Walang-Hanggang Kaligayahan ang Naghihintay sa Maka-Diyos na mga Tagapagbigay
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—JUAN 3:16.
1, 2. (a) Sino ang pinakadakilang Tagapagbigay, at ano ang kaniyang pinakadakilang kaloob sa sangkatauhan? (b) Sa pagbibigay ng kaniyang pinakadakilang kaloob, anong katangian ang ipinakita ng Diyos?
ANG Diyos na Jehova ang pinakadakilang Tagapagbigay sa lahat. Siya ang tinutukoy, bilang ang Maylikha ng langit at lupa, nang ang Kristiyanong alagad na si Santiago ay sumulat: “Bawat mabubuting kaloob at bawat sakdal na handog ay buhat sa itaas, sapagkat bumababa buhat sa Ama ng makalangit na liwanag, na walang pagbabago ni kahit anino man ng pag-iiba.” (Santiago 1:17) Si Jehova ang Tagapagbigay rin naman ng pinakadakilang kaloob na maibibigay kailanman. Tungkol sa kaniyang pinakadakilang kaloob sa sangkatauhan, ganito ang sinabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
2 Ang nagsalita niyan ay walang iba kundi ang bugtong na Anak ng Diyos mismo. Bilang bugtong na anak ng isang ama ay natural lamang na magpahalaga at magmahal siya sa gayong ama bilang bukal ng kaniyang buhay at ng lahat ng mabubuting bagay na inilaan sa kaniyang ikaliligaya sa buhay. Subalit ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang sa kaisa-isang Anak na ito natipon. Ang pagpapalawak ng gayong kaloob upang kamtin din ng ibang nilalang niya ay pagpapakita ng pambihirang pagsasagawa ng pag-ibig ng Diyos. (Ihambing ang Roma 5:8-10.) Ito’y lalo nang makikita pagka ating sinuri ang talagang kahulugan ng salitang “ibinigay” sa kontekstong ito.
“Ang Anak ng Kaniyang Pag-ibig” na Kaloob ng Diyos
3. Bukod sa “[ang] Anak ng kaniyang pag-ibig,” sino pa ang nagtamasa ng pag-ibig ng makalangit na Ama?
3 Sa loob ng di-nasasabing haba ng panahon, ang Diyos ay nagtamasa ng personal na kaugnayan sa kaniyang bugtong na Anak—“ang Anak ng kaniyang pag-ibig”—sa kalangitan. (Colosas 1:13) Sa loob ng buong panahong iyan, ang Ama at ang Anak ay lumaki sa pag-ibig at pagmamahal sa isa’t isa na anupa’t wala pang nag-iibigan sa isa’t isa na gaya ng kanilang pag-iibigan. Ang ibang mga kinapal na nilalang ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang bugtong na Anak ay iniibig din bilang mga miyembro ng banal na pamilya ni Jehova. Sa gayon, ang pag-ibig ay umiral sa buong pamilya ng Diyos. Tama naman ang pagkasabi sa banal na Kasulatan na ang “Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang banal na pamilya ay samakatuwid, bubuuin ng mga kinapal na iniibig ng Ama, ang Diyos na Jehova.
4. Papaanong sa pagbibigay ng Diyos ng kaniyang Anak ay higit pa ang kahulugan kaysa pagkawala lamang ng personal na ugnayan, at alang-alang kanino?
4 Napakalapit ang ugnayan ni Jehova at ng kaniyang panganay na Anak kung kaya’t ang pagkaputol ng gayong matalik na ugnayan ay isang napakalaking pagkawala. (Colosas 1:15) Subalit ang ‘pagbibigay’ ng bugtong na Anak na ito ay higit pa ang kahulugan kaysa pagkakait lamang ng Diyos sa kaniyang sarili ng personal na kaugnayan sa “[ang] Anak ng kaniyang pag-ibig.” Ito’y humangga pa sa pagpapahintulot ni Jehova sa kaniyang Anak na dumanas ng kamatayan at sa gayon ay pansamantalang mawala sa pag-iral bilang isang miyembro ng pansansinukob na pamilya ng Diyos. Ito ay isang kamatayan alang-alang sa mga kailanman ay hindi naging bahagi ng pamilya ng Diyos. Wala nang lalong dakilang kaloob na maibibigay si Jehova alang-alang sa nangangailangang sangkatauhan kundi ang kaniyang bugtong na Anak, na tinutukoy din ng Kasulatan bilang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.”—Apocalipsis 3:14.
5. (a) Ano ang naging kalagayan ng mga supling ni Adan, at batay sa katarungan ng Diyos, ano ang kakailanganin sa bahagi ng isa sa Kaniyang tapat na mga anak? (b) Dahilan sa pinakadakilang kaloob ng Diyos, ano ang kakailanganin sa bahagi niya?
5 Ang unang mag-asawa, si Adan at si Eva, ay hindi nagpatuloy sa kanilang dako bilang mga miyembro ng pamilya ng Diyos. Ganiyan ang kanilang kalagayan pagkatapos na palabasin sa halamanan ng Eden dahilan sa pagkakasala laban sa Diyos. Sila ngayon ay hindi lamang inalisan ng karapatan na maging mga miyembro ng pamilya ng Diyos kundi sila’y nasa ilalim din ng sentensiyang kamatayan. Samakatuwid, ang suliranin ay hindi lamang ang pagsasauli sa kanilang mga supling sa pabor ng Diyos bilang mga miyembro ng kaniyang pamilya kundi may kinalaman din sa pag-aalis sa kanila ng banal na sentensiyang kamatayan. Batay sa pagpapataw ng banal na katarungan, kakailanganin dito na isa sa tapat na mga anak ng Diyos na Jehova ay makaranas ng kamatayan bilang isang panghalili, o isang pantubos. Sa gayon, ang malaking katanungan ay: Ang isa bang pipiliin ay handang dumanas ng gayong kamatayan ng isang kahalili alang-alang sa mga taong makasalanan? Isa pa, upang mapangyari ito ay kakailanganin ang isang himala sa bahagi ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Kakailanganin din ang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa antas na walang-katulad.—Roma 8:32.
6. Papaanong ang Anak ng Diyos ay nakaabot sa hinihiling ng kalagayan ng makasalanang sangkatauhan, at ano ang kaniyang sinabi tungkol dito?
6 Tanging ang panganay na Anak ni Jehova ang makaaabot sa hinihiling ng kalagayan ng makasalanang sangkatauhan. Siya’y isang mismong larawan ng kaniyang makalangit na Ama sa pagpapakita ng pagmamahal sa mga miyembro ng banal na nilikhang pamilya na anupa’t wala siyang katulad sa mga anak ng Diyos. Yamang lahat ng iba pang intelihenteng mga nilalang ay umiral sa pamamagitan niya, ang kaniyang pagmamahal sa kanila ay tiyak na sasagana. Bukod diyan, ang pag-ibig ay isang dominanteng katangian ng bugtong na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, sapagkat “siya ay sinag ng kaluwalhatian [ng Diyos] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili.” (Hebreo 1:3) Upang ipakita ang kaniyang pagkalugod na ipahayag ang pag-ibig na ito sa pinakadakilang antas sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa makasalanang sangkatauhan, sinabi ni Jesus sa kaniyang 12 apostol: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.”—Marcos 10:45; tingnan din ang Juan 15:13.
7, 8. (a) Ano ang motibo ni Jehova sa pagsusugo kay Jesu-Kristo sa sanlibutan ng sangkatauhan? (b) Anong uri ng misyon ang pinagsuguan ng Diyos sa kaniyang bugtong na Anak?
7 Ang Diyos na Jehova ay may isang natatanging dahilan sa pagsusugo kay Jesus sa dukhang sanlibutang ito ng sangkatauhan. Ang pag-ibig ng Diyos ang motibo sa paggawa nito, sapagkat si Jesus mismo ay nagsabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”—Juan 3:16, 17.
8 Sa isang misyon ng kaligtasan maibiging sinugo ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak. Ang kaniyang Anak ay hindi sinugo rito ng Diyos upang humatol sa sanlibutan. Kung ang Anak ng Diyos ay sinugo sa gayong isang misyon ng paghatol, disin sana’y walang pag-asa ang kinabukasan ng lahat ng tao. Ang sentensiyang hatol na kamatayan ang disin sana’y iginawad ni Jesu-Kristo sa sangkatauhan. (Roma 5:12) Sa gayon, sa pamamagitan ng pambihirang kapahayagang ito ng pag-ibig ng Diyos, ang sentensiyang kamatayan ay tinimbangan ng Diyos ng hinihiling ng ganap na katarungan.
9. Ano ang nadama ng salmistang si David tungkol sa pagbibigay ni Jehova?
9 Sa lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova ay nagpapahayag at nagpapakita ng pag-ibig bilang nakahihigit sa lahat na katangian ng kaniyang personalidad. At tama namang masasabi na maibiging binibigyan ng Diyos ang kaniyang tapat na mga mananamba sa lupa nang higit kaysa kailangan kung tungkol din lamang sa mabubuting bagay. Ganiyan ang nadama ng salmistang si David tungkol sa bagay na iyan nang kaniyang sabihin sa Diyos: “Saganang-sagana ang iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa kanila na natatakot sa iyo! Na iyong ginawa sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo, sa harap ng mga anak ng mga tao.” (Awit 31:19) Nang naghahari si David sa bansang Israel—oo, sa buong buhay niya bilang isang miyembro ng bansang iyan na pantanging pinili ng Diyos—malimit na siya’y nakararanas ng kabutihan ni Jehova. At nasumpungan ni David na iyon ay saganang-sagana.
Naiwala ng Israel ang Isang Dakilang Kaloob Buhat sa Diyos
10. Bakit ang sinaunang Israel ay di-tulad ng alinmang ibang bansa sa lupa?
10 Sa pagsamba kay Jehova bilang Diyos, ang sinaunang Israel ay di-tulad ng alinmang ibang bansa sa lupa. Sa pamamagitan ng propetang si Moises bilang isang namamagitan, ang mga inapo ni Abraham, Isaac, at Jacob ay inilakip ni Jehova sa isang kaugnayan ng pakikipagtipan sa kaniya. Hindi siya nakitungo sa anumang ibang bansa sa ganitong paraan. Kaya naman, ang kinasihang salmista ay bumulalas: “Kaniyang ipinababatid ang kaniyang salita kay Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel. Siya’y hindi gumawa ng gayon sa alinmang bansa; at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao!”—Awit 147:19, 20.
11. Hanggang kailan nagtamasa ang Israel ng kaniyang pinagpalang katayuan sa harap ng Diyos, at papaano ipinahayag ni Jesus ang pagbabago sa kanilang kaugnayan?
11 Ang bansa ng likas na Israel ay nagpatuloy sa pinagpalang kaugnayan nito sa Diyos hanggang sa tanggihan nito si Jesu-Kristo bilang ang Mesiyas noong taóng 33 ng ating Panlahatang Panahon (C.E.). Tunay na isang malungkot na araw iyon para sa Israel nang mamutawi kay Jesus ang ganitong naghihinagpis na bulalas: “Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya,—makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa inyo.” (Mateo 23:37, 38) Ang mga salita ni Jesus ay nagpapakita na bagaman dating pinagpapala ni Jehova ang bansang Israel gayunma’y naiwala nito ang isang pantanging kaloob buhat sa Diyos. Sa papaano nga?
12. Sino ang ‘mga anak ng Jerusalem,’ at ano ang kakailanganin na gawin ni Jesus upang matipon silang sama-sama?
12 Sa pamamagitan ng paggamit sa terminong “mga anak,” walang tinutukoy si Jesus kundi ang likas na tinuling mga Judio na naninirahan sa Israel at kumakatawan sa buong bansang Judio. Para matipon ni Jesus ang ‘mga anak ng Jerusalem’ ay kakailanganin na ang “mga anak” na ito ay dalhin niya sa isang bagong pakikipagtipan sa Diyos, na siya mismo ang nagsisilbing Tagapamagitan kay Jehova at sa likas na mga Judiong ito. (Jeremias 31:31-34) Ang magiging resulta nito ay ang kapatawaran ng mga kasalanan, sapagkat ganiyang kalawak ang pag-ibig ng Diyos. (Ihambing ang Malakias 1:2.) Tunay na ito’y isang dakilang kaloob nga.
13. Ano ang naiwala sa pagtanggi ng Israel sa Anak ng Diyos, ngunit bakit ang kagalakan ni Jehova ay nagpatuloy nang walang pagbabago?
13 Kasuwato ng kaniyang makahulang Salita, si Jehova ay naghintay ng makatuwirang haba ng panahon bago ipinaabot sa mga di-Judio ang kaloob na pagiging mga kasali sa bagong tipan. Subalit sa pagtanggi sa sariling Anak ng Diyos, ang Mesiyas, naiwala ng bansa ng likas na Israel ang dakilang kaloob na ito. Kaya tinimbangan ni Jehova ang pagtanggi sa kaniyang Anak sa pamamagitan ng pagpapaabot ng kaloob na ito sa mga bansang di-Judio. Sa ganiyang paraan, ang kagalakan ni Jehova bilang ang Dakilang Tagapagbigay ay nagpatuloy nang walang-pagbabago.
Ang Kaligayahan ng Pagbibigay
14. Bakit si Jesu-Kristo ang pinakamaligayang nilikha sa buong uniberso?
14 Si Jehova “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Ang pagbibigay sa iba ay isang bagay na nagpapaligaya sa kaniya. At noong unang siglo C.E., sinabi ng kaniyang bugtong na Anak: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kasuwato ng simulaing ito, si Jesus ang naging pinakamaligayang nilikha ng Maylikha ng buong uniberso. Sa papaano? Bueno, susunod sa Diyos na Jehova mismo, si Jesu-Kristo ang nagbigay ng pinakadakilang kaloob sa lahat sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang buhay ukol sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sa katunayan, siya ang ‘maligayang Makapangyarihang Hari.’ (1 Timoteo 6:15) Sa gayon ay si Jesus ang halimbawa ng kaniyang sinabi tungkol sa may lalong malaking kaligayahan ang magbigay.
15. Si Jehova ay hindi kailanman hihinto ng pagiging halimbawa ng ano, at papaano makararanas ang kaniyang intelihenteng mga nilalang ng isang bahagi ng kaniyang kaligayahan?
15 Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang Diyos na Jehova ay hindi kailanman hihinto ng pagiging isang bukás-palad na Tagapagbigay sa lahat ng kaniyang intelihenteng mga nilalang at siya sa tuwina ang kanilang pinakamagaling na halimbawa ng pagbibigay. Kung papaanong nalulugod ang Diyos ng pagbibigay ng mabuting kaloob sa iba, gayon niya inilagay ang espiritu ng pagkabukaś-palad sa mga puso ng kaniyang intelihenteng mga nilalang sa lupa. Sa ganiyang paraan kanilang pinasisikat at tinutularan ang kaniyang personalidad at sila’y nakararanas ng isang bahagi ng kaniyang kaligayahan. (Genesis 1:26; Efeso 5:1) Angkop naman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Ibubuhos nila iyon sa inyong kandungan na takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat, ay doon din naman kayo susukatin.”—Lucas 6:38.
16. Anong pagbibigay ang tinukoy ni Jesus sa Lucas 6:38?
16 Si Jesus ay nagpakita ng isang napakainam na halimbawa sa inugali niya na pagbibigay sa kaniyang mga alagad na isang hakbangin na dapat sundin. Sinabi niya na magkakaroon ng isang magandang pagtugon sa gayong pagbibigay ang mga tumatanggap. Sa Lucas 6:38, hindi lamang ang pagbibigay ng materyal na mga kaloob ang tinutukoy ni Jesus. Hindi niya sinasabi sa kaniyang mga alagad na sumunod sa isang hakbangin na magpapaging-dukha sa kanila sa materyal na mga bagay. Sa halip, kaniyang inaakay sila sa isang hakbangin na magbibigay sa kanila ng pagkadama na nasapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan.
Tiyak ang Walang-Hanggang Kaligayahan
17. Anong kahanga-hangang kaloob ang ibinigay ng Diyos sa kaniyang mga Saksi sa mga huling araw na ito?
17 Anong kahanga-hangang kaloob ang ibinigay ni Jehova, na Ulo ng lahat ng nilalang, sa kaniyang mga Saksi sa mga huling araw na ito! Ibinigay niya sa atin ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian. Taglay natin ang dakilang pribilehiyo ng pagiging tagapagbalita ng natatatag na Kaharian ng Diyos sa kamay ng kaniyang nagpupunong Anak, si Jesu-Kristo. (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Ang pagiging tagapagbalitang mga Saksi ng Kataas-taasang Diyos ay isang kaloob na walang makakatulad, at ang pinakamagaling na paraan na tayo’y patuloy na makapagbibigay bilang pagtulad sa Diyos ay ang ibahagi sa iba ang balita ng Kaharian bago matapos ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay.
18. Bilang mga Saksi ni Jehova, ano ang kailangan nating ibigay sa iba?
18 Tinukoy ni apostol Pablo ang mga kahirapan na kailangang danasin niya nang inihahayag sa iba ang balita ng Kaharian. (2 Corinto 11:23-27) Ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ay kailangan ding dumanas ng mga kahirapan at isa-isantabi ang personal na mga kagustuhan sa pagsisikap na madalhan ang iba ng pag-asa ng Kaharian. Baka tayo ay hindi mahilig pumunta sa bahay-bahay, lalo na kung tayo ay mahiyain. Subalit bilang mga tagasunod ni Kristo, hindi natin maiiwasan, o maiilagan ang pribilehiyo ng pagbibigay sa iba ng espirituwal na mga bagay sa pamamagitan ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Tayo’y kailangang may katulad na saloobin ni Jesus. Nang mapaharap sa kamatayan, siya’y nanalangin: “Ama ko, . . . hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo ang maganap.” (Mateo 26:39) Sa bagay na pagbibigay sa iba ng mabuting balita ng Kaharian, kailangang gawin ng mga lingkod ni Jehova ang kalooban ng Diyos, hindi ang kanilang sariling kalooban—ang ibig niya, hindi ang ibig nila.
19. Sino ang mga May-ari ng “walang-hanggang mga tahanang dako,” at papaano natin sila magiging mga kaibigan?
19 Ang gayong pagbibigay ay gugugol ng ating panahon at mga tinatangkilik, subalit kung tayo’y maka-Diyos na mga tagapagbigay, tinitiyak natin na ang ating kaligayahan ay magiging walang-hanggan. Bakit? Sapagkat sinabi ni Jesus: “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan [“makasanlibutang kayamanan,” New International Version], upang, kung mabigo ang gayon, kayo’y tanggapin nila sa walang-hanggang mga tahanang dako.” (Lucas 16:9) Dapat na layunin natin na gamitin ang “di-matuwid na kayamanan” upang makipagkaibigan sa mga May-ari ng “walang-hanggang mga tahanang dako.” Bilang ang Maylikha, si Jehova ang may-ari ng lahat ng bagay, at ang kaniyang panganay na Anak ay may bahagi sa pag-aaring iyan bilang Tagapagmana ng lahat ng bagay. (Awit 50:10-12; Hebreo 1:1, 2) Upang sila’y maging mga kaibigan natin, kailangang gamitin natin ang mga kayamanan sa paraan na may pagsang-ayon nila. Kasali na rito ang pagkakaroon ng tamang saloobin sa paggamit sa materyal na mga bagay ukol sa kapakinabangan ng iba. (Ihambing ang Mateo 6:3, 4; 2 Corinto 9:7.) Magagamit natin ang salapi sa tamang paraan upang pagtibayin ang ating pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Halimbawa, ginagawa natin ito sa pamamagitan ng masasayang paggamit sa mga bagay na mayroon tayo upang tulungan ang mga tao na may tunay na pangangailangan at sa paggugol ng ating tinatangkilik upang mapalawak ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos.—Kawikaan 19:17; Mateo 6:33.
20. (a) Bakit tayo madadala ni Jehova at ni Jesus sa “walang-hanggang mga tahanang dako,” at saan naroroon ang mga dakong ito? (b) Ano ang magiging pribilehiyo natin sa panahong walang-hanggan?
20 Dahilan sa kanilang pagkawalang-kamatayan, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay maaari nating maging mga Kaibigan magpakailanman at kanilang madadala tayo sa “walang-hanggang mga tahanang dako.” Gayon nga maging ito man ay sa langit kasama ng lahat ng banal na mga anghel o sa lupang ito sa naisauling Paraiso. (Lucas 23:43) Ang maibiging pagkakaloob sa atin ng Diyos kay Jesu-Kristo ang dahilan na lahat na ito ay posible. (Juan 3:16) At gagamitin ng Diyos na Jehova si Jesus upang patuloy na bigyan ang lahat ng mga nilalang, sa Kaniyang sariling pambihirang kaligayahan. Sa katunayan, sa buong walang-hanggan tayo mismo ay magkakaroon ng pribilehiyo ng pagbibigay sa ilalim ng pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova at ng paghahari ng kaniyang bugtong na Anak, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo. Ito’y magbubunga ng walang-hanggang kaligayahan para sa lahat ng maka-Diyos na mga tagapagbigay.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang kakailanganin sa bahagi ng Diyos ng pagbibigay niya ng kaniyang pinakadakilang kaloob?
◻ Sa anong uri ng misyon sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak?
◻ Sino ang pinakamaligayang nilalang sa buong uniberso, at bakit?
◻ Papaano makararanas ng walang-hanggang kaligayahan ang maka-Diyos na mga tagapagbigay?
[Larawan sa pahina 10]
Pinahahalagahan mo ba ang pagkakaloob ng Diyos sa kaniyang Anak bilang isang haing pantubos?
[Mga larawan sa pahina 12]
Iyo bang hinahanap muna ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita at ng pagtustos sa gawaing iyan sa pamamagitan ng iyong tinatangkilik?