ARAW NG PAGHUHUKOM
Isang espesipikong “araw,” o yugto, ng paghatol kung kailan pinapagsusulit ng Diyos ang partikular na mga grupo, mga bansa, o ang sangkatauhan sa pangkalahatan. Maaaring ito ay panahon ng pagpuksa sa mga taong nahatulan nang karapat-dapat sa kamatayan, o maaaring ang paghatol ay makapaglaan ng pagkakataon upang ang iba ay maligtas o magtamo pa nga ng buhay na walang hanggan. Tinukoy ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol ang isang “Araw ng Paghuhukom” sa hinaharap kung kailan hahatulan hindi lamang ang mga buháy kundi pati ang mga namatay na.—Mat 10:15; 11:21-24; 12:41, 42; 2Ti 4:1, 2.
Nakaraang mga Panahon ng Paghatol. Noong nagdaang mga panahon, pinapagsulit ni Jehova ang mga bayan at mga bansa dahil sa kanilang mga ginawa. Inilapat niya ang kaniyang mga kahatulan sa pamamagitan ng pagpapasapit ng pagkapuksa. Ang gayong paglalapat ng mga kahatulan ay hindi para lamang magtanghal ng pisikal na lakas o matinding kapangyarihan. Sa ilang kaso, ang salitang Hebreo na isinaling ‘hatol’ (mish·patʹ) ay isinalin din bilang “katarungan” at “yaong tama.” (Ezr 7:10; Gen 18:25) Idiniriin ng Bibliya na si Jehova ay “maibigin sa katuwiran at katarungan,” kaya naman kalakip sa kaniyang paglalapat ng mga kahatulan ang dalawang katangiang ito.—Aw 33:5.
Kung minsan, ang Diyos ay naglalapat ng kahatulan sa mga tao dahil sa kanilang balakyot na paggawi sa pang-araw-araw na buhay. Ang Sodoma at Gomorra ay halimbawa nito. Siniyasat ni Jehova ang mga lunsod na iyon at nakita niya na napakabigat ng kasalanan ng mga naninirahan doon, kaya naman ipinasiya niyang wasakin ang mga lunsod. (Gen 18:20, 21; 19:14) Nang maglaon, isinulat ni Judas na ang mga lunsod na iyon ay dumanas ng “parusang hatol [sa Gr., diʹken; “kahatulan,” Da; “katarungan,” Yg; “ganting katarungan,” ED] na walang-hanggang apoy.” (Jud 7) Samakatuwid, isang “araw” ng paghuhukom ang naranasan ng mga lunsod na iyon.
Isang usapin sa batas ang ipinakipaglaban ni Jehova sa sinaunang Babilonya, na malaon nang kaaway ng Diyos at ng kaniyang bayan. Dahil sa labis na kalupitan ng Babilonya sa mga Judio, anupat wala siyang balak na palayain sila pagkatapos ng kanilang 70-taóng pagkatapon, at dahil iniukol niya kay Marduk ang kapurihan ng kaniyang tagumpay laban sa bayan ng Diyos, ang Babilonya ay naging karapat-dapat sa paghatol. (Jer 51:36; Isa 14:3-6, 17; Dan 5:1-4) Sumapit iyan sa Babilonya noong 539 B.C.E. nang pabagsakin ito ng mga Medo at mga Persiano. Yamang ang kahatulang inilapat ay nagmula kay Jehova, ang panahong iyon ay matatawag na “araw ni Jehova.”—Isa 13:1, 6, 9.
Sa katulad na paraan, inihula ni Jeremias na ang Diyos ay “papasok sa paghatol” sa Edom at sa iba pang mga bansa. (Jer 25:17-31) Kaya naman, ang bansang ito na nagpakita ng pagkapoot kay Jehova at sa kaniyang bayan ay dumanas ng mapamuksang paghatol noong “araw ni Jehova.”—Ob 1, 15, 16.
Nang magtaksil ang Juda at Jerusalem at maging karapat-dapat sa paghatol ng Diyos, nangako siya na “maglalapat [siya] sa gitna [nito] ng mga hudisyal na pasiya.” (Eze 5:8) Noong 607 B.C.E., dumating ang “araw ng poot ni Jehova” kalakip ang mapamuksang paghatol. (Eze 7:19) Gayunman, may isa pang “araw,” o panahon, ng paghatol na inihula laban sa Jerusalem. Inihula ni Joel na ibubuhos ang espiritu bago sumapit ang “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joe 2:28-31) Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., sa ilalim ng pagkasi ay ipinaliwanag ni Pedro na natutupad na sa kanila ang hulang iyon. (Gaw 2:16-20) Ang mapamuksang “araw ni Jehova” ay dumating noong 70 C.E. nang ilapat ng mga hukbong Romano sa mga Judio ang kahatulan ng Diyos. Gaya ng inihula ni Jesus, iyon ay “mga araw para sa paglalapat ng katarungan.”—Luc 21:22; tingnan ang PAGPUKSA, PAGWASAK.
Panghinaharap na mga Panahon ng Paglalapat ng Kahatulan. Bukod sa mga hula sa Hebreong Kasulatan, binabanggit ng Bibliya ang panghinaharap na mga araw ng paghatol na may kalakip na pagpuksa. Inihula ng Apocalipsis ang panahon kung kailan lubusang susunugin sa apoy ang “Babilonyang Dakila.” Ilalapat sa kaniya ang parusang hatol na ito dahil sa kaniyang pakikiapid sa mga bansa at sa pagkalasing niya sa dugo ng mga saksi ni Jesus. (Apo 17:1-6; 18:8, 20; 19:1, 2) Binanggit ni Pedro ang isa pang paglalapat ng kahatulan nang tukuyin niya ang nangyari noong araw ni Noe at ihula niya ang pagdating ng isang “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2Pe 3:7) Sinasabi sa Apocalipsis na ang gayong pagpuksa ay ilalapat ng isa na tinatawag na “Ang Salita ng Diyos.” Sasaktan niya ang mga bansa sa pamamagitan ng isang mahabang tabak. (Apo 19:11-16; ihambing ang Jud 14, 15.) Gayundin, noong unang siglo ay napatawan na ng hatol ang Diyablo, at alam ng mga demonyong pinamamahalaan niya na ihahagis sila sa kalaliman, gaya rin ni Satanas. (1Ti 3:6; Luc 8:31; Apo 20:1-3) Kaya naman, ang paghuhukom na naghihintay sa kanila ay paglalapat lamang ng kahatulan na patiuna nang naipasiya.—Jud 6; 2Pe 2:4; 1Co 6:3.
Maaaring Kaayaaya o Di-kaayaaya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang karamihan sa paglitaw ng mga salitang ‘hatol’ at “paghuhukom” (sa Gr., kriʹsis at kriʹma) ay malinaw na tumutukoy sa di-kaayaayang hatol. Sa Juan 5:24, 29, ang “paghatol” ay ipinakitang kabaligtaran ng “buhay” at “buhay na walang hanggan,” sa gayo’y nagpapahiwatig ng di-kaayaayang hatol na nangangahulugan ng kamatayan. (2Pe 2:9; 3:7; Ju 3:18, 19) Gayunman, hindi lahat ng di-kaayaayang hatol ay humahantong sa pagkapuksa. Makikita ito sa sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 11:27-32 tungkol sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Kung hindi wastong napag-uunawa ng isang tao ang kaniyang ginagawa, posibleng kumain at uminom siya ng “hatol laban sa kaniyang sarili.” Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Kapag tayo ay hinahatulan, dinidisiplina tayo ni Jehova, upang huwag tayong mapatawan ng hatol kasama ng sanlibutan.” Samakatuwid, maaaring tumanggap ng di-kaayaayang hatol ang isa ngunit hindi iyon hahantong sa walang-hanggang pagkapuksa kung siya’y magsisisi.
Ipinakikita rin ng 2 Corinto 5:10 na may hatol na kaayaaya. Tungkol sa mga mahahayag sa harap ng luklukan ng paghatol, sinasabi ng talatang iyon: “[Makakamit] ng bawat isa ang kaniyang gantimpala . . . ayon sa mga bagay na isinagawa niya, ito man ay mabuti o buktot.” Maliwanag na ang paghatol na binanggit sa Apocalipsis 20:13 ay magdudulot ng kaayaayang resulta para sa marami. Ang mga patay na tatanggap ng di-kaayaayang hatol ay ihahagis sa “lawa ng apoy.” Gayunman, ang ibang mga patay ay tatanggap ng kaayaayang hatol, palibhasa’y nasumpungan silang “nakasulat sa aklat ng buhay.”—Apo 20:15.
Personal na Magsusulit sa Araw ng Paghuhukom. Alam ng mga Hebreo noon na personal silang pagsusulitin ng Diyos sa kanilang paggawi. (Ec 11:9; 12:14) Binanggit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pagdating ng isang espesipikong yugto, o “araw,” kung kailan indibiduwal na hahatulan ang mga tao, kapuwa ang mga buháy at ang mga patay.—2Ti 4:1, 2.
Kung sino ang mga hukom. Sa Hebreong Kasulatan, sinasabing si Jehova ang “Hukom ng buong lupa.” (Gen 18:25) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tinatawag siyang “Hukom ng lahat.” (Heb 12:23) Gayunman, inatasan niya ang kaniyang anak upang humatol para sa kaniya. (Ju 5:22) Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay “inatasan” at “itinalaga” na magsagawa ng paghatol. (Gaw 10:42; 17:31; 2Ti 4:1) Yamang si Jesus ay binigyan ng Diyos ng gayong awtoridad, hindi nagkakasalungatan ang teksto na nagsasabing ang mga indibiduwal ay “tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos” at ang talata na nagsasabing sila’y ‘mahahayag sa harap ng luklukan ng paghatol ng Kristo.’—Ro 14:10; 2Co 5:10.
Sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga apostol na kapag umupo siya sa kaniyang trono sa “muling-paglalang,” sila rin ay “uupo . . . sa labindalawang trono” upang humatol. (Mat 19:28; Luc 22:28-30) Binanggit ni Pablo na ang mga Kristiyanong “tinawag upang maging mga banal” ay hahatol sa sanlibutan. (1Co 1:2; 6:2) Bukod diyan, sa pangitain ay nakita ng apostol na si Juan ang panahon kapag tumanggap na ng “kapangyarihang humatol” ang ilan. (Apo 20:4) Batay sa mga tekstong nabanggit, maliwanag na kabilang sa mga ito ang mga apostol at ang iba pang mga banal. Ang ganiyang konklusyon ay sinusuportahan ng natitirang bahagi ng talata, na bumabanggit sa mga mamamahalang kasama ni Kristo sa panahon ng Milenyo. Samakatuwid, ang mga ito ay magiging mga haring hukom kasama ni Jesus.
Tiyak na makatarungan ang paghatol na isasagawa sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat ‘ang mga kahatulan ni Jehova ay totoo at matuwid.’ (Apo 19:1, 2) Matuwid at totoo rin ang paghatol ng kaniyang mga inatasan. (Ju 5:30; 8:16; Apo 1:1; 2:23) Hindi nila babaluktutin ang katarungan ni ikukubli man nila ang katotohanan.
Nasasangkot ang pagkabuhay-muli. Nang gamitin ni Jesus ang pananalitang “Araw ng Paghuhukom,” tinukoy rin niya ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Binanggit niya na posibleng tanggihan ng isang lunsod ang mga apostol at ang kanilang mensahe, at sinabi niya: “Higit na mababata ng lupain ng Sodoma at Gomorra ang Araw ng Paghuhukom kaysa ng lunsod na iyon.” (Mat 10:15) Bagaman maliwanag na gumamit siya rito ng hyperbole (yamang walang-hanggang pagkapuksa ang sumapit sa Sodoma at Gomorra), ipinahihiwatig ng kaniyang pananalita na may isasagawang panghinaharap na paghuhukom sa ilan na nagmula sa unang-siglong lunsod na iyon ng mga Judio. (Ihambing ang Mat 11:22-24; Luc 10:13-15; Jud 7.) Mas malinaw pa ang sinabi ni Jesus na “ang reyna ng timog ay ibabangon sa paghuhukom.” (Mat 12:41, 42; Luc 11:31, 32) Mauunawaan nang husto ang mga pananalita sa Bibliya tungkol sa paghatol ni Jesus “sa mga buháy at sa mga patay” kung isasaalang-alang na may magaganap na pagkabuhay-muli sa Araw ng Paghuhukom.—Gaw 10:42; 2Ti 4:1.
Makikita sa Apocalipsis 20:12, 13 ang huling indikasyon na marami sa mga hahatulan sa Araw ng Paghuhukom ay mga taong binuhay-muli. Inilalarawan doon ang mga indibiduwal na “nakatayo sa harap ng trono.” May binabanggit na mga patay, at sinasabi rin na ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila. Ang lahat ng mga ito ay hinatulan.
Kung kailan magaganap ang Araw ng Paghuhukom. Sa Juan 12:48, iniugnay ni Kristo sa “huling araw” ang paghatol sa mga tao. Ayon sa Apocalipsis 11:17, 18, may magaganap na paghatol sa mga patay kapag kinuha na ng Diyos ang kaniyang dakilang kapangyarihan at nagsimula na siyang mamahala bilang hari sa pantanging paraan. Binibigyang-linaw pa ito ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring nakaulat sa Apocalipsis kabanata 19 at 20. Binanggit doon ang isang digmaan kung saan papatayin ng “Hari ng mga hari” “ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” (Patiuna na itong tinukoy sa Apocalipsis [16:14] bilang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”) Pagkatapos ay igagapos si Satanas sa loob ng isang libong taon. Sa panahon ng isang libong taon, maglilingkod ang mga haring hukom kasama ni Kristo. Sa konteksto ring iyon, binanggit ang pagkabuhay-muli at ang paghatol sa mga patay. Samakatuwid, ito’y isang pahiwatig kung kailan magaganap ang Araw ng Paghuhukom. At kung ibabatay sa Kasulatan, hindi imposible na tawaging isang “araw” ang isang yugto na may habang isang libong taon, sapagkat binabanggit ng Bibliya ang gayong pagtutumbas.—2Pe 3:8; Aw 90:4.
Saligan sa paghatol. Upang ilarawan kung ano ang mangyayari sa lupa sa panahon ng paghuhukom, sinasabi ng Apocalipsis 20:12 na ang mga patay na binuhay-muli ay ‘hahatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa.’ Hindi sila hahatulan salig sa kanilang mga gawa bago sila namatay, dahil ayon sa alituntuning nasa Roma 6:7: “Siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.”
Gayunman, sinabi ni Jesus na dahil sa pagtangging magbigay-pansin sa kaniyang makapangyarihang mga gawa at magsisi o dahil sa hindi pagtugon sa mensahe ng Diyos, magiging mahirap para sa iba na batahin ang Araw ng Paghuhukom.—Mat 10:14, 15; 11:21-24.