagtutuli sa laman.—Gawa 15:1, 2, 6, 13, 14, 19, 20.
12 Sa pagpapahayag ng disisyong ito, ang nangungulong matanda, si Santiago, ay nagpahayag ng sumaryo ng mga kahilingan na kapit pa rin sa mga Kristiyano ngayon. Ganito ang sabi niya: “Ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa mga bagay na ito na kailangan, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti [upang taglayin pa rin nito ang dugo] at ang pakikiapid. Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Maging malusog nawa kayo!” (Gawa 15:28, 29) Samakatuwid, ang idolatriya, ang pagkain ng dugo, at ang pakikiapid ay inilagay na magkakauri ayon sa relihiyosong pangangahulugan. Ang mga Kristiyano ay kailangang umiwas sa lahat ng ito upang manatiling may mabuting kalusugan sa espirituwal at makabahagi sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Kung tungkol sa dugo, pareho rin kung ito ay kinakain sa pamamagitan ng bibig o isinasalin sa pamamagitan ng mga ugat. Ang layunin ay pareho—upang sustinihan at pakainin ang katawan. Gaya ng malinaw na ipinakikita ni Santiago, ang hindi pagtanggi sa dugo ay isang paglabag sa batas ng Diyos.
13. (a) Ang pag-iwas sa dugo ay nagbunga ng anong karagdagang proteksiyon para sa mga Saksi ni Jehova? (b) Papaanong ang mga iba pang kautusan ng Diyos ay nagsilbing proteksiyon sa bayan ng Diyos?
13 Ang kasalukuyang paglaganap ng AIDS, hepatitis, at iba pang mga sakit sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo ang nagpapakita na ang mabuting kalusugan ng pangangatawan ay kadalasang resulta rin ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Noong mga sinaunang panahon sa Bibliya, ang Diyos ay nagbigay sa Israel ng espisipikong mga batas sa pagkain, kuwarentenas, kalinisan, at sanitasyon na angkop na angkop sa kanilang pamumuhay sa ilang. (Levitico 11:2-8; 13:2-5; Deuteronomio 23:10-13) Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga regulasyong ito, ang Israel ay hindi lamang nakapanatili sa isang malapit na espirituwal na kaugnayan sa kanilang Diyos kundi sila’y naingatan din laban sa pisikal na mga sakit na dinaranas ng kanilang mga karatig-bansa. Noon lamang nakalipas na siglo naunawaan ng mga mediko ang praktikal na karunungan na nasa likod ng ilan sa mga batas na iyon. Marami ang nakababatid na rin na may kabutihan ang kautusan ng Diyos tungkol sa dugo.
14. Pagka sumusunod ang Israel, anong paggaling at mga pagpapala ang nakakamit nila noon?
14 Pagka sumusunod ang Israel, tinutupad naman ng Diyos sa kanila ang pangako: “Kung iyong diringgin nang buong sikap ang tinig ni Jehova mong Diyos at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata at iyong diringgin ang kaniyang mga utos at iyong gaganapin ang lahat niyang mga regulasyon, wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo na gaya ng inilagay ko sa mga Ehipsiyo; sapagkat ako ay si Jehova na nagpapagaling sa iyo.” At lalong mahalaga, ang pagsunod ang naglagay sa Israel sa hanay ng mga magtatamo ng mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap.—Exodo 15:26; 19:5, 6.
15. Anong halimbawa kamakailan ang nagpapakita kung paano tayo pagpapalain sa pagsunod sa mga regulasyon ng Diyos?
15 Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapahalaga sa maraming pakinabang na ibinibigay ng modernong medisina. Halimbawa, nang isang Kingdom Hall malapit sa Sydney, Australia, ang wasakin ng isang bomba ng terorista noong nakaraang taon at mahigit na 50 ang nasaktang mga Saksi na isinugod sa isang kalapit na ospital, ang mga ito ay napasasalamat na ang mga doktor ay mayroon noon na maraming nakatabing mga pluwido na maaaring isalin kahalili ng dugo. Lahat ng mga nasaktan ay nangakaligtas. Kanilang maipagpapasalamat ang mga pagsasaling ito na naaayon sa mga regulasyon ni Jehova. Isa pang kabutihan, wala sa kanila ang nanganib na maimpeksiyon ng mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng dugo.
“Malinis Buhat sa Dugo ng Lahat ng Tao”
16. Tulad ni Pablo, anong saloobin ang dapat nating ipakita kung tungkol sa banal na paglilingkod?
16 Datapuwat, bumaling uli tayo sa unang siglo. Mga pitong taon ang nakalipas sapol nang marinig ni Pablo at ni Bernabe ang pagpapahayag ni Santiago ng pagbabawal ng idolatriya, dugo, at pakikiapid. Sa loob ng panahong iyan si Pablo ay nakagawa na ng dalawang paglalakbay misyonero na tumatawid sa Asia Minor at nagtutungo sa Silangang Europa. Ngayon, sa kaniyang pagbabalik at pagdaraan sa Mileto, kaniyang nakausap ang mga matatanda sa Efeso, na humayo upang salubungin siya roon. Kaniyang ipinaalaala sa kanila na hindi niya ipinagkait ang kaniyang sarili upang sumama sa kanila sa “pagpapaalipin sa Panginoon na taglay ang totoong kababaan ng isip at sa harap ng mga pagluha at mga pagsubok.” Tayo ba sa ngayon ay mapagsakripisyo-sa-sarili sa pagbibigay ng lahat na maaari nating ibigay sa paglilingkod kay Jehova? Nararapat iyan.—Gawa 20:17-19.
17. Tulad ni Pablo, paano natin dapat ganapin ang ating paglilingkod?
17 Paano nga ginanap ni Pablo ang paglilingkurang iyan? Siya’y nagpatotoo saanman makasumpong siya ng mga tao, lalung-lalo na sa kanilang mga tahanan, at hindi niya isinasaalang-alang kung ano man ang kanilang relihiyon. Hindi siya nagkait ng pagtuturo sa mga matatandang iyon, at walang alinlangan na sila’y kasa-kasama niya sa kaniyang pagtuturo “sa madla at sa bahay-bahay.” Hindi lamang sila ang nakinabang sa masigasig na ministeryo ni Pablo, sapagkat siya’y ‘lubusan na nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa Panginoong Jesus.’ Pansinin ang salitang “lubusan.” Tayo ba sa ngayon ay lubusang nagpapatotoo sa lahat ng uri ng tao, sa lahat ng lahi?—Gawa 20:20, 21; Apocalipsis 14:6, 7.
18. (a) Tulad ni Pablo, paano natin dapat isangkot ang ating kaluluwa sa paglilingkod sa Diyos? (b) Tulad ni Pablo, paano tayo dapat magpatuloy ng paglilingkod sa harap ng lumulubhang mga kagipitan?
18 Ang salitang “lubusan” ay makikita rin sa susunod na pangungusap ni Pablo: “Hindi ko minamahal ang aking kaluluwa na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo ng mabuting balita ng di-sana nararapat na awa ng Diyos.” (Gawa 20:24) Hindi magkakaroon ng halaga ang kaniyang kaluluwa, o buhay, kung hindi niya ginanap sa ganoong paraan ang kaniyang ministeryo. Ganiyan ba rin ang ating nadarama tungkol sa ating ministeryo? Samantalang ang mga huling araw na ito ay patungo sa pagtatapos, at samantalang mga kagipitan, pag-uusig, mga sakit, o pagkakaedad ang dinaranas natin, tayo ba ay makikitaan pa rin ng espiritung tulad ng kay Pablo sa lubusang paghahanap sa “karapat-dapat” na mga tao?—Mateo 10:12, 13; 2 Timoteo 2:3, 4; 4:5, 7.
19. Bakit nasabi ni Pablo na, “Ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao”?
19 Hindi inaasahan ni Pablo na makikita pa niya ang mga matatandang iyon sa Efeso. Gayunman, siya’y may lubos na pagtitiwala kung kaya nasabi niya sa kanila: “Tinatawagan ko kayo na saksihan sa mismong araw na ito na ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.” Paano ngang gayon? Si Pablo ay hindi nagbubo ng dugo sa digmaan. Siya’y hindi kumain ng dugo. Ngunit siya’y lubhang interesado sa buhay ng iba, na kinakatawan ng kanilang dugo. Hindi niya ibig na makita na binabawian sila ng buhay sa Araw ng Paghuhukom ng Diyos dahilan sa hindi niya pagbibigay ng isang lubusang patotoo. Siya’y hindi nagkait ng pagsasabi sa mga matatanda at sa mga iba pa ng “lahat ng payo ng Diyos.”—Gawa 20:26, 27.
20. (a) Kasuwato ng paulit-ulit na babala ni Jehova kay Ezekiel, anong pananagutan ang dapat nating gampanan ngayon? (b) Ano ang resulta sa atin at sa mga nakikinig sa atin?
20 Habang ang “malaking kapighatian” ay palapit nang palapit, lalong kailangan ang apurahang pagpapahayag ng lahat ng payo ng Diyos. Ang situwasyon ay katulad noong mga 2,600 taóng nakalipas nang ang pagpuksa sa Jerusalem ay napipinto. Ang salita ni Jehova ay dumating sa kaniyang propetang si Ezekiel, na nagsasabi: “Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel, at pakinggan mo ang salita sa aking bibig at babalaan mo sila ng galing sa akin. Pagka aking sinabi sa balakyot, ‘Tiyak na mamamatay ka,’ at hindi mo siya binabalaan ni nagsalita ka man upang babalaan ang balakyot para humiwalay sa kaniyang kabalakyutan upang makaligtas siyang buháy, yamang siya’y balakyot, siya’y mamamatay sa kaniyang pagkakasala, ngunit ang kaniyang dugo ay sisingilin ko sa iyong kamay.” (Ezekiel 3:17-21; 33:7-9) Ang pinahirang mga lingkod ni Jehova at ang “malaking pulutong” na kanilang kasama ay may nakakatulad na pananagutan sa ngayon. Ang ating pagpapatotoo ay dapat na maging lubusan. Sa gayon, sa araw ng paghihiganti ng Diyos ay maaari tayong maligtas kasama ang mga nakikinig sa atin.—Isaias 26:20, 21; 1 Timoteo 4:16; Apocalipsis 7:9, 14, 15.
21. Sa anu-anong paraan maaaring ipakita natin ang maka-Diyos na paggalang sa dugo, at ano ang magiging resulta nito?
21 Kung tungkol sa pagkaneutral ng Kristiyano, sa pag-iwas sa dugo, sa pagbibigay ng lubusang patotoo, at sa pananampalataya sa mahal na dugo ni Jesus, hayaang bawat isa sa atin ay maging determinado na sundin ang lahat ng payo ng Diyos. Sa gayo’y maaari tayong makibahagi sa maligayang katuparan ng Awit 33:10-12: “Pinagwatak-watak ni Jehova mismo ang payo ng mga bansa; kaniyang sinugpo ang pag-iisip ng mga bayan. Hanggang sa panahong walang takda tatayo ang mismong payo ni Jehova . . . Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova.”
Paano Mo Sasagutin?
◻ Anong nag-iisang paggamit ng dugo ang nagdudulot ng walang hanggang mga pagpapala?
◻ Paano tayo nakikinabang sa pamamagitan ng pag-iwas sa dugo?
◻ Paano tayo makapananatiling “malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao”?
◻ Anong halimbawa ng pagkalubusan ang dapat nating sundin?
[Blurb sa pahina 26]
Sa The Wall Street Journal ng Marso 20, 1986, ay may artikulong pinamagatang: “Blood Banks Aren’t Safe From AIDS” (Hindi Ligtas sa AIDS ang mga Blood Bank). Ganito ang pambungad na parapo: “Ang U.S. blood supply ay di-gaanong ligtas kaysa ibig ng mga blood bank na papaniwalain tayo. Ang mga pagsasalin ay isang pangunahing daan sa pagpapalaganap ng Acquired Immune Deficiency Syndrome sa kabila pa roon ng kasalukuyang high-risk groups kung ihahambing sa pangkalahatang populasyon. Ang AIDS antibody test na ginagamit upang suriin ang donasyon na dugo ay hindi makagarantiya na lahat ng mga impektadong yunits ay matitiktikan. At lalong malubha, ang mga blood banker ay bantulot na gumawa ng hakbang na magpapasulong sa pagiging ligtas ng mga pagsasalin ng dugo.”