TAMPOK NA PAKSA
Pananaw—Malaki ang Nagagawa!
Sa palagay mo, alin sa mga ito ang may pinakamalaking epekto sa kaligayahan mo?
kalagayan
genes
pananaw
BAKA piliin ng ilan ang “kalagayan,” na sinasabi, “Magiging masaya lang ako . . .
“kung marami akong pera”
“kung maligaya ang pagsasama naming mag-asawa”
“kung malusog ako”
Pero ang totoo, kadalasan nang mas nakalalamang ang pananaw kaysa sa kalagayan at genes pagdating sa kaligayahan. At maganda iyan. Bakit? Dahil di-gaya ng iyong kalagayan o genes—na hindi mo gaanong kontrolado o na wala ka nang magagawa—makokontrol mo ang iyong pananaw.
“NAKABUBUTI BILANG PAMPAGALING”
Sinasabi sa Bibliya: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” (Kawikaan 17:22) Sa ibang salita, malaki ang nagagawa ng pananaw! Makaaapekto ito alinman sa umabot ka ng isang tunguhin o sumuko na, o alinman sa mapatatag ka ng isang trahedya o mapahina nito.
Baka hindi sang-ayon diyan ang ilan. Baka ikatuwiran nila:
‘Bakit ko itatago ang paghihirap ko at magkukunwaring masaya?’
‘Gaanuman ako kapositibo, hindi pa rin mababago nito ang sitwasyon ko.’
‘Mas gugustuhin ko pang magpakatotoo kaysa sa mangarap nang gising.’
Mukhang makatuwiran naman ang mga iyan. Pero may mga bentaha pa rin ang pagkakaroon ng positibong pananaw. Para ilarawan, tingnan ang sumusunod na mga senaryo.
Pinagbuti nina Alex at Brian ang kanilang trabaho sa magkaibang proyekto. Matapos suriin ang kanilang ginawa, sinabi ng superbisor ang mga pagkakamali sa bawat proyekto.
Alex: “Dugo’t pawis na ang pinuhunan ko sa proyektong ito, pero hindi ko pa rin ito nagawa nang tama! Hindi ko talaga linya ang trabahong ’to. Subsob na nga ako sa trabaho, kulang pa rin. Kaya bakit pa ’ko magpapakapagod?”
Brian: “Binigyang-pansin ng boss ko ang mga nagustuhan niya sa trabaho ko, pero meron pa rin akong ilang pagkakamali. May mahahalagang bagay akong natutuhan na magagamit ko sa susunod.”
ANO SA PALAGAY MO?
Anim na buwan mula ngayon, sino ang magiging mas mahusay na empleado—si Alex o si Brian?
Kung isa kang employer, sino sa dalawa ang mas malamang na kunin mo o panatilihin sa trabaho?
Kapag nabibigo ka, sino sa dalawa ang kapareho mo ng reaksiyon?
Sina Andrea at Brittney ay nalulungkot paminsan-minsan. Magkaiba ang paraan nila ng pagharap sa sitwasyon.
Si Andrea ay nakapokus sa sarili niya. Gagawa lang siya ng mga bagay para sa iba kung sila ang unang gagawa nito para sa kaniya. Katuwiran niya, ‘Bakit ako mag-aaksaya ng panahon sa iba kung wala naman itong kapalit?’
Si Brittney ay nagsisikap na maging mabait sa mga tao at gumawa ng mga bagay para sa iba, pahalagahan man nila iyon o hindi. Sinusunod niya ang Gintong Aral—tratuhin ang iba kung paano niya gustong tratuhin siya. (Lucas 6:31) Para kay Brittney, ang paggawa mismo ng mabuti ay isa nang kasiyahan.
ANO SA PALAGAY MO?
Sino sa dalawang ito ang gusto mong maging kaibigan?
Sino sa dalawa ang mas malamang na maging masaya sa kaniyang pakikisama sa iba?
Kapag nalulungkot ka, katulad ka ba ni Andrea o ni Brittney?
May kilala ka sigurong kagaya nina Brian at Brittney. Baka iniisip mo pa ngang kagaya ka nila. Kung oo, tiyak na makikita mong malaki ang nagagawa ng pananaw mo. Pero paano kung kagaya ka ni Alex o ni Andrea? Tingnan ang tatlong paraan kung paano ka matutulungan ng Bibliya.
1 IWASAN ANG PAGIGING NEGATIBO
SABI NG BIBLIYA: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.”—Kawikaan 24:10.
ANG KAHULUGAN NITO: Ang pagiging negatibo ay uubos ng lakas na kailangan mo para maayos o maharap ang iyong sitwasyon.
HALIMBAWA: Malungkot ang buhay ni Juliza noong bata siya. Lasenggo ang tatay niya, at mahirap lang ang pamilya nila. Palipat-lipat sila ng tirahan. Noon, negatibo ang pananaw ni Juliza sa buhay. Pero nagbago iyon. Ano ang nakatulong? “Bago pa man mapagtagumpayan ng mga magulang ko ang mga problema nila,” ang sabi ni Juliza, “natulungan na ako ng Bibliya na magkaroon ng magandang pananaw sa buhay. At hanggang ngayon, natutulungan pa rin ako ng Bibliya na maiwasan ang mga negatibong kaisipan. Kaya kapag may ipinakikitang ugali ang iba na hindi ko gusto, inuunawa ko na lang kung bakit sila gano’n.”
Gaya ng natutuhan ni Juliza, ang Bibliya ay isang aklat ng magagandang simulain. Matutulungan ka ng mga payo nito na makayanan ang mahihirap na kalagayan. Halimbawa, sinasabi sa Efeso 4:23: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip.”
Gaya ng ipinahihiwatig ng tekstong iyan, puwedeng “magbago” ang iyong pananaw. At ang pagbabagong ito ay patuluyan.
2 MAGPOKUS SA POSITIBONG BAGAY
SABI NG BIBLIYA: “Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama, ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.”—Kawikaan 15:15.
ANG KAHULUGAN NITO: Kapag lagi kang negatibo, ‘mapipighati’ ka at laging “masama,” o malungkot, ang araw mo. Pero kapag nakapokus ka sa mga bagay na positibo, magkakaroon ka ng “mabuting puso” at magiging masaya pa nga. Nasa iyo ang pagpili.
HALIMBAWA: Matapos ang ilang operasyon dahil sa brain tumor, naapektuhan ang pagkilos at pagsasalita ni Yanko. Ilang taon siyang nasiraan ng loob dahil inisip niyang hindi na niya maaabot ang mga tunguhin niya. Pero nagbago siya ng pananaw. Paano? “Sa halip na magpokus sa mga limitasyon ko,” ang sabi niya, “natutuhan kong magtuon ng pansin sa mga nakapagpapatibay na bagay.”
Para magawa iyan, palaging binabasa ni Yanko ang Bibliya. “Nakatulong ito para manatili akong positibo,” ang sabi niya. “Hindi ko naman kinakalimutan ang aking pangmatagalang mga tunguhin, pero nakapokus ako sa mas madadaling tunguhin na puwede kong abutin sa ngayon. Kapag sumasagi sa isip ko ang mga bagay na nakasisira ng loob, inaalaala ko ang maraming dahilan para maging masaya.”
Gaya ni Yanko, puwede mo ring alisin ang mga negatibong kaisipan at palitan ito ng mga bagay na positibo. Kapag napapaharap ka sa mahihirap na kalagayan—marahil isang karamdaman, gaya ng kay Yanko—tanungin ang sarili: ‘Talaga nga bang wala na akong pag-asa? Hanggang dito na lang ba ako, o may magagawa pa ako?’ Patuloy na alisin ang mga negatibong kaisipan at laging isipin ang mga bagay na nakapagpapatibay.
3 ISIPIN ANG IBA
SABI NG BIBLIYA: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
ANG KAHULUGAN NITO: Ang pagbibigay ay nagdudulot ng tunay na kasiyahan sa nagbibigay. Bakit? Kasi, nilalang tayo hindi lang para magtuon ng pansin sa ating sariling pangangailangan. (Filipos 2:3, 4; 1 Juan 4:11) Dahil sa kagalakang nadarama natin sa pagbibigay, nakakayanan natin ang mahihirap na kalagayan sa buhay.
HALIMBAWA: Si Josué ay may spina bifida, isang malubhang sakit sa gulugod. Madalas siyang pinahihirapan ng sakit na ito. Pero masaya pa rin si Josué dahil nakatutulong siya sa iba. “Sa halip na sabihing, ‘Hindi ko kayang gawin iyon,’” ang sabi ni Josué, “nag-eenjoy ako habang nag-iisip ng mga praktikal na paraan para makatulong sa mga tao. Naghahanap ako ng mga paraan para makagawa ng mga bagay para sa iba, at iyan ang nagpapasaya sa akin.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Humanap ng mga pagkakataong maging mapagsakripisyo. Halimbawa, puwede ka bang maghanda ng pagkain para sa iyong may-sakit na kapitbahay? May kilala ka bang may-edad na kailangang tulungan sa mga gawaing-bahay?
Ingatan ang iyong pananaw gaya ng pag-aalaga sa isang hardin. Bunutin ang mga mapanirang damo ng pagiging negatibo. Magtanim ng mga binhi ng pagiging positibo, at lagyan ng pataba ang iyong buhay sa pamamagitan ng mga gawaing magpapasaya sa iyo. Mag-aani ka ng positibong mga bunga na magpapaligaya sa buhay mo. At patutunayan nito na talagang malaki ang nagagawa ng pananaw!
Dahil sa kalusugan, may mga taong tumatanggi sa ilang uri ng pagkain; puwede mo ring gawin iyan sa mga negatibong pananaw