Isang Makabuluhang Buhay—Ngayon at Magpakailanman
MAAARING maging makabuluhan ang iyong buhay ngayon pa lang. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa magagandang simulaing nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Suriin natin ang ilan sa mga ito.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Wala nang mas mabuti” para sa isang tao, ang sabi ni Haring Solomon, “kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.”—ECLESIASTES 2:24.
Likas sa atin na masiyahan sa kapaki-pakinabang na gawain. Kahit sa napakahihirap na kalagayan sa ngayon, puwede ka pa ring masiyahan sa buhay dahil sa iyong mahusay at tapat na paggawa.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.
Napatunayan ng marami na sa paggawa ng mga bagay para sa iba—halimbawa, pagbibigay ng panahon at lakas para tulungan ang iba kapag may problema sila—talagang nagiging kasiya-siya at makabuluhan ang kanilang buhay. “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan,” ang sabi ni Solomon, “kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.”—Kawikaan 3:27.
Tingnan ang halimbawa ni Ralph. Pagkatapos mag-retire sa trabaho, naglingkod na rin siya nang buong panahon sa ministeryong Kristiyano kasama ng kaniyang asawa. Pareho silang gumugugol ng maraming oras bawat buwan sa ministeryo, anupat inilaan na ang kanilang sarili sa pagtuturo ng Bibliya sa iba. “Pag-uwi namin sa gabi, ramdam namin ang pagod hindi lang dahil sa matatanda na kami kundi dahil din sa maghapong paglilingkod sa ating Ama sa langit,” ang sabi ni Ralph. “Pero sulit naman ang lahat ng pagod namin!” Masaya silang mag-asawa dahil nakasentro ang buhay nila sa pagbibigay.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—KAWIKAAN 17:17.
Gumagaan ang problema kapag may karamay ka. Sinabi ng Ingles na manunulat na si Francis Bacon na para sa mga taong walang tunay na mga kaibigan, “ang daigdig ay parang disyerto.” Ang pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan—at ang pagiging isang mabuting kaibigan—ay nagpapagaan sa iyong buhay; ito ay nagiging maganda at kasiya-siya.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—MATEO 5:3.
Tinukoy rito ni Jesus ang isang napakahalagang bagay na dapat gawin kung gusto mong makita ang katuparan ng mga pangako ng Diyos—kilalanin at sapatan ang iyong “espirituwal na pangangailangan.” Di-tulad ng mga hayop, mayroon tayong likas na pangangailangang maunawaan ang kahulugan at layunin ng buhay. Ang Diyos na Jehova lamang ang makasasapat dito sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Gaya ng nabasa natin sa nakaraang artikulo, sinasabi ng Bibliya kung ano ang layunin ng Diyos para sa lupa. Sinasabi rin nito kung bakit tayo narito, kung bakit napakaraming pagdurusa, at kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos. Mahalagang maunawaan ang mga katotohanang ito sa Kasulatan para maging makabuluhan ang ating buhay. Maligaya ang mga taong nag-aaral ng Bibliya at nagkakapit ng kanilang natututuhan. Bakit? Dahil nagkakaroon sila ng matibay na kaugnayan sa ating Maylalang, ang “maligayang Diyos,” si Jehova.—1 Timoteo 1:11.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Alalahanin mo ang iyong Maylalang . . . bago dumating ang panahon ng kaguluhan at bago sumapit ang mga taon na iyong sasabihin, ‘Wala akong makitang layunin sa mga iyon.’”—ECLESIASTES 12:1, THE NEW ENGLISH BIBLE.
Mahalaga sa ating lahat ang payo ni Haring Solomon sa mga kabataan, na maaaring wala pang ideya sa mga trahedyang puwedeng dumating sa buhay ng isang tao. Gawing sentro ng iyong buhay ang Maylalang. Iyan ang magbibigay ng tunay na layunin sa iyong buhay. Iwasan ang saloobing ito: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Corinto 15:32) Kung uunahin mo ang Diyos, “magiging mabuti ang kalalabasan” ng mga bagay-bagay para sa iyo, ang sabi ng Eclesiastes 8:12.
Napatunayan iyan ni Wendi. Noong kabataan pa siya at ang kaniyang kapatid, nag-aral sila ng Kastila para makalipat sa Dominican Republic na nangangailangan ng karagdagang mángangarál ng mabuting balita ng Bibliya. “Bagaman marami kaming isinakripisyo para makapaglingkod kung saan may pangangailangan, enjoy na enjoy naman kami. Hindi ko ipagpapalit sa anupaman ang anim na buwan naming karanasan! Bale-wala ang mga sakripisyo namin kumpara sa mga pagpapalang tinanggap namin.”
Nagiging Makabuluhan ang Buhay Kapag Tapat sa Diyos
Kapag matibay ang iyong kaugnayan kay Jehova, maaaring maging makabuluhan ang iyong buhay sa isang natatanging paraan. Paano? Hindi lang inakay ni Satanas sina Adan at Eva na magrebelde sa pamamahala ng Diyos, kundi ipinahiwatig din niya na walang sinumang mananatiling tapat sa Diyos kapag nalagay sa pagsubok. (Job 1:9-11; 2:4) Makatutulong ka na patunayang sinungaling si Satanas! Paano? Sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Diyos, pagsunod sa kaniyang mga simulain, at pagpapakitang kinikilala mong si Jehova lamang ang may karapatang magsabi sa atin kung ano ang tama o mali.—Apocalipsis 4:11.
Baka kailangan nating magtiis ng mga pagsubok kung gusto nating gawin ang tama. Mawawalan kaya ng kabuluhan ang ating buhay dahil sa mga pagsubok na iyon? Halimbawa, isang masamang kaaway ang naninira sa ating mahal na kaibigan o kapamilya. Kung dahil sa pagtatanggol sa pangalan niya ay magdusa tayo sa kamay ng kaaway, mawawalan na ba ng kabuluhan ang ating buhay? Siyempre hindi! Matutuwa pa nga tayong magtiis, maipagtanggol lang siya. Ganiyan din ang pananatiling tapat sa Diyos. Napasasaya natin si Jehova sa pananatili nating tapat sa kabila ng mahihirap na kalagayan sa ngayon.—Kawikaan 27:11.
Makabuluhang Buhay Magpakailanman
Gawin mo ang iyong buong makakaya para matuto ng maraming bagay tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin. Sinabi mismo ni Jesu-Kristo: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kapag tinupad na ng Diyos ang kaniyang orihinal na layunin sa lupa, ang tapat na mga tao ay masisiyahan sa orihinal na layunin ni Jehova para sa kanila—“buhay na walang hanggan” sa paraisong lupa. Kung gayon, magiging kasiya-siya at makabuluhan ang buhay.—Awit 145:16.
Saan mo makukuha ang kaalamang tinutukoy ni Jesus? Makukuha mo ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kung kailangan mo ng tulong, sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Isasaayos nila na may dumalaw sa iyo para tulungan kang malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.